Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Jul 2016
PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA
Madilim na sulok,
Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak
Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak
Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba,
Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta
Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta
Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro
O inang minamahal ako nang labis
Kung ang buwaya pa kayang tumatangis
Di maantig sa iyo’t tumalilis?
Sa pagligo sa likod ay laging may langis
Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay
Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso
Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon
Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis

Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay
Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay
Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay
Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay
Tila di narin kaya ng loob kong patpatin
Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin
O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga
O Lubid sa inaanay na dingding  na tinitingala
Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala
Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang
Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala
Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya
Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya
Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na
At saka lamang ako sa huli'y makakahinga

Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan
Saksakin man, wala na akong maramdaman
Walang kikirot na laman
Walang dugong dadaloy nang luhaan
Sundalong natuyot na ng labanan
Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan?
Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan

Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag
Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan
May hangin ngunit ako lang ang nalulunod
May dagat at ako lang ang di makalangoy
Mas preso pa akong walang makain nang di hamak
Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula
Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas
Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas?
Batas ng pag-iral ng matibay na loob
Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas
Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas

Sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan
Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan

Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
Bakit call center lang ang aking babagsakan?
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?
Piso lang ba  halaga ng lahat ng aking pagsisikap?
Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat?
Madali pa pala ang unibersidad
May kalayaan, oo tao'y mga mulat
Marami umano  ang buhok ng oportunidad
Hatakin man ay nasa harap ang bagsak

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Inakalang sa tren isa akong bagon
Sa bilis ng oras ay papadayon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon
Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon
Kaklase sa hayskul aking nakasalubong
Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong
Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?!
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong
Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong

Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg
Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan
Sasablay ako hanggang sa huling sandali
Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan
Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan
Hinding hindi ninyo ako magiging utusan

Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan
Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman
Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan
Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat
Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat
Nag-iisang makakaalis sa aming bayan
Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan
Dustang panliliit ang aking naging kalaban
Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig
Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig!
Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan?
Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan
Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas
Sa mumurahin ako’y umiwas
Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas
Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas
Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas
Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat
Gabi-gabing sunog kilay pati balat
Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat
Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat

Singsing ng pangako sa kanya,
Sa pamantasang sinisinta
Sa kahirapan di niya ako makikita
Bayang yayapusin mala linta

Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang
Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran?
Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan
Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran!
Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!
7816
Edited this again for a schoolwork.
theivanger Jun 2019
Hindi alam kung pano sisimulan,
nahihirapan itugma ang bawat salita na lumilitaw sa isipan,
Ang bawat tunog sa bawat saknong ng bawat kaludtod ay nabibigatan,
Ilapat sa mensaheng
ibig iparating ng damdaming nagaalinlangan.

Oo, hindi ako sanay gumawa ng tula,
Itoy dili iba't hindi inaakala,
Ngunit aking susubukan, alang alang sa kaibigan,
Nanghihinayang sa alaala ng ating samahan, sa isang saglit ay iniwan.

Mga pagsubok biglang dumarating,
Sa kabagabagan ng buhay at panimdim, saklolo niyaong Dakilang may gawa ang tanging hiling, araw at gabi siyang dalangin.

Ako ma'y naguguluhan sa mararamdaman, isip at puso laging nasa kabagabagan, kalungkutan ang nasusumpungan sa bawat araw ng aking kinalalagyan, damdamin ay halintulad sa parisukat, makipot at madilim na kulungan.

Kaibagan koy huwag magtanim ng sama ng loob, Sa puso ko'y kalungkutan ang bumabalot, hirap ng pakikibaka sa araw-araw siyang sahod, ng buhay na sa pagsusumakit sa paglilikod, upang sa harap Niya'y magbigay ng lugod.

Ala ala ang siyang pumupukaw sa aking loob, huwarang kaibigan ang ipinagkaloob, nagbigay inspirasyon at lakas ng loob, upang maganap tungkuling kaloob, sa Maylalang aking utang na loob.

Patawad, unang sambit kung tayo man ay muling magkikita. Kalakip ay ngiti't saya sayo'y muling igagawad. Ipapalit sa galit at sama ng loob ay aking ilalahad, magpapakumbaba sayo ay aking hangad.
ikalawang tula nagawa para sa kaibagan. Hindi ako makatang tunay kayat iyong pagpasenyahan.
inggo Feb 2016
Natuklasan ko na pagkatapos ng lahat ng hirap at sakit na iyong naranasan
Makakangiti ka pa rin pala muli
Pagngiti tulad noong unang beses **** makatanggap ng laruan galing sa iyong magulang
Tulad noong unang beses **** makausap si crush with matching blush
Tulad noong pinagtripan nyo si classmate na uto uto (mga bully!)
Tulad noong sinagot ka na ng nililigawan mo
Tulad noong nalaman mo na crush ka rin ng crush mo at ayun naging kayo
Tulad noong nalaman mo na wala kang grado na singko
Tulad noong natanggap ka sa una **** trabaho
Tulad noong pagtanggap ng unang sahod na pinaghirapan mo pero sa magulang mo lahat mapupunta
Tulad noong napromote ka at unang salary increase mo!
Tulad noong sinurprise ka ng mga kaibigan mo nung kaarawan mo
Tulad noong pagkatapos ng una niyong halik ng iniibig mo
Tulad noong nakikita mo na unti unting natutupad ang mga pangarap mo

