Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
w Nov 2016
18
Lahat naman tayo nakaramdam na ng lungkot
Lungkot na hindi mo alam kung saan nagmula
Lungkot na hindi mo alam kung ano ang dahilan
Lungkot na hindi mo alam kung ano ang kinahihinatnan
Pero ang pinaka nakakalungkot sa lahat e yung puno ng tao sa isang kwarto
Puno ng tunog at salita
Puno ng biruan at tawanan
Pero ramdam **** nag-iisa ka
Ramdam **** hindi ka nababagay sa lugar na naroon ka
Sa pagkakataong ito, hindi mo alam kung bakit hindi mo kayang makisali at magkunwaring masaya nalang
Kung sa mga nakaraang araw kinaya mo naman
Nakakapagod ano?
Nakakapagod magkunwaring masaya
Nakakapagod magkunwaring kaya mo pa
Pero alam naman natin
Eto yung pagod na hindi kayang gamutin ng pahinga
Eto yung pagod na hindi kayang idaan sa alak o ng yosi man lang
Eto yung pagod na hindi kayang idaan sa maghapong hilata sa kama
Eto yung pagod na hindi kayang gamutin o kahit dampi ng matinding menthol ng salonpas sa nangangalay na kasu-kasuan
Etong yung pagod na hindi kayang gamutin ng efficascent oil na suki ng buong pamilya
Eto yung pagod na dama ng kaibuturan at kaluluwa
Eto yung pagod na mahirap punan ng lunas kasi hindi mo alam kung bakit ang bigat sa pakiramdam
Iyong pag napabayaan o mali ang diagnosis mo e pwedeng lumikha ng sanga-sangangang maliit at mas komplikadong dahilan ng kapaguran
Kung pwede lang mapawi ang lungkot sa bawat malalim na buntong hininga ang ngalay na dama ng kaluluwa
Yung tuwang hatid damay lahat ng parte ng kabuuan
Isama mo pa pati yung sangkatutak na split ends mas lalo na ang mga pimples na ayaw kang lubayan
Alam ko,  pagod ka narin
Sadyang nakakapagod lang talagang gumising sa umagang walang kulay
Sa mundong malawak at mapaglaro
Sa mga tulang isinulat pero walang laman
Sa mga nasambit na salitang wala man lang naantig
Sa mga matang blanko na walang ningning
Sa mga patok na banat pero hindi naman nakinabang
Sa mga mensahe sa inbox na puro lang chain messages ang laman galing sa kakilala **** di na umahon sa pagiging jejemon
Sa mga text ni Baby aka 8888 na pinapaalala kang expired na pala ang iyong load
Talaga namang nakakapagod ang mundo
Minsan nga nakakagago
Itulog nalang natin 'to, ano?
Ayan tayo e, dinadaan sa tulog ang lahat
Pero malay mo nga naman, baka sakaling sa mahabang paglimot sa mundo, isang panaginip lang pala ang lahat ng sakit
Hindi lang siguro dahil tamad kaya natutulog pero eto na marahil yung senyales ng pagsuko sa laban
Sa pagpiling takasan panandalian ang buhay at baka sakaling sa panaginip matupad ang nais ng puso
Kasi sa totoong buhay ang hirap tanggapin ang bawat sampal ng pagkabigo
Yung bang dalawang klase ng pagkabigo
Yung todo bigay ka sa una pero bokya ka parin
At yung isa naman, yung natatakot ka ng sumunggab at tinikop ka na agad ng takot
Beterana na nga ata sa larangan ng pagiging olats
Nganga kung nganga
Nada kung nada
Itlog kung itlog
Pero hindi pa tapos ang kwento
Malayo pa ang lalakbayin
May natitira pa naman sigurong alas dyan na di pa naitataya
Positibo naman ako na sa negatibong sitwasyon makakaalpas din
Lahat naman ng bagay lumilipas, parang yung paboritong pantalon na sa kakasuot unti-unting kumukupas
Tulad ng chika ng karakter sa pinapanood kong korean nobela, Fighting daw!
Minsan may pakinabang din pala ang pagharap sa telebisyon sa ganitong pagkakataon
Ngayon, alas otso medya ng gabi sinusulat ang mga katagang nais ilabas ng puso
Habang wala pang tugon mula sa itaaas
Salamat sa oras na tibok ng puso
Kakapit muna ako kay Captain Yoo
Sa seryoso pero nakakakilig na ugali,
Sa swabe niyang mga the moves,
Sa grabehan niyang mga titig,
At sa mala-fairytale nilang storya,
Captain, ako nalang please!
Ang huling pagkapagod kong nais ireklamo
Siguro sa paghihintay na may isang Captain Yoo Shijin na darating, na kikiliti sa pagod kong puso at magbibigay ng rasong ipagpatuloy ang labang kinapusan na ng dahilan.
Arya Jan 2019
malamig sa isang silid
may kasamang pighati, saya at lungkot
sa bawat paghinga,
ramdam ang pagbagsak ng luha.

