Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
073016

Alkansya ko'y panalangin --
Taimtim na pananampalatayang ikaw nga.
Hindi mo marahil masaklaw ang estado ng puso
O ang lalim ng determinasyon ko sa paghihintay.

Saludo ako sa katatagan mo.
Kahit na hindi natin nasisilayan ang bawat isa
Sa tuntungan ng saya at pighati.
Hindi ko mawari ang pag-ibig na laan ng Ama
Pagkat kahit hindi magtagpo sa ngayon,
Alam kong ang pagku-krus natin noo'y
Iba ang pahiwatig sa pusong malayang naghihintay.

Walang alaalang masakit,
Kahit pa may mga katanungang hindi nasagot.
Walang sakit na hindi mabubura
Nang pag-ibig Niyang walang kaltas.
Kaya't may galak ang paghihintay.

Araw-araw, mag-iipon ako ng mga panalangin,
Higit pa sa mga salitang laylayan ay tugma;
Higit pa sa mga talatang balot ay emosyon.

At sa aking pag-iipon,
Alam kong kahit tunog-lata ang iila'y,
Tutubo ang mga ito para sa'ting kinabukasan.
Pagkat alam ko kung kanino ako unang nagtanim --
Hindi sayo, hindi sa akin
Bagkus **sa Kanyang Siyang may pandilig.
Minsan, naiisip kong bitiwan nalag ang paghihintay; kasi baka wala naman. Pero hindi ko maintindihan kung paanong binalot ng pag-ibig Niya ang sarili patungo sayo. Alam kong ikaw. Basta, nagtitiwala ako sa Kanyang ikaw ang laan Niya.
Ama
082920

Nagbibilang na lamang ako ng oras
Upang ang bukas ay tuluyan nang kumalas
At kusang sumabay sa palakpakan
Sa entabladong nakatikom sa aking damdamin.

Ilang taon nang nakikibaka ang Iyong mga kamay
Sa modernong pagkatha at paglikom ng mga salapi.
At sa aming hapag-kaina’y ilang ulit na akong tinutukso
Ng mga matatamis na panimula sa telebisyon —
Na baka sakaling matikman ko rin
Ang hain nila sa sarili nilang hapag-kainan.

Minsan akong nangulila
Buhat sa kawalan nang may mga katanungang,
“Sino nga ba ang tama?”
Na sa paulit-ulit na pagtatapon ko ng mga ito’y
Ang mga ito rin ang sumasampal sa aking pagkatao.

Ngunit ang totoo’y:
Nilimot ko na ang mga katanungang iyon
Hindi ako sumabay sa agos ng galit
Na bumabawi sa aking paghinga
Na tila ba ako’y pagod na
At gusto ko na lamang manahimik mag-isa.

Nais kong sambiting
Hindi ako nagalit nang minsan mo kaming pinagtaksilan,
Inisip ko na lamang na iba ang latag ng kapalaran —
Iba ang laro sa loretang ito
At hindi ito madali —
Pero ito’y panandalian.

Siguro nga —
Iniisip **** saan nanggaling ang mga ito
Ang mga salitang tila ba hindi ko man lamang pinag-isipan
At tuluyan kong binitawan
Gaya ng pagbitaw mo para sa amin.

Pero gaya ng sambit ko —
Hindi ako galit,
Hubad ang aking emosyon
At umaapaw pa rin ang aking pagpapasalamat
Na sa mga oras na ito’y —
Hindi mo kami iniwan.

Higit pa sa pagpapabatid ko ng pasasalamat sa ito’y,
Nais kong ihagis ang aking mga kamay sa langit
Na tila ba higit pa sa nagagalak ang pakiramdam
Ang aking puso’y tiyak na ang grasyang alay ng Langit
Ang gumawad sa akin ng kalayaan.

Malaya akong piliin ang saya kesa sa galit,
Na parang paghihimay ng mga butil ng buhangin,
Parang imposible, di ba?
Pero naging posible
At wala na akong maihain pa
Kundi ang umaapaw kong pusong
Ginawang Malaya ng Maykapal.

Lubos ang aking pagsamba,
Salamat Ama.
Salamat sa dalawa kong ama at Ama.
111422

Namumuo ang pawis sa kanyang kamao
Tila ba sapat na ang mga galos na kanyang natamo.
At dali-dali nyang sinarhan ang silid
Na walang ni isang palamuti ng kapaskuhan,
“Nandito — nandito na ako sa ikatlong palapag,”
Aniya sa kabilang linya.

Kinuha niya ang lapis
Buhat sa luma nyang aparador —
Puno ng alikabok
Na kahit ilang pagpag na’y
Hindi naririndi sa pagbuga
Ng umaalingasaw nitong karumihan.

Naupo sya’t napapikit na lamang
Inaalala ang bawat detalye
Ang bawat katagang kanyang narinig
Ang bawat imaheng nais nyang takasan.

