Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Tatlong bituing* patungo sa *Norte
Sa Silangan at Kanluran
Ang dugong hindi bughaw
Kalayaa'y sagisag.

Nagdadalamhati ang Perlas
Pagkat ito'y tanyag
Sa sari't saring anumalya
Pawang sa pulitika't
Maging sa simpleng eskinita.

Tuwid na daan ang sabi ng Hari
Itong kaibigan ko nga
Pumaskil pa sa Facebook
"Tuwid na daan patungo sa kamalian."

Maulop ang daan patungo sa katuwiran
May limitasyon sa bawat miyembro ng lipunan
Kasapi rin tayo sa eskandalong may hithit
Uhaw nga sa salapi, sirang plaka naman.

Kinalakhan ko ang dungis ng bayan
Nasanay na lang bagkus tuloy lang ang pangarap
Sabi nila'y tatsulok ang patakaran
Ang mayayama'y tataas
Mahihirap ay *
lulusong sa putikan

Mayroong tama sa bawat nasaksihan
Ngunit hindi ko maitatangging
Ako'y kasapi ng masalimuot na kasaysayan
Ngunit kung tanging mali
Ang pupukaw sa paningin
Aba't wala akong mararating.

Mahirap na nga
Makitid pa ang isip
Mayaman na nga
Hindi pa nasusuka sa kurapsyon.

Batu-bato raw sa langit
Bagkus ang tamaa'y sa lupa rin ang bagsak
Tayo na't sumulong
Pagkat ang giyera'y walang urungan.

Walang nararapat na panigan
Pagkat ang tama'y
Hindi na dapat pinag-iisipan
Kung ang prinsipyo nati'y
Lalang para sa kaluwalhatian
Nasisiguro ko, ito'y may magandang patutunguhan.
Wala akong maisip. Wala lang. Sulong Pilipinas
032116

Sumayad ang takong ng apat na kandidato
Hindi para mangalakal at maghain
ng kani-kaniyang plataporma.
Alay ang boses para sa nagkakalansingang masa,
Habang magbabanyera ng laway ng pananalita.
Tagisan, ika nga
Tahasang pagbubukambibig ng motibo sa bayang
May kinabukasan pa.

BINAYubay nga ba ang Pilipinas naming mahal?
Sa FOI na minsang itinapo'y ano ang tugon?
Hampas-lupa ba ang mga Pilipino
Para magbulag-bulagan
Sa binulsang kaban ng bayan?
Yang pambobola nyong haing 5Ps
Saan nga ba ang liderato ng ngiting may bungisngis?
At sa pagbaba ng tax, maibabalik nyo ba
Ang nasa bangko ninyong
May iba't ibang ngalan?
Sagot ba ang waivers at ilang kasulatan?
Kamusta naman ang assets nyo at liquidations?
Sana'y hindi maging makati ang mga kamay,
Gawin **** mala-Makati, wag lang ulitin ang pangangati.

Mala-Talk Back and You're Dead,
Yan ang peg ng kamandag ni Duterte.
Palabiro raw sya't matalas ang dila,
Bagkus ang masa'y panay ang tugon sa kamao niya.
Kamay na bakal, iyo bang ibabalik?
Sabik nga ba sa Death Penalty ang kinauukulan?
Sa posibleng anim na buwan ng iyong pag-upo,
Sana'y malinis ang minsang Tuwid raw na Daan.
Posible bang dahas ang kasagutan
Sa bayang talamak ang bayaran at tulakan?

Tila saulado mo ang bawat numero,
Ang galang mo Poe, nagmula nga ba sa pusong Pilipino?
Paano nga kung nagising kang
May alarma sa Bayan,
Babangon ka ba talaga't di kami tatalikuran?
Wag sanang gaya ng pagtapon mo
Sa Amerikang minsang naging bayan mo rin.
Paano mo babalansehin ang tulong
Ng malalaking korporasyon sayo?
Boto ba nila'y hindi mo binili?
Wala bang kapalit ang oo
Ng mga batikan at mayayamang negosyante?

MARami ka nang satsat sa Daang Matuwid na yan,
Talamak na rin ang paghuhugas-kamay
Para sa patapos nang administrasyon.
Ba't nga ba panay ang pag-eendorso mo
Sa sarili't tila baga sayo nanggaling ang pondo noong Yolanda.
Naroon ka nga't ika'y ligaw at wala raw tugon,
Ano itong alarma mo raw
Pag nandyan lamang ang kamera.
Wala bang tiwala sayo si PNoy?
At tinago pa sayo ang nauukol sa mamasapano?
Kamusta po ang pag-endorso ng Pangulo sayo?
Sana'y inasikaso niya na lang
Ang nahuhuling termino.

