Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2019
Umiibig akong matapat ang puso,
sa iyo, O Sintang pithaya ng mundo.
Dilag na bulaklak sa harding masamyo,
sinuyo’t pinita ng laksang paru-paro.

Tinataglay nila’y mararangyang pakpak,
subalit ang nasa’y tanging halimuyak.
Iba sa bagwis kong luksa ang nagtatak,
sa mata ng iba’y isa lamang hamak.

Ako’y dahop-palad, niring mundo’y aba,
sa utos ng puso, ikaw’y sinasamba.
O! ang saklap naman, umagos ang luha,
pagkat lumilihis ang ating tadhana.

At niring landas ta’y lalong pinaglayo,
nang ikaw’y nabihag ng hari ng mundo.
Buong taglay niya’y di tapat na puso, 
tanging hangad lamang ang kagandahan mo.

Sinta ko ano pa ang aking magawa,
kung sa ngalan ng Diyos kayo’y tinali na?
Daloy ng tadhana’y mababago pa ba’t,
panaho’y balikang ikaw’y malaya pa?

Bihag ka na ngayong walang kalayaan, 
hawak ang mundo mo ng lilong nilalang
Wari'y isang ibong ang lipad may hanggan,
at ang yamang pakpak, dustang tinalian. 

Paano O! Sinta yaring abang buhay?
Ikaw’y tanging pintig nitong pusong malumbay.
Kung ikaw ang buhay ng buhay kong taglay,
Sa iyo mabigo’y sukat ng mamatay.

Subalit nasa kong lumawig sa mundo,
sapagkat buhay pa niring pag-ibig ko.
At ikaw O! Sintang namugad sa puso,
napanagimpan kong pinaghintay ako. 

Sa harap ng hirap na di masawata,
tanging asam ko’y lalaya ka Sinta.
At itong pagtiis ay alay ko Mutya,
mula sa puso kong nagdadaralita.

Maghihintay ako sa pagkakahugnos,
sa tanikala **** higpit na gumapos,
sa kalayaan na lubhang nabusabos,
at mariing dulot, galak na di lubos.

Ang aking paghintay akay ng pag-asa,
lawig ng pag-asa’y kambal ang pagdusa.
At ang dukhang pusong batis ng dalita,
tila pinagyakap ang pag-asa’t luha.

O! aking minahal ako’y maghihintay,
kahit walang hanggang paglubog ng araw.
Magtitiis ako sa gabing mapanglaw,
hanggang sa pagsilang ng bukang liwayway.

Yaong sinag nito’y ganap na tatapos, 
sa dilim na dulot ng dusa’t gipuspos.
Sinag na tutuyo sa luhang umagos, 
niring mga matang namumugtong lubos.

Yaong pamimitak ng mithing umaga,
araw na mabihis ng mga ligaya,
ang buhay kong abang tinigmak ng luha,
mula sa kandungan niring Gabing luksa.

Maghihintay ako sa gitna ng dusa, 
kapiling ang munting kislap ng pag-asa.
Magtitiis kahit sanlibong pagluha,
hanggang sa panahong muli kang lalaya.

Maghihintay akong di hadlang ang pagal, 
kahit ang panaho’y lalakad ng bagal.
Magtitiis ako pagkat isang tunay
itong pag-ibig kong sa puso’y bumukal.

Maghihintay kahit dulong walang hanggan,
na pagdaralita’t mga kapanglawan
Kahit di tiyak kong muling sisilang,
ang bukang liwayway na tanging inasam.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Leslie Jade Dec 2017
sa bawat minutong lumilipas
tila may pagkakataong napakabilis
ngunit pasakit dibdib ang pagkabagal
Ang paligid ay nagmimistulang kawalan
Hindi napapansin sa kahihintay
paghintay sa oras na muli kang mangusap
paghintay sa pagasang magtatagal lahat
paghintay sa katagang "babalik" lahat
Lumilipas ang gabing puno ng katahimikan
tanging pagbigkas mo lamang
ang siyang gigising sa diwa
Subalit tila ang paghintay ay walang patutunguhan
Hanggang sa unti unting nang sumuko
pagasa'y nawala
paghihintay ay natigil
hiling ay naglaho


*itigil na ang ilusyong ito.
kingjay Dec 2018
Maginaw ang hamog sa unang ulan ng Disyembre
Naging kristal ang mga alikabok sa Hilaga
Lumaganap ang kahel na tina sa dahon ng Makahiya

Tumataghoy sa kweba ng kapusuan
Ibigay ang sagot sa patlang na kalooban
Himutok ay hindi na lumubay
Nang natagpuan na mayroon ng kasintahan

Napatingala sa langit na lipos ng estrelya
Sa kubo na hinati ng dingding
Sa loob ay ang buhay na ikinatha
Sa kabila naman ay ang mga bagay na dapat ginawa

