Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jor Sep 2016
I. Kilig
Unang kita ko palang sa'yo—
Gusto na kita maging parte ng buhay ko
Sinong hindi kikiligin sa tuwing
Ngumingiti ka rin,
Sa tuwing ngumingiti ako sa'yo.

II. Kaba
Sa tuwing kakausapin kita,
Nauutal ako.
Nagbubuhol-buhol ang mga salita—
Na enensayo ko pa kaninang umaga.
Kasi araw na ‘to ipagtatapat ko na—
Ang tunay kong nadarama.

III. Saya
Dahil sa wakas nasabi ko na!
Hindi ko akalain na pareho ating nadarama.
Sinong hindi sasaya?
Kapag nabigyan ka ng perbilehiyong—
Magkaroon ng “tayo” sa pagitan ng
Dating “ikaw” at “ako” lamang.

IV. Galak
Alam ng Diyos kung gaano nagagalak
Sa tuwing magtatagpo ang mga mata.
Alam ng Diyos kung gaano ako nagagalak
Sa tuwing hahawakan ko ang kamay mo.
Sa tuwing magkausap tayo magdamag
Alam ng Diyos kung gaano ako nagagalak
Nung simula kang maging parte ng mundo ko.

V. Inis
Naramdaman ko rin ang inis
Sa tuwing binabalewala mo ako,
Sa tuwing iba ang kasama mo,
At hindi ko namamalayang
Nagseselos na pala ako.

VI. Pangamba
Nangangamba ako,
Sa tuwing aalis ka ng walang permiso.
Sa tuwing hindi ko alam kung sino kasama mo.
Nangangamba ako,
Sa anong pwedeng gawin mo—
Sa tuwing nagkakaroon tayo ng pagtatalo.

VII. Takot
Takot ako na magsawa ka sa gaya ko.
Takot ako na baka makahanap ka ng iba
Yung kayang higitan ang isang tulad ko.
Takot na baka isang araw—
Hindi na ako ang iyong mahal mo.

VIII. Lungkot
Madalas malumbay na gabi ko.
Sabik na sabik ako —
Sa mga yakap mo,
Sa mga dampi ng mga halik mo,
Sa mga magagaan na haplos sa ulo ko.
At sa mga gabing natatakot ako.
Gusto ko lang na nandirito ka sa tabi ko.

IX. Pangungulila
Dumaraan ang mga araw, linggo at buwan
Na wala ka nang oras sa akin,
Gusto sana kitang puntahan
Ngunit alam kong—
Na mas importante ka pang gagawin.
Naiintindihan ko naman
Pero anong magagawa ko?
Nangungulila ako sa’yo.
AgerMCab Jan 2019
Dumating ka sa buhay ko ng hindi ako nakahanda
Ni hindi ko inaasahang  mayroon pang nakatakda
Akala kong wala na, ngunit humabol pa ang tadhana
Pag ibig mo'y wagas, ang wika mo sa harap ni bathala

Nagagalak ang aking puso na may halong pagkagulat
Ang iyong tagong pag ibig sa wakas iyong siniwalat
Pagmamahal na tila sa mundong ito hindi nagmula
Pag ibig na wari ko nga ay galing sa ibang planeta

Ang kagulat gulat, kaya ko palang magmahal higit sa akala ko
Pagmamahal na magagawa kong ihinto ang lahat, para lang sa iyo
Gusto ko sanang ipaalam, ipagsigawan at ihiyaw sa buong mundo
Na ikaw ay akin at akin lang sana, ngunit maaaring dulot ay gulo

Natuto tuloy akong sumigaw ng pabulong
Hanggang kelan ko kaya kakayaning bumulong
Ang pag ibig ko ngayon tila ay hindi makasulong
Ang katagang "mahal kita", tila presong nakakulong

Sa ngayon, ang alam ko, NGAYON ang mayroon ako
Hindi ko nga alam kung anung bukas mayroon tayo
Sa ngayon, ang ngayon lamang ang pinanghahawakan ko
Yung ngayong minamahal kita at mahal mo rin ako

Yung ngayon na naririto ka sa buhay, sa puso, at isip ko
Yung ngayon na sa iyo lamang umiikot ang buong buhay ko
Kumikislap ang mga mata at ngumingiti ang mga labi
Na para bang sa mga pangarap ay may bukas na hinahabi

Sa aking pangarap ang lahat lahat sa iyo'y akin
Mula anino, pati iyong diwa'y aking angkin
Ngunit paano kung ako'y magising na, lahat magwawakas
Ikaw rin ba'y nangarap na para bang tayo'y mayroong bukas?

