Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Maria Zyka  Sep 2017
Pasensya na
Maria Zyka Sep 2017
Pasensya na.

Pasensya na kung sinasabi ko paring paasa ka kahit alam kong umiiwas ka na.

Pasensya na.

Pasensya na sa mga kaibigan kong tinutukso parin ako sayo kahit siyang tumutukso naman talaga ang gusto mo. Diba?

Pasenya na.

Pasensya na kasi di ko alam kung ititigil ko ba to o ipagpapatuloy ko pa.

Pasensya na.

Pasensya na kasi di ko alam kung paano tumigil, lalo na't hati-hati ang isip ko.

Pasensya na.

Pasensya na kasi ang totoo, ayaw ko. Ayaw ko pang itigil to.

Pasensya na.

Pasensya na talaga. Pasensya na kasi tanga.
P̶i̶n̶a̶a̶s̶a̶ Umasa.
Euphrosyne  Mar 2020
Pasensya
Euphrosyne Mar 2020
Mahal, pasensya.
Alam kong galit ka
Ngunit sana'y pakinggan mo ito
Kahit mainit ang dugo mo sa akin
Ako'y nananalangin na mabasa mo ito
Dahil gusto kong humingi ng pasensya
Pasensya dahil nasaktan kita
Hindi ko pinakinggan ang sagot mo
Sa araw na iyon
Kung kailan pinaka kailangan kita
Mga salitang walang kapantay
Mga salita **** walang arte
Lahat sila diretso
Mas diretso pa sa
Pagsasalita ko
Pasensya dahil natagalan ka
Hindi ko naman sinasadya lahat ng ito
Ayoko lang masaktan ka
Ng ibang tao
Dahil mas masakit ang salita
Kesa sa mga gawa
Ngayon pasensya
Mahal
Sana'y tanggapin mo
Dahil ito nalang ang alam kong
Daan para masabi ko
Lahat ng nararamdaman ko saiyo
Dahil ako'y
Nauutal at kinakabahan
Sa tuwing kausap kita
Para bang may mawawala
Sa buhay ko
Sa kada salitang
Sasabihin ko.
Kaya mahal ko pasensya
Mahina ang loob ko
Subalit malakas naman yung
Nararamdaman ko para sayo
At doon ka sana'y
Maniwala.
Mahal, pasensya.
Spoken word poetry about a girl that I truly love.
Pasensya ka na
Pasensya na kung natagalan
Pasensya na kung natagalan ang aking pagtahan
Pasensya na kung matagal na panahon kitang hangad
Pasensya na kung medyo mabagal ang pag-usad
Dahil hindi ganun kadali
Matagal na panahon ang kailangan
At hindi lang isang sandali

Pinagpapaguran ko ang prosesong ito
Hindi ito madali dahil kasali dito ang  pagpilit sa sarili ko
Pero kahit mahirap, kakayanin ko
Para sa ikalalaya mo

Akala ko nga huli na yung naisulat kong tula dati para sa'yo
Ngunit ako mismo ang sumira sa paksa
Na akala ko'y yun na ang magiging huling tula
Hindi pa pala
Hindi ko kayang yun ang magiging huli
Hindi pala madali