Nanginginig pa rin ang kanyang mga tuhod,
At nangangalay ang kanyang mga kamay.
Habang tumatagas ang pawis nyang
Kulay itim sa malagim na gabi.

Naghihintay ng sagot
Sa mga katanungang saksakan ng ingay
Sabayan pa ng sunod-sunod na putok
Ng mga sumasalubong ng Bagong Taon.

At sa kanyang di sinasadyang pagdungaw
Sa bintanang walang kurtina’y
Nabaling ang kanyang tingin
Sa buwang napakaliwanag
Tila ba may taglay itong kung anong elemento —
“Mahiwaga,” wika nya.

Ang mga larawan sa kanyang balintataw
Ay unti-unting gumuho
At napalitan ng imahe ng buwan .
Akala nya’y makakatakas na siya sa liwanag nito,
Akala nya’y ito na ang huling kathang
Kanyang maililimbag sa kanyang kwento.

Maya-maya pa’y sa dulo ng kanyang dila’y
Hindi nya maipaliwanag
Ang kung anong himig na kanyang sinasalaysay
Na tila ba may boses na nag-uutos sa kanyang
Bigkasin ang mga pangungusap
Na hindi nya ninais na sambitin.

Mahigpit ang pag-akap ng kanyang kamay
Sa lapis na guguhit at tutuldok sana
Sa kanyang masalimuot na nakaraan.
At muli nyang pinagmasdan ang kalangitan
Hindi na buhat sa sarili nyang bintana
Pagkat hayag sa kanya maging ang mga bituin.

Dahan-dahan nyang itinuro ang buwan
Gamit ang lapis nyang hindi man lang natasaan —
“Sayang, ngayon lang Kita nasilayan…
Sayang, pagkat hanggang dito na lamang.”
Paano na lamang kaya,
katanungang hindi
kayang isalita?
Naka-lihim na lamang
ba sa bawat titik ng tula?

Hanggang kailan?
Hanggang saan?
Katanungan na lamang
na idinadaan
sa matatalinhagang katha.

May sariling himig
patungkol sa pag-ibig
ngunit bakit nag-dadalawang isip
na ipahiwatig mula sa aking bibig?

Sa mga sandaling ito,
wala pa dalaw ng antok,
Narito at nag-papawihatig
nang muli ang lantarang pag-hanga.

Madalas ipinapakisuyo
sa matatalinhagang salita,
sa bawat tayutay
at saknong na
may lantay at tugma.

Lakas ng loob nawa'y
magpanhik ka nang
ako'y wala nang kinikimkim
at hinihibik sa langit.

Halos umapaw na,
baka 'di na yata kayanin pa.
Panalangin ko na iyong mamalas,
na laging winiwika
ko'y pangalan mo
magpa-hanggang wakas.
Roanne Manio Dec 2019
Siguro nga'y tayo lamang
ang mga tao sa mundo,
at ang mga ilaw sa daan ay disenyo lamang
ng mga 'di nakikitang kamay,
ang matamis na boses na nanggagaling sa kahon
ay likha lamang ng ating mga isip,
at ang mga katanungang pumupuno sa katahimikan
ay guniguni na dulot ng magdamag.

Ang puwang ba na pumapagitna ay tulay
o dingding?
Ang dilim ba'y bunga ng gabi o dahil
pareho tayong nakapikit?

Malabo ang lansangan sa likod ng salamin
ngunit ngayon, sa bulang ito,
lahat ay malinaw, totoo.
127 / 1223 / 1228 / 101 / 111 / 112
Jun Lit Nov 2018
Sa sulok ng isipang dinadaluyong
ng mga sanlibong sala-salabat na tanong
may paanyaya kang pagdamay ang layon
mula unang lagok, mainit ang pagsalubong.

Maraming katanungang pumapatak sa diwa
Tila ulang tikatik, ulang walang sawa
Hindi lang ‘ano?’, ‘sino?’, o ‘saan?’ ang humiwa
Puso’y sinugatan ng ‘paano?’, ‘bakit’ at ‘kailan kaya?’

Sa bawat pagsikat ng araw sa Malarayat sa Silangan
Lulubog din ito tan’aw ang Maculot sa kinahapunan
Tagumpay at sigla noong kapanahunan
Mga bituing nawawala, pagsapit ng sangang-daan

Kaya’t hindi dapat malasing, malango
Sa naabot na rurok o kayamanang lumago
Pagka’t batas ng Kalikasan ang siyang nagtuturo
Na lahat ng ito sa malaon o madali’y maglalaho

Pag-ibig na busilak, mananatiling buo.
My eighth in my Brewed Coffee Poems series; poems much influenced by my memories of my old home and childhood in Lipa, Batangas.
Chloe works Oct 2017
Patawarin mo sana kung akin pa ring pinagpipilitan,
Nagbabakasakaling maibalik pa ang tamis ng ating pagmamahalan,
Hindi naman siguro masamang mangarap,
Kahit na sintaas pa ito ng mga ulap.

