Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
cj Feb 2020
ang sining na mapagbunyag
sa katotohanan ng lipunan,
sa mga kirot ng damdamin,
sa bawat sugat at dalamhati

ay sining na makakapagpapalaya
sining na makakapagmulat
at sining na makakabuhay!
Daniella Torino  Jun 2017
Tahanan
Daniella Torino Jun 2017
Natatandaan ko pa
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating  o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.


Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.



Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.


Tapos heto,
hahanapin pa rin
ang kahulugan ng kahulugan,
ang salita ng salita
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang pag-ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
miski tumakbo pa-timog o hilaga
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,  
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.  
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang inakalang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang inakalang paghahanap ay kasunod ang kawalan.
Ngunit,
ako’y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
tumalon man sa iba’t-ibang pagkakataon,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba,
kahit daan ma’y baluktutin o gawing makitid,
walang pag-aalinlangan akong magpapatuloy
sapagkat bawat daan ko’y pabalik lamang sa’yo.  
Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at bubulong ng,
“ikaw ang dulo, gitna at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang kahapong ilang milyong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.

Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil,
hindi na ako naiinip sa bagal o bilis
ng paggalaw ng kamay sa aking relo
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
Kay tagal kong hinintay
ang pagkakataong mabuo ang aking ‘pagiging’
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.


Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
*sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang pag-ibig mo.
Itaas ang iyong noong aliwalas,
Mutyang Kabataan, sa iyong paglakad;
Ang bigay ng Diyos sa tanging liwanag
Ay pagitawin mo, Pag-asa ng Bukas.

Ikaw ay bumaba, O katalinuhan,
Mga puso namin ay nangaghihintay;
Magsahangin ka nga't ang aming isipa'y
Ilipad mo roon sa kaitaasan.

Taglayin mo lahat ang kagiliw-giliw
Na ang silahis ng dunong at sining;
Kilos, Kabataan, at iyong lagutin,
Ang gapos ng iyong diwa at damdamin.

Masdan mo ang putong na nakasisilaw,
Sa gitna ng dilim ay dakilang alay,
Ang putong na yaon ay dakilang alay,
Sa nalulugaming iyong Inang Bayan.

O, ikaw na iyang may pakpak ng nais
At handang lumipad sa rurok ng langit,
Upang kamtan yaong matamis na himig,
Doon sa Olimpo'y yamang nagsisikip.

Ikaw na ang tinig ay lubhang mairog,
Awit ni Pilomel na sa dusa'y gamot
Lunas na mabisa sa dusa't himutok
Ng kaluluwang luksa't alipin ng lungkot.

Ikaw na ang diwa'y nagbibigay-buhay,
Sa marmol na batong tigas ay sukdulan,
At ang alaalang wagas at dalisay
Sa iyo'y nagiging walang-kamatayan.

At ikaw, O Diwang mahal kay Apeles,
Sinuyo sa wika ni Pebong marikit,
O sa isang putol na lonang makitid
Nagsalin ng kulay at ganda ng langit.

Hayo na ngayon dito papag-alabin mo,
Ang apoy ng iyong isip at talino,
Ang magandang ngala'y ihasik sa mundo,
At ipagbansagan ang dangal ng tao.

O dakilang araw ng tuwa at galak,
Magdiwang na ngayon, sintang Pilipinas!
Magpuri sa Bayang sa iyo'y lumingap,
Umakay sa iyo sa magandang palad.
Jose P. Rizal
Glen Castillo Aug 2018
Diyos

Bayan

Pamilya

Kalikasan

Kapwa

Sining

Sinta

Sarili


­

© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
J Guillermo Apr 2016
Sana makapaghabi ka ng magarang tula
gamit ang tira-tirang retaso ng puso ko
Maiibsan ang kirot sa pagkakaalam
na muling mapakikinabangan
damdaming nagmistulang basahan

Heto pa ang mga luma kong luha
Tambak, nagkalat, 'di na alam saan nagmula
Kiluhin mo na't gawing sining
Nang may malugaran,
sariwang luhang nagbabadya pang dumating
Ayoko nang maging Pambansang Alipin ng Feelings, please lang.
Kael Carlos Aug 2017
Mga kamag-aral, kaibigan, mga ****,
Kayo’y mahalaga sa akin bagama’t di tayo magkadugo,
Ako’y narito sa inyong harapan
Sumasagisag ng buong puso,
Ako ang makatang ‘Di ka uri ng masa  
Ang kalawakan ng pag-iisip ay ‘di mailathala

