Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karl Allen Nov 2015
(On love by Kahlil Gibran ; A Translation)
Kung magkataon na tawagin ka ng pag-ibig, sumunod ka,
Kahit pa ang daan niya'y mahirap at matarik.
At kung yakapin ka ng kanyang mga pakpak ay magpaubaya ka,
Kahit pa ang mga punyal na nakatago sa kanyang mga balahibo ay kaya kang sugatan.
At kung mangusap siya sa iyo ay maniwala ka,
Kahit pa ang kanyang tinig ay kayang durugin ang iyong mga pangarap
Tulad ng pagsira ng hanging habagat sa mga halamanan.

Sapagkat kung paano ka parangalan ng pagibig ay ganoon ka din niya ipapako sa Krus.
‘Pagkat kahit pa siya'y para sa iyong paglago ay ganun din siya para sa iyong pagka-bulok.
Kahit pa pinayayabong ka nito sa iyong pinaka-mataas at hinahaplos ng liwanag nito ang iyong mga sanga,
Ganoon din niya huhugutin ang iyong mga ugat mula sa pagkakabaon nito sa lupa.

Tulad ng mga butil ng mais ay itinatali ka nito sa kanyang sarili.
Binabayo ka niya upang mahubdan
Ginigiling hanggang sa kuminis.
Minamasa hanggang sa lumambot
At ika'y kanyang isasalang sa kanyang banal na apoy, upang ika'y maging banal na alay na ihahain sa banal na pista ng Panginoon.

Ang lahat ng ito'y gagawin ng pagibig upang malaman mo ang mga lihim ng iyong puso, at sa kaalamang iyon ay maging bahagi ng puso ng buhay.

Ngunit kung sa iyong pagkatakot ay hanapin mo lamang ang kapayapaan at kasiyahan ng pagibig,
Ay mabuti pang ika'y magbihis at lumiban sa kanyang giikan,
Sa isang mundong walang kulay kung saan ikaw ay tatawa, ngunit hindi
lahat ng iyong kasiyahan, at iiyak, ngunit hindi lahat ng iyong luha.
Walang ibinibigay ang pagibig kundi ang kanyang sarili at walang tinatanggap kundi ang galing din sa kanya.
Ang pagibig ay hindi nang-aangkin at nagpapa-angkin ;
Sapagkat ang pagibig ay sasapat lamang sa pagibig.

Kapag ika'y umibig hindi mo dapat sabihing, “Ang Diyos ay nasa aking puso,” kung hindi, “Ako ay nasa puso ng Diyos.”
At 'wag **** isipin na kaya **** diktahan ang pagibig, 'pagkat ang pagibig, kung matantong ika'y karapat-dapat, ay ididikta sa iyo ang iyong landas.