Dahil napagtanto kong nakapagsusulat lamang ako kapag ito'y tungkol sa'yo

At dahil nagkamali na naman ako
Lulubusin ko na ito

Pakinggan mo ako
Hindi ko sasabihing ito na ang huli
Kasi baka masira ko na naman uli
Kaya eto na, pakinggan **** mabuti
Sa muling pagkakataon,
Sasabihin ko ito sa'yo
Mahal kita
Pero sawa na ako
Tama na. ilang beses ko pa bang uulitin sa sarili ko ang tama na. Tama na sa pag-asa na maaaring mahalin rin niya ako. Tama na na lagging ako lang ang nagmamalasakit pero sa huli’y masasaktan ka lang. Tama na na lagi akong nagbibigay at siya’y kuha nang kuha lang. Tama na na lagi akong talunan sa bawat paglundag. Tama na na lagi akong umiibig at sa dulo’y sasabihing “kaibigan lang kita”.
Tama na siguro na marami nang beses na lagi akong nagpakatanga para sa’yo. Tama na siguro na lagi na lang akong umaasa na darating ka sa pintuan at sasabihing iba na ang iyong nararamdaman. Tama na rin siguro ang lagi kong pag-aalala kung “nasaan ka na?”, “kumain ka ba?”, “may payong ka bang dala bilang pananggalang sa malakas na ulan?”. Tama na siguro na lagi akong naging yaya, ina o alalay mo sa bawat bagay. Tama na siguro yung ginawa kong paninilbihan sa among ‘di naman ako sinuklian ng kahit ano. Tama na siguro na tigilan ko na itong ambisyon na ipinaiiral ko, ilusyon na maaaring maging tayo.
Naaalala ko, oo naaaalala ko ang mga bagay na pinagsaluhan natin. Naaalala ko noong una kitang nakilala, naaalala ko kung papaanong wala kang takot na sumama sa akin upang tuklasin ang isang lugar na ‘di ka pa pamilyar at ‘di mo pa alam. Naaalala ko ang pagtataya mo at tiwala na totoo ang mga pinagsasabi ko at dadalhin kita sa tamang lugar na ipinangako ko. Naaalala ko kung papaanong naloko ako sa kakatawa sa mga corny **** jokes. Naaalala ko yung panonood natin ng pelikula nang sabay at tititigan mo ako at tititigan din kita nang palihim. Oo naaalala ko pa ‘yun, at oo tinititigan kita kasi nabihag ako ng mga mata **** mapungaw, tila humihingi ng atensyon at pagmamahal. At oo, naaalala ko pa yung araw na tinext mo ako at agaran kang pumunta kung nasaan ako kahit malakas ang buhos ng ulan at dumating kang basang-basa. Naalala ko kung paano ako tuluyang nahulog sa’yo sa ginawa **** sakripisyo na maaari ka namang pumunta sa iba, ngunit pinili mo akong makasama.
Pero kung akala kong masaya at wala nang makakapigil sa ating dalawa, nagising ako mula sa isang realidad. Nagising akong ‘di pala totoo ang mga nakita ko. Nagising ako na wala ka sa piling ko. Nagising ako na ang lahat ng iyon pala ay isang malaking ilusyon. Nagising ako, masakit ang damdamin at namamaga ang mga mata mula sa paghimbing dahil sa kaiiyak. Nagising akong ‘di pala totoo ang panaginip na pinaniwalaan kong totoo. Nagising ako na ‘di mo pala mahal ako. Nagising ako sa tinig ng boses **** nagsasabing “mahal kita, pero kaibigan lang”.
Kaya ganun, wala akong magawa kun’di ang magmukmok sa sulok ng kuwartong dating puno ng saya at tawanan nating dalawa. Nanatili ako sa lugar kung saan tayo nanood at nagtabing dal’wa. Nanatili ako sa lugar kung saan mo ako pinuntahan kahit napakalakas ng ulan. Nanatili ako at nag-isip bakit kaya at bakit ikaw pa. nananatili at mananatili ako rito hangga’t ‘di pa rin malinaw sa akin ang lahat.
Bakit ba ng hilig kong magmahal? Bakit ba mahilig akong tumaya o sumugal? Bakit ba lagi ko na lang napagkakamalian ang galaw ng iba bilang isang mas malalim pa? Bakit ako nabibihag sa mga salita at gawa na ilusyon lamang pala? O baka naman sadya lang akong tanga. Baka sadya talagang kaibigan lang ang ipinakikita mo noong una, pero mali ang pagkakaintindi ko dahil ‘di ko pa nararanasan ang umibig nang mas higit pa.
Pasensya na sa mali kong pagbasa. Pasensya na at nagawa kitang mahalin bilang kaibigan. Pasensya dahil inakala kong mamahalin mo rin ako tulad ng pagmamahal ko sa’yo. Pasensya na sa aking damdaming tila mahilig lang talagang magmahal nang lubusan. Patawad na ‘di nabasa ang nais mo. Patawad na ‘di ko pa rin matanggap na hanggang magkaibigan lang tayo. Patawad marahil dahil ang sinasabi ng puso ko’y hanggang “magKA-ibigan” lang tayo.
kahel  Oct 2016
CPR
kahel Oct 2016
CPR
Nangako ako sayo na poprotektahan kita kahit anong mangyari
Nagsinungaling ako
Dahil noong araw na pinulikat ka habang nasa gitna ng dagat
Na sobrang lalim na hindi mo na makita ang ilalim
Hindi kita nasagip

