Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2019
Umiibig akong matapat ang puso,
sa iyo, O Sintang pithaya ng mundo.
Dilag na bulaklak sa harding masamyo,
sinuyo’t pinita ng laksang paru-paro.

Tinataglay nila’y mararangyang pakpak,
subalit ang nasa’y tanging halimuyak.
Iba sa bagwis kong luksa ang nagtatak,
sa mata ng iba’y isa lamang hamak.

Ako’y dahop-palad, niring mundo’y aba,
sa utos ng puso, ikaw’y sinasamba.
O! ang saklap naman, umagos ang luha,
pagkat lumilihis ang ating tadhana.

At niring landas ta’y lalong pinaglayo,
nang ikaw’y nabihag ng hari ng mundo.
Buong taglay niya’y di tapat na puso, 
tanging hangad lamang ang kagandahan mo.

Sinta ko ano pa ang aking magawa,
kung sa ngalan ng Diyos kayo’y tinali na?
Daloy ng tadhana’y mababago pa ba’t,
panaho’y balikang ikaw’y malaya pa?

Bihag ka na ngayong walang kalayaan, 
hawak ang mundo mo ng lilong nilalang
Wari'y isang ibong ang lipad may hanggan,
at ang yamang pakpak, dustang tinalian. 

Paano O! Sinta yaring abang buhay?
Ikaw’y tanging pintig nitong pusong malumbay.
Kung ikaw ang buhay ng buhay kong taglay,
Sa iyo mabigo’y sukat ng mamatay.

Subalit nasa kong lumawig sa mundo,
sapagkat buhay pa niring pag-ibig ko.
At ikaw O! Sintang namugad sa puso,
napanagimpan kong pinaghintay ako. 

Sa harap ng hirap na di masawata,
tanging asam ko’y lalaya ka Sinta.
At itong pagtiis ay alay ko Mutya,
mula sa puso kong nagdadaralita.

Maghihintay ako sa pagkakahugnos,
sa tanikala **** higpit na gumapos,
sa kalayaan na lubhang nabusabos,
at mariing dulot, galak na di lubos.

Ang aking paghintay akay ng pag-asa,
lawig ng pag-asa’y kambal ang pagdusa.
At ang dukhang pusong batis ng dalita,
tila pinagyakap ang pag-asa’t luha.

O! aking minahal ako’y maghihintay,
kahit walang hanggang paglubog ng araw.
Magtitiis ako sa gabing mapanglaw,
hanggang sa pagsilang ng bukang liwayway.

Yaong sinag nito’y ganap na tatapos, 
sa dilim na dulot ng dusa’t gipuspos.
Sinag na tutuyo sa luhang umagos, 
niring mga matang namumugtong lubos.

Yaong pamimitak ng mithing umaga,
araw na mabihis ng mga ligaya,
ang buhay kong abang tinigmak ng luha,
mula sa kandungan niring Gabing luksa.

Maghihintay ako sa gitna ng dusa, 
kapiling ang munting kislap ng pag-asa.
Magtitiis kahit sanlibong pagluha,
hanggang sa panahong muli kang lalaya.

Maghihintay akong di hadlang ang pagal, 
kahit ang panaho’y lalakad ng bagal.
Magtitiis ako pagkat isang tunay
itong pag-ibig kong sa puso’y bumukal.

Maghihintay kahit dulong walang hanggan,
na pagdaralita’t mga kapanglawan
Kahit di tiyak kong muling sisilang,
ang bukang liwayway na tanging inasam.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
RL Canoy May 2020
Tuwing balikan ko ang nangakaraang
araw na nagugol noong kabataan.
Wari'y nagbabalik ang diwang malumbay,
na minsang dinanas niring abang buhay.

Ang bawat nagdaang aking mga araw,
doon sa luntiang ating paaralan
gunita ay pawang dusa't kapanglawan,
ang bumabalot niring balintataw.