Ang tunay daw na pag ibig ay hindi mapag ari
Paano ang gusto kong ika'y aking gawing hari?
Nais ko'y akin lang, ang iyong ngayo't iyong bukas
Sana'y akin ka hangga't ako'y mayroon pang lakas

Darating ang panahon, tayo'y magwawalay
Sa oras na yan mundo ko'y malulumbay
Sadyang kailangan ko nga lang tanggapin
Ika'y hindi kayang tuluyang maangkin

Ganap ang dusang nasa akin
Dahil ikaw ang aking hangin
Ang aking araw, aking langit
Aking tala at buwan sa dilim

Oo't may dahilan kung bakit ngayon tayo pinagtagpo
Kung anumang dahilan isipin pa ay nakakahapo
Ni hindi nga natin alam kung hanggang kailan ito
Ano kaya bukas? Ikaw pa kaya ay naririto?

Alam kong kahit kailan, hindi mangyayari
Na sa aking pagtanda, ikaw ang aking hari
Ikaw ang kapiling, kamay mo ang aking hawak
Aalalay s'aking tungkod, lalakad ng malawak

Pakinggan na lamang sana ang aking pangako
Kasal-kasalang pauso ay aking inako
Wala man tayong mga saksi
Basbas ng simbahan o pari

Di man nakasuot ng damit pangkasal, wala rin ako pati mga abay
Galak ay lubos parin kung ikaw ang kaagapay
Ako'y handang maging sa iyo, sa abot ng aking gunita
Maging kalaban ko man ang lahat, dahil sa aking panata

Akoy gagawa ng altar na aking sarili
Upang sa aking bibig sumpa ay mamutawi
Pangakong ikaw lang ang mahal sa habang buhay
Hanggang sa dumating aking araw ng paghimlay

At kung sakaling akoy mabigyan, ng pagkakataong muling mabuhay
Kahit sa ibang panahon, hahanapin ka ng puso ko ng walang humpay
Upang taimtim na panatang binitawan, ay maisakatuparan
Pag-ibig na walang hangganan, pagmamahal na walang katapusan
#tagalogpoetry #tagalogpoem #tulangfilipino
Sirsison Feb 2017
Unang pagkikita natin sa ating pinasukan
Parang hangin lamang na dumaan
Tuloy tuloy pa rin sa paglalakad
Na parang may importanteng lakad.

Ako ay parang isang sirang mata
Na walang kakayahang makakita
Nang isang rosas na putuloy na bumubuka
Dahil sa taglay nitong glamorosa.

Subalit sa mga sumunod na araw at tayo’y nagkakilala
Para kang isang ilaw na hindi maalis sa aking mga mata
Na kahit saan magtungo ang aking mga mata
Ikaw pa rin ang nakikita.

Ako’y nagagalak
Sa tuwing tayo ay humahalakhak
Na parang ang puso’y pumapalakpak
Ang paglisan ay hindi ko minsang binalak.

Sa sandaling tayo’y magkausap
Pakiramdam ko ako’y nasa ulap
Na kung maaaring hindi na kumurap
Upang ang pag-uusap ay lalong sumarap.

Subalit ang oras ay napakabilis malagot
Kaya’t ako’y nakaramdam ng matinding takot
Na mangyari ang isang bangungot
Na baka sa susunod hindi ka na sumagot.

Nagpatuloy ang mga araw na dumaan
Ika’y patuloy kong pinagmamasdan
Na habang ako’y  umiisip ng daan
Upang ika’y malapitan.

Nagdaan ang araw at buwan
Habang ika’y aking pasekretong pinagmamasdan
Ako’y lubusang naguguluhan
Kung bakit laging ganyan.

Di nagtagal ako’y may naramdaman
Na pakiwari ko’y dahil ika’y nasilayan
At nakilalang lubusan
Na pilit kong inaalis sa aking isipan.

Subalit ako’y nabigo
Sa aking pagtatago
Nang nararamdamang nabuo
Sa palagiang pagtatagpo.

Isang araw ako’y humantong sa isang pagtatapat
Na isang daang pinag-isipan kung ito’y nararapat
Kahit na natatakot na ako sayo’y di pa sapat
Pero ito’y aking nilabanan dahil ang layunin ko sayo’y maging tapat.

Sa  aking pagtatapat lubha akong nalungkot
At natakot;
Na baka ako’y masangkot
Sa isang pangyayaring masalimuot.

Nang ika’y makilala mahal na kita
Ngunit ng tumagal-tagal, may mahal ka pa lang iba
Ako’y nasaktan at nalungkot sa nalaman
Hanggang kaibigan na lang pala ang ating turingan.

Ilang araw ang nakalipas ako’y di mo na pinapansin
Mga matatamis na ngiti na dulot natin
Unti unti nang nagiging asin
Na sa alat di na maatim.

Iniisip na lang na ika’y natatakot akong mahalin
Na baka saan pa tayo dalhin
Na sana’y aking dasal ay dinggin
Na ako’y iyong mahalin.

Nagdaan ang mga araw
Ako’y nahumaling makinig ng malulungkot na kanta
Na nagpapabalik ng masasaya nating alaala
Na sa isang iglap lamang nawala na--na parang bula.

Ito ang nagdulot sa akin ng pighati
Dahil simula pa noon ikaw na ang tanglaw sa aking mga gabi
Ikaw ang liwanag sa araw kong hinahabi
Na ikaw lamang ang makakapagbalik ng kulay sa pusong nagbigti.