Nangako ako sayo na iingatan kita ng di nagdadalawang-isip
Nagsinungaling ako
Habang naghihingalo ka at humihingi ng saklolo
Wala akong nagawa kundi tignan ang paghampas ng mga alon
Pinapamukha na bakit ba kasi hindi ako marunong lumangoy

Nangako ako sayo na hindi kita papabayaan mag-isa
Nagsinungaling ako
Hinayaan kita malunod at hatakin pababa ng iba't ibang lamang dagat
Hinayaan maubos ang hangin hanggang sa huling hininga
Pinanood lumubog ang mga matang kasing ganda ng mga perlas

Pasensya ka na at nagsinungaling ako
Dahil akala ko matatakasan ko ang sariling anino
Pasensya ka na at hindi kita nailigtas
Hinayaan ko na may ibang sumagip sayo dahil kung ako 'yon
Baka pareho lang tayong lumubog at malagay ka lalo sa panganib

Pasensya ka na at lumutang ang mga pangako
Na sabay lalanguyin ang lawak ng buhay
Sisisirin ang lalim ng ating mga pangarap
Sasalubungin ang mga problemang dadaong
Iiwasan ang mga dikya na dulot ng nakaraan

Kaya patawad dahil ngayon lang napupuno ang pagkukulang
Wag ka mag-alala,matututunan ko din tumalon ng walang alinlangan
Susubukan maabot ang dagat na tinatahak mo kahit gaano pa ito kaalat
Pero sa ngayon, pasensya muna unang nagpakilala ang takot kaysa sa lakas ng loob
Pasensya dahil tinangay tayo ng alon palayo sa isa't isa
Bryant Arinos Aug 2018
Ako si Juan

Para kanino ba ang pangalang yan?
Para sa taong may pinag-aralan?
Para sa taong may pinaghirapan?
O para rin sa mga taong nahihirapan?

Mga tanong yan na umiikot sa mundong kinabibilangan ko.
Hindi ko piniling maging ganito pero ito na ata ang isinulat sa tadhana ko.
Ang maging di kanais-kais sa paningin
At mas lalong di maging kapansin-pansin.

Ako Si Juan

Pilipino rin ako pero bakit tingin niyo sa akin walang kwentang tao?
Pilipino rin ako at hindi ko ninais na maging ganito ang buhay ko.
Oo pilipino rin ako pero bakit parang ayaw niyo akong tanggapin bilang tao sa lipunang ito?

Dahil ba marumi ang damit ko?
Dahil ba nangangamoy araw ako?
Dahil ba wala akong napagaralan?
O dahil di na ako katangap-tangap?

Ako si Juan

Pakiusap wag niyo akong husgahan dahil sa ako'y mahirap
Di ko pinili ang takbo ng buhay na mayroon ako.
Di ko piniling maging pulubing palaboy-laboy
At higit sa lahat

Di ko piniling mawala ang lahat.