Ako ang nag-anyong taong resulta
Sa pagsibol ng kwento ni malakas at ni maganda
Hindi ko na kailangang humiling
Sapat na ang aking angking galing
Mula sa Diyos Ama aking aaminin
Upang bigyang pansin
Ang kultura na sariling atin
Kultura na di Dapat limutin kundi lubusang mahalin

Ako ay nandito upang sa inyo’y paalalahanin
Ako’y alagad ng sining
Aking man sumpain
Sigurado’y di kayo mabibitin
At pangako’y di bibiguin
Sa harapan niyo’y aking ihahain
Mga Obra Maesta
Nang kinikilalang sining at literatura

Kaya’t tara na, tara na
Tayo na at lumarga
Tungo sa kaunlaran ng wika
Tungo sa wikang Filipino
Ang wikang mapagbago
Ika-apat na Lakan
Jeremiah Ramos Apr 2016
Bago ka umalis,
Sana pakinggan mo muna ako,
Pakinggan mo ang mga bulong sa isip ko tuwing nakikita ka
Sana hindi ito maging isang alaalang makakalimutan
Mga salitang papasok at lalabas din naman
At sana dalhin mo 'to sa pag-gising at pag-tulog mo
At alalahanin na para sa'yo to.

Hindi na kita mahal
Hindi na kita mahal
Makinig ka sa'kin.
Hindi. Kita. Minahal.
Hindi. Kita. Minahal

Ilang beses ko man ulit-ulitin sa sarili ko
Na minsan nawawalan na ng saysay ang salitang mahal
ang salitang ikaw, ang pangalan mo sa isip ko
Pero hindi pa din nawawalan nang saysay ang mga alaalang naiwan mga alaalang nakalimutan, at 'di ko alam kung tama bang binabalikbalikan ko
Ang gabing napagtanto ko na nahuhulog na pala ako sa'yo

Hindi na kita mahal
Na kahit lahat na siguro ng tulang sinulat ko ay para sa'yo
kahit lahat na siguro ng metaporang alam ko ay na inahalintulad ko sa'yo
Isa kang bulalakaw, isa kang bituin, ikaw ang buwan
Ikaw ang bumubuo sa ganda ng gabi,
Ikaw ang araw, ikaw ang mga ulap, ikaw ang langit,
Ikaw ang buong kalawakan na hindi ko kailanman pagsasawaan
Ikaw ang karagatan, mahiwaga at kapanga-pangambang sisirin,
Ikaw ang apoy, na nagpapaliwanag at nagpapainit ng gabing malamig
Ikaw ang librong 'di ko kinakailangan ng pahinga
Para intindihin ang bawat salitang nakalimbag sa bawat pahina
Ikaw ang sining ko
Ikaw ang tulang ito.
Para sa'yo at tungkol sa'yo.

Hindi kita minahal,
Kahit na lagi kong inaabangan ang mga storyang kwinekwento mo
Na para bang hinahatak mo ako pabalik kung kailan nangyari ang mga 'to
at sinamahan ako para panuorin natin
Kung sino ba ang nandito at nandoon
Kung nasaan ang mga silya, lamesa, pintuan, at bintana
Ang mga pangalan ng mga minahal mo at nagmahal sa'yo na dapat mo na sigurong kalimutan
Kung saan kayo nagkakilala,
Kung anong naramdaman mo nung nahuli mo siyang nakatingin din sa'yo at nagkasalubong ang inyong mga mata
At sa lahat ng storya mo,
Napagtanto ko na ayoko maging parte ng mga storya **** nakalipas. Na sana ako ang storyang hindi mo kailanman iisipin na bibigyan ng wakas.
At ikwento mo din sana ang gabing ito
Ikwento mo ang bawat paghinga ko sa bawat puwang ng mga salita
Ang pagbuka ng bibig ko para sambitin ng tama ang bawat pantig, ang pag nginig ng mga kamay at tuhod ko,
At kung maririnig mo man, ang bilis ng tibok ng puso ko ngayon.
Ikwento mo.
Ibulong mo sa pinakamalapit **** kaibigan, para manatiling sikreto.
Ang tinatagong nararamdaman na 'di mo na siguro kailangan malaman.

