Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
"Tagu-taguan, maliwanag ang buwan
Sona-sonahan, madilim na naman.
Pagbilang kong tatlo, nakatago na kayo
Mapagod man kayo, tuloy pa rin ang laban ko
Isa.. dalawa.. tatlo.. Game?"*

Pag si Juan ang nagsalita,
Nag-aalitan ang madla.
Pag tikom ang bibig,
Siya'y bulag raw sa maralita.

Pag nilatag ang naplantsa,
Lalatiguhin ng administrasyon.
Pag walang plataporma,
Ihahagis sa bangin ng suhestisyon.

Kalaban pala nati'y ang sariling atin,
Demokrasya nga'y may sapin pa rin sa bibig
Mga bolang itim, saang lupalop ang padpad
Mapait ang kapayapaan,
Dakila ma'y kanilang binabagsak din.

Walang nakatitiis sa bayang nagpapapansin
Masakit nga naman sa bulsa ang tunay na bayanihan
Dugo'y dumanak makamtan lamang ang demokrasya
Sobra-sobra nga lang ang danak ng iilang raleyista.

Sadsad sa suliranin ang Inang tinakwil
Mga anak sa lama'y namasyal pa sa ibang bayan
Hindi na matapus-tapos ito'y pagdadamayan,
Damay sa kurapsyon, damay sa pagtitwakal ng mga Inakay.
Yuyuko na lang ang nasa langit
Pagkat nagapi ang mga tunay na Anak --
Ang lipunang ginahasa ng iilang ganid,
Paulit-ulit na, ang hapdi ng kamusmusan.

May iilang nagtatanong,
May iilang walang pagtataka,
Musmos sa bayan, wala namang pag-usbong
Kaya't iba na lang ang nakikinabang
Puspos sa distansya
Ng kamalian ng nakaraan.

Hugas-kamay ang iilan,
Simpleng hindi batian,
Wika nga ba ng pagkakalimutan?
Parang away-kalye, away-bata
Aso't pusa, sa lipunang
ang hepe'y sila-sila lang din.

Batu-bato pik, naglalaro ang iilan
Bukas tataya na naman sa lotto
At pag natalo'y iiyak na lang,
Bibigyan ng tsokolate,
Pangako para sa matamis na pag-iibigan
Ngunit balat lang pala,
Mapagbalatkayong himagsikan
Tapos, hahanap ng Darna
Pagkalunok ng bato ng kamanhidan.
Gat-Usig Oct 2013
Aniversari ng Mag-jowa
Mansari ng Mag-jowa,
Valentayns Dey
Sa loob ng bartolina.


May wan en onli,

Kahapon kaututan ko si Bebot,
Nakaposas ang mga kamay at 'di makakilos
Nakatali ang mga paa sa kadenang
May bolang bakal,
Si Bebot ay matitigok na.
Nagkaututan kami sa gawing madilim,
Tangan ang Gud Morning,
Pamunas ng luha.
Humahagulhol dahil kay Dok Puti,
Hinahanda na nito
Ang kanyang kahahantungan,
Said na said ang mga hikbi;
Pinid na pinid ang mga kagalakan,
Gustong pahintuin ang bawat saglit.
Di mapigil ang hatol,
Nasa dulo ng karayom
Nakasalalay ang lahat;
Unti-unting naniningkit si Bebot,
Ginagapos na siya ni Dok Puti sa katre;
Walang sinuman ang makakaampat
Sa naturang likido.
Kahapon, kaututan ni Dok Puti si Bebot.
"Lav, sapitin mo nawa ang iyong katahimikan."


Sa Valentayns Dey,
kahit sinong mag-jowa.
-  Juan Dela Cruz, M.D.


P.S.
Alay sa bawat magkasintahang pinagtagpo't
pinaglayo ng pagkakataon.
Jun Lit Jan 2018
Nag-aanyaya
ang kinagisnang duyan,
sa puso'y kumakatok:
halika, kita'y ipagsasalok
kapeng barako, ika'y lumag’ok
kung kulang ang 'sang tasa'y
mayroon namang mangkok -
Sa Lumang Lipa, ang pakilasa’y
pakiramdam at hindi tam’is
kagaya ng pagsasamahan
o pait na dulot ng kasawian.