Ang pera, ang pagkain, ang tirahan, ang pamilya, ang inumin ang kaibigan.

At hindi ko pinili ang maging mahiral.

Pasensya ate, kuya, kung lagi ko kayong kinukulit para sa kaunting pansin.
Pasensya na ate at kuya kung kinakalabit ko ang mga damit ninyong mamahalin.
Pasensya na ate at kuya kung sa bawat pagdaan ninyo'y nababahuan kayo sa akin.

Pero maliban sa pera, palimos naman po ng panalangin.

Panalangin na sana'y hindi ako sumuko sa ibinigay saking pagsubok
Panalangin laban sa lahat ng bagay na nagdala sakin sa pagkalugmok
Panalangin na hindi ako paano sa daan kapag ako ay natutulog
At panalangin na sa paggising ko'y may lakas pa rin akong bumangon.

Pasensya kung gagamitin ko pa ang pangalang Juan na simbolo ng pagiging likas na Pilipinong may pinagaralan

Pero sana maisip niyo na di ko kailangan ng mga bagay na sa aki'y magpapayaman

Ang kailangan ko ay ang intindihin niyo ang aking kalagayan

Kung makikita niyo man akong naglalakad o nakaupo sa lansangan

Maaari bang sumigaw kayo o tawagin niyo ako sa pangalang Juan?

Dahil minsan rin sa buhay ko ay katulad niyo rin ako

Napaglaruan lang ng tadhana at nawala lahat ng meron ako.

Pulubi ako, mabaho, konti ang nalalaman, walang panligo, pangkain, perang pambili ng gamot pangotra sa sakit na dala ng paligid.

Pero ito ang tandaan ninyo,

Huling mensahe ni lumang Juan para sa mga makabagong Juan

Ako si Juan

Pagnakita ninyo ako wag niyo akong pandirian
Subukan niyong kilalanin ako maliban sa aking pangalan

Wag niyo akong husgahan na ipambibili ng droga ang naipon kong barya

Wag niyo akong husgahan na nagtatrabaho ako sa isang sindikatong galawan.

At sana'y ako'y inyong alalahanin at wag niyo sana akong kalimutan

Na minsan sa buhay ko na nakapagpakilala ako na "Ako Si Juan ang dating Pilipino na ngayo'y tinatakwil na ng lipunan."
astrid Feb 2019
6th of december, 2018.

“Pinagtagpo ngunit hindi itinadhana.” Madalas kong naririnig ‘yan, palagay ko’y ikaw rin. Pero kung iisipin, napakarami nating mga taong natatagpuan na nakatakda ring umalis. Ang ilan ay babalik, ang ilan ay maglalaho na lang. Hindi ko alam kung saan ka riyan nabibilang. Walang pakiramdaman, walang pakialamanan, walang pakundangang naghahanap ng mga bagay para pilit kang makalimutan. Gigising ako nang nakangiti, masaya, at ang nasa isip ay
“kakalimutan na kita,” ngunit kahit kailan ay hindi ‘yan nagkatotoo. Ang pag-asang makaahon sa ‘yo ay palabo nang palabo. Sa bawat gabing nagdaan, napapatanong ako kung saan na naman ako nagkamali. Saan na naman ako nagkulang? Saan na naman ako kinapos? O baka naman sumobra? Paikot-ikot ang mga mata sa lugar kung saan tayo huling nagkita. Saan mo ako iniwan? Pareho tayo ng pinupuntahan, pero hindi ko na alam kung paano pa babalik. Hindi kita mahagilap; ang tanging palatandaan ko para makabalik ay hindi ko na mahagilap. Dahil naglaho ka sa isang iglap. Hindi ko na alam kung paano pa babalik. Dahil hindi pa kita nakikita.

