Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Euphoria Jan 2017
Hindi ikaw ang aking mundo.
Ikaw ay parte lamang ng aking kwento.

Hindi ikaw ang kalawakan.
Ikaw, tayo, kahit pagkakaibigan ay may hangganan.

Hindi ikaw ang buwan
Na nagbibigay liwanag sa aking karimlan

Hindi ako isang puno
Na aasa, mananatili, at maghihintay na mapansin mo.

Ang mga sugat na dulot ng ating mga sala
Ay hindi maghihilom basta- basta

...

Kaya ako na  ang hihinto, lalayo,
Ang magsasara ng pinto.
Ako na ang susunog ng tulay,
Ang puputol ng nag-uugnay.

Ako na ang bibitaw
Sa pagkakaibigang nasira ng pagmamahal na nag-uumapaw,
Ng bugso ng damdamin,
Ng tukso at mga tinagong saloobin.

Hindi naman maayos
Ang hindi sinusubukang i-ayos.

Kaya tama na nga siguro
Ito na ang dulo ng kayang tanggapin ng puso ko.

Paalam na sa mga tanong na kailanma'y hindi na masasagot,
Sa puso kong puno ng takot
Sa paglisan at pagbitaw
Hanggang sa ikaw na mismo ang umayaw.

Paalam na sa mga pangakong napako,
Sa mga katagang "walang magbabago",
Sa mga salitang binitawan
Ngunit hindi mo napanindigan.

Paalam na sa titulong "matalik na magkaibigan."

Paalam na sa lumabong pagkakaibigan,
Sa mga hinanakit at hindi pagkakaintindihan.

Paalam na sa sakit at pait
Na dala ng pag-ibig na hindi maaaring ipilit.

Paalam na sa labing-apat na taon.
Masasakit na alaala'y aking ibabaon.
Iiwan ka na sa nakaraan.
Papalayain ang sarili sa gapos ng nagdaan.

Sa pagiging estranghero nagsimula,
Estranghero rin akong lilisan.*
Ito na ang huli kong paalam.

-41-
This is the last poem I'll write for you for we will never have our goodbye. We were connected in a level unknown to us. We understood without words. Thanks for the memories.
psyche Oct 2018
oo ako'y nalulungkot sa aking sarili
sa mga salitang hindi ko hindi sinasadya
kung ipinaramdam ko sayo na 'andito lang ako pero wala naman pala
pasensiya, kung wala akong susunod na taludtod sa ating istorya

istoryang kathang isip
na huli kong nakita sa aking panaginip
dahil nagising ako sa katotohanan
na  ̶t̶a̶y̶o̶  ikaw at ako ay  naandito na sa dulo ng ating walang hanggan
kung saan ang puso'y wala ng nararamdaman
at natapos na ang magpakailanman
a homage to December Avenue and Moira Dela Torre
posted this poem before the song got big, im happy that it trended when the song got popular :))
AUGUST  Jan 2019
“LDR”
AUGUST Jan 2019
Ibubulong nalang sa hangin,ang bawat pagsumamo
Paano ba maipaparating, ang nadarama ng puso
lagi kitang inaalala malayo ka man sakin
Kelan ba tayo magkikita ang hangad nitong damdamin

Sa panaginip nalang makikita matutupad ang pangarap
Sa panaginip nalang ang pagsinta duun nalang magaganap
Mga pangako at sumpaan paano na matutupad
Walang kasiguraduhan kung saan ba mapapadpad

Tadhanang mapaglaro, magkalayo at di pinagtagpo
Ba't Sadyang mapagbiro kahit may lalim bawat pagsuyo
Dating hawak ang ‘yong kamay, ngayon sa guni guni
Buhat ng ikaw ay mawalay, nasisilayan sa muni muni

Sinagot ma’y marami paring Katanungan
Lahat ba ng tanong? wala pa ring kasagutan
Kung may dulo ang daan, Saan ba ang hantungan
Kung ito’y may hangganan, Ano ba ang pupuntahan

Sa kapalarang magkatugma, kahit na isa kang dayuhan
Ng pagmamahalang mahiwaga , na tayo ay nagkaunawaan
Tunay nga na ang pagibig may isang diwa
Tayo’y Itinadhana, Magkaiba man ang ating pananalita

Andito lang ako, Malayo parin ang distansya,
Naghihintay sayo, Malapit nang mapuno ang Pasensya
Dito sa kaganapang di mapapaliwanag ng sihensya
Kung ba't ikaw, ikaw ang hinahanap ng konsensya

Kahit wala ka.....