Inaapuhap sa aparador na pinagtaguan
ang malukong na tagayan
ng nagkaribok na kabataan;
mula sa sulok ng balintataw,
nilililok, aking natatanaw
ang mga imahen, hindi mga anghel,
nagbabalibol ang kaibigan
kong tagapagtanggol,
habang sa kabilang koponan
nanlilibak ang kalaban -
ako ang bolang pinagpasa-pasahan
binugbog ng mga kahon ng lipunan
kahit alin doon, walang pinagkasyahan

mga kahong nagtatakda ng katangian:
     ang tao ay dapat ganito,
     ang kilos ay dapat ganoon
     ang suot ay dapat ganyan
          ang maganda ay ganito ang kulay
          ang makisig ay ganoon ang taglay
          ang tindig ay hindi malambot na gulay:
“kahon, kahon, kahon,
magkasya sa kahon
kapag nagkataon
lagot ka sa ****”

wari’y multong takot lumingon
ang nagtulug-tulugang kahapon
sa ngayo’y gising na kampon -
pinalaya ng kupas na maong

Sisinsay na laang ako doon
at sa huntahan ay tutugon
kung saan nahapon
ang labuyong
hindi kailanman inilaban sa sabong

panalo ka pa rin at karamay,
kapeng gawa sa gal’pong
     barako sa isip
     matam’is sa puso
     at sa lalamunan ko
     ikaw ang kasuyo.
To be translated as "Brewed Coffee V (My Memories of Dear Old Lipa)"
sa mata ng ordinaryong nilalang:
sa kalangitan madalas kayong naghahabulan
nagtataguan, ng mga liwanag at ng mga nararamdaman.
sa malawak na daigdaig, kayo ang nagbibigay liwanag;
kayo ang hinahanap, kayo ang kailangan.
ang mga bituin
                                                          ­                ay kumikislap
    patay sindi,                   'di makapirmi
ang mga bituin ay
  madami, 'di nag-iisa,                                    
                                 kun'di nagkalat na 'isa',
                                                                ­          'di isang buo
                                                             ­                     kun'di isang
                                                                ­                          sansinukob ng:
naghalong emosyon,
'di mapiling pagkakakilanlan,
daan daang kasinungalingan
makapagtago lamang;
sa liwanag niya,                                                            ­            
                                              dahil mas importante siya
dahil siya ang iyong tinitingala,
isang malaking bolang mainit,
nag-aalab,
nakakabulag.

isa kang masokista,
pinili mo ang mapanakit niyang init.
isa kang arsonista,
pinili **** makipaglaro sa apoy.
'di ka naman nag-iisa
ngunit martyr ako,
at ikaw ang pinili ko.


siya si sol, ikaw si luna,
ako ang mga bituin,





kayo ang naghahabulan,
ako ang kumikislap/
kumukutikutitap/
kumukurap,
ako ang nagbubugulan.
                                                   ­       

                                                        ­               bituing matagal nang patay
ito na ang tuldok
Aries Jan 2017
IKAW.
Ikaw yung taong pumukaw sa aking pansin
Ikaw yung nakakaagaw tingin
Ikaw yung hinihintay kong dumaan
Kahit ilang oras pa ang abutin
Ikaw,
Ikaw na ang tingin lang sa akin ay hangin


SIYA.
Siya ang tipo mo
Siya ang kinahuhumalingan mo
Siya ang tinititigan mo
Habang nakatanaw ako sayo
Siya,
Siya ang klarong gusto mo


AKO.
Ako?
Ano nga lang ba ako?
Ako lang naman to.
Na naghahangad ng kahit kaunting atensyon mula sayo
Ako lang naman ang nananakit sa sarili ko
Na kahit Ikaw ay sa kanya nakatingin
At Siya naman ay tumutugon din
Ikaw pa rin ang pilit na hinahabol ng dalawang bolang itim


Kaya, dito ko na lang ihihinto
Ang pagkwento sa ating tatlo
Na kahit ang totoo'y
Wala namang Ako sa pagitan nyo.
Napuno ng tsokolate ang kanilang mga pisnging walang pakiramdam,
At ang awit sa tabing estero’y maingay pa sa pag-iri ng mga metal na may susi.
Unti-unti na rin silang naglabasan
Na tila mga gagambang handa nang pagpiyestahan
Ang mga bihag sa kahon ng posporo.

Narinig ko ang malulutong na mga papel
Na sabay-sabay ang pagpaubaya sa hanging umiihip ngunit mahiyain.
Ang mga palad na kanina’y nakatikom sa mga tela’y
Agarang nagsilikas at humalik sa mga lukot-lukot na papel.

Narinig ko rin ang mga latang may mukha
Buhat sa kani-kanilang sisidlan na kanina’y may makukunat na goma.
Ngayo’y isa-isa silang ipinatumba
Na para bang sa mga napapanood kong pelikula ni FPJ.