magkakahiwalay na tayo
sakit na tila kinukurot ang puso
sakit na walang ibang lunas,
kundi ang pagsasamahan nating nabuo.

sinulat ko ang tulang ito
para kahit ako'y lilisan na
maaari ko pang balikan lahat.
lahat ng alaala at samahan,

mga alaala na hindi ko makakalimutan,
katulad ng...
habang tayo'y naghihintay ng ticket
habang tayo'y nagbabasa ng email thread
habang tayo'y nakaupo sa isang silid

nagkukwentuhan,
nagtititigan,
nagmamasid,
naglalaro ng moba,
nanonood ng youtube,
nakahawak sa mga selpon.

na tila bigla bigla tayong natinag
sa mga boss na dumadaan
na kahit sa dami natin sa area
nagawa parin tayong turuan
at pag tiyagaan nila sir at ma'am.

napaka-lungkot lang isipin,
na ang ating samahan,
sa kathang-isip na lamang.

alam ko lahat naman tayo nakaramdam na ng lungkot
lungkot na hindi mo alam kung saan nagmula
lungkot na hindi mo alam kung ano ang dahilan
lungkot na hindi mo alam kung ano ang kinahihinatnan

pero ang pinaka-nakakalungkot sa lahat
yung puno ng tao sa isang silid.
puno ng tunog at salita 
puno ng biruan at tawanan
pero ramdam **** maiiyak ka
ramdam **** hindi ka nababagay sa lugar na naroon ka

sa pagkakataong ito, hindi mo alam kung bakit hindi mo kayang makisali at magkunwaring masaya nalang 
kung sa mga nakaraang araw kinaya mo naman
nakakapagod mag-isip.

pero alam naman natin
ito yung pagod na hindi kayang gamutin ng pahinga 
ito yung pagod na hindi kayang idaan sa alak o ng yosi man lang
ito yung pagod na hindi kayang idaan sa maghapong hilata sa kama

ito yung pagod na hindi kayang gamutin o kahit dampi ng matinding menthol ng salonpas sa nangangalay na kasu-kasuan
Ito yung pagod na hindi kayang gamutin ng efficascent oil na suki ng buong pamilya

ito yung pagod na dama ng kaibuturan at kaluluwa
ito yung pagod na mahirap punan ng lunas kasi hindi mo alam kung bakit ang bigat sa pakiramdam

iyong pag napabayaan o mali ang diagnosis mo e pwedeng lumikha ng sanga-sangangang maliit at mas komplikadong dahilan ng kapaguran
kung pwede lang mapawi ang lungkot sa bawat malalim na buntong hininga ang ngalay na dama ng kaluluwa

yung tuwang hatid damay lahat ng parte ng kabuuan
isama mo pa pati yung sangkatutak na split ends mas lalo na ang mga pimples na ayaw kang lubayan
alam ko, napapagod rin kayo
sadyang nakakapagod lang talagang gumising sa umagang walang kulay
sa mundong malawak.

pero nandyan ang ngiti na nakikita mo mula sa ibang tao,
na nakikita ko mula sa inyo.
ngiting kay gaan sa pakiramdam,
na tila nangangawit na ang pisngi dahil sa ayaw humupa ng ngiti.

Salamat sa mga binigay niyong mga ngiti.
Na nakakapawi ng pighati,
Salamat,
Salamat dahil naging parte kayo ng talata ng buhay ko.
#TSG #OJTdays
041716

May mga bituing nais abutin,
Nangangalay ang diwa pagkat dapat habulin.
Ganoon pala ang pagtatagisan ng mga saranggolang itim,
Sisipatin ang isa't isa't may pandilig na patikim.