Di na makapaghintay sa panahon ng iyong pagbabalik
Pagkakataong tayo’y muling magkita, ako’y nananabik
Minsan pa sanay lumantay ang yakap mo’t mga halik
Nang sana ang sigaw ko’y tuluyan nang matahimik

*Para sa mahal kong si Reina
Ngunit sana maunawaan nya ang tula ko.
AUGUST Sep 2018
Sino ba ang modernong vincentiano?
Ano ba ang kanyang pagkatao?
Nagtatanong sa sarili ko
Habang pinagmamasdan ang mahinanang kamay
Kung anong magawa ko
Dito ba sa munting palad nakahimlay
Ang lahat ng kakayahan ko?

Anong meron ako, anong meron tayo? kundi kaalaman.

Kaalaman na di galing sa sabi sabi nilang “hugot”
Kundi sa piraso ng mga aral na ating pinulot
Dahil sa disiplina tayo y nililok
Ang kabutihang asal sa diwa ay pumasok

Mula sa Mga **** nating tinuturing na magulang,
Mga mababang tao na ating ginagalang,
Mga taong nakilala mula ng tayo’y musmos pa lang
Ipinamana sa atin ang pananampalataya, pagpapakumbaba, at kabutihan

Ang tanggapin ang katotohanan,
At hangganan ng kakayahan
Ang malaman ang kahinaan, kahit may kasimplehan
Pilit inaabot ang makatulong ng buong kalooban

Ng walang hinihintay na kapalit
Tulad ng modelo nating si San Bisente (st. Vincent)
Na sa pagtulong ay di napagod
Kaya sa mata ng Diyos naging kalugod lugod

Salamat sa  Amang nasa itaas
Na nagbibigay ng lakas
Ang lakas na di nauubos
Para sa aming misyon na di pa rito natatapos

Sandata ay ang panalangin
Lakas ng loob at damdamin
Dahil sa Diyos na mahabagin
Walang pagsubok sa buhay ang hindi kakayanin

Ating misyon, ang tumulong sa mga kapus palad at nawawalan
Hindi lang sa taong nawawalan ng materyal na kayamanan
Kundi para sa mga taong naliligaw, nalilito at nagugulumihan
Pagkat ating ramdam ang bawat hirap
Ang bigat na tinitiis ng bawat taong may pinapasan

Handang makiramay at ibigay ang anuman
Para lamang ang paghihirap sa pighati ay maibsan
Pagkat sa bawat taong ating natutulongan
gantimpalang pangkaluluwa ang dapat ipagyaman

Sino ang gumagawa nito?
Sino ba ang modernong vincentiano?
Isa ba ako sa mga ito?
Ang modernong vincentiano ay di lang ako kundi tayo
Ang modernong vincentaino ay nagsasakripisyo at mapagpakumbabang nagseserbisyo
Ang modernong vincentiano ang magpapatuloy ng ating kwento.
Ang tula kong ipinanalo ng first runner up sa isang slam poetry competition ng event na may temang "Ang Modernong Vincentiano" noong September 26, 2018.
astrid Nov 2018
kasalanan bang umibig,
nang walang hangganan?
hindi nagpipigil,
laging handang lumaban?

kasalanan bang umibig,
kahit batid na masasaktan?
paulit-ulit mang matalo,
lalaban hanggang sukdulan?

kasalanan bang umibig
at bigyan ka ng mga tula,
tingin mo'y nakakakilig -
kahit ang mga mata mo'y 'di ko pa nakikita?

kasalanan bang umibig,
kapag ikaw ang nagpapangiti sa bibig,
nakulayan ang bawat pintig
ng pusong naghahanap ng hilig?

kasalanan bang ang hilig
ay ikaw na tamang-tama?
boses mo'y nakakanginig,
kahit hindi ko pa naririnig.

kasalanan bang ang hilig
ay ikaw na perpekto.
tila ginawa ka ng Diyos
na hindi maaabot.

kasalanan bang ang hilig
ay makita ka nang harapan?
upang hindi lang sa panaginip
na ako'y nasasaktan.

kasalanan bang ang hilig
ang isipin na ikaw ay tama?
hanap-hanap ang iyong titig
na pananakit lang naman ang tema?
JOJO C PINCA Nov 2017
“It's being here now that's important. There's no past and there's no future. Time is a very misleading thing. All there is ever, is the now. We can gain experience from the past, but we can't relive it; and we can hope for the future, but we don't know if there is one.”