Paano kung sabihin ko sa’yong ayoko na?
Hindi ko na kaya kung patatagalin pa
Sapagkat ga’no man kalalim akong nahulog
Natatapos din ang himig ng awit at tugtog.

Paano kung sabihin ko sa’yong napapanahon na
Na ako’y lalayo na
Dahil kahit gusto ko mang kumapit pa sa’yo
Pareho tayong mahihirapan kung ‘di lalayo.

Sa totoo lang, marami akong ayaw sa sarili ko,
Kaya’t malalim na takot ang nararamdaman ko
Kahit na sabihin ng iba noon na gusto nila ako
Dagli kong iisiping, “Sino niloloko mo?” .

Subalit puso ko’y ikaw ang pinili
Na kay tagal kong itinago sa aking sarili
Sa isang iglap at sandali
Ako’y napapili kung ikakasaya mo ba o ikasasaya ng aking sarili.

Labis man akong nasisiyahan pag ika'y nakikita
Labis man akong natutuwa na ika'y nakikita kong masaya
Kahit nasasaktan,
basta masaya ka Okay na!

Dahil ang pag-ibig ay walang hinihintay na kapalit
Pag ibig na handa siyang palayain
Pag ibig na nasayang at napuno ng kalungkutan  
Pag ibig na nauwi sa masakit na paalam.

Dahil sa’yo natutunan kong maging matatag
Natutunan ko ang tunay na pagmamahal
Pag ibig na minsan, nagsisimula sa katapusan
Na sanay pagmamahal ay mapalitan.

Kaya’t ngayon dahil sa ako’y lubusang nasaktan
Akin munang kakalimutan ang magmahal
Dahil sa luha kong mahal
Kinalimutan kong magmahal dahil baka ikaw at ako’y di magtagal.
Naka-tadhana bang masaktan o naka-tadhanang makahanap ng taong gagamot sa pusong nasaktan?
kingjay Dec 2018
Mga buto ay nagsilbing haligi
sa binubuo niyang panaginip
marupok ito at bibigay
sa mahinang balakid
Tahimik nang naunsyami
Labing nakadikit, dila'y nakaipit

Bigkasin ang salita sa simula niyang
wika
Sa letra na  naguguluhan din
Papipiliting ibibigkas
Takot ay bumubulusok sa inaping
pangungusap

Parang ilusyon, ang paggawa ay ang
pagkaroon
ng kahit maliit na kabuuan ng loob
na hanap ay tagumpay
Pero sa paglubog ng araw
nagmistulang delusyon

Ang mga paa habang humahakbang
Panoorin hanggang sa pumanaw
sa liwanag, may anino
Tingnan ang lilim, lumalakad nang
pa-urong

Ganyan ang mundo
Ikulong na at igapos
Sa likod ng matiwasay na paggalaw
ay may lihim na naka-agapay
Ang maitim na misteryo na nakangiti

Ulap na sumasayaw, bungad at gayak
ng unang ngisi ng umaga
Isabay ang halimuyak sa monasteryo
ng prinsesang nagagalak

Ang dalangin na nagawi sa hangin
Kumpisal ng pag-ibig
Kaluluwa ng kasiyahan
ng musmusing pipit
kingjay Jul 2019
Sa madilim na sulok ay inaalala
ang mga sandaling noon pa'y sa eskwela
at nahuhumaling sa kamag-aral na dalaga

Lipos ng rosas ang kapaligiran
Kapag siya'y nakikita sa paaralan
Sa isang sulyap niya'y ako'y parang sa ibang kalawakan

Hinati na ng imahinasyon
ang daigdig ko na may limitasyon
Itinago muna ang katotohanan
Para sa kanya'y handang ipagpalit maging ang kinabukasan

Sa alon ay nagpapaanod
Sa hangin ay naninikluhod
Ibinulong ang tanging hangarin
na sana sa isang araw kami'y magkapiling

Anong saya sa tuwing pasukan
Singko kong baon ay iniipon
Upang sa pagdating ng tamang panahon
Makabili ng bagong damit nang siya'y ligawan

Bakit ko pa ikinakahiya
ang maging isang dukha
Hindi na nga makakain
Nagsusumikap pa rin kahit hinahamak pa ng iba

Marupok ang aking katatagan
Ang dibdib ko'y may malumanay na damdamin
Ni ayaw magsalita at ayaw pumansin

Duwag kapag ako'y salingin
Nanginginig ang himig
Sa gabi'y pinapangarap
si Dessa na nagluningning

Siya'y prinsesa na nakahilig
Sa luklukan
Haring handang pagsisilbihan
Walang mali sa kanyang kagustuhan

Kapag lumalayo na ang araw
na tila pumapa-kanluran
Alaala'y ibinabalik - mahapdi na katotohanan

Sana'y noong nagkakatitigan
Lumapit kapagdaka'y nagpakilala
Kung sakaling ngumiti
Hindi na siya pakakawalan

Sana'y sa simula pa lang
niligawan na ang Paraluman
Kahit tumanggi sa pagmamahal
Mas mabuti na ang umibig kahit nabigo
Kaysa hindi nakaranas ng pagsuyo
Mahirap man - tumanda nang
nagagalak kahit sa isipan

Ngunit ang salamisim kay Dessa ay ayaw ako tigilan
Lumiligalig sa gitna ng aking kahimbingan
Kung mangyari'y maninirahan sa Panganorin ng nakaraan
Karl Gerald Saul Sep 2013
Minsan sa buhay natin,
kahit alam natin na tag-araw,
may iilang ambon o ulan na sa buhay nati'y dadalaw.