Walang kagustuhan ang pagibig kung hindi tuparin ang kanyang sarili.
Ngunit kung ikaw ay umibig at mangailangan, maging ito ang iyong kailanganin:
Ang matunaw at umagos na parang batis na umaawit sa gabi.
Ang malaman ang sakit ng lubos na pagaaruga.
Ang masugatan sa iyong sariling kaalaman ng pagibig;
At masaktan ng kusang-loob at may ligaya.
Ang gumising sa bukang-liwayway ng may pusong kayang lumipad at magbigay pasasalamat sa isang bagong araw ng pagibig;
Ang magpahinga sa tanghali at magnilay sa sarap ng pagibig;
Ang umuwi sa hapon ng puno ng pasasalamat;
At matulog nang may panalangin para sa minamahal sa iyong puso at awit ng papuri sa iyong mga labi.
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
Hanzou Jul 2019
Binibini, isang liham ang aking isinulat para sa iyo,
Maaari mo bang ibahagi sa akin ang kislap ng iyong kagandahan?
Marami ang nakakakita ng kagandahan ngunit, naipakita mo na ba ang kailaliman?
Sa isang kupas na imaheng namumuo sa aking isipan,
Higit pa ang kalawakan at kung maikukumpara ko sa mga tala sa kalangitan,
Iisa ang isinasaad ng iyong kagandahan. Yun ay ang kalungkutan.
Isang sulyap na tila ba wala ka ng ibang nanaisin pa, o hihilingin.
Ang paghahangad ay labis subalit sasapat sa nagkukulang kong damdamin.
Binibini, bakit nga ba namumuo sa'yong mata ang labis na kalungkutan?
Bakit tila, sa aking pananaw ay nagsasabi na ika'y pagod na?
Bakit ako ang nakakakita ng iyong paghihirap?
Binibini, sa kabila ng lahat ng iyon, nagagawa mo parin na magtiis?
Hanga ako sayo binibini.
Hindi lang paghanga ang aking nadarama.
Higit pa sa matatamis na salita.
Higit pa sa pagpaparamdam ko sa'yo.
Binibini, lubos akong nagmamahal sa iyo.
Maaari ba'ng ako naman ang pakinggan mo?
Na sana ay makarating sa'yo ang lahat ng hangad ko?
Hangad ko ang iyong kaligayahan.
Ngunit hindi ko maipapangako na sa bawat sandali ay naroroon ako para sa iyo.
Hindi ko maipapangako na hindi kita sasaktan.
Hindi ko maipapangako sa iyo na ang bawat alaala sa aking piling ay magiging espesyal.
Sapagkat sa likod ng matatamis na salita ay ang pagkukubli ng masamang hangarin.
Hangarin na ika'y saktan.
Hangarin na sa bawat pangakong binitawan ay walang matupad.
Hangarin na iwanan ka'ng nag-iisa.
At hangarin na mag-iiwan sa iyo ng bakas na magdudulot ng iyong pagkahina.
Hindi ko man maipangako na hindi ka saktan,
Ang aking saloobin sa iyo ay totoo at walang bahid ng kasamaan.
Hindi ko man magawang makapunta sa iyong tabi,
Nakasisiguro ako na makararating sa'yo ang aking alab na damdamin.
Jose Remillan Nov 2013
Napatag na ang hindi mapatag ng
Sanlaksang idelohiya't pananampalataya.
Panata ito ng kalawakan. Lilinisi't lilipulin
Yaong hindi umaayon sa itinakdang

Orden ng katutubong balanse ng ulan
At hangin, ng dagat at pagkamulat,
Ng  lupa at pagtatangka. Hindi sasapat
Ang libu-libong bangkay na nakahundasay

Sa mga lansanga't simbahan dahil malaon
Nang naagnas na bangkay ang ating
Kamalayan. Malaon nang umahon si
Kamatayan sa anyo ng kasakiman sa

Kayamanan, at tayo bilang mga kalakal
Na nagpapatiwakal sa ngalan ng kaligayahan
Sa anyo ng kasaganaan. Hindi sasapat ang
Mga pagtangis ng mga ama't ina, ng mga

Anak at kapatid, dahil matagal nang
Tumatangis ang Inang unang naghandog ng
Paraiso sa atin. Saan nga ba tayo patungo?
"Tayo'y mga punong matayog ang pangarap,

Ngunit sa lupa'y laging nakaugat..."
Sa ala-ala ng mga nasawi sa paghagupit ni Yolanda sa Filipinas.

University of the Philippines-Diliman
Quezon City, Philippines
November 13, 2013
Krysel Anson Sep 2018
Dito sa Lungsod ng mga siksikang tren
sa umaga at sa gabi ng paglubog sa mga makinarya,
Ang sentro ng  pabrikang papel at usok, na buong bilis
sa inaliping katapatan at tapang
ay naninirahan palagi sa piling
ng mga madaming mga ipis at daga.

May nalilimutan na mahalaga tungkol
Sa tahimik na hele ng mga flourescent na ilaw, kaalwanan
ng mga matatayog na pangako ng condo't bagong mga kainan, magagarang mga pabuya.
Mga panibagong mga tagisan ng lakas
sa mga makabagong Coliseum ng Roma,
sa bawat amoy ng dugo at bagong silang.