Hindi ko matantya kung ano ba ang ibig sabihin
Ng kakaibang sining sa mga mata nilang tila ba santelmo.
Maghuhulaan ba kami sa kanilang mga bolang kristal
O huhubarin na rin nang paisa-isa
Ang mga alagad nito’t maibubunyag ang aking pamato.
Jun Lit Mar 2021
Ang bayrus ng COVID ay tila makasalanan.
Katulad s’ya ng isang halimaw sa katahimikan,
o isang ministrong mataas ang katungkulan
na aliping tagasunod ng kanyang among si Kamatayan.
Kahit anino pa lamang n’ya’y dulot
ay lubos na takot, katulad ng pinakamadilim
sa mga gabi, o sulok ng guwang
o pinakailaliman ng karagatan.
Kumakatha sa isipan
ng mga kakila-kilabot na nilalang
at pinagagalaw sila ng sabay-sabay
nakaambang silain, lamunin
ang bawat kaluluwa, ang mga dibdib binabaklas
upang nakawin ang mga pusong malinis at wagas -
hinihigop ang lahat ng dugo, bawat patak
sinasaid ang bawat pintig ng natitirang lakas..

Malupit itong coronavirus,
isang haring espada ang batas, ang utos.
May kumakalat na ulop, ang madla’y binabalot;
walang kamalay-malay nilang nasisinghot,
orasyong buhay ka pa’y loob mabubulok.
Sa pintuan, naririnig ang katok:
isang panauhing di-kanais-nais ay gustong pumasok,
isa na namang payapang tahanan,
ang kanyang natuklasan.
Wari’y may samurai na iwinawasiwas
doon, dito, nananabas, walang habas
kapagdaka, lahat ng tila nasugatan, mga biktima
lupaypay, bagsak ay sa ospital, lugmok sa kalungkutan,
kinakapos ng hininga, unti-unting nalulunod mistula,
ng sa baga at lalamunan, ay naiipong sariling plema.

Ang pandemyang ito’y isang salaan
salamin ng lipunan,
isang digmaan, kung saan
mailap ang tagumpay at katapusan
at bawat laban, laging anong sakit, talunan.
Lahat ng uri at sinsin ng pangsala ay taglay:
pusong may kabaitan, sa walang puso’y inihihiwalay
maayos na pag-iisip, ibinubukod sa mga lutang at walwal
matatapat, angat sa mga kurakot sa mga larangan
prinsipe’t pulubi, pilosopong tunay
at mga tagasunod, makata’t mga mang-aawit.
Salaan
ng mga malubhang pagkakamali
ng nakaalpas na pagkakataon
ng mga leksyong dapat pang matutunan
ng mga landas na hindi nakita, at maling tinahak
ng daan tungo sa kaligtasan, anuman ang kanyang kahulugan,
anuman ang halagang kabayaran.

Ang pagkakaliit na bolang ito ay mamamatay na payaso
mapanghati, katulad ng isang salaming nanlalansi, nanloloko
pinag-aaway:
Hilaga laban sa Timog
Silangan laban sa Kanluran
pinakamahihirap sa mga mahihirap
itatapat sa angkan ng kamahalan
at ng mga bago’t biglang-yaman
at ang nasa gitna: Aba! Aba! Isang iglap ay sigaw
“Saan ang Hustisya?”
at hindi naambuhan ng ayuda
kayamanang munti sa panahon ng taghirap
na nang panahon ng sagana’y inismiran, sabay irap
sila umanong nagbubuwis,
bakit ngayon ay nagtitiis?
Parang sina Cain at Abel naghinagpis
Nahihiya ako. Nahihiyang labis.

Ito ang krisis. Takot ay inihahasik.
pinagsasama-sama sa iisang inayawang bayong
ang tila abuloy na pamatid-gutom
na nakamaskara bilang rilip na tulong,
lahat ng kinatatakutan -
pagkawalay,
                         pag-iisa,
kapanglawan,
                                          ­        diskriminasyon,
matinding kalungkutan,
                         pagkakasakit,
                         kamatayan . . .

Labis akong nag-aalala.
Labis akong natatakot.
Ang pagsasalin ko sa Tagalog ng aking tulang Covidophobia
[My translation into Tagalog of my poem Covidophobia] - pp. 92-94 in Kasingkasing Nonrequired Reading in the time of COVID-19 Alternative Digital Poetry Magazine Issue No. 4 (April 2020)

— The End —