Sa pagdating at sa pagbuhos ng ulan,
May ilan naghahanap na punong masisilungan,
ngunit di katagalan - sila'y mababasa't tuluyang mauulanan,
pagkat di kaya ng mga sanga't dahon na saluin ang buhos ng ulan.

May mga nakahandang armas na payong naman ang iba,
ngunit mababasa naman ang kanilang mga binti't paa,
na kung minsan sinasabayan ng malakas na hangin,
na ang mga payong nila'y kayang liparin o sirain.

Ang iba nama'y sa pagbuhos ng ulan - nagagalak,
may parang lasenggerong tumitingala, sinasalo, sumashot na parang alak,
may mga batang masayang naglalaro habang naliligo,
na kung minsan nagtatampisaw sa mga inaipong ulan sa estero.

Kung ako ang 'yong tatanungin, ang ulan nakatalaga sa bawat tao,
Na kahit anong iwas mo - darating at darating ito sayo.
ang mga patak nito'y sadyang maliliit -
kapag ito'y patuloy na bumuhos, kung minsan ito'y mabigat at masakit.

Kaya ang tanong ko sayo aking kapatid,
Saan ka dito sa aking mga nabanggit?
Na sa unang pagpatak ng ulan sa iyong bumbunan,
Ano ang iyong gagawin at naiisip na paraan?
derek May 2016
Napapagod na akong tumingin sa Facebook ko.
Sa dingding ng mga masasayang larawan ng mga kaibigan, katrabaho
Sa dingding ng mga opinyon na nagdudulot ng masalimuot na pagtatalo
Sa dingding ng mga tagumpay na nakamit mo sa pagsusumikap mo
Sa dingding ng mga narating **** lugar na sobra na ang layo
Sa dingding ng mga video ng pagbigkas mo ng tula sa harap ng maraming tao
Sa dingding ng mga sandaling iginapos mo para ipamukha sa akin na ang buhay ko ay pagkabaho.

Salamat sa mga larawan ng masasayang sandali kasama ng iyong kabiyak
ng inyong matamis na pagmamahalan, na sa sobrang tuwa gusto mo nang umiyak
Nang matuloy kayo sa simbahan, oo na, marami na ang nagagalak
Eto na ang puso ko, wag ka nang mahiya, tuhugin mo na ng itak.

Salamat sa mga opinyon mo tungkol sa paborito **** kandidato
Wala ka na atang ibang ginawa kung hindi halughugin ang Internet para sa bawat artikulo
Para isulat sa dingding mo kadikit ng mga opinyon **** walang humihingi, kahit na sino
Para kang teacher ko na may dalang nutri-bun na isinasaksak pilit sa akin kahit sukang-suka na ako.

Salamat sa mga salita ng pasasalamat na binibigkas mo
kung gaano kadaming biyaya ang ipinagkaloob ng Bathala sa iyo
Sa bawat tagumpay na nakamtan mo sa napili **** trabaho
Naitatanim ko tuloy sa aking isip, kung bakit ang layo mo gayong sabay lang tayo?

Pasensya na, malamang sa inyo ay may natatamaan ako
Wala akong planong durugin ang kahit na anong ugnayan ko sa inyo
Gusto ko lang banlawan, langgasin ang nalalasong utak at puso ko
na pinapatay ng Facebook sa tuwing titignan ko ang mga dingding ninyo.

Kung gaanong ipinararamdam sa akin na sa paninindigan ako ay wala
Na hindi ko kaya maglahad ng opinyon kasi walang papansin, walang maniniwala
Dahil maraming beses na akong naging tapat noong ako ay nasa highschool pa
Wala akong naging kaibigan. Narinig mo? Wala akong kwenta.

Kung gaanong ipinararamdam sa akin na hindi na ako makakarating kahit saan pa.
Kasi pinili kong manatili, kahit mainit, kumpara sa ibang bansa
Dahil nanuot sa aking dila na hindi ko kayang makipag-usap sa kahit na sinong banyaga
Kasi palpak ang Ingles ko. Narinig mo? Wala akong kwenta.

Kung gaanong ipinararamdam sa akin na mamamatay akong mag-isa
Na hindi ako magkakaroon ng pagkakataong lumigaya
Dahil sa pinalagpas kong sandali, ay hindi na mauulit pa
Dahil wala akong kwentang lalaki. Narinig mo? Wala akong kwenta.