Ngayon ay nagtagpo ang himakas at dagat
Sa katagalan nang paghintay ng salita upang ibibigkas ay wala rin saysay sa kahuli-hulihan
Sa tugmaang ito'y nasawan

Wiligan ng bendita ang dating sanggol sa kamalayan
Kipkipin at itago ang lampin
Sa ambon, sa bintana ay napaisip
Paano kung hindi natutong magmahal
Euphrosyne Feb 2020
Buhay pa ba ako?
Pakiramdam ko kasi
Sa tuwing nakikita kita
Parang kinukuha na ako
Ng Panginoon.
Oh paraluman
Kakaiba ang iyong taglay
Kalmahan mo lang
Ayokong atakihin sa puso ayokong mabaliw,
Ayokong mapatulala nalamang sa ganda mo,
Ayokong saktan ka
Dahil una palang
Malayo na diyan
Ang intensyon ko sa iyo.
Ginagawa kitang inspirasyon
Sa lahat ng gagawin ko
Ikaw yung gabay
Na para bang pampalakas
Sa tuwing may pagsubok sa buhay ko
Ikaw yung taong asa likod ko
Yung susuporta hanggang dulo
Oh paraluman hindi ba't
Napaka ganda pakinggan iyon?
Oh paraluman
Hindi ako titigil sayo
Walang titigil
Tuloy lang ang laban
aantabayanan parin kita
Tuloy tuloy lang ang paghintay
Oh paraluman
Sana'y sa susunod
Na panahon
May pag asa na ako sayo.
Dahil paraluman
Ikaw ay isang
Nabubuhay na
Kayamanan at
Hulog ng langit.
Oh paraluman
Mahal kita.
Kahit madaming temtasyon sa paligid ikaw parin ang paraluman sa aking mata't puso.
Andy Jun 2020
Ilang buwang pumatak ang pawis at luha
Nagsunog ng kilay sa madaling umaga
Kumuha ng mga pagsusulit
Susi sa pagkamit ng mga pangarap

Sa tagal ng paghintay
Lumabas ang mga resulta
May natuwa sa tagumpay
At ibang binati ng lumbay

Hindi ko man alam ang eksaktong nararamdaman
Tiyak na hindi ito ang katapusan
Hindi ito hatol sa iyong kinabukasan
Malayo pa tayo sa dulo

Patuloy pa rin ang buhay
Iikot pa rin ang mundo
Na grabe kung ito'y mapaglaro
Ang tanging permanente ay pagbabago

Sa iyong paglakbay
Hindi maipapangakong
Makararating sa destinasyon nang walang galos
Ngunit hihilom din ang ano mang sugat

Hindi rin garantisadong laging may ilaw sa daan
Sa kalyeng lalakaran
Baka kailanganing mangapa ka sa dilim
Sa pag-abot ng mga tala

Alin mang landas ang piliing tahakin, pinangarap mo man o hindi
Naniniwala akong mahahanap din ng iyong mga paa
Ang landas patungo sa iyong destinasyon
Kung saan ika'y liligaya

Kung maligaw ka man ay 'wag mangamba
Mahahanap mo rin ang tamang direksyon
Mag-ingat ka sa iyong paglakbay, kaibigan
Padayon!
I wrote this a few weeks ago, on the night that UP (University of the Philippines) entrance exam results were released. On that night, plenty of dreams came true, but a lot of dreams were also crushed with disappointment. Regardless of where we study in college, I hope that we, students, keep moving forward. We are not defined by the university we are enrolled in, but what we learn and use in order to give back and serve our nation.
kingjay Feb 2019
Itinadhanang magkasintahan
sa bituin walang puwang
Ang kapasyahan ng isa't isa ang
tanging magdudugtong upang
mabuo ang konstelasyon

Kasabay ng pagdiriwang ng
Bagong Taon ng dayuhan
Di magkatulad na kalendaryo
Pebrero ba ang unang buwan?

Unang pagtingin
Pangako na ginagatungan ng tiwala
Panghahawakan kung ano ang pinaniniwalaan
maging ito'y kapalaluan man

Ang simula ng panunuyo,
paghintay ng kasagutan
ay kapara ng bulaklak
na sa unang tubo mahalimuyak

Kung madaliin
dahil sa nagaganyakan
mabilis maupos
ang umaalab na kapusukan

Sapagkat iba ang nabigyan
pagkatapos hiningi
sa mga tinanggap na
pawang biyaya

Ganun din sa mga matiyaga
gaya ng mga langgam
Nagpapakahirap sa init ng araw
at nagdanas ng kabagutan ng panahon
bago nakamit ang kaginhawaan

— The End —