May tipo ng sukal na wala sa mga gubat, at tunog ng mga
malalakas na putok ng baril na wala sa digmaan.
Tila sa kahit anong panahon, mag-alsa man mismo ang Kalikasan
at magpadala ng Tsunami,
magpalindol at magpaputok ng bulkan
sa panahon ng kakaibang asul at pula na buwan
sa pagkakabuwal ng bagong bilang
ng mga magsasakang sa mga mass-suicide
mula India, Korea, at Pilipinas dahil sa di-pantay
na mga batas kalakalan:

Ipadala man ng mga makata't hukbong
gerilya ang kanilang pinakamatikas at
pinakamatatapat na mga bilang sa mga pagsubok
ng panibagong mga pag-aaral at pagsasapraktika,
maaaring Puting Elepante din ang
hindi sasapat ang kabayaran para sa mga utang
na dapat matagal nang nabura at naigpawan.

Mula sa lakas at pwersa hindi lang ng mga diyos
ng mga sari-saring pampulitikang mga pormasyong nagdidirehe
sa mga kilos ng mga taong kapit na sa patalim,
Kung hindi mula din sa lakas ng mga nangahas mabuhay
at lumikha ng mga paraan para makapagpatuloy na
makapagaral ng sariling pagkamulat:

Ang kaaway na papel na salapi o papel na tigre
ay nilikha din ng tao para din lamang
maunawaan ang mga sariling kahinaan,
mamulat sa mga repleksyon ng mga nagbabagong
sarili sa gitna ng unos, upang matiyak ang yapak at
mabuo ang mga hanay at kahandaan ng mga
unang hawan, at huling mga walis.
Ang mga kalabisan ay para lamang mapatingkad
ang kahinaang dala ng kasaysayang nagluwal,
ang kawalan ng pagpapahalaga sa binubuhay na mga palitan.#
English Translation to follow.
MM Oct 2018
Salamat sa hinanakit
Salamat sa sakit
Salamat sa pait
Natuto akong muling kumapit
Ang mga paa ko ay muling lumapit
At natutunan ko na sa tamang tao, ako ay sasapat

Hindi kailangang ipilit
O sa mabubulaklak na salita ang dila ay magkapili-pilipit
Iaaalay nang buo ang marami pang tula at awit
Sa tamang tao, ako ay sasapat

Hindi na hadlang ang agwat
Mas pinatunayan na walang mahirap basta’t tapat
Ngayon ay maiaalay na ang mga sulat
Sa tamang tao, ako ay sasapat

Hindi kami apat
Walang mga kaibigang sa pagtatago at panloloko’y kasabwat

Malilimot na ang hinanakit
Mapapawi na ang sakit
Mawawala na ang pait

Dahil sa tamang tao, ako ay sasapat
Alaala ang pinakamalapit na tugma
Ng mga tala.
Kapahina ang kakambal nitong
Pinakamapait na salita: Pangungulila.
Nang pagtingala
Sa buwan na ningas ng maamo **** mukha.

Kaya, sa kawalan ay mapapako.
Mapagtatantong
Bituin ka sa apat kong dako.
Hilaga, Kanluran, Timog, at Silangan.
Doon kita matatagpuan.

Ikaw, ang siphayo ng malamig na gabing pinili kong makasanayan.
Ikaw na siyang unan, kumot, at hanap-hanap kong dantayan.

Ikaw, ang pinakamataimtim na bulong sa mga bulalakaw.
Ang nag-iisang hiyaw.
Na kung hahamunin man akong bigyang-kahulugan ang salitang balang-araw,
Ang isusulat kong depinisyon ay ikaw;
Ang pinakainaabangan kong bukas
Matapos sariwain ang kahapon at nakalipas.