Marami na po kayong mga pangako,
Naawa nga kami sa Translator
Pagkat gulung-gulo rin siya
Sa pag-aagawan ng oras at mikropono.

Magandang ideya ang naganap na mga Debate,
Pagkat nauntog ang Bayan,
Nagigising aming diwa't magigisa ang tamang boto.
Ang boto ng bawat Juan,
Para yan sa Bayan.
Sana'y matiyak po nating
Wala nga tayong kinikilangan
Maliban sa malinis na eleksyon.

Tayo ang simula, kapwa ko mga Juan!
Maging wais tayo!
Makialam para sa Bayan!
Gising Pilipinas!

"Alab ng puso,
Sa dibdib ko'y buhay!"
- Lupang Hinirang
Mahigit pitumpu't limang porsyento
Niyurak ng matinding alon
Walang awa ang haplos
Ang yapos na nakagigimbal
Kinitil hindi lamang ang buhay
Gayundin ang hanapbuhay.

Ni hindi masisid ang perlas
Na ngayong may takip sa ibabaw
Nabibilang ang lumalangoy
Kaawa-awang gambalain
At hablutin sa laot nang walang muang
Ngunit anong siyang magiging sapit?
Kung sila'y hahayaang hindi nakagapos?
At doon sa lambat ay patitiwarakin.

Tinaguriang "No Build Zone"
Ngunit naroon nakatirik ang bawat pundasyon
Walang opsyon, pagkat ang gobyerno
Kaytagal din nang pag-aksyon.

Mula sa libu-libong tirahan sa Tent City
Sila'y lilisan patungong Bunk House
Transitional Shelter kuno
Hanggang sa malipat
At magkaroon ng panibagong tirahan.

Doon sa Tacloban,
May dalawang daan at apatnapu't anim na tirahan
Bagkus ang nakalilim, apat na libong pamilya naman.

Salamat sa mga NGOs
Sa 9181 na Bunk House
Sa gobyernong dapat na kikilos
Kailan ba sisimulan ang pagbabago?

Walong libong pabahay raw ang ginagawa
167 bilyon ang budget,
Saan nga ba napunta?
Ito ba'y binulsa?

Comprehensive Rehabilitation Plan kung tinagurian
Kay bango ng ngalan
Bagkus umaalingasaw ang baho
Ang kasiraan, ang kawalan ng aksyon
Para sa bawat mamamayan.

Sa dakong Guian, Eastern Samar
Tatlong daang permanenteng pabahay raw
Ngunit ni isang pundasyon ng naturang pabahay
Tila naglaho pa rin ni Yolanda
At walang bakas na pasisimulan.

Sabi ni Pnoy, malinaw raw ang target
Pero hanggang target na mga lang ba?
Kailan ba sisimulan ang tuwid na daan?
Baka naman baku-bako na
Wala man lang pasabi sa kinauukulan.

Kung ang hustisya'y hindi matugunan
Sana ang kalamnan ng bawat biktima'y
Syang agapang mapunan
Kaawa-awa silang naghihikahos.

Ang laki ng tulong ng mga karatig-bansa
Ba't tila walang pakialam?
Kayong mga nasa trono,
Tayuan ang posisyon
At serbisyo'y gawin nang totoo.
#Pagbangon
Gat-Usig Oct 2013
Mahal ko ang Filipino, pagdiriwa’y walang plano
Malaking palaisipan pag-alala ng gobyerno
Samantalang ‘di naisip prayoridad wala rito,
Pagpapayaman sa Ingles hindi na magkandatuto.

Paggunita anong saysay, pagsasabuhay sa wikà
Makakapagpamulat ba lalo na sa mag-aaral;
Pagsambit sa mga ito maging sa mga parangal,
Ito ba’y nakagugulat isang buwang itinakdà.

Totoo namang ginamit sa pakipagtalastasan
Filipino’y instrumento sadyang hindi matumbasan;
Kahit na karamihan pa napagkakamalang Kanô
Pakikinig sa istasyong bumibilib na napunô.

Ang tanong sa puntong ito, napapayaman ba kayâ?
Sa mga naging konteksto, ang masa ba’y nakukutyâ?
Sa mga nakakarinig, nahalua’y kabaduyan
Maging mga komentaryo, kalaswaa’y kinantsawan.