Ako'y musmos sa alok nitong ginintuang pangarap,
Dilubyo'y mabagsik bagkus may matinding yakap.
At doon matatagpuan ang haplos na hinahanap,
Ako'y alipin sa sahig na Langit ang sumusulyap.

Sa paglatag ng Liwanag na may bahaghari
Waring yuyukod siyang ulap na mapagkunwari.
At kanyang saplot, ihahanay nang sandali,
Saksi maging hanging nagtataingang-kawali.

Sa pagsalin ng hiningang latak ng kahapon,
Baon pala ang sakit hanggang dapithapon.
Ipipinta ang itsura ng sarong na maputi,
Siyang pupuri sa Langit na may bahid ng kayumanggi.

Tila baryang itinapon at nagkakalansingan,
Sa papag na mistulang may sawing kasintahan.
Mga tauha'y lalaban sa kuweba ng kadiliman,
At doon ang kandila'y panandaliang tatahan.

Babahagian ng yaman ang uhaw sa kalinga,
Hahagkan silang mga busal na walang isang salita.
Hanggang sa magkandiring muli sa saliw ng musika,
Silang tangan ang pising *may kakaibang mahika.
JK Cabresos Feb 2013
Matagal-tagal na rin
simula nang magkasama tayo sa upuang ito,
nagkukwentuhan sa mga bagay-bagay
na mas lalong nagpalapit sa akin sa'yo.

Mas nakilala natin ang bawat isa
at mas lumubo ang ating pagkakaibigan,
at dahil sa mga pagsubok
ay mas lalo pang tumibay ang ating samahan.

Minsan ma'y di ako kumikibo
at kung minsan ma'y di ako nagsasalita,
pero di mo lang alam na sa puso ko
ay minamahal na kita.

Madalas man ako'y dumidistansya
at kung minsan nakaupo na nga ako sa dulo,
ngunit sana'y mapatawad, ganito talaga ako e,
nandito lang naman ako palagi sa tabi mo.

Matagal-tagal na rin
simula nang nakasama kita sa upuang ito,
naghihintay sa pagkakataong makitang muli
ang iyong matatamis na mga ngiti.

Teka lang!
Maiba nga,
yung mga paa ko nangangalay na...


Pwede bang tayo na?
073115

Ang pagpara'y naging daan
Hindi alintana ang trapik
Kumukutitap ang asul
Patungong berde ng panimula.

Di naglao'y nagbadya ang motorsiklong itim
Medyo napasilip, kahit saglit
Biglang nautal ang pag-iisip
Baka sakaling ikaw ang kumakarera nito.

Pinagmamasdan ko ang mga kamay ko
Baka ang bukas ay maging ngayon,
Yan ang isip ko.

Panandalian akong napatingin
Medyo kumakapit sa bakal,
Ibababa ko ang mga kamay
Sabay paulit-ulit lang,
Pagkat nakakangalay.

Kaya pala ang bagal nang takbo mo
Lumagpas ka nang diretso pati ang paningin
Hindi ka man lang lumingon
Hindi ka man lang napatingin
Kahit distansya nati'y
Segundo lang ang milya
Ganoon tumibok ang oras.

Napapikit ako
Nagulat pagkat tama ang akala
Hindi nais na ganoon ang pagkikita
Akala ko kasi'y lumisan ka na
Akala ko kasi'y sa susunod pa ang balik
Pero haharurot sa kalsada,
Naghahari-harian sa eksena.

Hindi ako galit sa tadhana
Na naglalapit sa atin sa isa't isa
Hindi ko na nga hinihiling na ikaw na
Iniwan ko na ang alinlangan sa kalsada.

Napakapit ako sa bilis ng takbo
Ang pusong walang tibok,
Walang mintis kung sinusubok
Nangangalay ang pagtitiis
Ang hirap pala ng posisyon ko,
Tinatalikuran, dinaraanan lang
Nilalagpasan lang,
Nauusukan, nasasaktan
Ayoko na lang sa backride.

"Para na, Kuya."
111422

Namumuo ang pawis sa kanyang kamao
Tila ba sapat na ang mga galos na kanyang natamo.
At dali-dali nyang sinarhan ang silid
Na walang ni isang palamuti ng kapaskuhan,
“Nandito — nandito na ako sa ikatlong palapag,”
Aniya sa kabilang linya.