Subalit ang dusang nakapanghihina,
pilit napapawi ng mumunting saya.
Ang isang bituing kahali-halina'y
naging hugot-lakas niring pusong aba.

Hindi ko mawari noon yaring dibdib,
tuwing binabaybay ang daang matinik.
Anong ubod sayang naglaro sa isip,
ang sinintang Musa ng aking pagibig.

Simula nang ikaw ay aking mamasdan
O! hangad kong tala sa sangkalangitan,
hindi ko malirip at di na maparam
tila nanggayumang lagi sa isipan.

At magbuhat noo'y aking hinahangad;
ang sangkalangita'y aking malilipad,
upang mahahaplos ang talang pangarap
at isang dahilan niring pagsisikap.

Subalit ang hangad wari'y panaginip
at tila'y malabo itong makakamit.
Pagkat ako'y lupa't ikaw'y nasa langit,
at kutad ang pakpak at walang pangsungkit.

Ang tanging nagawa, sa layo'y pagmasdan.
Puso'y inaaliw sa taglay **** kinang,
at kung anong siglang sa akin nanahan,
ang sanlibong dipa'y lakaring di pagal.

Iyon ang gunita't aking kabataan,
doon sa mahal kong ating paaralan.
Kung pagsaulan ko'y pawang kapusukan,
subalit tiyak kong sa puso ay bukal.

Sumapit ang yugtong di ko na namasdan
ang tanging bituing aking minamahal.
Pagkat ay nalayo ako sa tahanan,
upang susuungin ang bago kong daan.

Ang pakiwari ko'y sa taong nagbago,
paghanga'y aayon at ito'y maglaho.
Tulad ng magapok ang buhay na bato,
kung saan inukit ang puso't ngalan mo.

Taon ay nagdaa't panaho'y lumipas,
ngunit ang paghanga'y hindi kumukupas.
Hindi ko maarok na lalong nagningas,
nang muling magtagpo ang ating nilandas.

Kaya ninais kong maipapahayag,
ang mga damdaming sa puso'y nailimbag.
Limang ikot-araw ang mga nagwakas,
magpahanggang ngayo'y laging umaalab.

Ikaw ang bituing aking hinahangad,
isa sa nagtanglaw niring aking landas.
Ang Musa sa puso't tanging nililiyag,
ang umakay niring diwa na sumulat.

At ngayon ay aking naipapabatid,
dito sa talatang nagsalasalabid.
Mula sa paghanga't tungo sa pagibig,
ang hindi maihayag niring dilang umid.

Papalarin kaya itong abang lingkod,
at mula sa langit ikaw'y pumanaog?
Diringgin mo kaya yaring tinitibok
ng pusong noon pa'y sa'yo umiirog?

At kung yaring akda'y sa'yo walang lasap,
ipaguumanhin ang pusong sumulat.
Ninanais ko lang na maipahayag,
ang aking pagtangi sa'yo at paglingap.

At kung kasadlakan nito'y pagkabigo,
sa aking paglapit, ikaw ay lalayo.
Tanging hinihiling, sa iyong pagtakbo,
nawa'y di burahin ang mga yapak mo.

©Raffy Love Canoy |March 2020|
RL Canoy May 2019
Sa bawat paghakbang ng paang maputik,
anaki'y malugmok ang katawang impis.
Hindi iniinda ang ngawit ng bisig,
sa bawat paghampas ng pulpol na karit.

Mata'y pumapait sa agos ng pawis,
di ramdam ang init sa katawang manhid.
Sa bawat pagbuhos ng mumunting bagsik,
tila sumasaliw sa pintig ng dibdib.

Tinig ng sikmura'y parang humihibik,
lalong gumagatong sa hapo at sakit.
Pilit pinapawi sa tuwing iihip,
ang simoy ng hanging tila umaawit.

Sa gitna ng hirap na pinagdaanan,
ang tanging hiling sa Poong Maykapal.
Nawa'y didiligan ang sangkalupaan,
at binhi'y tutubo't ang punla'y mabuhay.