Tama lang siguro na magkaibigan tayo,
Kasi
Hindi na kita mahal.
Hindi kita minahal.
Pinilit ko lang ang sarili kong mahulog sa'yo
Pinilit lang kitang mahalin
Para makalimot, para iwanan ang dating naramdaman.

Gustohin ko man ulit-ulitin sabihin sa'yo,
Magsasawa ka sa bawat pantig, sa bawat letra.
Kaya ibubulong ko na lang sa sarili ko, para manatiling sikreto
Ang dating nararamdaman na hindi mo na kailanman malalaman.

Kaya bago ka umalis,
Sana pakinggan mo muna ako,
Sa huling pagkakataon pakinggan mo ang katotohanan
Isantabi mo ang mga bulong sa isip ko na napakinggan mo.
At sana tandaan mo na
Dati, at dati lang
Minahal kita.
Para kay __.
Kabataa’y minsan lamang kung dumalaw,
Kaligayaha’t halakhaka’y umaalingawngaw
Oras ay tumatakbo
singbilis ng tibok ng puso

Oras ang kumakain sa tanan
Pagbabago’y siyang tahanan
Paglayo’y di man dama
Agwat ay di kayang hilai’t isama

Noon at ngayong panahon
Kayo’y narito, ako’y naroon
Aking nasilaya’y di niyo maikukumpara
Sa inyong mundong bumubungad sa tuwina

Pangaral ay mano po at opo
Pagluhod sa butyl ng monggo
Pag uwi bago ang ala-sais
Mga tamis anghang na pulang dilis!

Pag-akyat ng matarik na bundok
Tuhod na kung lakas sumuntok
Kalarong di makatiis
Sa pagtakbo’y humahagibis

Langit, lupa, mahuli ang taya,
Sing saya tuwing gunita.
Paglalaro ng apir-apiran at teks,
Ice tubig, sili…. Ngeks!

Ganyan ang aming buhay noon
Nakasakay sa ulap nang mga hamon
Kayo ngayo’s nasaan,
Mga batang sa ami’y nakipaghalinhinan?


Kompyuter, telebisyon, at Nintendo Wii,
Cellphone at iPad para sa sarili
Sining ng pagtula’t musika,
Nakaliligtaan na!

Sa mga mata ng panahon,
Makikita ang salamin ng kahapon
Di man naabot ng inyong kamalayan
Sapat nang silipin ang nakaraan

Inyong panaho’y ‘wag sayangin
Darating din ang araw ng mabilis na hangin
Magdadala sa inyo sa malayong himpapawirin
At nakaraa’y inyong lubos na nanaisin.

Sng oras ay oras,
Sa kanya, tayo’y patas
Sa buhay, tayo’y maglalaro
Sa kanyang mga hintuturo.

Lahat ng nawala sa dagat ng panahon,
Kailanma’y din a ibabalik pa ng mga alon
Mga isda nga’y nagpapailalim
Kaya’t marahas na kinabukasa’y wag suungin

Magngyari’t lasapin ang halakhakan,
Takbuhan sa piling ng mga kaibigan
Wag sayangin sa pagkukulong
sa mundo ng pag-ibig, gadgets at pagsulong!
Jeremiah Ramos  Aug 2016
Umaga
Jeremiah Ramos Aug 2016
Sa unang pagkakataon,
Inabangan ko ang pagsikat ng araw
Pinili kong hindi matulog,
Kasi mas madaling magising hanggang umaga kaysa sa bumangon ng maaga

Naging isang malaking kanbas ang langit
Nagsimula sa unti-unting pagkawala ng buwan at mga bituin,
Naging asul, nadagdagan ng kahel,
Nagkatabi
Unti-unting naghalo

Sumilip ang araw,
Inabot ang kanyang sinag sa mga matang malalim at nag-antay
Unti-unti, at sa tamang oras sinakop at niliwanagan ang langit.