Kinuha niya ang lapis
Buhat sa luma nyang aparador —
Puno ng alikabok
Na kahit ilang pagpag na’y
Hindi naririndi sa pagbuga
Ng umaalingasaw nitong karumihan.

Naupo sya’t napapikit na lamang
Inaalala ang bawat detalye
Ang bawat katagang kanyang narinig
Ang bawat imaheng nais nyang takasan.

Nanginginig pa rin ang kanyang mga tuhod,
At nangangalay ang kanyang mga kamay.
Habang tumatagas ang pawis nyang
Kulay itim sa malagim na gabi.

Naghihintay ng sagot
Sa mga katanungang saksakan ng ingay
Sabayan pa ng sunod-sunod na putok
Ng mga sumasalubong ng Bagong Taon.

At sa kanyang di sinasadyang pagdungaw
Sa bintanang walang kurtina’y
Nabaling ang kanyang tingin
Sa buwang napakaliwanag
Tila ba may taglay itong kung anong elemento —
“Mahiwaga,” wika nya.

Ang mga larawan sa kanyang balintataw
Ay unti-unting gumuho
At napalitan ng imahe ng buwan .
Akala nya’y makakatakas na siya sa liwanag nito,
Akala nya’y ito na ang huling kathang
Kanyang maililimbag sa kanyang kwento.

Maya-maya pa’y sa dulo ng kanyang dila’y
Hindi nya maipaliwanag
Ang kung anong himig na kanyang sinasalaysay
Na tila ba may boses na nag-uutos sa kanyang
Bigkasin ang mga pangungusap
Na hindi nya ninais na sambitin.

Mahigpit ang pag-akap ng kanyang kamay
Sa lapis na guguhit at tutuldok sana
Sa kanyang masalimuot na nakaraan.
At muli nyang pinagmasdan ang kalangitan
Hindi na buhat sa sarili nyang bintana
Pagkat hayag sa kanya maging ang mga bituin.

Dahan-dahan nyang itinuro ang buwan
Gamit ang lapis nyang hindi man lang natasaan —
“Sayang, ngayon lang Kita nasilayan…
Sayang, pagkat hanggang dito na lamang.”
Jun Lit Mar 2019
Hinahanap kita, Kaibigan . . .
Tinatawagan kita, Kapatid . . .
Sabay tayong nanghiram ng aklat,
sa Aklatan ng Pag-asa,
Kaya’t sakdal-pait nang nabalitaan ko
ang talaan ng buhay mo’y binawi na
Pilit pinapawi
Ng paroo’t paritong mga alon
at ihip ng hangin
Ang mga impit naming pahatid
Na iniukit
Ng mga palihim na hikbi
Sa tila natutulog na buhanginan
Sa dalampasigan
Ng ‘yong puso. Namamahinga ka na ba
aming Kasama?

Hindi mawawala
ang iyong pangalan
sa harap ng pinid na pintuan
Ng kani-kanina lang
Ay dambana
Ng iyong tila hindi nangangalay na panulat
At tabernakulo
Ng namimitig na mga binti
Ng nagtalumpating tinig.

Namamahinga ka na kapatid.
Ngunit hindi mapipipi ang batingaw
Na kahapon, ngayon at bukas ay magtatawag
Ng mga kapanalig,
Pagmamahal sa kapwa, sa bayan, sa kalikasan, sa daigdig.

Sumisilip na ang araw.
Mamamaalam na ang mga tala.
Patuloy na nagliliwanag ang bituing
Ikaw, oo, ikaw, maningning.