― George Harrison

Ang kamusmusan daw ang pundasyon kung gusto mo’ng magkaroon ng matibay na kinabukasan. Dahil ang isipan daw ng isang paslit ay tulad sa Tabula Rasa (blank slate) na magandang sulatan ‘pagkat tiyak ang kalinisan. Nasa labi ng isang musmos ang katotohanan at nakikita nang kanyang mga mata ang malinaw na mga kaganapan at naririnig n’ya ang bawat katagang binibigkas dalisay man ito o masama nang walang halong alinlangan.

Subalit may mga paslit na hindi na makikita ang kanilang kinabukasan dahil maagang nawawala ang kanilang buhay. May mga paslit na sa muarang edad ay marami ng lamat ‘pagkat dangal nila’y hinapak ng mga hinayupak. Mga inosenteng paslit na dahil sa maling pagkonsenti nang mga hangal na magulang ay naging mga pasaway at salot sa lipunan. Naging sinungaling ang kanilang mga murang labi kaya’t natutong magtahi ng mga k’wentong mali. Naging mapurol at mabalasik na tulad sa isang asong ulol.

Nagsisiksikan sila sa mga madidilim na eskinita habang sumisinghot ng solvent at lumalaklak ng syrup. Nagumon sa bisyo at kalaswahan, binaon sila ng sistema. Naging mga dilingkwenti at walang kwenta. Nasayang na buhay, nasayang na panahon. Ang iba ay bigla na lang tumutumba kapag tinamaan ng bala o di kaya ay nahagip ng saksak sa tagiliran. Mga makabagong desaparecidos na bigla na lang naglalaho sa dilim ng gabi.

Hindi ko na mabilang ang mga eksena sa telibisyon na tulad nito: binatilyo nawawala, dinukot daw nang mga di-kilalang lalake makalipas ang ilang araw natagpuan na patay. Binaril, tinadtad ng saksak. Riot sa kanto mga kabataan nagsagupaan. Nagpaluan, nagsaksakan at may nagpaputok pa ng baril – patay bumulagta na lang bigla. Sabi ni Rizal ang kabataan ang pag-asa ng bayan; hindi mali ka Pepe, ang kabataan ay hindi pagasa ng bayan kundi sila na ang panlaban sa mga sagupaan. May mga pick-up girls na nahuli sa kalye, ilan taon daw ito? Disisyete anyos lang, putang-ina naman hija kabata-bata mo pa bakit naging pakantot kana? Grabe! May gatas ka pa sa labi puro kantutan na ang alam mo bwesit kang bata ka.

Mga kabataan na pag-asa sana ng inang bayan bakit kayo nagkaganyan? Hindi n’yo ba naiisip ang iyong magiging kinabukasan? Bakit kayo nagpapatangay sa mga tuksuhan at mga walang kwentang huntahan? Meron pa kayong mapupuntahan, ang kabiguan ay hindi isang hangganan. Umahon kayo sa pagkakalugmok habang meron pang paraan. H’wag n’yo sanang sayangin ang inyong buhay.
CRESTINE CUERPO Aug 2017
Boom!  Pagsabog!
Na sa aking dibdib ay kumabog!
Ang isip at kaluluwa ko'y nabubulabog!
Ito nga ba'y himig ng kapayapaan o himig ng digmaan?

Isa akong musmos na batang---- naninirahan sa isang bayan,
Dito ako lumaki at nagkaroon ng pangalan,
Bayang Marawi ang lupang aking sinilangan,
Isang bayang tanyag sa kaunlaran,
Ngunit ngayo'y nagiging usap-usapan sa t.v, radyo at maging sa pahayagan.