Narinig ang mga busina ng mga bus,
Ang tren na para ng tilaok ng manok sa umaga sa aking mga tainga,

Nakita kita,
Sa pag unat mo,
Sa pagbukas ng iyong mga matang hindi nag-antay,
at sa pagpikit nila muli dahil alam **** hindi mo kailangan bumangon ng maaga

Narinig kita,
Ang hilik na pilit **** itinatanggi,
Ang mga unang salitang binabanggit ng isip mo,
Ang pag-sabi mo sa kanya ng mga salitang ako dapat ang makakarinig tuwing pag-gising,
Magandang umaga, mahal kita

Sa unang pagkakataon,
Inantay kita,
Pinili kong hindi magmadali,
Kasi mas madaling abangan ang tamang oras kaysa sa habulin ito,

Mahal,
Sinta,
Ikaw ang sining na nagbibigay dahilan kung bakit ako yung kanbas na kinalimutan **** pinturahan,
Nagsimula sa unti-unting pagkawala ko,
Naging masaya ka, nakalimot ka,
Lumipas ang ilang taon,
Unti-unti akong 'di hamak naging pangalan at alaala na lamang sa'yo

Sumulyap ako sa huling pagkakataon,
Inabot ang aking mga kamay sa'yo, sa nakalimot at nagmahal ng iba
Unti-unti akong naging alaalang nawalan ng pangalan.

Mas madali mag-antay ng pagsikat ng araw kaysa sa kalimutan ka.
Pagka't ikaw ang unang simoy ng hangin na malalanghap sa umaga,
ikaw ang sinag ng araw na unang nakikita ng mga mata ko,
ikaw ang umaga ko.

Ikaw ang unang umagang hinintay ko.
Wala pa akong tulog.
raquezha  Nov 2017
LIKHÂ
raquezha Nov 2017
Noong isang gabi,
habang hinahanap ang sarili,
natagpuan ang LIKHÂ.

Ako'y natuwa,
dahil nasa entablado sila,
silang mga pinapanood ko lang dati sa internet.
Isa sa mga dahilan kung bakit nagtatanghal
ang tulad kong hangal sa harap ng mga estranghero
at binabahagi ang mga dala-dala kong kwento.
Sila na mga nauna at nagbigay inspirasyon
na lalo pang magsulat at magbasa.
Mga mata'y unti-unti namulat
sa mga bagong imahenasyon,
mga leksyon, direksyon at iba't ibang kaalaman
na galing sa ating henerasyon.

Maraming salamat sa gabing inyong nilikha
para sa mga katulad kong naliligaw
at hindi alam ang patutunguhan.
Nagtagpuan kita.
Aking sarili nahanap kita.
Habang nakikinig sa iba't ibang berso
ay sumasayaw ang mga letra sa utak ko.
Habang lumilipad sa ere ang mga ritmo,
nakita ko ang sarili kong mga tula
na parang mga talang nahulog sa langit
papunta sa sa aking mga kamay
at dali-dali kong itinala sa aking puso
dahil kailangan kong ibahagi
ang sining na aking nabuo.

Hindi pa patay ang mga salita,
gamit ang lapis na hawak
mo sabayan mo akong lumikha mga katha.

Mapa kathang-isip o kathang-puso man ito
ay buhay sila at naghihintay sayo.
Hindi bulag ang mga tula,
kaya ka nitong titigan ka sa mata
hanggang sa magiba ang paligid mo't mawala ka nalang bigla. Hindi bingi ang mga obra, naririnig ka nito,
handang dumamay at unawain ang lahat ng pinagdadaanan mo.

Kaya maraming salamat sa gabing inyong binuo't nilikha.
Halika na, halik ka na, halika't sasamahan kita
sa patuloy na paglikha ng kinabukasan
para sa bayan, kultura, sining at sa iyong sarili,
ipagpatuloy ang nasimulan.
Ipagpatuloy ang sinimulan.

Noong isang gabi, habang hinahanap ang sarili,
natutunan ko kung pano ang magLIKHÂ @theartidope style.
kingjay Feb 2019
Ito ba'y sa tingin ng miyopia na sandangkal ang layo, gusto na kabigin?
Pananaw na malabo, di malirip?

O himig na kaagaw-agaw pandinig
Musika sa katahimikang pandaigdig
na lumilikha ng espasyo sa katotohanang di ibig?

Paraan ng pagdarama sa mga bagay na umiiba?
Pagkaganyak sa karaniwang obra maestra?

Isang sulyap sa ningning ng maririkit na bituin
na mapangrahuyo sa mga mata?

Panggagaway sa sangkatauhan
na walang makapag-aalis
Payak subalit gumaganap nang paulit-ulit?