Sobrang baba na ng pagtingin ko sa sarili ko.
Ang tanikalang gamit sana para makipagugnayan sa mga kakilala ay tila naging isang angkla na humihila sa mga paa ko
pailalim sa karagatang puno ng mga pusong natalo
Nabigo sa pag-ibig, sa buhay, at sa kahit na ano.

Kaya lalayo na ako sa mga dingding ninyo.
Hindi na ako papayag na manatiling tumatanggap na lang ng kahit na anong ipapaskil mo.
Tatakas ako sa mga rehas na nilikha ng mga masasaya ninyong minuto
Magtatayo ako ng sarili kong dingding. Bubuuin ko ang aking pagkatao mula sa pagkakapira-piraso.
Marthin May 2019
Oh magandang binibini, ako’y lubos na nagagalak dahil sa ating mga mumunting palitan ng mga mensahe. Kahit na ito’y di masyadong impormatibo, ako’y lubos na nasisiyahan sa ating mga pinag-uusapan.

Oh binibini, ang bawat ngiti na iyong pinapakita ang siyang nagbibigay sigla sa matamlay kong araw. Ang iyong mga tawa ang siyang nagsisilbing musika sa aking mga tenga, na walang kapantay sa tinig at ganda.

Kahit na sa kakaunting panahon na tayo’y nagkilala, para na kitang kaibigan na kay tagal nang kilala. Ang bawat palitan ng mga letra’t salita ay may kasamang pagmamahal at tuwa. Kaya ang mga salitang ito’y kusang lumalabas sa aking dila.

Oh binibini, nawa’y mapansin mo ang mga problema na dulot mo, sa pagka’t gabi-gabi nalang ako’y di makatulog pag na-aalala ang mga ngiti **** sintamis ng preskong bino at ng mga titig **** kasing init ng siling labuyo.

Nawa’y sa pag idlip mo’y mapaghinipan mo ako, ng ako rin ay makadayo sa mundong tayo lang dalawa ang nandoon. Kung saan malayo tayo sa mga mata ng di nakakaintindi, at sa mga salita ng di nakaka-alam.

Oh binibini, lagi mo sanang tandaan, na kahit saankaman ay laging nasa sayo ang puso ko. Na kahit bagyo ma’y dumaan at mga lindol ay maranasan, na ang pagtingin ko ay laging sayo lamang.
A deep tagalog poem
Jamjam Apr 2018
"Mahal na mahal kita". Ang tangi tanging kataga na pumapasok sa isip ko pag kinakausap kita. Madaling sabihin, dalawang salita, siyam na letra
"Gusto kita" at "mahal kita" salitang kayang gawin ang lahat para sayo, mahirap man o madali dahil mahal kita

Sabi nga nila'y nababaliw na ako. Sa pag ngiti sa sulok tuwing nag iisa't walang kinakausap. tila ba'y nababaliw na. Pero di yan totoo. Di nila ako masisisi, mali bang ngumiti ako pag ikaw ang iniisip ko?

Hindi kita maangkin.
Hindi ko masabing ikaw ay akin.
Sapagkat wala namang atin.
Dahil hindi ka naman akin, OO HINDI.
Hindi ka saakin dahil wala nga namang tayo.
Tila salta't dayo ang turing mo sa akin sa tuwing tayo'y naguusap, pigil sa salita.
Kahit ganon, ako'y nadadala't nagagalak sa tuwing naguusap tayo.

Hindi ko na mapigilan. Gusto na kita. O baka
mas maganda sigurong sabihin na bakit nga ba kita ginusto? Ginusto sa sobrang ikling panahon.
Hindi ko alam kung bakit o kung paano. Basta't pag gising ko alam ko sa sarili kong gusto na kita....

Natatakot ako! OO takot na takot ako.
Takot akong masaksihang may iba ka ng gusto.
At hindi na ako.
Pero mas takot ako,
Mas natatakot akong sabihin mo ang mga katagang.
"WALA NAMANG TAYO, ANONG KARAPATAN MO"

Ano bang dapat kong gawin, para mahalin mo?
Anong dapat gawin, para mag karoon ng ikaw at ako na bubuo sa salitang tayo, sa mundo ko.

Bakit minahal mo ako? Yan ang tanong na alam kong itatanong mo sa akin, at alam kong wala akong maisasagot, dahil wala namang sagot kung bakit mahal kita, basta mahal kita.

Bakit ako? Bakit ganyan ka sa akin?
Ang mga salitang yan ang palaging sumasagi sa isipan mo sa tuwing magkausap tayong dalawa.

Bakit ikaw? Bakit ako ganto sayo?
Mukang alam mo naman siguro ang sagot sa mga tanong mo na yan. Ang kaisa isang salitang minumutawi ng aking mga labi...Mahal kita

Alam mo naman sa sarili mo na gusto kita
Alam mo naman sa sarili mo na wala nang iba
Alam mo naman sa sarili mo na ikaw lang talaga

Ika'y nangangamba na baka may makilala pa akong iba. Natatakot ka sa kadahilanang kilokilometro ang agwat nating dalawa.
MAHAL magbigay ka ng kahit konteng tiwala, pangako't hindi ka magsisisi.