Kung bastos ang naging dating, anong magiging termino?
Ang mga dapat ilimbag sa papel ng mga dyaryo;
Sa pagbibigay ng aliw,ito’y pulos kababawan
Inisip ng mamamayan, may ganitong katangian.  

Kapuri-puri ang iba, may mahahalgang paksà
Ito’y kinakikitaan na may seryosong diskurso;
Sa kabilang banda pala, ito’y nawalan ng bisà,
Tulog na ‘pag pinalabas, ito’y kadalasang kaso.

Paano papaunlarin kung iba’y pinagpilitan
Tunay na nakalulungkot ito’y naging panambitan;
Sa halip pa ngang gamitin bilang makatwirang midyum,
Sa mga usap-usapan, maging sa mga simposyum.

Ang pagpapaunlad nito ay hindi sa balarila
Hanggang sa pag-uunawa pati ng ortograpiya;
Kinailangang mawala ang mga maling pananaw,
Ito’y nangangahulugang pagkilatis ‘di papanaw.


Ang natanging lingua franca nagbibigay identidad
Sambayanang sumasambit pagka- Pinoy lumalantad;
Sa bansa’y nagbigay-linaw, paggamit ng isang wikà,
Kaysa sa salitang- dayo, nagturan ng hakahakà.

Oo, Agosto na naman, dapat pa bang magkamayan?
Wika nati’y maging ilaw siyang magsisilbing lakas,
Juan, gumising ka naman, kamtan mo’y tuwid na landas;
Kung hindi tayo kikilos, mayroong paglalamayan.
Crissel Famorcan Mar 2017
Ang mensahe ko sa pamahalaan,
Pakiusap wag niyo kaming gulangan
Pagkat di naman kayo dayuhan,
Para magkaroon ng pusong gahaman

Huwag niyo sanang ibulsa ang pondo
Na pagmamay - ari naming mga pilipino
Pagkat pinaghirapan namin ito,
Dugo't pawis puhunan diyan,para may maibayad sa inyo

Ano ang silbi ng mga slogan
at mungkahi nihong patakaran
Noong nakaraang halalan?
Yun ba ay agad nakalimutan?

Di ba't marami kayong pangako
Na sabi niyo'y di mapapako?
Nasaan na ang mga ito?
Naglaho ba kasama ng bagyo?

Nasaan na ang inyong sinasabi
Na bukambibig niyo palagi
"Kung walang kurap,walang mahirap"
Nakalimutan niyo ba sa isang iglap?

Ito pa nga ang isa,
Tila mas maganda sa nauna
"Ang tuwid na daan"
Eh puro liko naman ang nasa pamahalaan!

Alam niyo di dapat pilipino
Ang itawag sa mga tulad niyo
Pagkat kayo'y may pusong dayo
Pawang mga gahaman at tuso

Para kayong espanyol na dayuhan,
Kinakamkam ang aming pinaghirapan
mababait lang kapag may kailangan
Lalong - lalo na sa araw ng halalan

Pwede rin kayong maging amerikano
Mayaman nga,panot naman ang ulo
Maaari ring maging hapon,
Na nagpasakit nang ating kahapon

Bakit ko ito sinasabi?
Para malaman niyo ang mali,
Baka sakaling kayo'y magbago,
Para pilipinas,mag-iba ang takbo

Wala sanang tamaan dito sa nilalaman,
Pagkat ito ay karapatan:
Ang maipahayag ang nilalaman,
Nitong damdamin ko at isipan..
MPS12 Aug 2017
Maraming chismosa kahit saan ka magpunta.
Ito ay intriga ng mga ingitera.
Buhay nila ay hindi masaya.
Kaya buhay ng iba ay sinisita.
Totoo man o hindi ang mga istorya,
wala na sila kung ano pa.
Ano paba ang mapapala sa chismis ng iba?
Edi wala!
Kaya lumakad ng tuwid,
itahimik ang bibig,
at takpan ang mga tenga.
At isipin nalang ang solusyon ng sarili nyong problema.

-MPS12
Kurtlopez Sep 2021
Maganda ka, walang pinipiling oras, araw at panahon. Kariktan mo'y patuloy sa pagkinang sa gitna ng kanilang mga alinlangan, matalim na mga tingin bitbit ang panghuhusgang natatakpan ng pagkabulag sa tunay na kahulugan ng kagandahan.

Mga katagang nararapat sa iyo, maganda ka! walang naman, minsan at dahilan. Tuwirang pagsambit ng maganda ka at walang pagdadalawang-isip, sa kabila ng iyong kulay, hugis, taas, tuwid, kinis at iba pang basehan ng gandang naglipana, na inaakalang tunay na depinisyon ng ganda.