Sapagkat sa munting pawis-magsasaka,
sanlibong sikmura ang pinapasaya.
Ang tinik sa paang nakapanghihina,
Sanlibong katawan ang pinasisigla.

Ginaw ng tag-ulan at init ng sikat,
hindi iniinda kahit naghihirap.
Para may mahain sa mumunting hapag,
at pagsasaluhan na mayroong galak.

Ang iba'y inisip kung anong lutuin,
ngunit sa kanila'y mayr'on bang mahain.
Ito ba ang buhay, Diyos na mahabagin,
ang mga nagtanim salat sa makain?

Ganito ang buhay ng may gintong kamay,
na puno ng lipak, marumi't magaspang.
Subalit malinis ang pusong tinaglay,
bisig ng daigdig, sa pagod nabuhay.

Sila ang bayaning dapat na purihin,
sandata'y palakol, tumana'y suungin.
Sa bawat pagpatak ng pawis sa tanim,
katumbas ang bungang gumigintong butil.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Ang tulang pastoral na ito ay sumasalamin sa mga pinagdaanan ko noon sa kinalakhang bukirin.
Katarungan nasa'n? Inapakan, dinuraan
Ng mga taong niluklok para paglingkuran
'Tong bayan nating lubog, at dugoan
Magkano? Sanlibong baryang dinumihan

Libong buhay ang tinapos, musmos, at mga naghihikahos
Mga nanay na nawalan ng anak, mga batang di pa tapos
Droga? Talaga ba? Ang sabi mo ay kayang-kaya?
Tatay Digs, pano na? Bat biglang 'di pala kaya?

Sanlibong tanong sa bawat buhay na binawi
Diyos-diyosang maitim ang budhi
Bata, matanda, babae, estudyante
Nanlaban daw, kaya niyaring nakatali

Bayan kong minamahal, dito na lamang ba?
Naka duct tape ang mukha ni inang hustisya
May dyaryo, at may nakapaskil na larawang
'WALANG HUSTISYA, WAG TULARAN'
JOJO C PINCA Nov 2017
“Live as if you were to die tomorrow. Learn as if you were to live forever.”
― Mahatma Gandhi


Malaking bahay, maraming pera at katakot-takot na mamahaling mga bagay-bagay. Ito ang pangarap ng marami at pinagsusumikapan ng halos lahat ng taong nabubuhay. Kunsabagay walang masama sa mga ito, ika nga libre lang ang mangarap. Pero hindi lahat ay pinagpala, hindi lahat nagkakamit ng pangakong gantimpala. Kaya nga may mahirap at mayaman. Habang may mga nagpapala sa initan ng kalsada may mga naka-de-kwatro na salaula at mga mapang-upasala sa loob ng aircondition na ‘kwarto.

Masarap maging mayaman, yun bang masagana at hindi kinukulang. Yung kahit anong oras ay ‘pwede kang mag-abroad, o di kaya naman ay kumain sa mga mamahaling restaurants kahit anong oras mo mapag-tripan. Tapos pag summer time na syempre maliligo naman dun sa Boracay. Foam Party sa gabi at katakot’takot na sosyalan sa buong magdamag. Sarap talaga ng buhay ng isang mayaman. Pero anong halaga ng lahat ng mga ito? Madadala mo ba ang laksa-laksang karangyaan na tinipon mo? Diba hindi naman?  

