Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
052824

Sa tuwing hinahagis ko
Ang aking sarili Sa’yong harapan,
Ay nais kong isakatapuran Mo rin
Ang bawat pangakong inilathala’t
Ipinagtibay ng dugong dumanak sa Krus.

Sa tuwing kumukulimlim na
Ang aking mga mata’y
Gusto kong magtago Sa’yong lilim
At doon ang aking pahinga.

Isisigaw ko ang lahat ng aking pangamba
At lulusawin ng pag-ibig Mo
Ang bawat tinik na pumipigil sa’kin para huminga.

At kung pupwede lang
Na patigilan Mo ang bawat ritmo ng oras
Upang panandaliang maibsan ang aking pangungulila —
Kung pwede lang sana.

Sa mga buhangin ng aking pagkukunwari’y
Kusa Mo akong aanyayahan
Sa malalim at malawak **** karagatan.
At kailan nga ba ako matututo?
Kailan nga ba kita masisilayan
At massasabi nang aking mga mata’y
Ikaw ang tanging totoo?

Nasasabik ako
Sa tuwing sasalubungin Mo ako ng pag-asa
At kalakip pala ng pagtiklop ng bawat umaga’y
Ang yakap **** mainit
Na tumatawag sa’kin na mas piliin pa ang malalim.

Taliwas sa aking sariling prinsipyong
Binahiran ng mga haka-haka
Ang kapangyarihan ng tunay na pananampalataya.
At Sa’yo pala mawawalang bisa
Ang bawat kuro-kurong
Hinayaan kong magsilbing masasamang damo
Sa hardin ng aking pagkatao.

Ngayo’y bubuksan kong muli
Ang aking pintuan
At wala nang iba pang makagagapi
Sa Tinig **** ginawa ko nang pader
At pugad ng aking bukas
Na Sa’yo ko lamang iniaalay.
050724

Ilang araw na akong namamahinga
At napapaisip ako sa Iyong pagbabalik.
Nais ko nang umuwi —
Nais ko nang magpasakop sa Liwanag.

Ang mga kapagalan ,
Ay magiging luma kinabukasan
At sa pagsipol ng hanging humihinga sa Lilim
Ay mapapawi ang anumang pait
Na mitsa ng pagkagunaw ng bawat pananaw.

Hahalik sa Kanyang mga palad
Na tila walang ibang iniirog —
Walang ibang sandata
Kundi ang pamanang
Yaman ay matatagpuan sa Kanyang mga Salita.

At walang silid na makakalimot
Sa mga burda ng Kanyang pagkalinga.
Lilisan at magbabalik —
Paparating na Siya.
042624

Ang bawat buhay
Ay binubuo ng mga pahina ng mga tula
Ilang libong libro na may makakapal na kuwento
At marahil ang iba’y, sa unang pahina pa lamang
Ay maroon na rin ang kanilang dulo.

Kakatha pa rin ang Bathala
Kahit punitin man ng kadiliman.
Lilikha gamit ang Kanyang hininga,
Isang idlap, isang kurap
Patuloy ang pagbibigay buhay at katuturan.

Sunugin man ang mga pahina,
Dapuan man ng mga alikabok at mga insekto,
Mabura man ang mga letra
buhat sa mga patak ng ulan
Ay mananatili pa rin ang mensahe’t nilalaman.

Sa huli, ang may Akda
Ang tanging may hawak ng mga kasagutan
Sa mga pahinang hindi natin alam
Kung kailan nga ba ang katapusan.
031224

Ikaw ang alaalang nais kong ibaon sa limot —
Ang kalimutan ka ay kalayaan ko.
Ikaw ang larawang sana’y kumupas na
At handa ako kung anayin na
Ang mga sandaling kasama ka.

Sa tuwing pumipikit ako’y
Dinadalaw mo pa rin ang aking isipan
At maging sa panaginip,
Ako’y tila binabangungot
At magigising nang bigla ang aking ulirat.

Ang bawat patak ng luha’y ni hindi na masukat
Gaya ng ulang walang himpil na pagbagsak.
Kung sana noong una’y binitawan ka na agad,
Sana’y hindi nagdurusa ang puso kong pagod na.
031224

Ako’y nilaban Mo —
Buhay ang alay Mo
Walang kapantay,
Ganyan ang pag-ibig Mo.

Saan ko man hanapin,
Saan ko man hagilapin,
Dalışay ang Iyong pagsinta
Tanging Ikaw ang hanap ng aking mga mata.

Puso ko’y Iyong nabihag
Nabihag ng Iyong Kadakilaan
Pagsamba ko’y abot langit
Ikaw at Ikaw pa rin ang sambit.