Ilang eskinita lang naman ang pagitan nating dalawa. Nariyan ang mga tricycle para mahatid akong muli sa bahay ko. Nariyan ang mga dyip na pupwede kong masakyan para lang mapalayo sa ‘yo. Tayo’y palaging nasa ilalim ng parehong langit, aalis at uuwi sa iisang lugar ngunit hindi man lang kita makamit. Pareho ng sinasakyan, pareho ng mga dinadaanan. Iisa lang naman ang mga pinupuntahan natin, ngunit ang araw-araw kong biyahe ay naging ikaw na ang destinasyon. Nagbabakasakali lang naman akong baka matupad mo ang aking imahinasyong hindi ko na batid pa ang limitasyon. Sa bawat pag-alis ko ay nananalanging magkita tayo sa lalong madaling panahon.

Ngunit hindi ko pa rin alam kung paano babalik. Alam ko ang ruta, alam ko ang sasakyan. Ngunit ako mismo ang nagpupumigil. Dahil hindi mo ako tinutulak palayo. Hindi pa man tayo nagkikita, mas gugustuhin ko nang hilain mo ako paalis sa kung saan mo ako iniwan. O baka ang presensya mo lang ang hiling kong masilayan, para tuluyan na akong makalakad paalis sa piling mo. Hindi ko naman mapapantayan ang babaeng nagdala sa ‘yo sa tahanan mo— ni hindi ko nga alam kung paano umuwi sa dapat kong uwian. At sa bawat biyaheng sinusulong ko, hindi ko man lang naisip na baka mali ang daan na tinatahak ko. Iba pala ang langit na pinagmamasdan mo sa umaga, kahit ang mga bituing nais **** titigan sa gabi. Iba pala ang sinasakyan **** dyip sa bawat pag-uwi. Iba pala ang eskinitang napapadparan mo. Iba pala ang langit na sinisigawan mo ng pangalan niyang kaakibat na ng apilyedo mo. Iba pala ang inuuwian mo.

Pasensya na, tanga ang kasama mo. Mali, hindi mo pala ako “kasama” dahil kahit kailan ay hindi ka naman sumama. Hinayaan ko ang sariling maligaw sa mga mata mo. Hinayaan kong mawala ang isip sa mga salita **** nadadala ako sa ibang dimensyon ng mundo. Hinayaan kong magwala ang pusong binuhay mo— na bibitawan mo lang din pala, dahil masyado itong magulo. Ngayon lang ako nakalabas at hindi na muli pang magtatago, ngunit niligaw mo ako. Pasensya na, gagapangin ko pa ang sarili ko palayo sa ‘yo.

Hindi ko maintindihan kung paanong ako’y napadpad sa ‘yo kung hindi ko pa nasisilayan ang mga mata **** mapanlinlang, na kung saan ay nagpahatak pa rin ako— delikado, at muntik pa akong mabaldado. Huwag na sanang pahintulutan ng mundo na pagtagpuin pa tayo, dahil kung sakali ay baka hindi na ako umalis. At baka samahan pa kita kahit saan ka man papunta, kahit sa piling niya pa. At lalong hindi tayo isang halimbawa ng “Pinagtagpo ngunit hindi itinadhana”. Inaantay ko pa lang ang matagpuan kita, upang makaalis na ako.
m.r.
George Andres Jul 2016
PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA
Madilim na sulok,
Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak
Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak
Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba,
Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta
Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta
Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro
O inang minamahal ako nang labis
Kung ang buwaya pa kayang tumatangis
Di maantig sa iyo’t tumalilis?
Sa pagligo sa likod ay laging may langis
Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay
Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso
Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon
Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis

Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay
Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay
Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay
Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay
Tila di narin kaya ng loob kong patpatin
Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin
O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga
O Lubid sa inaanay na dingding  na tinitingala
Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala
Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang
Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala
Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya
Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya
Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na
At saka lamang ako sa huli'y makakahinga

Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan
Saksakin man, wala na akong maramdaman
Walang kikirot na laman
Walang dugong dadaloy nang luhaan
Sundalong natuyot na ng labanan
Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan?
Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan

Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag
Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan
May hangin ngunit ako lang ang nalulunod
May dagat at ako lang ang di makalangoy
Mas preso pa akong walang makain nang di hamak
Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula
Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas
Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas?
Batas ng pag-iral ng matibay na loob
Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas
Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas

Sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan
Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan

Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
Bakit call center lang ang aking babagsakan?
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?
Piso lang ba  halaga ng lahat ng aking pagsisikap?
Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat?
Madali pa pala ang unibersidad
May kalayaan, oo tao'y mga mulat
Marami umano  ang buhok ng oportunidad
Hatakin man ay nasa harap ang bagsak

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Inakalang sa tren isa akong bagon
Sa bilis ng oras ay papadayon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon
Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon
Kaklase sa hayskul aking nakasalubong
Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong
Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?!
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong
Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong

Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg
Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan
Sasablay ako hanggang sa huling sandali
Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan
Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan
Hinding hindi ninyo ako magiging utusan

Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan
Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman
Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan
Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat
Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat
Nag-iisang makakaalis sa aming bayan
Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan
Dustang panliliit ang aking naging kalaban
Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig
Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig!
Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan?
Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan
Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas
Sa mumurahin ako’y umiwas
Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas
Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas
Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas
Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat
Gabi-gabing sunog kilay pati balat
Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat
Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat

Singsing ng pangako sa kanya,
Sa pamantasang sinisinta
Sa kahirapan di niya ako makikita
Bayang yayapusin mala linta

Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang
Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran?
Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan
Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran!
Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!
7816
Edited this again for a schoolwork.
𝙰𝚗𝚗𝚎 Feb 2018
Walong letrang nagsisimula
Sa isang pahina ng libro
Kung saan lahat ng nagawa ay nakasulat

Walong letrang sumisimbolo
Sa masasakit at masasayang alaalang
Iyong ibinigay,
Binitawan na parang isang kinusot na papel
Sa malawak na dagat na itim

Pilit na sumusuko
Pilit na umiiwas
Ngunit wala nang nagawa
Kundi hayaan na lang

Pasensya?
Pang-ilang beses na bang nabanggit
Pang-ilang beses na bang sinambit
Katagang ayaw marinig
Ng dalawang pandinig,
Na pilit inaalala, ang mga katagang
Nalalayo sa salitang pasensya

Hindi ka ba nagsasawa?
Ilang beses na bang kailangang marinig
Pasensyang hindi totoo
Pasensyang hindi galing sa puso
Pasensyang pinilit lang

Pwede bang ako naman?
Pwede bang ako naman ang hindi makinig?
Pwede bang ako naman ang humingi ng pasensya
At hingiin na sana'y tapusin na
Erikyle Aguilar  Oct 2018
Pamilya
Erikyle Aguilar Oct 2018
Si tatay,
siya yung tipong gagawin ang lahat,
kahit buong buhay niya ibibigay,
pupunta kahit saan, kahit kailan,
masuportahan lang ang buong pamilya.

Siya rin yung kahit na may mali ka,
pilit pa ring iintindihin ka,
grabe ‘yan kung magalit,
pero pagdating sayo, may pusong mamon.

Ang haligi ng tahanan, ang tagapagbantay,
hahanapin ka pag napapahiwalay,
walang sinumang pababayaan,
hangga’t kaya, ipaglalaban,

Kahit sobrang daming problema,
kinikimkim nalang, hndi pinapaalam,
kasi ayaw niya kayong mapahamak pa.

Kaya ‘tay, kahit marami kang ginagawa,
pinararamdam mo pa ring andiyan ka,
pero ‘tay, kamusta ka na?


Si nanay,
siya ang ilaw ng tahanan, totoo nga naman,
iingatan ka, pakakainin ka, ipagluluto ka,
minamahal ka,
hindi ka niya iiwanan, kahit gusto **** makapg-isa.

