Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
poetman24 Oct 2017
Naulit na naman ang paalam
(poetman_24)

Ayaw ko mang sabihang hugot sa tulang ito
ngunit pagkatao ko'y laging ganito,
namutawi na naman ang paalam sa aking puso
bakit pag-ibig kayhirap **** matamo?

Muli na namang nagtitipon ang ulap sa taas
nagbabadya nang pagpatak na walang wakas,
wala akong magawa-gawa't hindi rin makatakas
napiit na naman ako sa lungkot nang ulit ulit na landas.

Bakit naman ganyan ang pagsubok
mga tinta'y naghihimutok,
ano ba ako sa pintig nang pagtibok
ako ba'y sawi sa bawat paglunok?

Hindi pala sapat ang likha kong tula
kaya lulukutin ko na lamang ang talata,
mauuwi na naman ang aking bigong diwa
sa 'di matatawarang luha.

Pag-aalay ko pala'y naiipon sa buhangin
nasasayang lamang ang taglay na damdamin,
nais kong isuko ang pagkatha sa hangin
sana masagot pa ang aking panalangin.

Makatang walang taglay na panulat
mga tinta'y mantsa sa'king balat,
nasasawi ako nang hindi ko alam
isa ba akong tampalasan?

Kung masasaktan ka sa aking piling
layuan mo na lamang ako giliw,
itanim mo na sa akin ang pasakit
tatanggapin ko kahit anong pait.

Isilid mo na lamang ang sandaling ala-ala
at alalahanin na ikaw ay may halaga,
kalimutan mo na lamang ako sinta
kung 'yan ang palagay **** tama.

Babalik na muna ako sa sa karimlan
itatago sa dilim ang katotohanan na ako ay luhaan,
ililibing ko na lamang sa diwang hagap
na ako ay sawi at talunang makatang hindi katanggap-tanggap.
Carl Jun 2015
Sana 'di na ako nagmahal
At sayo ay 'di na nagpagal
Nang ang puso'y di na sumugal
Sa larong iyong pinatagal

Sana noon ko pa nalaman
Ang puso mo'y may ibang laman
'Di na sana ako lumaban
Kung pag-ibig mo'y di kakamtan

Ngayon na ako ay natuto
Sayo'y 'di na magpapauto
Maging puso'y 'di papalito
Kahit na maging pusong bato.
Argumentum Jul 2015
Paglisan

Pinangangambahan kong lubos na malaman
kung meron nga bang pangalawang buhay,
saan kaya ako tutungo?
gagala kaya ang aking diwa
o baka makukulong ito sa naaagnas at walang
buhay kong katawan habang buhay.
ang dinanas na sakit kaya ay lilisan na parang
alikabok na hinipan sa mesa?
, o magiging tanikalang bakal na nakagapos sa aking kaluluwa.

Sa pagkakahimlay ko, may dadalo kaya?,
kung may dumalo man,ano ang pakay nila?,
narito kaya sila upang pintasan ang aking kasuotan?,
o pintasan at hamakin ang halaga at disenyo ng aking kinahihigaan?
Narito kaya sila upang lumasap ng kape at
tinapay kasabay ng pagpitik ng baraha sa mesa?
o sadyang dadalo lang upang patagong magdiwang sa tuwa sa aking pagkawala?,
Natatakot akong malaman.

Nangangamba ako sa hindi pagiging handa sa pagdating ng araw na ito,
hindi sa panghihinayang sa aking mga maiiwang mahal
kundi ang pagsisisi na aking dadalhin
sa bigong pag-usal at pagpaparamdam
kung gaano sila kamahal at masabing ako ay lilisan na
sapagkat ang pinakamasakit na paglisan
ay ang mga pagpapaalam na hindi nasabi at
hindi naipaliwanag.
love life sad pain thoughts depression you hope hurt heartbreak
Estranghero ang bawat numero
Arok kong ikaw iyon
Ang boses **** tila nasobrahan sa kape
Parang may giyera lang sa himpapawid.

"Yung katext mo kanina," yan ang sagot mo
Akala mo siguro wala akong ideya
Sa pagkatao mo.

Naisip ko rin yun
Na tawagan ka mula sa hiram na numero
Nang masanay ang pandinig
Sa boses **** walang kalambing-lambing.

Wala naman tayong listahan
"Long time, no communication," pa ang sambit mo
Bakit ba at tila ako'y miss mo na?
Wala naman akong masasabi sa kabilang linya.

Nagsinungaling ako
Nang sabihin ko ang porsyento ng baterya
Hindi sa ayaw kitang kausapin
Bagkus, wala akong maisip na tamang salita
Hindi ako makapag-isip ng tama
Sana ang diwa ko'y kasama mo na lang.

Yung pangako mo'y biglang napako
Akala ko nga malapit na
At tila binibilang ko ang nasa kalendaryo
Ako'y bigong muli.

Tatlong taong lumipas
Pero walang kupas ang kahapon
Sigurado akong tanda mo pa ang lahat
Na ang kahapon nati'y
Kailanma'y hindi pa tinutuldukan.