Karunungan, ito ang higit na mahalaga – higit pa sa kayamanan. Hindi katalinuhan na nakukuha sa mga aklat at natutunan sa mga mamahaling unibersidad. Ang maunawaan ang katuturan ng buhay mo yan ang importante sa lahat. Ang lubos na maunawaan ang mga hiwaga na nasa pagitan ng pagsilang at ng kamatayan ito ang tunay na kayamanan. Ang umibig at yakapin ang minamahal na parang hindi mo na makikita ang bukas. Katulad ito sa sanlibong sinag ng araw sa iyong puso. Ang makita ang paglaki ng iyong mga anak at makasama sila sa hapag tuwing oras na ng kainan. Ito ang mga tunay na yaman na walang katapat na halaga. Ito ang mga bagay na dapat nating pagsumikapan na makamtan.
Ernie J Trillo Sep 2018
Ang higanteng tulyasi,
tila bulkan, humihilab sa init,
sumusuka ng kumukulong putik at singaw,
bumubuga ng bulang panis.
Subalit ang mga serbidor at weyter
ng panginoong naluklok
ay mabangis na nagbubunyi. Nagugulat ako
kung paanong ipinaparada
bilang obra-maestrang sopas na manok
ang gabundok na naiipong ipot
ng kanilang hinirang
at ng kanyang mga ministrong kampon.

Dusa nating pinagbabayaran
ang pagsulong ng bulag na katapatan
at laganap na kamangmangan
sumusuong sa martsang hindi nauunawaan
habang sanlaksa’y kay daling naniwala,
panloloko’t manloloko ay sagana
isang maluho’t makulay na palabas ng paputok at kwitis -
sinasakal ang mga kaluluwa, nilalason ang mga isip
isang malaking karnabal
ng mga manlilinlang na payasong ngising-aso
mga nakakatawang bistadong manggagantso
at mga saksing bulaan -
na ang mga utos ng banal na panahon ay kinakalimutan -
at mga binaluktot ng kwento’t kasaysayan -
patung-patong na kasinungalingan
kumpul-kumpol na tungayaw at murahan
mahihiya ang mga alamat ng bayan
at pabula ng nakaraan.

Ang namumunong bunganga’y kumukulong lagaan
ng mabahong tae,
mangmang na nag-iisip sa bibig,
tinimplahan ng santambak
ng mabantot na kawalan
ng konting katalinuhan
at pakundangan,
- isang lugaw ng bigas na plastik, panis
adobong sa mga pilyong uod, ay matamis.
isang hapunang ang pampagana ay mga bala at pulpol na iskrip
ang pangunahing ulam ay mga katauhang walang pantaong karapatan

At ako, isang napilitang anino,
binihag ng isang tampalasang multo
inilibing sa pambayaning nitso
at sanlibong mapangsanib na espiritu
sa Kaharian ng mga Pangako
pawang napako, at mga pag-asang naglaho,
ay hindi maibandila, bagkus, nanliliit ako
sa walang puknat na pagpururot ng nguso
na kapag ang mundo’y tinatanong ako,
- Siya ba ang hinirang ninyo?

Hiyang-hiya ako . . .
Jun Lit Sep 2017
Makulimlim ang kalangitan
habang pilit kong inaaninag
kung ikaw ay nasaan
Mga palad natin kapatid
kung hindi man nagkadaupan
Tukoy kong iisa
ang ating pinagmulan

Mapula, kulay-dugo,
ang agaw-buhay na liwanag
sa likod ng mga ulap
Alam kong lumubog na
ang araw sa kanluran

Hinihintay ng katuwang sa buhay
ngunit ang sagot mo sa mga panaghoy
ay hindi marinig ng naulilang pandinig.
Hinahanap ng mga magulang
ang anak na inaasahang
sa takdang panahon
sa kanila’y maghahatid sa himlayan.

Mabato, matarik, ang piniling lakbayin
Liku-likong landas tungo sa mithiin
ng Sambayanang hindi palaring
pamunuan ng mga bayaning magigiting
sa halip na mga kawatan at mga salarin

Mabato, matarik, ang piniling lakbayin
Ngunit hindi ka natakot na ito’y tahakin
Hindi ka umurong at di mo pinansin
ang mga pasakit, ang mga pasanin.

