Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jeremiah Ramos Aug 2016
Sa unang pagkakataon,
Inabangan ko ang pagsikat ng araw
Pinili kong hindi matulog,
Kasi mas madaling magising hanggang umaga kaysa sa bumangon ng maaga

Naging isang malaking kanbas ang langit
Nagsimula sa unti-unting pagkawala ng buwan at mga bituin,
Naging asul, nadagdagan ng kahel,
Nagkatabi
Unti-unting naghalo

Sumilip ang araw,
Inabot ang kanyang sinag sa mga matang malalim at nag-antay
Unti-unti, at sa tamang oras sinakop at niliwanagan ang langit.

Narinig ang mga busina ng mga bus,
Ang tren na para ng tilaok ng manok sa umaga sa aking mga tainga,

Nakita kita,
Sa pag unat mo,
Sa pagbukas ng iyong mga matang hindi nag-antay,
at sa pagpikit nila muli dahil alam **** hindi mo kailangan bumangon ng maaga

Narinig kita,
Ang hilik na pilit **** itinatanggi,
Ang mga unang salitang binabanggit ng isip mo,
Ang pag-sabi mo sa kanya ng mga salitang ako dapat ang makakarinig tuwing pag-gising,
Magandang umaga, mahal kita

Sa unang pagkakataon,
Inantay kita,
Pinili kong hindi magmadali,
Kasi mas madaling abangan ang tamang oras kaysa sa habulin ito,

Mahal,
Sinta,
Ikaw ang sining na nagbibigay dahilan kung bakit ako yung kanbas na kinalimutan **** pinturahan,
Nagsimula sa unti-unting pagkawala ko,
Naging masaya ka, nakalimot ka,
Lumipas ang ilang taon,
Unti-unti akong 'di hamak naging pangalan at alaala na lamang sa'yo

Sumulyap ako sa huling pagkakataon,
Inabot ang aking mga kamay sa'yo, sa nakalimot at nagmahal ng iba
Unti-unti akong naging alaalang nawalan ng pangalan.

Mas madali mag-antay ng pagsikat ng araw kaysa sa kalimutan ka.
Pagka't ikaw ang unang simoy ng hangin na malalanghap sa umaga,
ikaw ang sinag ng araw na unang nakikita ng mga mata ko,
ikaw ang umaga ko.

Ikaw ang unang umagang hinintay ko.
Wala pa akong tulog.
Mel-VS-the-World Apr 2018
“Hayaan mo na lang ako matulog.”


Eto ang realidad,
Ng mundo,
Dahan-dahang pumapalibot sa atin,
Ano bang mali sa’kin?
Sobrang layo pa ng hinaharap,
At hindi ko maisip kung ano ba dapat ko maging.
Ano ba dapat **** gawin?
Marami nang nangyare,
At ano pa ba ang pwedeng maganap?
Magkukulong sa sulok,
At magmumukmok,
Naka-ilang hithit-buga na ng yosi,
Baka sakaling makalimot.
Naka-ilang bote na ng alak,
Pampakalma sa pusong kumakabog.
Hindi mo mapigil ang pag-tulo ng luha,
Isa-isang nawawalan ng kislap ang mga tala sa iyong mata.
Nawalan na ng liwanag ang buwan,
At ang araw ay hindi na sikat,
Naghalo ang amoy ng dagat at ulan,
Sumingaw mula sa mainit na lupa parang naagnas na katawan.
Lalabanan ba ang apoy?
O hahayaan lamunin ka at matupok?
Lalangoy ba kasabay ng mga alon?
O handa ka nang malunod at mabulok sa kailaliman?
Hanggang sa hindi na ma-iahon.
Marami ang nagtatanong,

“Mahalaga pa ba ang nakaraan?”

Kung ang hinaharap ay nagtatago sa likod ng kasalukyang puno ng kirot at hirap,
Hinagpis at galit,
Poot at pagkamuhi,
At sakit na walang lunas.

Mahalag ba ang nakaraan?
Maraming pagkakataon na ako ay lumipad,
Mula sa kalangitan, malaya ang diwang may pakpak,
Naglalangoy sa ulap ng kawalan.
Tanaw ko ang sanlibutan, nag-aaway,
Nag-papatayan, para sa ano?
Lupa? Pera? Para sa diyos na makapangyarihan?
Ngunit ang mahabaging diyos ay wala namang pakialam.
Wala naman dapat patunayan,
Wala naman dapat paglabanan.
Rinig mo ba ang ingay mula sa kabilang baryo,
Parang mga asong ulol, nagkumpulan at tumatahol.
Ako ay naglakad,
Saksi ang dalawang paa sa harapang pang-gagahasa ng mga higanteng buwaya; walang umalsa.
Natatakot sila.
Dahil sa mata ng nakararami,
Karahasan ang tama,
At hindi ang karapatan ng bawat isa.