Maganda ka, higit pa sa mga araw na pakiramdam mo ay may mali sa iyo at kulang ka.

Mas pinaganda ka ng iyong mga kakulangan, mas binigyan ng kulay at nadepina ang tunay na kahulugan ng ganda sa iyong mga mata, sa tuwing pinapaulanan ka ng kanilang mga salita'y hindi ka nagpatinag.

Maganda ka, dahil ikaw ay ikaw. Hindi sukatan ang paningin at bibig ng kung sino man.
Louise Sep 2024
Kasabay ng iyong pagpikit
ay ang imbay ng aking katawan,
pag-alon ng mga balikat at pagkibit.
Kasabay ng iyong pagtalikod
ay akma akong aapak at papalakpak,
dahan-dahang papalapit sa entablado.
Kasabay ng iyong pagkukubli ng damdamin
ay ang pag-muwestra ng tadhana sa akin,
pag-gabay tungo sa kung ano ang tuwid.
Kasabay ng pagtago ng nadaramang totoo,
ay ang siya ring paghahanap ko ng sagot
sa wari’y hindi mo masagot na tanong.
At kasabay ng pagsasara nitong kurtina,
ay ang paghinto sa pagpatak ng luha
at ang ating maligayang paglaya.
At kasabay ng pagdidilim nitong entablado
ay ang kaliwanagan na di nahanap sa’yo
at ang aking pagsuko para sa teatro.
At kasabay ng kanilang hikbi at palakpakan
ang pinakahihintay na pag-uwi sa kawalan
at pagsalubong sa sarswela na naman.
Utang sa’yo
Ang aking palad na ito

Sa kabila ng kapalaluhan
Hindi pinabayaan

Mga taong mabubuti
Sa’kin ipinalamuti

Mapagbigay na mga amo
Sa’kin iginawad mo

Matatakbuhang kapitbahay
Sa’kin inialay

Masunuring mga alaga
Sa’kin ipinaubaya

Mapagpatawad at tuwid na pinuno
Sa ami’y biyaya mo

Panginoon, lahat ng palad na maganda
Ikaw ang may likha.

-11/29/2011
(Dumarao)
*self-consoling mood & consolation to others
My Poem No. 77
Hindi gaanong galit at kasakiman
Ay kung ano ang kailangan namin
At higit pa sa serbisyo na totoo;
Mas maraming lalaking magmamahal
Ang watawat sa itaas
At panatilihin itong una sa pagtingin.

Hindi gaanong magyabang at magyabang
Tungkol sa watawat,
Higit na pananampalataya sa kung ano ang ibig sabihin nito;
Higit pang mga ulo ng tuwid,
Higit na paggalang sa sarili,
Hindi gaanong pinag-uusapan ang mga makina ng giyera.

Ang oras upang labanan
Upang mapanatili itong maliwanag
Ay hindi sa kahabaan ng paraan,
Ni 'tawiran ang bula,
Ngunit dito sa bahay
Sa loob ng ating mga sarili ngayon.

'Dapat nating mahalin
Ang watawat sa itaas
Sa lahat ng aming lakas at pangunahing;
Para sa aming mga kamay
Hindi malayong lupain
Darating ang mantsa ng pagkahiya.

Kung ang watawat na maging
Hindi pinasasalamatan, kami
Hindi nagawa ang kalaban;
Kung mahuhulog ito,
Kami, una sa lahat,
Kailangang hampasin ang hampas
AgerMCab Jun 2020
Naranasang maghintay
Nang walang inaantay
Sa mailap na pag-asa
Natuto paring umasa

Tadhana ko'y pinigilan
At nalagay sa pagitan
Ng saya at ng lungkot
Ng tuwid at baluktot

Ng mali at ng tama
Ng buwan at ng tala
Ng gabi at ng araw
Ng ligaya at panglaw

Ng laya at ng kulong
Ng sigaw at ng bulong
Ng bitaw na o kapit pa
Ng laban lang o suko na

Magkabilang mundo
Pagitan sana'y maglaho
Magtagpo na nawa
Bago pa magsawa
Anak ng mga Bayani

Pulitikang nanlimahid pinagbagong bihis
Pinahina mga namiminsala sa gobierno
Mga kurakot tinugis, sa puwesto pinaalis
Mga partido tinipon sa tuwid na pamumuno.

-01/01/2015
(Dumarao)
*Pinuno Namin sa Panahong Ginto Collection
My Poem No. 301

— The End —