Wag kang mag alala. Ako yung taong maihahalintulad mo sa sinaing sa rice cooker, ok lang kahit hindi mo bantayan..

Minsan hindi mo inaakala na magkakagusto ka sa isang tao ng ganon kadali o sa ganon kaigsing panahon, kaya siguro hindi mo matanggap na nagkagusto ka sa taong hindi mo pa gaanong nakakausap, nakikilala't nakita manlang. Yakapin ang katotohanan at walang hanggang saya ang idudulot sayo nito.

Ang namumuong pagtingin ay sobrang hirap pigilan. Pero sa palagay kuy di mapipigilan ang pilit na sumisigaw at naninibughong nararamdaman na nagtatago sa takot na dumadaloy sa bawat laman at kasukasuan ng iyong katawan.

Sana'y wag mo ng pigilan dahil lalo ka lamang mahihirapan, hayaan at wag pigiling umibig ang pusong nanghihingi ng tamis ng aking pag ibig. Ialis sa isip ang takot, at pabayaang puso ang mag desisyon. Baka sa paraang iyon ay lumaya at maging masaya ka sa araw araw na lilipas.

Hindi ko nga magawang makipagusap sa iba ibang babae o tumingin kase alam kong meron akong ikaw.

Meron nga ba akong ikaw? Ako'y umaasa.
Alam kong maluwag pa ang pagkakatali at hindi pa kita pagmamay ari. Kaya sanay hayaan mo akong mahalin ka, at mahalin ako pabalik.

Kilometro man ang layo natin sa isat isa. Pero hindi nito mapipigilan ang pagmamahal ko sayo. Ang ninanais ko lamang ay tanggapin mo at ilais ang pangambang bumabalot sa iyong isipan.

Masasabi kong sugal nga ang pag ibig. Dahil maaari kang matalo at masaktan. At sa kabilang dulo naman ay mananalo ka at walang hanggang saya.

Minsan sa buhay naten pumapasok ang takot at pumipigil sa mga bagay na maaari tayong mas maging masaya.

Ang takot ay kasinungalingan lamang na lumalason sa ating isipan, kaya siguro hindi natin nagagawa ang mga bagay na maaari tayong sumaya.

Hayaang ating puso ang magpasya. Nang sa gayoy mawala ang tinik sa lalamunan, at hayaang lumigaya at guminhawa ang nararamdaman

Ang takot ay panandalian lamang. Pero habang buhay na bumabasag sa ating kasiyahan. Sanay ialis ang takot, nang sa gayoy hindi ang pagsisisi ang manirahan sa iyong puso.
Sorry di pa po masyado revised
Krezeyyyy Jul 2014
Nagkatinginan
Mga matang kumikislap
Katulad ng mga tala sa kalangitan,
Sabay ngiti
Na animo'y mas malawak pa
Sa kalawakan.
Nasisiyahan, nagagalak
Na mga puso sa tuwina
Wari ko lang naman
Sana ramdam mo din
Itong aking nararamdaman para sa iyo,
Oh aking sinta.
Paulo May 2018
Marahil ikaw ang mabisang gamot
Na laging naka ngiti at ang noo'y naka kunot
Sana'y lagi kang ganyan at hindi malungkot
At sa dibdib ay wag magtanim ng anumang poot

Pagkat bakas sa iyong mata ang kalungkutan
Na tila dulot ng nakaraang paglisan
Ako'y nagagalak dahil sa iyong katapangan
Na para bang kaya **** harapin ang kinabukasan

"Galingan mo pang lalo" yan aking sambit
Dahil alam kong pangarap mo'y malapit mo ng makamit
Pag aaral ng ukol sa ngipin ay hindi madali
Pero pag-papangiti mo sa ibang tao'y talagang wagi

Para sa ilang araw na walang tulog
Para sa isip **** determinado't may pagsisikap
Kapit lang.
Dahil balang araw ikaw'y makaka ahon
Sa lula ng pasan **** panahon

Nais kong malaman mo'y ako'y galak
Sa ugali **** taglay at sa mga tawa **** walang humpay
Asahan **** sa iyong paglalakbay na lagi akong naka gabay
At unang ngingiti sa iyong tagumpay

At para sa puso **** marupok na minsan ng nauntog
Nawa'y mahanap na nya ang sariling tuldok
Dahil ang nais ko lang naman ipabatid
Ay kung gaano kasarap mahalin at magmahal ng solid
Sikretong liham , para sayo ginoo
Maaring hindi mabasa ngunit sana’y pahintulutan mo
May mga salita lamang na hindi na maririnig ng iyong puso
Sa mga nakaraang araw , buwan o taon
Ngunit sa pamamagitan nitong tula ko
Ay mag silbing liham para sayo