Marami ng problema ang daigdig,
Dadagdag ka pa ba?
Iiwasan mo na ba o babalikan mo pa?
Pilit lumalayo,
Patuloy ang pagtakbo,
Ngunit hindi pa rin maabot ang dulo.
Hindi malaman kung saan patungo.
Dalhin mo ako sa lugar,
Kung saan mapayapa ang buhay,
At mayroong pag-ibig na tunay.
Dahil matagal nang may sindi ang nitsa,
Hihipan ko na ba?
O hahayaan na lang mamatay ng kusa parang paubos na kandila.

Dahil eto ang realidad,
Ng mundo,
Dahan-dahang pumapalibot sa atin,
Ano bang mali sa’kin?
Sobrang layo pa ng hinaharap,
At pagod na’ko magising,
Gusto ko na lamang umidlip at managinip,
Patungo sa paraisong ang ihip ng hangin ay malumanay,
At ang kulay ng paligid ay pagmamahal na dalisay.

“Hayaan mo na lang akong matulog. Kung sa aking pag-gising ay meron paring sakit, hayaan mo na lang akong matulog, dahil pagod na’ko magising.”

Hayaan mo na lang akong matulog.
Baka sakaling hindi ko na maramdaman ang sakit.

Hayaan mo na lang akong matulog.
Kahit ilang oras lang, iiwan ko ang mundong mapanakit.

Hayaan mo na lang ako.
Dahil gaya ng sabi mo,

“Sa sobrang hilig mo sa sleep, pwede ng ipalit ang pangalan mo sa salitang *ogip.”

Kaya hayaan mo na lang akong matulog,
Dahil pagod na’ko magising.
At ayoko nang magising.
06092021

Ang damdamin ng poot at lambing
Ay mga mekanismong humahalo sa saya
Ng pusong gustong kumawala
Sa diktador na sumara ng lagusan patungo sa liwanag.

Hindi maipinta ang mga sandaling naging hayag
Sa kung papaanong paraan ba hinabi ang sarili
Sa banig ng karamdamang tumupok sa pangarap --
Sa pangarap na masilayan ang araw
At madampian ng liwanag ang buo nyang pagkatao.

Sa mga nanlilisik na matang mapanghusga,
Tila ba ang pagkutya ay naging agahan sa malamig na umaga,
At ang kapeng mainit ay binuhusan ng malamig na tubig
Sa gabing walang pasabi kung lumisan na ba ang araw
O nanatili itong nakatirik sa tanghaling tapat ngunit mapag-usig.

Ang bawat pagtulog nang patagilid
At paulit-ulit na pagbangon ay sadyang nakakasawa.
Samantalang sa kanyang pagpihit sa debateryang may impormasyon,
Ay naghalo ang sining ng iba't ibang kwentong
Sana nga'y kanyang hayag na natatamasa.

Ang mga butil buhat sa sisidlan ng kanyang liwanag
Ay tila ba wala nang lalagyan pang sasalo
Sa mga binasag na oras ng mapanghinang delubyo.
Tila ba nagbibilang na lamang sya
Ng mga yapak na walang mukha,
At mga katok na nanatiling multo sa apat na sulok ng kanyang paghinga.

Maging ang bawat larawan ay nagsilbing alaala na lamang
Na hindi na mauulit pa kung bumukas man ang liwanag
At mag-alok ito ng pagsakay
Sa hamong hindi nya na maaabutan pa.

Tila ba nahuli na ang pintig ng bawat kalabit sa kanyang damdamin,
Tila ba ang nakikinig ay nawalan na rin ng boses sa paligid.
At ang kahon na kanyang tirahan
Ay pansamantalang naging palamuting
Binudburan ng mga nagsasayawang bulaklak
At naglalagasang mga dahong walang nagwawalis.
Ayoko na lamang bilangin ang mga oras
Na nasisinagan pa tayo ng araw,
Maghahabulan at magtatampisaw na parang mga basang sisiw
Sa hubad na kalsadang naunang pagalitan ng langit.

Naaalala ko pa noong elementarya'y
Sabay tayong papasok sa eskwela
Matapos humigop ng mainit na sopas ni Nanay.
At minsan nga'y nakalilimutan nyang hanguin ito nang maaga
Kaya matapos nating kumain ay sabay rin tayong magtatawanan
At maglalaro ng "tag-tagan" patungo sa kanto sa sakayan.

Hindi ba't pumupunta pa nga tayo sa may bandang iskwater,
Makapaglaro lang ng pitsaw sa dati nating mga kaklase?
Nagagalit kasi si Nanay kapag sa bahay natin sila niyayaya
At magkakalat ang putik sa ating sahig
Kasi pati si Bantay ay nakisali sa paghuhukay.

Ilang beses din tayong naligo sa dagat
Kahit na ang sabi ni Tatay ay manginas muna tayo
Habang siya ay nasa laot pa.
Pero uuwi tayong mga basa at walang pang-ulam na pasalubong
Kaya muli tayong mapagagalitan
Kasi ang titigas daw ng mga ulo natin.