Dakila ka, kapatid
At ang ‘yong paglisan, may hatid mang lungkot
na ang punglong malupit, takbo mo’y tinapos,
hininga mo’y nalagot
At sa huling bugso,
tatabunan ng lupang kalayaan ang dulot
mula doo’y sisibol, sanlibong punlang aabot
hanggang sa dulo, hanggang sa tugatog
Aalalahanin ka sa araw ng tagumpay at pagtutuos
Para sa Sambayanan, bawat puso’y sasabog!
Jun Lit Nov 2017
Matalinhaga ang kahapon,
ang nagdaang panahon:
kapeng mainit na pinalalamig, hinihipan
pero di malag-ok, nakakapaso sa lalamunan
Tila alon sa dalampasigan
itinataboy ng pampang
ngunit bumabalik ang mga ala-alang
pilit itinatapon, kinakalimutan.

Mga tagpong akala’y isang dipa lamang
tila ang pagitan
ng lupa at kalangitan
ngunit nang tatawirin na’y
bangin pala ang kailaliman
walang tulay na magdugsong
sa sanlibong katanungan
sa mga gumuhong moog
at nadurog na diyos-diyosan.

Sa sulok ng balintataw
isang paslit ang natanaw
tumatakbo’t humahabol, sumisigaw
tinatawag niyang “Tatay!”
iyong nakalagak, isang bangkay
sa kabaong na ipapasok, ihihimlay
sa nitsong pintado ng puting lantay
- labi ng aking amang hinagilap na suhay

Sa lamay ng patay,
ang kapeng barako ay buhay
bumubukal, walang humpay
maalab ang pakikiramay,
sawsawan ng tinapay
          Sa lamay ng patay
          nagsisikip man ang dibdib
          magkunwari’y kailangan
          nagdurugo man ang puso
          lakas-loob ang kaanyuan

Habang umaagos ang litanya
sa labì ng punong magdarasal
pumapatak ang ulan ng luha
walang puknat ang “Bakit?”, nag-uusisa
Hindi napapahid ng panyong pinipiga
ang hapdi ng sugat sa naulilang diwa
lalo’t ang bayaning inakala
ay pasang-krus pala ng inang dinakila

Matalinhaga sadya ang kahapong nagdaan,
pelikulang kulay sepya, kumupas na sa kalumaan:
Lumamig na ang inuming sa burol ay itinungga
Tahimik na silang nagtungayaw ng sumbat at sumpa
Sa malayo’y kumakaway ang palaspas ng payapa
Nagpahinga na rin ang ilaw na sa aki’y nagkalinga

Sumisilip sa alapaap ang impit na sinag
Naglalaho na ang mga bituin sa liwanag
ng unti-unting pagsabog ng araw na papasikat
At sa pagbangon, bagong umaga’y may pahayag

Gigisingin akong lubos, tila tunog ng gong
ng bagong-luto **** pagsalubong
Isang lag-ok muli, aasa, susulong
kung saan man hahantong . . .
To be translated as "Brewed Coffee IV"
Penne Dec 2019
Mga nakatago sa letra
Ang mga sagot

Ang mga sagot ay nasa letra
Ang luha
Ang inis
Ang dugo
Ang init

Ang pintura ng aking maduming brotsa
Ang mga espasyo na akala ay walang saysay
Iyon ang mas nagpapalayo sa katotohanan

Sa siyudad na malaki, pero ang liit
Parang nilakad ko na ang bawat sulok nito

Mahilig ako sa bagay na hindi lang madaanan
O maiwasang daanan

Ang tinta ng aking espirito
Itatak sa iyong santong puso

Malakbay sana magkasama
Ang mga lumulutang na letra
Samantalang ang boses mo na tulad ng awit ay nasa likod ng eksena

Malikhain ang gumuhit sa iyo
Ang larawan **** mabait
Mamantsahin ko
Ng aking bahaghari
Nawa hindi mawari

