Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Taltoy Apr 2017
Aking damdamin, aking hinaing,
Dahil sa mga saloobin, mga hiling,
Bilang isang batang walang muwang,
Sa mga bagay na sa paningi'y hunghang.

Nilalaman ng aking mga tula,
Mga dinaramdam sa buhay kong payapa,
Buhay kung saan ako naging malaya,
Buhay kung saan ako ngumiti at lumuha.

Ang mga tula kong ito,
Sumasalamin sa damdamin ko,
Kaligayahan man o panibugho,
O mga nararamdaman lamang nitong puso.

Pagkat di ako sanay sa malayang taludturan,
Piniling may tugma ang hulihan,
Tugmang nagkukubli sa buong ng kwento,
Linimitahan ang mga salitang ginamit ko.

Mas gugustuhin kong itula na lamang,
'tong mga nais sabihing nakakahadlang,
Dahil sa tula, ako'y nagiging malaya,
Malayang naipabatid ang di masambit nitong dila.

Dito, puso ang pinapairal,
Paggamit ng utak matumal,
Dahil ito ang pinto ng puso ko,
Bintana ng damdamin ko,

Dito ko nalang linalabas ang gusto kong sabihin sa'yo,
Dito ko nalang linalabas pati mga pangarap ko,
Lahat ng gustong makamit at gustong maabot,
Dahil ang katotohanan, dito ko nililimot.

Ito ang mundo ko ng imahinasyon,
Salungat sa pananaw kong sa realidad sumasang-ayon,
Iniisip ang lahat ng maaaring mangyari,
Kahit na sa paningin ko, imposible.

Ito ang aking naging takbuhan,
Takbuhan sa mga panahon ng kalungkutan,
Kasama sa panahon ng kaligayahan,
At sandigan kung ako'y nag-iisa't iniwan.

Ako'y nasanay mag-isa kasama sya,
Sa lahat ng oras na walang makakasama,
Sa lahat ng oras na walang makausap na iba,
Kaming dalawa, nagbigay buhay sa isang makata.

Akin ang ideya, kanya ang paraan,
Ako'y napalapit na, kinahiligan,
Dahil dito nadama ko rin ang kaligayahan,
Sa pagsulat ng laman nitong puso't isipan.

Ito ang isa sa aking mga katauhan,
Makatang pagsusulat ay naging takbuhan,
Pagsusulat ang ginawang libangan,
Sa tula buhay ay ipinaloob, pati katapatan.
ginawa noon, ipinakita ngayon
011717

Sabi ko noon, hindi na ako magsusulat pa -- na hindi na ako mag-aalay ng tula para sayo. Na ang huling piyesa ng tula ay ipinalipas ko na rin noong isang taon, ipinatikom sa dagat na bumubura ng bawat larawang binigkis sa buhanginan -- noong isang taong napagmasdan ko ang pagbagsak ng bawat dahon ng alaalang dinumog at pinunit ng hangin.

Akala ko yun na ang huli, nang bigkasin ko sa mismong harapan mo ang bawat malayang mga tugmang naikatha buhat sa lalim ng sugat nang palihim na pag-ibig -- ngunit walang lihim na hindi nabubunyag kaya marapat na rin sigurong mailathala ang damdamin sa bawat dahong muling pausbong bagamat hindi ko pa rin alam kung aabutan ba ito ng taglagas.

Akala ko yun na ang huling pakikipagtagisan ko sa bawat salitang may mensahe ng pagbitaw. Akala ko kakayanin kong bumitaw agad, bumitaw nang kusa at tuluyan nang maihihimlay ang bawat tula sa mismong pinagtuyuan ng bawat dahong bumabagsak.

Ilang beses na kitang ipinaubaya sa Kanya pero paulit-ulit kang bumabalik -- ni hindi ko alam kung dapat bang sisihin ko ang tadhana o talagang kailangang kong tanggaping parte ito ng pagpapasakop at pagpapaayos ko sa Kanya. Paulit-ulit kitang kinatatagpo sa panaginip na halos magtaka ako kung bakit.

