Iginagapos ko ang sarili gamit ang aking mga palad,
Ayokong maniwala sa kapalaran,
Pagkat hindi na tayo mga batang
Nakikipaglaruan pa
Sa mga mumunti nating mga pangarap.
Sa bawat desisyong ating paninindigan,
Doon natin masasabing, kaya talaga natin.
Mahirap man makipagsapalaran
Sa mga nagtatagisang katauhan
Ngunit, isipin mo,
Hindi natin sila kalaban.
Hindi tayo palamuti sa ating mga istorya,
Tayo yung unang babati sa’ting mga sarili ng,
“Magandang umaga.”
O kung bakit minsan,
Nananatili tayong pagod na pagod
Na tila ba hinihila tayo ng Araw
Na para bang tayo’y mga kalabaw lamang
Na magpapagal at hindi aani.
Iikot tayo sa mundong hindi tumatakbo,
Kundi iikot tayong may dahilan
At hindi tayo magiging pabalik-balik.
Tayo’y matututo sa bawat lubak,
Madisgrasya man tayo’y, hindi pa rin susuko —
At tayong manananatili sa pagwagayway
Ng ating mga bandera,
Na hindi nagpapatangay
Sa mga mistulang diktador na mga alaala.
Magbibilang tayo ng araw,
Ngayong taon
Ngayong araw na ito,
Tayo’y magsisimula —
At hindi tayo magtatapos
Nang walang kabuluhan
Ang ating mga adhikain.
Tayo ay iisa —
Isa, dalawa..
Tatlo..
Tayo na —
At magsimula.