Hindi ko malilimutan ang gabing nagdaan,
Gabi!--- ng ika-23 ng Mayo ang nagpinta sa aking pusong sugatan,
Isa ako sa mga nawalan ng magulang,
at saksi sa karahasan na walang katapusan,
Hudyat ng pagguho ng pag-asang aking pinanghahawakan.

at habang aking pinagmamasdan,
Isa-isang nabubulagta at dugu-an,
Ang aking mga kamag-anak at kaibigan,
at sila'y.....wala na----- wala ng malay at nakahandusay.

Wala akong magawa kundi ang tumakbo ng tumakbo,
kumarepas ako ng takbo.....ng isang napakabilis na takbo.... nanginginig sa takot...pagod na pagod...  humihingal....
Iyak ng iyak at nagsusumamo
at habang ako'y papalayo ng papalayo--------
Naisip ko:
      "Saan ako patutungo?"
       "Sa mga pangyayaring ito sino          
         ang namumuno?"
         Sila ba'y mga Muslim o
         Kristiyano?"
        Ngunit maging sino man sila----
        Sila'y hindi santo na may pusong
        bato,
        Dahil sila'y pumapatay ng kahit
        na sino,
        at ito'y hindi makatarungan at
        makatao.

       Ang sakit....Oo ang saklap...ang
       bayan na naghahatid ng
       kaunlaran,
       Ngayon ay nabubura at nag-iiwan
       ng isang malagim na ala-ala,
      Nagsisilbing aral sa tuwina at          
      nagpa-paalala,
      Na kinakailangan ng isang may      
      malinis na adhikain at tapat sa
       tungkulin ang namamahala.

    Ano nga ba ang hatid ng kaguluhang ito?
Kaginhawaan o Kahirapan?
Kabuhayan o Kamatayan?

Ang katotohanang ito'y--------
Isang malagim na karimlan!
Pagluha para sa aming mga kabataan,
Crestine Cuerpo
at pagmamaka-awa para sa darating naming kinabukasan,

Oo.....masakit ang mawalan,
Ngunit kailangan kong maging matapang,
Dahil ako'y isang Pilipinong handang lumaban,
Kaya't sigaw ko Pagbabago! Katarungan!

Sa mga kinauukulan:
   Nasaan? Nasaan? ang inyong pagmamalasakit sa kapwa at sa bayan?
Kung sa isip at puso niyo'y  para lamang sa pera at kapangyarihan?


Kapatid... Kapuso.... Kabarkada....  at Kapamilya.......
Gumising ka ang lahat ay may-----hangganan.
Marge Redelicia  Jun 2015
layag
Marge Redelicia Jun 2015
balikan natin ang panahon noong tayo'y mga bata pa.
naalala mo pa ba
noong tayo'y nagtagpo sa gitna ng mapunong gubat,
sa may malinaw at malinis na sapa?
ang mga kamay natin ay hasang-hasa sa paglikha,
pagtupi ng mga obra:
mga bangkang gawa sa papel, na
ating pinapanood ang pag-anod sa tubig
na banayad na dumadaloy;
nagpapadala lang sa agos.
at hindi,
hindi ito isang paligsahan o karera.
ang tanging pakay ay
malibang at magsaya.
kung lumubog o masira man ang ating mga bangka,
ayos lang,
gumawa na lang ng iba.

pero ngayon,
tayo ay lumaki at tumanda.
pati lunan natin ay nag-iba.
sa ating pagtingala,
hindi na yung mapunong gubat ang ating nakikita,
kundi ang bughaw na langit
na walang anuman ang makakadaig
sa lawak at laya.
at siyempre,
ang ating malinaw na sapa
ay humantong na sa
karagatan.
di matalos ang hangganan,
di matalos ang lalim.
maraming tinatagong lihim.
nalusaw na sa tubig ang mga bangkang gawa sa papel.
at dito sa dagat,  
nararapat lang na maglayag sa mga galyon kasi
araw-araw may digmaan sa laot.
kalaban natin
ang mabagsik na hangin,
mga higanteng alon,
mga piratang nananamantala,
pati na rin ang uhaw, gutom, at pagod.
pero bago pa man magsimula ang digmaan,
tayo na ang panalo.
walang sinabi ang lupit ng dagat sa bagsik ng ating puso.