Napuno ng listahan ng ngalan mo ang mga petsa sa kalendaryo kung ilang beses kang naging bisita sa aking pagtulog at paghimbing. Hindi naman ako kumakatok sa aking unan at kumot para masilayan ka -- masilayan kung posible bang maharap kita at hindi na ako urong-sulong pa.

Paulit-ulit tayong ipinagtatagpo kung saan una tayong nagkita at nagbitaw ng mga pangakong uunahin natin Siya at doon din natapos ang bawat panimulang may matatamis at mabubulaklak na pagsasalarawan ng mga salitang "kung tayo'y tayo talaga." Pero paulit-ulit kitang hindi ipinagkakait sa Kanya kasi alam kong para sa Kanya ka naman at hindi ako ang makapagsasabing ang bukas ay laan para sa atin ng may iisang pintuan.

Hindi ko maaaring ilibing nang buhay ang bawat alaalang naging parte ng kung sino ako ngayon, mga nakaraang sabi nila'y dapat daw ay daanan ko lang at wag pagtambayan. At kung hihimayin ko ang bawat yugto, hindi ko alam kung kaya bang paluputan ang mga ito ng metaporang pampalasa sa bawat linya ng tula.

Hindi ko alam kung magkakasya ito sa puso **** ni minsa'y hindi mo nagawang pagbuksan. Inilatag ko na sa Kanya ang lahat kasama ang pagpapatawad ko sayo, kasama ang bawat panalangin ko para sa ikatataas Niya sa buhay mo -- mga panalanging para sa ikatatag ng pananampalataya mo, para sa ikalalalim ng relasyon at pundasyon mo sa Kanya.

At hindi, hindi ko lubos maisip na ganito ang paraan Niya para sa paghilom ko -- na mismong pinagtatagpi-tagpi niya ang bawat tauhan sa paligid ko para lang maharap kita.

Ilang beses akong umiwas na may sumbong sa kalangitan na sana nga dumating na ang panahon -- yung panahon na kaya ko na at kaya mo na rin. Nag-iwasan tayo na waring naglalaro ng Patintero at nakakapagod nga -- nakakapagod makipaglaro kasi hindi naman natin ninais na makipaghabulan sa wala na.

Pinili kong bitiwan ka pero hindi ko binitiwan ang paghihintay ko sayo -- naghihintay akong marinig lang mula sayo na ayos ka lang.

At oo, ayokong nakawin ang mga oras at sandali na laan para sa paglago mo sa Kanya. Noon pa man, yun na rin ang tanging dasal ko sa Kanya. At kahit sa pagbitaw natin nang paulit-ulit, mas minamahal ko Siya. Oo, mas matimbang ang pag-ibig Niya para sating dalawa kaya nga't mas mainam na mag-ipon na lamang hindi ng mga pangamba, bagkus ng mga panalanging kalugud-lugod sa Kanya pagkat iisa lang ang ating Ama.

At kahit pa, kahit pa hindi ko masuri sa aking sarili kung ito na ang huling piyesa, hindi pa rin ako bibitaw sa pagsusulat. Maubusan man ng pagdanak ng tinta ng aking pluma'y patuloy akong makapagsusulat.

At hindi matatapos ang mga tula na may ganitong pangwakas. Hindi ko rin alam kung kailan ito madudugtungan at kung dapat bang ihanay ko na sa ibang istilo ang bawat katha.

Gayunpaman, ang bawat tinta ng bawat kataga'y iisa lang ang diin -- isang mensaheng hindi ko kayang sambitin, hindi kayang sambitin nang harapan kaya't katulad ni Rizal, mas nanaisin kong ganito ang maging istilo ng mapagdamdaming paghihimagsik. Isang mensaheng hindi ko kayang bigyang pamagat at mananatiling isang alamat --- alamat na hindi ko wari kung makakarating ba sayo o hindi.
Sasarhan ko na ang plumang may umaapaw na pagbulong ng lahat, pagkat ngayon: ikaw naman sana ang magsulat. Ngayon, ikaw naman sana ang magbigay ng pamagat -- isang pamagat kung may "tayo" pa nga ba sa huling mga linya o tutuldukan na lang ba natin ito at lilikha ng panibagong kabanata.
George Andres Jul 2016
Preso ang Ikinukulong, Hindi Salita