Hindi ba nahuli ako sa eskwela noon na nangongopya sa'yo?
Tapos sinabi mo sa titser na ikaw ang nangongopya at 'di ako?
Hindi ko kasi makalimutan yun
Kasi pag-uwi natin sa bahay, ako pa yung nagtampo sayo
Nung ikaw yung unang pumili sa doughnut na dala ni Tatay.

At nung gabing iyon, hindi ako tumabi sa'yong matulog
Ang sabi ko pa ay ayaw na kitang makita muli
Kasi naghalo-halo na yung nasa utak ko.
Pero alam mo ba, na sa mga oras na yun
Hindi ko talaga inaasahang seseryosohin mo yun.

Kaya noong maggising na lamang ako'y
Nagulat akong wala sila Nanay at Tatay
At si Aling Rosing pa ang nagsabi sa'kin
Kung ano ang mga nangyari
At kung saan ako pupunta.

Sinabi ko na ngang ayoko na magbilang ng mga oras,
Pero heto pa rin ako...
At taon-taon akong nangungulila at nagsisisi.

Siguro nga kung hindi ako natulog agad
Ay baka may naggawa pa ako.
Siguro nga kung hindi ko sinabi ang mga iyon,
Ay hindi mo ring magagawang umalis.

At siguro nga kung hindi ako nagtampo'y
Wala naman talaga tayong pag-aawayan.
Hindi ka rin hahanapin nila Nanay sa gitna ng gabi
At hindi sila masasagasaan ng tren para iligtas ka lang.

Siguro nga, pero huli na ang lahat eh
Wala na kayong lahat at iniwan n'yo na 'kong mag-isa.
Sana sa huli kong pagbisita'y mawala na rin ang lahat ng bigat,
Mawala na ang pagkamuhi ko sa sarili ko,
Kasi pagod na ako...
Pagod na pagod na ako.
wizmorrison Jun 2019
Napakaitim na ng ulap,
Sumisigaw pa ang kulog,
Hangin ay nangangalit,
Panahon ay tila galit;
Mga mata ko'y nagmamasid
sa nag-aambon na kalangitan
Hinihintay ko itong umiyak—
Luha ko'y hindi na batid
Kapag naghalo na ang aming pighati.
Tila isang dagok ang dumagan sa puso ko habang isinusulat ito at nakikiayon naman ang panahon sa aking nararamdaman.
reyftamayo Jul 2020
Nagsasayaw
Ang ilaw sa tabi ko
Sa gilid sa harap paikot
Naghalo sa kisameng kasama
Ang antok-hilo kong ulirat
Bingi na ako sa tunog
Ng patagilid-pakalat na musika
Habang pinapaypayan ako
Ng higanteng bentilador
Naisip ko
Mas mainam siguro
Nasa bahay lang ako
Badud Sep 2017
Samahan mo akong balikan
Ang lugar na satin lang
Kung saan nagtagpo
Ang panaginip
   --at ikaw

Na doo'y naghalo
Ang liwanag at dilim
Ang lungkot at saya
Na ating pinaghatian
Nangako kang ika'y
Sa'kin lang

Samahan mo akong balikan
Mga bituin sa kalawakan
Kung saan namalagi
Ang pangako
   --at ikaw

Na doo’y ako lang
Sa’yong tabi, walang hadlang
Sikretong lugar
Na satin lang
Walang kahati
--Ako'y sayo lang
Shaina Placencia Mar 2021
Isang madaling araw, sa hulog ng himbing ng aking pagtulog ay dagli akong ginising,
mulat ang mga mata na tila ba hindi pa nagpapahinga, sabay ang pagkarinig sa sunod sunod na bulong, tanong...

Nag-uunahan sila na kahit na walang kasagutan, ay gigil na nagsusumiksik sa aking isipan, ako'y naguguluhan nanaman pagkat wala akong alam, hindi ko maintindihan ang rason ng kanilang pagkatok sa aking pintuan, kalungkutan... ninanakaw nanaman ako sa aking katinuan.

Walang ganang bumangon, sinundan ang mga tahimik na paghikbi, at doon sa may malaking salamin ay aking nasaksihan ang tahimik na pagtangis ang isang batang luhaan,

Walang tigil sa pag-iyak, bakas ang pagod sa kanyang mga mata, pagkagutom, pagkauhaw, pawisan na para bang malayo pa ang kanyang pinanggalingan, tahimik akong umupo sa kaniyang tabi... at doon muli ay unti-unti ko s'yang sinabayan.

Naghalo ang pareho naming kalungkutan, kaguluhan ang dala ng pagsasama naming dalawa, ngunit walang magagawa, sapagkat sa isang madaling araw ay s'ya lamang ang natatangi kong bisita.

— The End —