Nagagalak ang puso
Sa mga ngiti mo
Sa bawat pag tawa at pang aasar na pabiro
Kung paano mo e kuwento mga plano sa buhay
At pagpapakita kung sino ka nga ba talaga ang ginoong nasa harapan ko

Nais ko sanang malaman mo
Na naging laman ka ng mga panalangin ko
Na sa pag pasok mo sa mundo ko
Ay mananatili ka na dito
Dahil isa ka na ginoo ,
Sa kumumpleto ng unang taon ko

Naiisip ko parin mga tawa at ngiti mo
Sa mga birong nag patawa
Sa malungkot kong mundo
Sayang lamang at hindi ko nasuklian iyon
Ngunit sanay ngumiti ka parin
Dahil para saakin bagay iyon
Sa makulay **** mundo

Mga larawang ibinigay
Maraming salamat sa puso ****
Walang kapantay
Sa pag sama sa dahan dahang pag sayaw
Habang pag sabay sa iyong mahusay na pag kanta
At pag yakap ng mahigpit noong ako’y hinang hina

Ginoo , panalangin ko sa taas
Na sa pag bangga nating mga landas
Ay masaya at naka ngiti ka ng wagas
Dahil iyon lamang ang panalangin kong
Para sayo ay sana matupad
Hanggang sa muli , ginoo
Ang liham na sayo’y iaabot
Dito na lamang
Ama
082920

Nagbibilang na lamang ako ng oras
Upang ang bukas ay tuluyan nang kumalas
At kusang sumabay sa palakpakan
Sa entabladong nakatikom sa aking damdamin.

Ilang taon nang nakikibaka ang Iyong mga kamay
Sa modernong pagkatha at paglikom ng mga salapi.
At sa aming hapag-kaina’y ilang ulit na akong tinutukso
Ng mga matatamis na panimula sa telebisyon —
Na baka sakaling matikman ko rin
Ang hain nila sa sarili nilang hapag-kainan.

Minsan akong nangulila
Buhat sa kawalan nang may mga katanungang,
“Sino nga ba ang tama?”
Na sa paulit-ulit na pagtatapon ko ng mga ito’y
Ang mga ito rin ang sumasampal sa aking pagkatao.

Ngunit ang totoo’y:
Nilimot ko na ang mga katanungang iyon
Hindi ako sumabay sa agos ng galit
Na bumabawi sa aking paghinga
Na tila ba ako’y pagod na
At gusto ko na lamang manahimik mag-isa.

Nais kong sambiting
Hindi ako nagalit nang minsan mo kaming pinagtaksilan,
Inisip ko na lamang na iba ang latag ng kapalaran —
Iba ang laro sa loretang ito
At hindi ito madali —
Pero ito’y panandalian.

Siguro nga —
Iniisip **** saan nanggaling ang mga ito
Ang mga salitang tila ba hindi ko man lamang pinag-isipan
At tuluyan kong binitawan
Gaya ng pagbitaw mo para sa amin.

Pero gaya ng sambit ko —
Hindi ako galit,
Hubad ang aking emosyon
At umaapaw pa rin ang aking pagpapasalamat
Na sa mga oras na ito’y —
Hindi mo kami iniwan.

Higit pa sa pagpapabatid ko ng pasasalamat sa ito’y,
Nais kong ihagis ang aking mga kamay sa langit
Na tila ba higit pa sa nagagalak ang pakiramdam
Ang aking puso’y tiyak na ang grasyang alay ng Langit
Ang gumawad sa akin ng kalayaan.

Malaya akong piliin ang saya kesa sa galit,
Na parang paghihimay ng mga butil ng buhangin,
Parang imposible, di ba?
Pero naging posible
At wala na akong maihain pa
Kundi ang umaapaw kong pusong
Ginawang Malaya ng Maykapal.

Lubos ang aking pagsamba,
Salamat Ama.
Salamat sa dalawa kong ama at Ama.
kingjay Apr 2020
Sa ulan naligo nang nagagalak
Bawat patak sa pisngi ay parang biyayang inihahatid
At sa sandaling paghinto ay ang pagbabalik
Paggugunita sa mga araw ng paggiliw

Noong kami pa ay parang langit
Ulap sa paa ko' t bituin sa panaginip
Walang gabi na tahimik
Sapagkat parating may malamyos na awit

Ang pakiramdam ko sa panganorin
Walang hanggan-kataasaan ay di malirip
Ngunit unti-unting nawawari
Kalangitan ay isa lamang bahagi

Kung ituturing ay isangpanig-ibig
Pagkat ang pag-irog ay ganap na pagmamartir
Tinakasan na nakalupasay sa pananabik
Ang sinta ko sa iba kumapit

Naaalala pa nang nakadantay ang kanyang binti
Sa hita ko' t sabay ng masuyong paghalik
Yakap niya sa akin ay napakahigpit
Ngayon bakit kay dali lang sa kanya ako' y ipagpalit

Binigyan man ng malapad na bagwis
Ang bawat wasiwas naman ay dulot pighati' t
Nagpapahiwatig ng pamamaalam na nalalapit
Isang beses lang lumipad, sampung ulit ang hilahil