Wala dapat ang oras
Parang picture frame tuloy ang buhay ng bawat tao
Nandiyan lang
Nakatago, nakatayo, nasa pader---nakapako
Nadadaanan lang
Isang titigan lang

Sa iyo, isang titig ay hindi sapat
May nakatagong ginto
Hindi pangkaraniwang ginto
Ginto na hindi hinahanap ng lahat
Ginto na hinahanap ko

Nagpapawis nang sobra ang aking mga kamay
Maligoy ang mata
Tumitibok nang mabilis pabilis

O Dios, saanman, makasalanang mansanas bumubunga ng sanlibong bulaklak
Tinutuklaw nila ang aking lason

Wala na akong pake sa sagot
Mapaakit ka hanggang mabili ka

Kahit hindi ka muna magsalita
Hindi paliwanag sa mga titik
Ang paru-paro at ang agila

Nilamon ang itim
Namula ang bibig
Puti ang langit
Ubeng mata
Kahel ang balat
Bughaw na dugo
Dilaw na anino
Berdeng ilaw

Bangis ng indigo
Samantalang sila ay abo

Maligo sa aking isip
Taas na tingin sa mababaw na sahig
Ito ang ating luho
Zigzag man ang dating
Kapag nabili na, wala ng tubig parating
Jun Lit Nov 2018
Sa sulok ng isipang dinadaluyong
ng mga sanlibong sala-salabat na tanong
may paanyaya kang pagdamay ang layon
mula unang lagok, mainit ang pagsalubong.

Maraming katanungang pumapatak sa diwa
Tila ulang tikatik, ulang walang sawa
Hindi lang ‘ano?’, ‘sino?’, o ‘saan?’ ang humiwa
Puso’y sinugatan ng ‘paano?’, ‘bakit’ at ‘kailan kaya?’

Sa bawat pagsikat ng araw sa Malarayat sa Silangan
Lulubog din ito tan’aw ang Maculot sa kinahapunan
Tagumpay at sigla noong kapanahunan
Mga bituing nawawala, pagsapit ng sangang-daan

Kaya’t hindi dapat malasing, malango
Sa naabot na rurok o kayamanang lumago
Pagka’t batas ng Kalikasan ang siyang nagtuturo
Na lahat ng ito sa malaon o madali’y maglalaho

Pag-ibig na busilak, mananatiling buo.
My eighth in my Brewed Coffee Poems series; poems much influenced by my memories of my old home and childhood in Lipa, Batangas.
agatha Dec 2019
maaaring nasa kabilang dulo ka
ng isang napakahaba na kalsada,
at tuluyan kang nilalayo sa akin
pero maaasahan mo,

na kahit na may isang dagat pa
ng sanlibong mga mukha
na mayroong kanya-kanyang istorya
ang siyang naghihiwalay sa'tin.

babalik at babalik pa rin sa'yo.

babalik at babalik pa rin sa'yo.

—12:24AM, 313
Jose Remillan Feb 2021
Na muli tayong pagtagpuin
Ng sakali, sana'y nariyan ka
Pa rin gaya ng saglit nating

Paglagi sa sulok na ito.
Hindi ko nais na naisin mo
Ako, gaya ng naisip mo nang

Agawin ka sa'kin ng tadhana.
"Bahala na," sabi mo.
Ang mahalaga'y natuto tayong

Maging tayo, sa kabila ng lahat.
Sa kabila ng bigat. Sa kabila ng
Sanlibong pilat na kailan ma'y

Di ko na masasalat.

Huwag **** kaligtaan ang sulok
Na ito, kung sakaling igawi ka rito
Ng ala-ala't pag-aalala.

Kung sakali lang.
Blueberry Ice May 2021
Para saan pa ang dalawa
o
sanlibong mga bato..
kung ang nag-iisang ibon ay matagal nang kumaripas papalayo?
Imagine.. If you had two stones,
or possibly a thousand, but 'that' one bird
decided to flee..

— The End —