Hihimlay kang tahimik
sa puntod at bantayog
ng mga hindi namin malilimutang
Paninindigan. Pahayag. Panawagan. Paala-ala.
dahil sa isip at puso namin, isang Bayani ka
at maraming salamat na ikaw ay nakilala
at aming nakasama.
para kay Dr. Perry S. Ong, Oktubre 2, 1960-Marso 2, 2019;
Bayani ng Laksambuhay at Agham sa Pilipinas
[This poem is dedicated to Dr. Perry S. Ong, Dean of the College of Science, University of the Philippines Diliman and the most prominent leader of the conservation movement in the Philippines until his untimely demise.].
Eloisa Oct 2019
Hawak-kamay, sabay na tinahak ang makinang na dalampasigan
Patuloy sa paghakbang at paghila sa animo'y hindi dumarampi sa buhanging mga talampakan
Mga palad na magkayakap, mga daliring magkaniig
Dalawang pares ng matang nakangiti na ayaw bumitiw sa pagtitig
Kasabay ng umaawit at mabining pagaspas ng alon
Sumakay sa bangka patungo sa paraiso'y masayang sumagwan
Subalit sa masayang paglalakbay ay may humulagpos na unos
Paligid ay nilamon ng dilim, dumaan sa langit ang kislap ng talim
Bangkang sabay na sinasagwan, tumaob at tinangay ng agos
Sa gitna ng laot, sabay ding nilamon ng dagat at sa ilalim bumulusok
Patuloy ang delubyong pilit na pinaghihiwalay ang magkahugpong na kamay
Pilit pa ring lumangoy at magkasamang sumampa sa bangkang gutay-gutay
Niyakap nang mahigpit ang kilalang bisig kahit nakapikit
Hindi man mapigil ang higanteng alon at malakas na buhos ng ulan
Nangangatal, nangangalay man ay hindi huminto sa pagsagwan
Muntik mang malunod sa sigalot na mainam na nakaungos
Kumalma ang dagat, natawid ng gabi ang umaga sa gitna ng digma at unos
Mula sa dalampasigan, sa laot at sa dulo ng mga puso
Mamamayani ang pag-ibig sa malawak at mapanghamong mundo
~ I hope to translate this piece to English.
Manunula T Jul 2018
Isa, dalawa, tatlo,
Lahat ng jeep ay puno.
Wala ni isang nag tangkang sa 'kin ay huminto,
Itinaas ang aking kamay at inunat ang hintuturo.
Sumenyas na manong pasabit nalang po,
At sa pag arangkada ng jeep mo ngayon,
Bakit maraming mata sakin ang nakatuon?
Inuusisa ang bawat parte ng aking katauhan,
Na para bang andami-rami nilang katanungan.
Bakit sumabit kapa?
P'wede namang mag abang ka nalang sa iba,
Magmumukha ka lang diyang tanga,
Kaya boy mabuti pang bumitaw kana.
Kahit maraming tutol sa aking pagpapasiya.
Kahit ang kamay ko ay medyo dumudulas na.
Kahit pa ang bisig ko ay nangangalay na,
Hinigpitan ko pa ang kapit dahil ayoko ng mahulog pa sa iba.
Kumapit ako sa bawat salitang sinabi mo,
At inabot ko ang bayad simbolo ng pag-ibig ko.
Tama naman ang sukli, barya at bawat sentimo,
Pero bakit tila walang pasahero ang nais mag-abot nito?
Marahil hindi pa sila handa,
Na hayaan kang suklian ang salitang "mahal kita",
Pero 'wag kang mag-alala,
Dahil maghihintay ako sa panahon na kung saan lahat ay tama na.
Kung sakali mang may bumabang pasahero sa may unahan,
At magkaroon ako ng puwang sa iyong sasakyan,
Handa akong iwanan ang pagkakasabit ko sa likuran,
Para samahan kang bumiyahe dito sa mundong walang kasiguraduhan.
JOJO C PINCA Nov 2017
kagabi isang kagaguhan
na naman ang namagitan
may yelo ang puswelo
may adobong pato
na nakalagay sa plato
mabuti na lang at walang bato
na dala itong si Nato
panay ang tagay nitong si Egay
baso'y winawagayway
parang hindi nangangalay
tapos dumaan si Inday
buhok n'ya ay nakalugay
nagpatuloy ang tagayan
hanggang madaling-araw
ang bote nakatayo pa
pero ako bagsak na
hindi ko na namalayan
nang ako'y manlupaypay
at nawalan ng malay
nalunod ako sa bula ng serbesa
nahilo sa usok ng sigarilyo
kaninang umaga akoy lulugo-lugo
matapos ang isang gabing kagaguhan
reyftamayo Jul 2020
pitik bulag na katahimikan
sa gitna ng kaguluhan.
maupo na muna.
magpahinga.
itikom ang nangangalay na paa
malapit na.
maglakad at ubusin
ang oras na mabagal pa rin,
hindi pwedeng matulog
walang magagawa kundi maghintay.

— The End —