Huwag mo kong ikulong sa mga salitang nais **** makitang taglay ko
Huwag mo kong sikilin ng kalayaan kong ipahayag ang nais ko

O bilangin ang metrong sumasaklaw sa mga katha ko
O mga tugmang umaabot na gayon na lamang ang paglantad na siya nga ay isang presong
Minsang kinulong sa iyong isipan at binigyan mo ng huwad na kalayaan

Huwag mo akong pigilan tulad ng mga letrang
iyong binitiwan kung sa'n ubos na ang oras na siyang dahilan
Upang matigilan ang mga salitang dumadaloy sa ugat na tila nagpipilahan
Sa isang lugar na napigilan ng kaguluhan at ingay ang malalayang sugnay
Ngayon ay dumadaloy na parang isang rumagasang ilog
Sa dulo ng dila ko ay laging naririyan

Isa akong salitang walang kahulugan ni patutunguhan
Salita ako ngunit hindi sinasalita
Ako ay kamatayan sa iilan
At buhay sa karamihan

Kaya't huwag mo akong pigilan ng mga pinili **** letrang
dapat ako, dapat ay tagalayin ko
Dahil ang tula ay tula at ito ay malaya
Parang ako  
Ang tula ay malayang di tulad ng tao dahil dito
Walang batas na maaring pumuna
at saglit na mawaglit sa tunay na eksistensya
dahil ang tula ay tula na wala kang karapatang
Yurakan o ismiran o saktan man
Ang tula ay tula na mga anak  ng manunula
Hinabi ng emosyon ng puso
ng pawis na nararamdaman ang
bawat patak bawat tibok at bawat sigaw
Dahil ang tula ay tula at ito ay malaya

Ako ang pag-ibig ako ang tula
Ang tula ng pag-ibig
Ang pag-ibig na mapagpalaya
Akong pag-ibig na hindi malaya

Kaya 'wag mo kong siilin ng mga salita
na nais **** makita na nasasa aking tula
Dahil ng tula ay tula
Ang tula ay malaya
Ang mundo ng tula kung sa'n malaya
Mundong nais ko sana
Isang mundong di ko kailanman matatamasa
Sa isang mundong kaaya-aya
7816
Jeremiah Ramos Feb 2016
Tayo ay magkasalungat
Magkaiba, hindi tugma
At kahit baliktarin mo ang mundo
Tayo ay dalawang taong
Hindi maipagsasama,
Hindi maipapares, hindi din maitutugma
Pero mahal pa rin kita

Ikaw,
Ikaw, na nagmamahal ng iba
Ikaw, na mayroon mga mata
Na para bang sila ang dahilan kung bakit may mga tala
Ikaw, na mayroong bibig
Para ngumiti o sumimangot
Sa tamis at pait ng buhay
Ikaw, na mayroong kamay
Para mahawakan ang kamay ng taong mahal mo
Ikaw, na mayroong puso,
Na naghahanap ng kasabay sa pagtibok nito

Ako,
Ako, na nagmamahal sa'yo
Ako, na mayroon ding mga mata
Na nakakakita sa'yo kahit ang kwarto ay punong-puno ng libu-libong tao
Ako, na mayroon ding bibig
Para ngumiti, tumawa, humalakhak
Kahit wala ka sa tabi ko
Ako, na mayroon ding mga kamay
Na dapat hawak ang iyo
Ako, na mayroon ding puso
Na hindi pala tutugma ng tibok ng iyo
Kasi pabilis ito ng pabilis habang ikaw ay papalapit ng papalapit
Pero pakinggan mo sana sa ingay ng 'di tugmang tibok ng puso natin
May nagsasabing
Mahal kita, gusto kita, ako na lang, sana tayo
Pero nandiyan pala siya.

Siya, na minamahal mo
Siya, na parang buwan kasama ang mga tala
Siya, na laging hawak ang kamay mo
Siya, ang dahilan kung bakit hindi ko kayang sabihin lahat ng 'to sa harap mo.