Ano pa nga bang hahanapin?
Ako’y Iyong-iyo, Sa’yo ang pag-ibig ko.
Kanino pa nga ba tatakbo?
Oras ay ‘di na hihinto, Sa’yo pa rin ang kapit ko.
031224

Gusto ko nang magwala,
Gusto ko nang kumawala —
Hahanap ng pluma
At kakatha ng isang tula.

Isa na namang piyesa
Susulpot na parang bula,
Mawawala nang kusa
Lilisanin ang mga tugma.

Alay ko ang aking awit
Minsang mga bala’y mapanakit.
Isisigaw na may dawit
Ang sukli’y kaakit-akit.

Ilang libong mga salita,
Papalibutan ng mga katha.
Isang araw ng pagkukusa —
Isang obra ang maipipinta.
022924

Minsan ka nang lumuha’t
Nagtiis sa mga salıtang binato ng mundo.
Minsan ka na ring napatid at nalunod
Ngunit bumangon at sumikap pa rin.

Sinisinta kita
Sa kabila ng iyong mga pagkukulang.
Pagpapatawad at pag-ibig
Umaapaw buhat sa aking kaibuturan.

Batuhin ka man ng lahat
Ay hindi kita iiwan.
Hindi ito isang pangako,
Bagkus ito ang aking puso.

Patuloy kitang ipananalangin,
Hangga’t sa kaya ko pa.
Hindi kita susukuan
Ako’y yuyukod sa Maykapal.
022924

Magsisimula akong muli —
Dalhin mo ang aking pangamba’t
Waksian maging mga pag-aalinlangan.

Sa’yo ko ihahain ang lahat-lahat
Kaya hindi na ako magdududa pa
Kung sakaling mag-iba ang aking landas.

Patas ang Iyong paghusga
Kung sakaling ako ang nasa kadiliman.
At Ikaw rin mismo, ang magsisilbing Ilaw.

Ikaw ang aking Daan —
Ako’y akayin Mo hanggang dulo
At ‘wag na ‘wag na bibitawan.

Aking buhay, Iyong pagharian
At wala na akong ibang nanaisin pa
Kundi Ikaw ang aking Kanlungan.
082021

Naranasan mo na bang sumigaw
Nang walang nakaririnig?
O kaya lumuha nang walang sumasalo?
Sa bawat patak ng bumubugso **** damdamin.

Naranasan mo na bang kumatok
Nang walang nagbubukas?
O kaya tumawag nang walang sumasagot?

Ang tempo **** sinusumpong ng tampo’y
Umaanod sayo papalayo
Sa nararapat mo sanang hantungan.
Nakalimutan mo na rin atang
Hindi sarili mo ang iyong kalaban
Kaya’t hindi ka na rin mapigilang
Manlumo sa karagatan ng iyong mga pasanin.

Patuloy ang iyong pagsisi sa sarili
Bunsod sa mga responsibilidad
Na sana’y napanagutan mo
Ngunit iyong iniwanan
At pilit na tinakasan.

Ngunit sa paulit-ulit mo ring
Pagsagwan palayo’y
Patuloy ka ring hinihila pabalik
Kung saan ka nararapat
Para magsimula kang muli.

Ang iyong walang pagpapaalam
Sa plinano **** paalam
Ay naging hayag na paglisan
Sa nakaraan ****
Walang ibang mas mahalaga pa
Kundi ang pagtuntong mo
Sa ngayong noo’y ayaw **** pagtayuan.

Ang bawat gumuhong gusali ng iyong nakaraa’y
Kusang mag-aalis ok sayong
Pagtagpi-tagpiin mo sila nang nakapikit.
At kahit pa —
Kahit pa sinasabi **** nalimot mo na
Kung saan mo hindi sinasadya
O kusang naiwan
Ang mga piyesa ng iyong sarili ng tula
Ay kusa mo rin itong maaalala
Na para bang ang lahat ay bago’t
Hindi ka na mahihiya pang
Bumalik at magsimulang muli.

Lulan ng mga lumang pahina
Ang pag-asang may tiyak na kahulugan.
Tiyak ang iyong hahantungan
At walang katotohanan
Ang sinasabing “paano?”
Kung hindi mo naman nanaising
Tumapak sa hagdan
At kusang umakyat
Gamit ang sarili **** mga paa.
022524

Kalakip ng bawat “oo”
Ang mapapait na “hindi” ng Tadhana.
Kung sa’yong palad ko ikakahon ang sarili’y
Mauubos ako sa sarili kong lakas
Habang sumusuntok ako sa buwan.

Mananatili akong aliping
Nakagapos sa sarılı kong mga pangarap
At marahil ito ang maging mista
Ng tuluyan kong pagkabulag
Pagkat sarili ang aking naging Lupang Hinirang.