Ikaw ang uniberso.
Wari'y ang lawak ng kalawakan
Maging ang mga kislap nitong hindi pa natutuklasan ninuman,
ay hindi sasapat kung ikaw ay aking ilalarawan.
Ikaw na napiling pag-alayan ng pag-ibig na matagal kong inipon at iningatan.

At wala akong ibang maramdaman
Kundi matuling ikot ng mga planeta
At mga nagbabanggaang kometa.
Subalit hanggang kailan?

Mahal, kapos ang haba at katahimikan ng gabi para lamang pakinggan ang dalawang pusong nagsisimulang bumuo ng kanilang istorya.

Araw ay marahang pinasisingkit na ang mga mata.
Umaga na subalit mahal pa rin kita.
Sinta, tinatangi kita.

-wng
I don't have enough words to convince you how real this is; how deep I feel; this is the most I can give you.
JOJO C PINCA Dec 2017
May nag-aalab na damdamin sa loob ng aking dibdib.
Isang galit na hindi humuhupa parang sugat na lumalala.
May tanong na hanggang ngayon ay hindi mahanapan ng sagot.
Napapagod ang diwa ko pero walang makitang kapahingahan.
Nauuhaw ako subalit tila hindi sasapat ang tubig.
(mabuti na lang at may serbesa at alak na masasandalan)
May sapot sa isipan ko kaya hindi makita ang hantungan.
Wala akong magawa kundi harapin kung ano ang meron ako,
Hindi naging mabait ang kapalaran at naging maramot ang buhay.
Ang kaligayahan ay parang mailap na ibon ,
mahirap mahuli at hindi madaling mahawakan.
Lungko’t at pagdurusa ang matalik ko’ng kaibigan.
May mga magdamag na ayaw ko nang magwakas,
Mga pagkahimbing na ayaw ko nang magising,
Mga umagang ayaw ko nang tanawin.
Ito ang palad kong hatid na kailangan ko’ng harapin.
Haharapin kahit may hinanakit at panghihinayang,
Haharapin dahil kailangang gawin,
Tulad ng ginawa ni Sisyphu ang lahat ng lungkot at hirap ay aking haharapin.
Taltoy May 2017
Ina
Kay tagal nating nakasama,
Sa katunayan, mula pa noong umpisa,
Hindi byo kami tinalikuran,
Magkagulo man, di nyo kami iiwan.

Kayo ang aming naging ilaw,
Upang ang daang ito'y matanglaw,
Aming sandigan at karamay,
Lalo na sa mga pagsubok nitong buhay.

Di kakayanin ng kahit anong kalatas,
Matumbasan ang sakit na inyong dinanas,
Kahit ilang beses pa magpasalamat,
Sa mga sakripisyo nyo'y di sasapat.

Ngunit ganyan nga naman talaga,
Sa kasalukuya'y wala pa kaming magagawa,
Ngunit sana, sa paglipas ng panahon,
Umiba ang direksyon ng mga alon.

Kasalukuya'y kami'y hanggang "salamat",
Upang bigyang halaga ang pinagdaanan n'yong maalamat,
Mga bagay na kayo at kayo lamang ang makapagbibigay,
Katulad nitong tinatamasa naming buhay.

Kaya sana tanggapin nyo itong aming handog,
Galing sa'ming mga pagkataong kayo ang humubog,
Ang aming pasasalamat na tunay,
Para sa inyo, mga inang walang kapantay.
Happy Mother's Day!!!!
George Andres May 2016
May silong at hangin
Sa bagsik ng tirik,
Kung sumuong lalagkit
Puno't halaman

May tubig at init
Malakas na kampay
Umaalon
Umaalulong

Maginhawang buhay
Pipiliin ba?
Kapalit ng lahat
Ikaw ba sakali'y sasapat?

Himukin man
Sisirin ang ugat
Maghintay ng tagak
Lagpak-lagpak
41916
Bb Maria Klara Jan 2021
Ikaw ay isang pambihirang hika
na hindi mailarawan sa anumang wika;
Ang pagnais sayo ay tulad ng ubo,
Sa pagsikip ng dibdib ikaw ay tumubo.