Ito ba'y tumatawid sa dakong paglubog tungo sa pagsikat ng araw
hilaga hanggang timog?

Gumagabay sa paglikha ng sining
ng mga pantas at pintor
na inspirasyon ang guhit?

Tumatalunton sa kinabukasan,
lumalakbay sa kawalan hanggan
tila mas matayog pa sa pag-asa?

Ito ba ang matamis na kabiguan
na ninais maranasan?
Ginawang bagay na di alam ang kahihinatnan?

O piling mga salita na nasnaw sa bibig,
bulong sa hangin ng makatang nagtitiis?

Kumukurap na liwanag sa karimlan
na kung pagmasdan parang mamatay datapwat di kailanman naglalaho?

Saglit na galak tulad ng mga nasa yaong pagdiriwang
mapagbunyi ngunit di mapagmataas?
solEmn oaSis Jan 2016
with a bit of "the significance of essence" (ang kabuluhan ng kakanyahan)

ako'y pinoy sa isip, sa puso't damdamin
at may paniwala sa sariling atin
gawaing pinoy maipagmamalaki
isigaw sa mundo at ipagsabi
na...
Dito sa Silangan ako ay isinilang
Kung saan nagmumula ang sikat ng araw
Ako ay may sariling kulay na kayumanggi
Ngunit hindi ko maipakita tunay na sarili
Kung ating hahanapin ay matatagpuan
Tayo'y may kakanyahan dapat na hangaan
Subalit nasaan ang sikat ng araw
Ba’t tayo ang humahanga doon sa Kanluran (Francis "kiko" Magalona)

(Gloc 9)
Bato bato sa langit
Ang tamaan’y wag magalit
Bawal ang nakasimangot
Baka lalo ka pumangit
Pero okay lang
Hindi naman kami mga suplado
Sumabay ka sa amin na parang naka eroplano
Sa tunog ng gitara
Kasama ng pinakamalupit na banda
Pati si "kiko"
Magaling-hindi parin kayang tapatan
Parang awit na lagi **** binabalik balikan
Stop-rewind i-play mo
Nakapakasaya na para bang birthday ko
Alam mo na siguro ang ibig kong sabihin
Hindi na kelangan pang paikutikutin
Baka lalong matagalan lang
Lumapit at makinig na para iyong maintindihan
Mga salitang sinulat na hindi ko papel
Pero pwede ilatag
Na parang banig na higaan
Kapag hinawakan ang mikropono parang nabubuwang
Eh kasi naman siguro
Ganyan lang kapag gumagawa kami ng bago
Medyo nabibilisan
Hindi mo naisip na pwedeng mangyari
Magkasamasama lahat ay kasali!

(solEmn oaSis)
minsan ko nang ipininta
aparisyon ng aking obra
doon,,, manipulasyon lamang ang kontra
pagkat ilusyon lang ang gamit kong tinta
o pareng makata
imulat ang mata
sa larawang likha ng madamdaming kataga
kung itutuon sa puso't isipan, titimo talaga
sa isang alagad ng sining
walang boses na matining
ang tulad nating mandirigma ay isinilang
upang ang kapayapaan ay isaalang-alang
bato-bato sa lawak ng langit
hinde tamaan wag magagalit
sa aking apat na sulok ng panitik
mensahe ko sa quadro ay hitik
ang lihim sa likod ng lalim
may gintong butil na di patitigil
lantaran man ang talinghaga
patagong kaway agwat ng kataga
sapagkat sa bawat pag-ani
ng parirala sa aking balarila
muli ngang sisibol itong binhi
at para sa kanya...ako ay nag-punla

(curse one)
bilang isang nilalang na sumumpang
mag hahatid ng mga musikang
kaylan man ay hindi maka-kalimutan
at inaalay kahit kanino man
patuloy lang susulat ng tulang
sumusugat-gumugulat ang kantang
nakaka-mulat ng mata. Anu mang
pag subok kayang kaya pag nag sama sama na
ang mga sundalo ng kalsada
“Habang iyang edukasyo’y nakaluklok sa dambana,
kabataa’y yumayabong nang mabilis at sagana,
nararating pati langit ng magiting niyang diwa;
sa siklab ng edukasyon kasamaa’y humihina,
alam niyang paamuin iyang bansang walang awa,
ang mabangis ay nagiging bayani ng kanyang lupa.” (Jose "pepe" Rizal)

— The End —