sa ating paglingon
mapapagtanto na
hindi masukat ang layo
ng narating na pala
at mararating pa natin.
matagal nang wala ang gubat at sapa,
napalitan na rin ang mga mumunting bangka.
ngunit ako,
ay nandito pa
at patuloy na mananatili
kahit na
magkaiba at magkalayo
ang sinasakyan **** barko sa sinasakyan ko.
'di bale
iisa lang naman ang Kapitan,
iisa lamang ang kayamanan na hinahanap,
iisa lamang ang lupain na tinutungo.

hindi talaga
matiwasay at madali ang paglalayag
dito sa malawak na dagat na ating tinatahak. kaya
kung dumanas man ng sindak at lungkot,
huwag maniwala sa lawak at lalim
na natatanaw sa mga alon; kasi
kahit saan man mapadpad,
kahit saan man ihatid ng tadhaha,
nandito lang ako.
happy happy birthday UP, Rizal, and of course, Sofia!
AgerMCab Jan 2019
Dumating ka sa buhay ko ng hindi ako nakahanda
Ni hindi ko inaasahang  mayroon pang nakatakda
Akala kong wala na, ngunit humabol pa ang tadhana
Pag ibig mo'y wagas, ang wika mo sa harap ni bathala

Nagagalak ang aking puso na may halong pagkagulat
Ang iyong tagong pag ibig sa wakas iyong siniwalat
Pagmamahal na tila sa mundong ito hindi nagmula
Pag ibig na wari ko nga ay galing sa ibang planeta

Ang kagulat gulat, kaya ko palang magmahal higit sa akala ko
Pagmamahal na magagawa kong ihinto ang lahat, para lang sa iyo
Gusto ko sanang ipaalam, ipagsigawan at ihiyaw sa buong mundo
Na ikaw ay akin at akin lang sana, ngunit maaaring dulot ay gulo

Natuto tuloy akong sumigaw ng pabulong
Hanggang kelan ko kaya kakayaning bumulong
Ang pag ibig ko ngayon tila ay hindi makasulong
Ang katagang "mahal kita", tila presong nakakulong

Sa ngayon, ang alam ko, NGAYON ang mayroon ako
Hindi ko nga alam kung anung bukas mayroon tayo
Sa ngayon, ang ngayon lamang ang pinanghahawakan ko
Yung ngayong minamahal kita at mahal mo rin ako

Yung ngayon na naririto ka sa buhay, sa puso, at isip ko
Yung ngayon na sa iyo lamang umiikot ang buong buhay ko
Kumikislap ang mga mata at ngumingiti ang mga labi
Na para bang sa mga pangarap ay may bukas na hinahabi

Sa aking pangarap ang lahat lahat sa iyo'y akin
Mula anino, pati iyong diwa'y aking angkin
Ngunit paano kung ako'y magising na, lahat magwawakas
Ikaw rin ba'y nangarap na para bang tayo'y mayroong bukas?

Ang tunay daw na pag ibig ay hindi mapag ari
Paano ang gusto kong ika'y aking gawing hari?
Nais ko'y akin lang, ang iyong ngayo't iyong bukas
Sana'y akin ka hangga't ako'y mayroon pang lakas

Darating ang panahon, tayo'y magwawalay
Sa oras na yan mundo ko'y malulumbay
Sadyang kailangan ko nga lang tanggapin
Ika'y hindi kayang tuluyang maangkin

Ganap ang dusang nasa akin
Dahil ikaw ang aking hangin
Ang aking araw, aking langit
Aking tala at buwan sa dilim

Oo't may dahilan kung bakit ngayon tayo pinagtagpo
Kung anumang dahilan isipin pa ay nakakahapo
Ni hindi nga natin alam kung hanggang kailan ito
Ano kaya bukas? Ikaw pa kaya ay naririto?