Kung ang pahinang ito'y mali sa katotohanan
Isa lang ang panalangin ko sa kanya
Na itong damdaming mahimlay na lamang
Pagkat ang lugar nito ngayo'y
Nasa tamang kondisyon pa naman.

Ramdam ko ang paghanga mo
Hindi ako manhid na minsang inisip mo
Hindi mo naman sinubukan noon,
Ba't ba pilit **** nililimot na mayroon pang ngayon?

At kung ang bukas ay wala nang araw
Sana'y ang pag-ibig ay sinimulan na noon pa man
Hindi pa man ramdam ang tunay
Bagkus sana ngayo'y kontinwasyon na lamang.

Wag nating takbuhin ang lakbaying ito
Hayaang ang layag ay dalhin ng hangin
Nang hindi makontra ang tamang ihip nito
At sa bagyong paparating
Ay maging handa na tayo.

Kung papalarin na tayo'y maparoon
Sa dakong Norte kung saan ang tama'y nakatrono
Hayaan nating ang oras ang maging saksi
Hindi ang magka-ibayong lupa ang tumuon.

(6/3/2014 @xirlleelang)
Rey Tidalgo Jul 2016
Bakit sinta ako’y / sawi, bigong-bigo
Sa pagsintang lanta, / tuyo’t walang kibo?
Ang ‘yong mga titig / ay titig ng bungong
Patay at may dalang / sumpang mapagtampo …

Bakit nga ba sa’yong / mga gawang mali
At sa paglililong / hindi ko hiningi
Ay dagling nawala / ang dati kong ngiti?
Kaya’t sawing puso’y / hilam sa pighati …

Bakit din binalot / ng lumbay at sama
Ang pusong umibig / sa mula pa’t mula?
Dahilan sa iyong / kasalanang gawa
Naglaho ang tamis, / namatay, nawala …
MarieDee Nov 2019
Sumusulak ang aking dugo
Nang ang pag-ibig mo'y maglaho
Ngayo'y hinuhugasan ng dugo
Ang puso kong nabigo

Mapapait na luha ang iyong iniwan
Nang sa iba'y sumama ng tuluyan
Pinagngalit ang aking damdamin
Nang sa kaibigan ng sawimpalad umibig

Ngayo'y itinataboy sa libingan ng karamdaman
Na ikaw mismo ang may kagagawan
Halos magpalikaw-likaw ng daan
Nang ako'y iyo nang iniwan

Kakaibang kislap ng mga mata
Ang sa iyo'y aking nakita
Sumilid sa aking isip
Siya na ba ang laman ng iyong panaginip?
Michael Joseph Nov 2018
Ito ang huling hapon ng mga alaala,
kupas na larawang sinikap maipinta
mga araw at gabing lipas na ng panahon
sa pag-indayog ng abo, at pagkaway ng damo
paalam sa mga nakaraang siphayo
paglubog ng araw, at ang buwan ng pag-ahon
sa hapon, at sa paglamon ng dilim sa liwanag
ang pagwaksi sa sariling naging duwag

Tapusin na ang dalita sa iyong gunita
Mga araw na unos ng paghihikahos
pagkapaos sa bigong pagsusumamo
sapagkat ito ang oras ng pag-agos
pagdaloy ng tubig, pagpawi sa kapos
sa agos, sa pagpaparaya, sa mga alaala

Bagamat tayo ay binuo ng mga pagsubok
at may mga lamat ng pagkapusok
alalahanin, tayo ay mga piraso
ng isang buong sining ng Maylikha
pagsamasamahin, tayo ay buo
magkakahiwalay man ay nabubuklod
hangaring mabuti ang maglingkod.

Simula
Michael Joseph Aguilar Tapit
Virgel T Zantua Aug 2020
SANA AY MAY ISANG ARAW
NA IKA’Y AKING MATANAW
AT SA IYO’Y ISISIGAW
ANG LALIM NA SUMASAKLAW
NG DAMDAMING NATUTUNAW
AT PUSONG DI NADADALAW
NA ANG PAG-IBIG KO’Y IKAW
HANGGANG SA AKO’Y PUMANAW

KUNG AKO MAN AY NAWALAY
AT SA HANGIN AY SUMABAY
PATUNGONG KABILANG BUHAY
AKO’Y HINDI MALULUMBAY
SA LAMIG AKO’Y AAKBAY
AT SA DILIM AY HIHIMLAY
ALAALA ANG SYANG GABAY
SA AKING BIGONG TAGUMPAY

MALI MAN ANG NAGING LANDAS
NG PAG-IBIG NA TUMAKAS
SA BUHAY KONG NAKALIPAS
NAWALA MAN ANG AKING LAKAS
AT ANG KULAY AY KUMUPAS
NGUNIT ANG DAMDAMING WAGAS
KAYLAN MA’Y DI MAGWAWAKAS
KAHAPON, NGAYON AT BUKAS

— The End —