Siya yung sa simula palang,
naghihirap na, nasasaktan na, nagtitiis na,
lahat ng ginagawa niya mula sa simula ay para sa’yo,
siya yung kahit madaling araw na, gigising pa rin,
makita ka lang na natutulog nang mahimbing, sapat na,
at kahit walang tulog, pagsisilbihan ka pa rin.

Kahit galit, mahal ka niyan,
“makuha ka sa tingin”, lagi niyang sinasabi,
magbibilang pa siya, kasi mahaba ang pasensya niya sa’yo,
“isa, dalawa, dalawa’t kalahati, magtatatlo na”.

Kahit madalas siyang galit, mas umaapaw pa rin ang pagmamahal niya,
hahanapin ka hanggang makauwi ka, hindi pa ‘yan makakatulog nang wala ka,
makakailang tawag pa sa’yo,
kahit puro “asan ka na?” ang naririnig mo,
mamimiss mo, at hahanap-hanapin mo pag hindi tumawag.

Kahit may pasok, kahit may sakit, kahit pagos,
hindi siya magiging tamad, nagpapahinga lang,
kaya mahal ko ang nanay ko,
kasi siya ‘yong laging nasasandalan ko.

Walang kontrata ang pagmamahal ng mga magulang,
dahil kahit matanda na tayo, tatay pa rin si tatay, at nanay pa rin si nanay.


Si kuya,
siya yung kapatid na hindi mo maintindihan kung paano magmahal,
siya yung kapatid na grabe mangasar, mangulit, at magpahiya,
ganyan naman talaga 'yang si kuya,
ganyan niya pinapakita ang pagmamahal niya sa'yo.

Hindi man siya magsabi ng "I love you",
ipakikita naman niya ito sa pamamagitan ng
pagmamalasakit niya sa kaniyang mga kapatid,
ipapaubaya ang kahit ano,
kahit na mas kailangan niya pa.

Hanga ako kay kuya,
dahil hindi madali maging isang panganay,
lahat ng galit o sermon, sakaniya napupunta,
kahit madalas ang kapatid niya ang may kasalanan.

Walang papantay kay kuya,
kaya kuya.
andito lang ako kung hindi mo na kaya.


Si ate,
bibigyan ka ng atensyon kahit may ginagawa siyang iba,
madalas na nagbibigay ng payo,
mapagsasabihan mo ng mga lihim,
parang isang talaarawan.

Siya ang kanang kamay ni nanay,
kasama sa pamimili sa palengke, kasama sa kusina,
kasama sa pagluluto at pagkakain, kasama sa pagpupuyat.

Aasarin ka niyan, pero mahal ka niyan,
sasabihan ka niyang, "Uy, binata ka na".
o kaya, "Uy, dalaga ka na",
Maiiyak ka sa tuwa sa pang-aasar niya.

Siya ang unang yayakap sa'yo sa kalungkutan mo,
malambing, parang anghel ang boses, mainit ang yakap,
lahat ng init na kailangan mo sa malamig na gabi
ay mabibigay niya.

Parang mga bituin sa langit,
kaya si ate, mahal ko 'yan,
mahal na mahal ko 'yan.


Bunso,
siya yung pinakamakulit sa lahat,
kahit anumang suway mo,
sige, tuloy pa rin sa pagkakalat.

Siya yung nagpapasaya sa bahay,
ang kaniyang paglalaro
o presensya palang ay sapat na.

Siya yung nagmamakaawa,
makamit lang ang gusto niya.

Kahit na pagod na kayo,
tuloy pa rin ang pangungulit,
tuloy pa rin ang kaniyang pagpapatawa,
hanggang sa sumakit ang panga mo sa katatawa.

Ading,
salamat dahil andiyan ka,
salamat sa pangangamusta,
mahal ka naming lahat.
a collab work of Chester Cueto, Jose De Leon, Danver Marquez, Erikyle Aguilar, and Ericka Kalong

— The End —