Alam kong kahit kailan, hindi mangyayari
Na sa aking pagtanda, ikaw ang aking hari
Ikaw ang kapiling, kamay mo ang aking hawak
Aalalay s'aking tungkod, lalakad ng malawak

Pakinggan na lamang sana ang aking pangako
Kasal-kasalang pauso ay aking inako
Wala man tayong mga saksi
Basbas ng simbahan o pari

Di man nakasuot ng damit pangkasal, wala rin ako pati mga abay
Galak ay lubos parin kung ikaw ang kaagapay
Ako'y handang maging sa iyo, sa abot ng aking gunita
Maging kalaban ko man ang lahat, dahil sa aking panata

Akoy gagawa ng altar na aking sarili
Upang sa aking bibig sumpa ay mamutawi
Pangakong ikaw lang ang mahal sa habang buhay
Hanggang sa dumating aking araw ng paghimlay

At kung sakaling akoy mabigyan, ng pagkakataong muling mabuhay
Kahit sa ibang panahon, hahanapin ka ng puso ko ng walang humpay
Upang taimtim na panatang binitawan, ay maisakatuparan
Pag-ibig na walang hangganan, pagmamahal na walang katapusan
#tagalogpoetry #tagalogpoem #tulangfilipino
Crissel Famorcan Dec 2017
Tournament.
Diyan unang nagtagpo ang ating mga landas,
Ilang taon pabalik noon, at medyo matagal na rin ang lumipas
Oo, aaminin ko agad kitang natipuhan
At nabighani ako sa taglay **** kagandahan
Kaya nga pinangarap kong ika'y maging akin
At umasa akong pareho tayo ng damdamin
Pero Mali pala ako ng akala
Mali ako ng hinala
Pagkat minsan,isang araw
Sa condo ng iyong kaibigan ako'y pinadalaw
At nagulat ako sa aking nadatnan
"Set-up" pala yun! Ba't di ko naramdaman?
Simula nun di na kita kinausap
Kaya nga tila natupad Ang munti Kong pangarap
Nang minsan mo akong yayaing magtanghalian
Na siyang naging simula ng ating pag-iibigan.
Pag-iibigang Perpekto at makulay,
Hinahanap ng marami—isang pag-ibig na tunay
Pero sa isang pagkakamali ay biglang nawala
Sa mundong ito'y naglaho na tila isang bula
Oo! Kasalanan ko ang lahat !
Dahil sa iyo mahal ay hindi ako naging tapat
Patawad.
Yan Ang tangi Kong nasambit noon sayo
At salamat sa Diyos dahil tinanggap mo pa ako
Kaya't pinilit Kong maayos Ang nasira nating relasyon
Dahil Ang lokohin ka ay di ko naman intensiyon
Mahal kita! Dalhin man ako sa ibang daymensiyon
Pero di ko inaasahan— bigla kang nagbago,
Mas naging mahigpit Ang iyong pakikitungo
Umabot tayo sa puntong tila ako'y nasasakal
—puso mo'y nagdududa sa aking pagmamahal
Pakiramdam ko,  ako'y nakakadena
Pagkat Bawal Ang lahat, para akong nasa selda
Isang preso ng pag - ibig, kamay mo Ang nagsilbing rehas
Lumipas Ang isang taon— ganoon pa rin Ang dinaranas
Ako'y nag -isip-isip at ninais magpahinga
Kaya't ako'y umalis sa kanlungan mo sinta!
Hinanap Ang sarili sa kalayaan Kong natamo
Ngunit kinalaunan, akin ding napagtanto
Hindi ko kayang mabuhay kung wala ka
Malungkot ang buhay at ayokong mag-isa
Lumipas Ang araw,babalikan ka na sana
Ngunit sadyang mapaglaro Ang tadhana
Pagkat sa aking muling pagbabalik, meron ka nang iba!
Nanlumo ako at mundo'y bumagsak
Puso ko'y nadurog at nahulog sa lusak!
Sa mata Kong may hinagpis, luha ay dumanak—
Mahal! Paano na Ang bawat nating balak?
Itatapon mo lang ba iyong sa gitna ng kawalan?
At hahayaan mo akong mawala sa dagat ng kalungkutan?
Alam Kong kasalanan ko na naman ito!
Pero di ba't kagagawan mo rin 'to?
Mahal bakit ako lang Ang nagdurusa?
Bakit tila ika'y walang pakialam at hanggang ngayon ay nagsasaya?
Ganito mo lang ba tatapusin Ang ating kuwento?
O baka isa lang itong bangungot sa pagtulog ko?
Mahal pakiusap, gisingin mo ako!
Sige! Magbibilang ako!
Isa,Dalawa,Tatlo!
Teka— kulang pa yata Ang  numero,
Magbibilang ako ulit para sa iyo
Isa,Dalawa,Tatlo!
Bakit wala ka pa rin?
At sa piling niya'y nariyan ka pa din?
Mahal Hindi na ba talaga natin 'to aayusin?
Itatapon nalang Ang lahat ng pinagsamahan natin?
Pero sige! Dahil mahal kita,
Pagbibigyan ko ang nais mo sinta!
Alam Kong sa puso mo'y may iba nang nagpapasaya
At may iba nang nagpapangiti sa maganda **** mata
Kaya sige! Hahayaan kita sa kanya
Alam kong sa kanya ka sasaya
Sa kanya ka liligaya.
Pero—mahal, iyo sanang tandaan
Oras na ika'y masaktan,
Nandito lang ako para sa iyo,
Kahit na Hindi ako yung pinili ng puso mo,
Ang bisig ko'y naghihintay na maging kanlungan mo.
Natakot akong gumising
Natakot akong gumalaw
Natakot akong magsimula
Na wala na yung tayong dalawa
May hangganan nga pala ang lahat
At ang sa atin ay hanggang dito nalang
Sa huling beses ay sasabihin ko pa
Minahal, mamahalin, at mahal na mahal kita
Kahit nakakamatay na.
Leilaaa  Aug 2015
Layag
Leilaaa Aug 2015
balikan natin ang panahon noong tayo'y mga bata pa.
naalala mo pa ba
noong tayo'y nagtagpo sa gitna ng mapunong gubat,
sa may malinaw at malinis na sapa?
ang mga kamay natin ay hasang-hasa sa paglikha,
pagtupi ng mga obra:
mga bangkang gawa sa papel, na
ating pinapanood ang pag-anod sa tubig
na banayad na dumadaloy;
nagpapadala lang sa agos.
at hindi,
hindi ito isang paligsahan o karera.
ang tanging pakay ay
malibang at magsaya.
kung lumubog o masira man ang ating mga bangka,
ayos lang,
gumawa na lang ng iba.