Ni hindi masasaklawan ninuman
Ang bawat sumisirit na imahe sa aking balintataw.
At walang sinuman ang makapag-papahele
Sa akin hanggang makaidlip
Pagkat iba ang ritmo ng Pagsintang aking kinapapanabikan.

Kung sarili ang magiging lason
Ng aking pagkalimot sa aking unang sinumpaan…
Ay mas nais ko nang tuldukan
Ang bawat silakbo ng damdaming
Hanggang lupa lamang ang kasarinlan.
021924

Itikom aking bibig
Nang Sayo’y mamahinga.
Isip ko’y Iyong pagharian
At muling awitan ng Iyong pagsinta.

Ilang dekada na’y
Nanatili Kang tapat —
Ni hindi ka nagkulang,
Ikaw ay naging sapat.

Paano nga ba ako hihinto?
Kung Ikaw ang aking Kalakasan.
Bakit nga ba ako mapapagod?
Kung Ikaw rin ang aking uuwian.

Tatahan ang aking mga mata,
Pagkat Ikaw ang aking Tahanan.
Ikaw ang Simulang
Walang katapusan.

At balang araw,
Sa isang kurap
At sa isang iglap lamang —
Ang lahat ay alaala na lamang.
021824

Ikaw ang Buhay, ang aking Hininga
Ang nagdudulot sa bawat pintig
Na noo’y nais nang mamahinga.

Ikaw ang Pangakong aking panghahawakan,
Ilalaan Sa’yo ang lahat
Nang walang hinihinging kapalit.

Ikaw ang Pagsinta
Sa gitna ng mga mapapait na nobela —
Nobelang akala ko’y syang bubuo sa’king pagkatao.

Ikaw ang Lunas sa bawat sakit,
Sa bawat hapding walang ibang makapagpapagaling…
Ikaw ang aking Kagalingan.

Sa libis at parang
Ako’y kusang hahakbang.
Na kahit ang dilim ay walang kapangyarihan.

Ikaw ang Aking Liwanag —
Akayin Mo ako hanggang sa huling hininga’t
Salubungin ako ng pag-ibig **** walang kapantay.
093023

Ikaw ang Aking Bayan
Ang aking Pag-asa’t Ilaw
Sa mga rehas ng kadiliman…
Hayaan **** ang Liwanag Ko
Ang magningning sa Sanlibutan.

Ikaw ang Aking kawangis
Damhin mo ang Aking pag-ibig
Wagas at dalisay ang hain Ko
Kaya’t itapon ang pangamba’t
Sumabay sa pag-ihip ng hanging
Nagmula sa Aking hininga.

Sa dilim ay mas magliwanag ka
Isasaboy ko ang Aking kinang
Sa liblib na wala pang nakararating.
Takot mo’y babalutin Ko
Ng aking pagsinta habang ikaw ay humahayo.

Yakapin mo ang aking pagkatawag sayo,
Maging saksi ka’t magliwanag pa
Habang ika’y naghihintay…
At ako’y magagalak sa’yong pagsunod…
Mahal kita, Anak at mahal ko ang Sanlibutan
Pagkat Ikaw at Sila —
ang aking Bayang babalikan.
Isaias 49:8-12

8 Sinabi pa ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Sa tamang panahon ay tinugon kita,
    sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.
Iingatan kita at sa pamamagitan mo
    gagawa ako ng kasunduan sa mga tao,
ibabalik kita sa sariling lupain
    na ngayon ay wasak na.
9 Palalayain ko ang mga nasa bilangguan
    at dadalhin sa liwanag ang mga nasa kadiliman.
Sila'y matutulad sa mga tupang
    nanginginain sa masaganang pastulan.
10 Hindi sila magugutom o mauuhaw,
    hindi rin sila mabibilad sa matinding hangin at nakakapasong init sa disyerto,
    sapagkat papatnubayan sila ng Diyos na nagmamahal sa kanila.
Sila'y gagabayan niya patungo sa bukal ng tubig.
11 Gagawa ako ng daan sa gitna ng kabundukan,
    at ako'y maghahanda ng lansangan, upang maging daanan ng aking bayan.
12 Darating ang bayan ko buhat sa malayo,
    mula sa hilaga at sa kanluran,
    gayon din sa lupain ng Syene sa timog.”

——-

Mateo 25:34-40

34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35 Sapagkat ako'y nagugutom at ako'y inyong pinakain; ako'y nauuhaw at ako'y inyong pinainom. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako'y hubad at ako'y inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.’

37 “Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y hubad at aming dinamitan? 39 At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?’

40 “Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.’
Next page