Umiiyak ang dilag nang walang patid
Kasama ang dugo at basahan sa sahig
Nais kong mabatid
Ano ang nagdulot sa nadaramang sakit?
Binunyag ng kanyang mga mata
Walang puknat na pagsisisi ni isa
Hindi na alam kung ligaya ba o pighati
Dahil ngayon alam niyang tapos na ang lahat
Pakiwari niya
Natutulog na ang mga alon
Noon siya ay nilulunod
Naghuhumiyaw na damdamin puno ng hinagpis
Gusto niyang isigaw sa hangin
Ngayon kailangan na niyang linisin
Niyurak na pagkatao dahandahan bubuuin
Pinira-piraso
Ngumiti siya na para bang payaso
Isinilid niya sa sako
Kahit gusto man niyang maglaho
Ang amoy nitong mabaho
Nanatili pa rin sa damit niya
Parang bang tumitiling aso
Sinuyod ang masukal na gubat
Tinunton ang malalim na balon
Puno na ng lumot
Doon niya inihulog
Ngayon basahan ng mga kumot
At ang bangkay ng ama
Kasama ng kaluluwa niyang
Hinalay nang walang awa
-Tula VI, Margaret Austin Go