Tayo,
Tayo ay parang tubig at langis,
Liwanag at dilim, langit at lupa
Mapait at matamis, madumi at malinis
Maingay at tahimik, itim at puti
Tayo ang perpektong kahulugan ng salitang 'salungat'

Sana,
Sana magising ako sa katotohanan na mali ang konsepto ng pag-ibig na nalaman ko
Na ang pag-ibig pala hindi lagi inaantay,
At hindi din lagi naghahanap ng kapalit
Sana nagkakilala tayong may lihim na nararamdaman sa isa't-isa
Sana kayanin **** magmahal ng higit pa sa kaibigan
Sana hindi na lang kayo nagkakilala
Sana ikaw ang pangalan na nawawalan ng saysay pag paulit ulit ko itong sinasabi
Sana hindi na lang ako lagi kumakapit sa sana.

Pangako,
Pinangako ko sa sarili ko
Na pagkatapos ng tulang 'to
Titigil na akong isipin ka
Titigil na akong alalahanin ang ngiti mo, ang paggalaw ng iyong bibig tuwing sasabihin mo ang pangalan ko
Titigilan na kita sulatan ng tula
Titigil na akong mahalin ka
At ang huling sana na aasahan kong matupad
Na sana tandaan mo,
Minahal kita, Ginusto kita,
Kahit siya na lang
At sana masaya ka.
Para kay A.
John AD Nov 2017
Malapit na ang aking kaarawan , Subalit puno parin nang lungkot ang aking sistema,
Ako nga ba ay nababahala sa nangyayari sa eksena , o sadyang di ko lang mapigilan ang naririnig sa aking mga tainga,
Nakarinig ako ng isang malungkot na kanta , tugmang-tugma sa tema,
Dala ang lungkot at sakit sa aking mga nadarama, titigil pa kaya ang pagiisip na patuloy lumalala , o magkukunwari nalang sa bawat araw na gusto ko nalang matapos na .

Magpapasaya parin ba ako ng maraming tao , para lang itago itong nararamdaman ko , o ilalabas ko ito kahit napakahirap at baka pagtawanan nyo pa ko.
Sa bawat ngiti ko na naipamamalas ay isang puntos o paraan para lumigaya ako kahit kaunti ,
Sa pagtahimik ko nagmamasid lang ako sa paligid , dahil takot akong magbigay opinyon , at baka ako'y paulananan ng masasakit na Salita na uukit sa aking kaluluwa hindi lang sa balat , hanggang sa tuluyan na nga akong dalhin ng aking isip ,
Kung saan ang dulo at solusyon ay kamatayan.
Mahirap sa pakiramdam yung simpleng bagay o salita para sayo , ay may kahulugan at di mo na mapigilang di magisip sa mga bagay na ito.
Kurtlopez Mar 2019
'Kay raming pagpipilian
Subalit ikaw ang napuna.
Maari ka bang maging paksa?
Paksa sa lilikhaing tula.

May sukat man o malaya
Ayos lang basta may tugma
Tugmang di lang sa salita
Kundi maging sa gawa...

Puro na kasi ako simula
Baka lang naman ikaw na
Ang pupuno sa aking tula
Upang nilalaman nito tuluyang magawa.
1017

Gusto kong bihisan ang bawat tugmang binibitiwan mo
Na para bang ayokong manatili ang mga ito
bilang mga sugnay na makapag-iisa
At magiging isang abstrak sa pagitan ng Ikaw at Ako.

Kung isusuma ko ang bawat pangambang parehas nating tinalo'y
Baka nga matagpuan ko ang katuturan sa sinasabi nilang Tayo
Pero sa aking paghihimay
Para bang ang Tayo ay isang katapusan na lamang
Na hindi na kailangang bigyan pa ng kahulugan
At tuklasin ang panibagong simula.

Sa aking paghahabi ng bawat salaysay
Na mismong binitiwan natin nang magkahiwalay,
Natuto na rin akong iahon ang sarili
At hindi na muling magpakamatay --
Magpakamatay ng mga pangarap na isinantabi
Sa sabi mo noong
Ika'y tunay na makapaghihintay.