Ang pagtanging naganap ay bukod tangi at
mainit, tila isang pagsibol ng lagnat.
Pangalan mo ay pahirap sa aking lalamunan
daig pa likidong apoy sa matinding inuman.

Tila ako'y nawalan ng panlasa,
sapagkat napaibig sa irog ng masa.
Na-abisuhan man lamang sa idudulot na sakit
ng hamak at panandaliang pagkaakit.

Walang manggagamot ang nakakilala sa kaso
nitong nakakawalang-hiyang trangkaso.
Walang mabuting dinulot sa katawan:
sinumpaang pangangailangan lamang ng laman.

Nawa'y ang pagkalalin ay hindi nakahahawa
sapagkat sa ngayo'y mag-isang tumatawa
dahil sa pagtangkilik lamang ng mga alaala.
(Isa sa mga sintomas na talagang lumala.)

Sa kabila ng pagkilala na ito'y sakit lamang sa ulo;
ipinatili hanggang sa luha ay tumutulo.
Itinuloy ang pananabik sa tuwina,
kunwari ang gawain ay ligtas na bitamina.

Ang ibubunga ay malalaman lamang sa wakas
kung sasapat pa ba ang natitirang lakas
upang sugpuin ang delikadong damdamin
at ang sariling katinuan ay panatiliin.

Sa kabila nga ba ng mga dinanas,
may matatagpuan bang ganap na lunas?
Upang lahat ng aspeto'y manatiling malusog
at sa karapat-dapat na lamang ang loob ay mahulog?

Masakit na uri ng pangangalaga,
ang payapang makakamit ay mahalaga.
Wala lamang ito sa sapat na distansya;
kailangan rin ang pagpaparaya.
2019 was the year of the heartbreak that I thought was going to **** me. 2020 was the year of the virus I thought was going to **** me. 2021 cannot POSSIBLY be worse; this is me synthesizing both killer life experiences thanks
meliza Jun 2018
tila mapurol na ang gamit na patalim
na sa bawat pagbakas ay lalong dumidiin
baka sa susunod, sasapat na ang lalim
para makalimutan ang bagay na madilim

may dala-dalang bagahe na balak lunurin
sa iilang bote ng matapang na inumin
umaasang tulad nito sana ay ako rin
(maging matapang, o malunod din?)

magpaplano sa isip ng sariling libing
idadaan na lang sa yosi at paglalasing
hanggang atay at baga ko'y maging itim
para terno sa damit ng mga dadating

isa pang sigarilyo ang ilalagay sa bibig
pilit lalanghapin ang nikotina sa dibdib
hanggang di na matukoy ang dahilan ng sakit
hanggang makalimutan ang lahat ng pait.
i havent written for a while. it seems like i've completely lost the ability to write.
Pluma Feb 2018
Pumarito sa aking tabi kung saan ang mga salita ay hindi laging kakailanganin,
Batid ang 'yong mga hinaing at hinagpis ngunit hindi na kailangang sabihin.

Dito na lang kung saan sasapat ang pagdausdos ng ating mga palad, higit na ang pagsulyap sa mga mata **** iba ang tinatangan,
Dito kung saan hindi kailangang magpaliwanag -- kahit hindi naiintindihan ay mamahalin ka sa paraang nararapat bagama't lingid sa'yo.

Pumarito na lamang kung saan ang bawat paghinga'y tulang ikinukubli ang hapdi, kirot, at sakit,
Mga agam-agam at handusay ng lumbay.

Sino nagsabing hindi ka maaaring ibigin mula sa kalayuan? Kalokohan.

At kung sa wakas ay matunton mo ang daan patungo rito,
Sana'y manatili ka.

Manatili tulad ng pananatili ko sa walang kasiguraduhan,
Manatili na parang aking mga mata sa tuwing nakatitig sa'yo na tulala sa kawalan, sa kanya,
Manatili ka sana,
Manatili kahit panandalian.