Tinuring na reyna sa kahariang panaginip
Kahit na inaalila niya' t inaalipin
Para sa akin isa siyang prinsesa na handang isagip
Sa mababangis na lobo' t mga tigreng sakim

Kung maparool man ay hindi itatanggi
Na minamahal siya' t itinatangi
Mapalayo man sa pamilya' t kaibigan siya pa rin ang pipiliin
Namumukod tangi siya, walang kahulilip

Huli na nang malaman ang ibig
Ako' y pala kasangkapan lang sa kanyang ninanais
At upang sa isang tao' y mapalapit
Ginawa niya akong tulay - pantawid

Ano mangyayari sa pakikipagsapalaran sa pag-ibig
Tiyak na maluluray, at dadaing
Dahil sa antak na di naiibsan at naaalis
Duro sa puso' t wasak na damdamin

Nararamdaman ang masidhing lunggati
Na sinilsilyaban sa tuwing ako' y nilalambing
Nasang na sana ay laging magkapiling
Dumadarang na nakatiwangwang di mailihim

Larawan niya' y kinikimkim
Tampalasang kataksilan nailimbag sa isip
Sa mapanlinlang na anyo ng bahaghari
Hubog nito' y lumbay hindi aliw

Hanap-hanap pa rin ang silay ng giliw
Masasadlak man sa landas muli ng pag-ibig
Kung may pagkakataon ay aking hihilingin
Saktan niya sana ako, isa pa at siya' y mamahalin
Kevin V Razalan May 2020
Walang labis, walang kulang,
Kung magliyab ang pluma kong laging natatakam,
Mga salitang lilikhain nito'y namumutiktik sa sabik,
Malinggal ang dila, nagagalak kung maghasik.

Madalas ay parang lantang gulay,
Kung gumuhit ng salita ay matamlay,
'Di matuka ng uwak kung ialay,
Minsa'y kulang-palad kung panlasa'y 'di bagay.

Sa tuwing hahampas ang higanteng salot,
Rubdob ng damdamin ay mapusok,
Tatamuhing sugat ay balon na 'di maabot,
Pilat ay siyang mararanasan, patawad ko'y suntok sa usok.

Minsan nama'y isang mapagtangis,
Ulan sa ulop katumbas ay luhang hitik kaysa pawis,
Ipapatalos sa huwad **** puso ang nalasap na pait at sakit,
Sa pluma ko'y tutungayawin ka't isasakdal sa piitan ng malasahan mo rin ang pait.

Hindi na sapat ang galak na malalasap,
Gayong panulat at puso'y nakaranas ng dusa at alat,
Naglahong bula ang hiwaga nitong kaibuturan ng pusong marilag,
Sa pinta mo'y nagmistulang kahabag-habag.

Umpisahan mo ng pumikit, ng mahagilap mo rin ang sinapit,
Madalas man akong matinik , sayo'y hindi na iimik,
Nitong plumang binuling at pinatulis ko sa inani ko sa'yo,
Ngayo'y kakikintalan mo ng hayag na masakit ngunit pawang totoo.

✍: pensword
Zaki Aug 2019
Dati ako'y nagagalak sa dilim–tahimik at payapa.
Nakakaramdam na ako'y malaya.
Sa paglipas ng panahon,
nagbago na ang aking pananaw.
Hindi na tuwa,
kundi takot na ang nangingibabaw.
Sa pagsapit ng dilim, heto nanaman.
Nangangamba sa mga munting tinig na umaalingawngaw.
Pagdurusang walang makarinig kahit gaano kalakas ang iyong sigaw.
Jungdok Nov 2017
Ang pagmamahal siguro'y bulag nga
Nang makita kita sayo'y nahulog agad
Ikaw ay may itsura
Mabait at palangiti pa

Ngunit sabi ng Ina'y ako ay mag-ingat
Tayo'y magka-iba, hindi raw pinagtadhana
Hindi ako naniwala
Alam kong sayo ako'y sasaya ng lubusan

Naglaro, nagtawanan
Sa mga panahong kasama ka ako'y nagagalak
Subalit dumating ang araw
Araw na magwawakas pala ang lahat

Ako'y nawasak at ikaw ang may sala
Unti-unting nabasag
Wala na akong magagawa
Tama nga ang sinabi ng ina na hind tayo para sa isa't-isa
Hango sa kwento na "Ang Banga"
Haizel Gacias Jun 2020
Ako'y nagtataka
Kung bakit nga ba?
Nagtatanong kung bakit ika'y may kamukha
Pero iyon ay aking binalewala!

Lumipas ang mga araw,
Ako'y nagbabalik tanaw
Hinahanap hanap ka
Pero hindi na kita nakita pa

Simula nung malaman,
Ang puso ay muling nabuksan!
Dahil sa mapait na nakaraan..
Ng ako ay kanyang iwanan.

Simula nung malaman..
Isang gabing napag isipan
Itong pusong nagagalak sayo...
O mahal na "destiny" ko.

— The End —