pero ngayon,
tayo ay lumaki at tumanda.
pati lunan natin ay nag-iba.
sa ating pagtingala,
hindi na yung mapunong gubat ang ating nakikita,
kundi ang bughaw na langit
na walang anuman ang makakadaig
sa lawak at laya.
at siyempre,
ang ating malinaw na sapa
ay humantong na sa
karagatan.
di matalos ang hangganan,
di matalos ang lalim.
maraming tinatagong lihim.
nalusaw na sa tubig ang mga bangkang gawa sa papel.
at dito sa dagat,  
nararapat lang na maglayag sa mga galyon kasi
araw-araw may digmaan sa laot.
kalaban natin
ang mabagsik na hangin,
mga higanteng alon,
mga piratang nananamantala,
pati na rin ang uhaw, gutom, at pagod.
pero bago pa man magsimula ang digmaan,
tayo na ang panalo.
walang sinabi ang lupit ng dagat sa bagsik ng ating puso.

sa ating paglingon
mapapagtanto na
hindi masukat ang layo
ng narating na pala
at mararating pa natin.
matagal nang wala ang gubat at sapa,
napalitan na rin ang mga mumunting bangka.
ngunit ako,
ay nandito pa
at patuloy na mananatili
kahit na
magkaiba at magkalayo
ang sinasakyan **** barko sa sinasakyan ko.
'di bale
iisa lang naman ang Kapitan,
iisa lamang ang kayamanan na hinahanap,
iisa lamang ang lupain na tinutungo.

hindi talaga
matiwasay at madali ang paglalayag
dito sa malawak na dagat na ating tinatahak. kaya
kung dumanas man ng sindak at lungkot,
huwag maniwala sa lawak at lalim
na natatanaw sa mga alon; kasi
kahit saan man mapadpad,
kahit saan man ihatid ng tadhaha,
**nandito lang ako.

— The End —