isang musmos na lahi
isang munting nasyon
parang itinanim na buto
itinakdang
sumibol at lumago
sa paglaon ng panahon
nag-aabang, naghihintay
puno nang sabik
pero kay tagal dumating
tayo ay nainip
tadhana nating tagumpay
kailan kaya makakamit
kasi
apat na raang taon
hanggang ngayon
lulong pa rin sa putik
nangangapa, nadadapa sa dilim
mga butong nanginginig sa lamig
mga isla
pitong libong isang daan at pito
ito
ang ating lupang sinilagan,
tahanan ng ating lahi
pero nga bahay ba ito o burol?
mga pangarap na
masilayan ang mga sinag ng araw at
mahagkan ang malayang langit
mananatili lang bang panaginip dito
sa bayang natutulog
o kaya namang natutulog lang kunwari
tanggapin mo na lang na
humikbi, humagulgol,
ibuhos mo man ang iyong luha
walang darating
kumayod ka man at magdamag magsikap
diligan mo man ang lupa ng pawis
wala
pa ring mangyayari
kasi
dugo
dugo lamang na dumaloy
mula sa mga palad ni Hesukristo
kung ang Kanyang pag-ibig ay
babaha sa lupa
ng parang delubyo
ito ang nag-iisang paraan
ang nag-iisang sagot:
dugo
dugo lamang na ibinuhos
ang tanging
makakatubos
makakaahon
makakaligtas
sa atin
Performed this as spoken word in Creative Faith's Doxa.