Ang pag-urong ko sa laba'y hindi literal na pagsuko
Hindi ako sumuko sa laban
Na para bang tumatakbo nang nakapiring
At walang kamalay-malay sa kung saanman ang direksyon.

Umurong ako bilang distansya sa ating dalawa
At piniling sumuong sa umagang mag-isa --
Mag-isa at wala ka na
Wala ka na,
Naglaho ka na ngang talaga.
Para sayo pala
Baka sakali,
Baka sakaling marinig mo.
Crissel Famorcan Mar 2018
Hahabi ng mga bagong tugma para sa bagong libro
Sa mga bagong pahina nito,may pag-ibig na kayang mabubuo?
O mga kasawian na naman ang tanging  isusulat ko?
Kalungkutan na naman ba ang uubos sa tinta ng aking pluma?
O sa malinis nitong papel,may pag-ibig nang magmamarka?
Maisulat ko kaya ang kuwentong inaasam
At sa matayog **** isipan,magawa ko itong ipaalam?
Posible kayang mapansin mo ang iaalay kong regalo
Kahit na ba di mo pa alam ang pangalan ko?
Wala naman kasi akong balak na magpakilala sa iyo!
Kahit madalas man tayong magkatagpo—
Magkakasya nalang sa mga nakaw na tingin
Sa mga simpleng sulyap na ginagawa ng palihim
Patuloy akong magmamasid mula sa malayo—
Malayo sa iyong tabi,
Pagtatagpi-tagpiin ang mga tugmang kapares ng iyong ngiti
Hindi ako lalapit at patuloy lang na magkukubli,
Pagkat alam kong kapag ika'y nakaramdam—
Wala akong magagawa kundi humulmang muli ng paalam.
Ferllen Dungo Feb 2021
Igorot Lovers. (lifetime)

May mga letrang mahirap ilapat sa mga salita,
Mga pariralang mahirap ikabit sa pangungusap
Mga tugmang mahirap ipasok sa taludtod
At mga taludtod na mahirap buuin sa isang saknong.

Mga pangungusap na mahirap ilapat sa talata.
At mga talatang mahirap gawing kwento.
Mga awit wala sa tono at ritmo
Indak na wala sa tyempo
Parang mga tanong na walang saktong sagot.

Makakaramdam ka ng kung anong di mo maipaliwanag, mahiwaga.
Dahil ang totoong makabuluhang bagay sa mundo at hindi makikita
Hindi mailalarawan ng mga salita
Hindi maarok ng malalim na kahulugan ng tula
Hindi maipaliliwanag ng mahahabang talata.


Pagmamahal. ❤️
JAI Aug 2016
Kahit hindi ako magaling sa pagsusulat
Kaya kitang latagan ng tugmang mga salita
Na maihahantulad ko sayo at sayo lamang
At ikaw at ako lang ang tanging makakaalam
huhubellz
G Oct 2020
• • •
Sabi ko hindi ako bibigay
Ngunit nauwi nanaman sa hanggang sabi lang
Anong magagawa ko?
Eh kinukulit mo isipan ko

Pero ayun na nga
Wala na akong nagawa
Hindi mapakali't hindi malaman ang gagawin
Pumikit nalang ako't sabay hinga nang malalim

Eto na,
Naisend ko na
Wala nang balikan pa
Nabasa mo na
Alam mo na

Wala ka namang kasalanan
Wala ka din namang ginawa
Hindi ko rin alam bakit humantong sa ganito
Sabi ko usap lang pero natangay ako

T a n g i n a, bakit?
Anong meron sayo?
Tignan mo pati ako nagtatanong
Kasi kahit sayo "hindi ko alam" ang sagot

Sa sandaling panahon,
Napasulat ako nang ganito
Aba, mukhang kakaiba ka nga talaga, ano?
Ano kaya talagang meron?

Baka sakaling tugmang Susi
O dala lang siguro nang mga Kathang Isip?
Pero kahit Masyado Pang Maaga,
(Salamat)

Dahil kahit sandali, napili pala ako Araw-Araw
Kahit hindi pang-Lifetime
Hiling ko lang,
Sana nga'y Pagtingin mo'y di magbago
• • •

— The End —