Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Gustuhin ko mang makipagsapalaran
Sa mga letrang nakalutang sa himpapawid
Ay binabalot ako ng pagtatantya
Kung ito na ba ang tamang oras
Para kunin ang aking panulat
At iguhit ang silakbo ng aking damdamin.

Humihinto ang mga oras sa bawat pag-uusig
At tinitimbang ko pa rin
Ang mga barkong pumapagitna sa akin.
Nais kong kumawala at lumisan na lamang
Ngunit ang aking pagpapaalam
Ay mas magdudulot lamang ng dilim.

Gusto kong maniwala na ang solusyon
Ay sa pagitan ng mga iginuhit na linya
Ngunit ang aking puso'y nagtataglay ng apoy
Na maaaring makasunog sa mga barkong ito.

Hindi ko mapigilan ang nagniningas sa aking kaloob-looban
At ang boses na mas lalo pang lumalakas
Kasabay ng pagtambol ng aking hininga.
Gusto Nitong tupukin ang lahat
At sakupin ang bawat naglalayag
Sa kani-kanilang mga direksyon.

Pumikit ako at tumalon sa karagatan ng aking imahinasyon –
Imahinasyong masasabi kong tunay na engkwentro.
Patuloy kong nilalaban ang mga ugat sa aking mga braso
Na sa bawat pulso ng aking pagkatao'y
Pilit na kumikitil sa aking pagpapasya
Na mas sumisid pa sa mas malalim.

Napahinto ako sa aking pagpupumiglas
Pagkat narinig ko ang tinig na nagsasabing,
"Manatili ka lamang,"
At ako'y kusang sumabay sa ritmo ng Tinig na iyon
At unti-unti kong nasilayan na naglaho na
Ang mga agiw sa aking mga mata
At kusa ko nang nararamdamang
Mas kaya ko nang huminga sa mas malalim pa.

Ito ang aking hantungan,
Ito ang sinasabi kong liwanag.
Ito ang aking kapanatagan,
At sa Kanya ang aking lilim ng kaliwanagan.
eyna Mar 2018
Isang manunulat,
Isang panulat,
Humanda para sa gyera,
Ito ay labanan gamit ang mga letra.

Hindi papaawat,
Nakahandang sumisid sa dagat,
Walang pakialam sa kahahantungan,
Buhay ay ilalaan.

Lilikha na mga kataga,
Panigurado itong maiiwan sa puso ng madla,
Ano nga ba ang pakay?
Alisin sainyong mata ang tamlay!

Uubusin ang bawat salita,
Na posibleng tumugma,
Sa sakit,
Pait,
Galit,
Hinanakit,
Ng bawat taong sa rehas ay nakapiit.

Isang manunulat,
Isang panulat,
Humanda para sa paglaya,
Huwag hahayaang muling tumulo ang mga luha.
Ito ay para sa mga tao/manunulat na nais kumawala sa pagkakabihag mula sa kalungkutan.
Taltoy Aug 2021
Sa dilim at tahimik ng silid,
Tunog ng malamig na ihip ng hanging dumadampi,
Sa mga pader na nakapaligid,
Isip koy nakahimlay, nakakubli.

Ipinipikit ang mga mata,
Sinusubukang sumisid sa dagat ng antok at pahinga,
Subalit hindi malunod itong kaluluwa,
Ayaw lumubog,  umaangat nang kusa.

Kay raming palaisipan,
Kay raming katanungan,
Kasagutan, hindi kailangan,
Panahon ang may alam.

— The End —