Pilit inuunawa, may pagkukulang ba o sadyang nagsawa ka na lang talaga.
May mali bang nagawa o may nakahanap ka na ng mas maganda.
Mga katanungang gumugulo sa aking isipan.
Ninanais na sana ito na'y matuldukan.

Hinayaan ang sariling magpakatanga,
Umasa na ang nakaraa'y maibabalik pa,
Mga alaalang ubod ng saya,
Tila ba hindi na masusundan pa.

Mga pangakong pilit na pinanghahawakan,
Kahit na nagkabuhul-buhol na ang hawakan,
Mistulang kamay mo na unti-unting bumibitaw,
Pumipiglas kahit na pilit hinahawakan.

Matatapos din ang lahat, kailangan lang ng pagtyatyaga.
Maglalaho ang pag-asang magkakabalikan pa.
Pagmamahalang paglilipasan din ng panahon,
Mga mumunting alaala'y tinangay na ng alon.
Julianne Jul 2020
Umiiyak ka nanaman.
Nilulunod ang sarili sa alaala ng nakaraan.
Nakaraang winasak ka hanggang sa wala ka ng maramdaman.
Nakaraang sinumpa mo ngunit gusto mo pa ring balikan.

Sa sarili'y tinatanong ang mga katanungang wala namang sagot.
Umiinom ka nanaman ng lason na kalauna'y ginawa mo ng gamot.
Anong nangyayari sayo?
'Di ka pa ba napapagod?

Luha mo ay patuloy parin sa pagdaloy,
Habang nilalango ang alak na sa lalamunan ay umaapoy.
Nagluluksa ka dahil puso mo'y siya parin ang tinitibok.
Tangina, kailan ka babangon sa pagkakalugmok?

Madilim na langit ay unti-unti nang lumiliwanag,
Liwanag sa iyong ngiti kailan ko kaya ulit maaaninag?
Umaga na, di ka parin tapos sa pagtangis.
Hanggang kailan ka ba magtitiis?

Mahal ko, tama na.
Ako ang mas nasasaktan sa iyong ginagawa.
Tahan na, mahal ko, parang awa mo na.
Baka ikamatay ko na kung bukas iiyak ka nanaman dahil sa kanya.
Roninia Guardian Aug 2020
Mali bang bumitaw
'pag nahihirapan na?
Mali bang umayaw
'pag sumusobra na?

Mali bang sumuko
'pag hindi na maintindihan?
Mali bang lumayo
'pag hindi na pinahahalagahan?

Mga katanungang 'gang
ngayo'y hindi ko maunawaan
'Di maikintal sa'king isipan
ang tumpak na kasagutan

Kung bakit tila mali sa iba
ang mga bagay na saki'y tama
Kung bakit tila 'di nila maintindihan
ang aking nararamdaman

Na kahit pilit mang ikubli
sa aking mga ngiti
Hindi maikakaila ang
pusong nagsisisi

Kung maibabalik lang ang
nga panahong nakalipas
Mas pinili nalang sanang sundin ang utak
kesa pusong mapangahas

Wala sanang maling desisyong nagawa
Ang nakasakit ng iba
At walang maling emosyon
ang nagsilbing tugon

Tila tama nga sila
at ito'y hindi maikakaila
na Pagsisisi'y wala sa unahan
kung 'di laging sa hulihan.
Akala ko alam ko
Akala ko ito lang yun
Akala ko madali lang
Akala ko may sagot ako sa mga tanong

Pero unti unti
Namumulat ako sa katotohanan
Nakikita ko ang bukas
Nagkakaroon na ng mga katanungan
Nagsisimula ng Malito

Ano nga ba
Sino nga ba ako
Para saan ito
Bakit ako nandito

Mga katanungang ibinabato
Sagot ay naging bato
dahil hindi mapagtanto
Hindi makita ang dulo

Hanggang dito lamang
Sa puso at isipan
Tangi kong naibibigkas
Hindi ko alam
Taltoy Feb 2023
O aking kaibigan,
Iniirog ay nasaan?
Ilang taon, ilang buwan?
Pwede namang ngayon, pwede naman.

Isang maligayang araw ng mga puso,
At sana ngayon, ika'y tunay maligaya,
Mga katanungan (ni mrln), wag na sanang lumiko,
Bigyang katotohanan hinihintay na BIGA. (AHHAHAHA)

kung sakaling lumiko na naman,
mga katanungang mistulang pabalang,
alalahaning may mga kaibigan,
parating nagmamahal at di ka iiwan.
happi balentayms, tani mag confess na si mrln today dipota, gusto ko na biga stories ni ysobelle. I WANT THE TEAAAA. lordt pls lang

— The End —