Kung sasapit ang unos at nanaisin **** lumisan, ang dagliang pagbitiw ay hindi maipapangako ngunit hindi kita pipigilan,
Sapat sa akin ang pinagtagpi-tagping kapos at maikling panahon, ang mga nakaw na sandali ng kahapon, ang pakikipaglaro sa tadhana na kunwari, ikaw na talaga.

Sapat sa akin ang pumarito,
Sa pagdausdos ng mga palad mo sa mga palad ko,
Kung saan ang mga salita ay hindi na kakailanganin,
Dito sa walang akin.
Angel Mar 2020
Saan nga ba patungo
ang ating kwentong nasimulan?
Ito ba'y aabot sa
dulo nang walang hanggan?

Tayo kaya'y magiging matatag
hanggang sa araw na itinakda,
O tayo kaya'y bibitaw rin
dahil sa pagsubok na hindi alam kung saan mapupunta.

Ang ugali ko kaya'y iyong mapagtitiisan
sa mga araw na magdadaan pa,
O ako rin ay iyong iiwan at
sasabihin hindi mo na kaya.

Malalampasan kaya natin ang
mga balakid sa ating pag-iisang dibdib?
O ito'y hindi mapagtatagumpayan
dahil sa sakit at pighati.

Sasapat ba ang aking pag-ibig na busilak
at hangaring tama?
O ika'y makukulangan at maghahanap
parin ng iba.

Ako sana'y iyong pag-ingatan pati
na rin ang aking pusong nagmamahal
Sapagkat ako sa iyo'y tapat
at walang ibang hangad kundi ang iyong kaligayahan.
Lecius Jan 2021
Sa pag-lubog ng araw, dahan-dahan sabay ko nanaman bibilangin ang mga t'yansang naging panghihinayang-- na sana'y para sa atin. Ang mga pag-kakataon na ngayon ay hanggang sakop na lamang ng aking paningin.

Sa pag-usbong buwan ay ang pag-patak ng luha, habang saksi ang napakaraming mga tala. Wala namang pilat o sugat, subalit nakararamdam ako ng bahid ng  pait at sakit, na tila ba matagal nang sa akin ay nakadikit.

Papalalim pa lamang ang makulay na gabi, subalit naririnig na ang aking mahinang pag-hikbi. Sa maliit at masikip na silid, na kung saan walang ibang nakamamasid. Hahayaang mga mata'y mamaga ng tuluyan, dahil ako naman ang may kasalanan, kung bakit s'ya tuluyang binitawan.

Sinisisi parin ang sarili sa naging desisyon kahapon, binabangungot parin ako ng mga opurtunidad na tuluyang nabaon. Paano kaya kung pinili ko noon umamin? Paano kaya kung pinili ko noon sumugal, at hindi natakot sa kanilang mga sasabihin? May pag-asa kaya aking pag-tingin?

Ngunit kahit ano man kayraming pag-hikbi aking gawin, pilitin man sarili hapdi tuluyang limutin, ay hindi parin ito sasapat, lalo pa kung ang nawala ay ang pinakamamahal mo na tapat. Na para sa'yo s'ya lamang tanging karapatdapat.
Levin Antukin May 2020
Tara.
Umpisahan natin
ang malikhaing pagbabahagi
ng aking mga kuwento.
Hindi na mabilang ang titik
na maingat na inuukit sa isipang
hitik sa karanasan at emosyon ngunit kailan
sasapat yaong mga nilikhang tula kung ikukubli lamang?
Kaya inihahandog ko ang sarili simula sa isang salita
at dinagdagan bawat linya. Ngayong nasa ika-sampu na, hindi mamamaalam


bagkus, maligayang pagdating!
[Filipino] a short poem, structured with lines increasing in word count per line (fr 1-10),  I wrote to get in HelloPoetry.

— The End —