Sa paglipas ng mga araw
Matutunan mo
Na pwede kang gumawa ng mga bagay na makakapagpasaya sayo
Tulad ng isang ibon na lumilipad kasabay ang hangin
princessninann May 2015
Bente kwatro oras ang kilos
Mga gawain na tila' di natatapos
Pagtitimpi na hindi nauubos
Ano pa mahal kong Ina ang kaya **** ibuhos?

Hindi ka ba napapagod?
Araw-araw kang kumakayod
Walang day off, walang bonus, walang sahod.
Hindi ba nanghihina ang iyong mga tuhod?

Tinanggap mo ang pagiging ina
Kahit sa mga anak mo'y ikaw ay balewala.
Pagkaing isusubo na lang, ibinigay mo pa,
Sa bawat hakbang nila hindi ka nawala.

Tinanggap mo ang pagiging kahalili
Inalay sa'yong asawa ang buong sarili
Sa mga desisyon nya, ikaw ay walang masabi
Sa bawat hakbang nya ikaw ang katabi.

Hindi sapat ang salamat
Sa mga kalyo sa'yong palad
Sa hindi maindang sakit sa balikat
Kahit kailan wala kang sinumbat

Alam ko hindi sapat ang aking salamat
At hindi ka kayang tumbusan ng anumang salita
Mahal kong Ina, salamat po sa lahat lahat
Salamat po sa puso nyong 'di napapagod nagmamahal.
This is a filipino poem to all the filipino mothers :)
Sutla ang iyong kutis,
Ilang inches na heels
iPad ang hawak
Ayan pa’t naka-Rayban
Kahit taglamig –
Ganyan dito sa abroad
Pasyal dito
pasyal doon
Higit sa lahat
Hindi barya ang sahod.

Padala sa Pinas,
Lahat ay winaldas
Dami pang pasakalye
Datong din pala
Palaman ng inyong mensahe.

Aba’t bida pala si bunso
Sa tropa’t sa eskwela
Hindi ba’t astig?
Pang-party nila’y
Siya ang laging taya!

Ang binata ko’y
Malaki na talaga
Kapapanganak lang daw
Ng bespren nya
Anak, tanong lang
ba’t sa handa nila’y
Ikaw ang itinoka?

Ang ilaw ng tahanan
Na siyang aking iniirog
Sabay sa uso
Nakasisilaw ang alahas
Inubos ata ang bawat perlas
Buti’t nakaahon pa’t
Ayan, kay kumpare pa
Siya’y nakakapit!
At ang nararapat
Na panglamang-tiyan
Kulang pa pala
Kanyang sinapupunan
May bagong buhay
Mahal, saan siya nanggaling?

Puso ko’y nalurak
Ako’y inahas na
Pinagsamantalahan pa
Akala nila’y ok lang
Akala ko’y may babalikan pa
Yung totoo,
Lata’y hiyang-hiya na
Humihikbi ito
Makatikim lamang ng barya
Wala na ang sahod,
Awitin ko’y “Palimos.”

(12/2/13 @xirlleelang)
sa may dagliang liko
abot ng aking ligaw na sulyap ang
sabungan. matatas ang kanyang
ngalan.

"Cockfighter's Rendezvous" kaunting
lakad lamang pabalikwas sa
MERALCO kung saan isang mahabang
karagatan ng tao ang pilit
na inaalon ng bayarin, kaltas
sa sahod, bulag sa paroroonan.

ayon sa mga akda ay mayroong
Kristo sa sabungan. siya ang
nangangasiwa sa aliwan ng mga
drayber. ang matalas na tari
ng kanilang hagikgikan
ay lumulubog sa haba ng
pantimpalak

naroon daw si Kristo
habang
ang dagundong ng batingaw
ay tulog sa tore.
pitikan ng pitikan ng yosi
kung saan na lamang maisipan
ng pagod na kamay na may samyo
ng dala nitong lansa,
at matapos ay papasok ng muli
sa simbahan kung saan
kasabay ng pag-danak ng dugo
ang pag-kubra ng nag-wagi.

hawak ni Kristo ang patay
na manok,
nasusulat sa tari ang
linya ng dugo.
alam ko naroon si Kristo.

hawak ni Kristo
ang mga baryang kumakalansing.
ilang pirasong pag-asa
para sa pawisang drayber,
para sa parokyanong lasinggero,
para sa baguhan sa aliwan,
para sa llamado.

hawak ni Kristo ang lahat,
at siya ang panuto
sa pagsusulit ng ganid.

pauwi na ako. wala na ang
alingawngaw ng sigawan.
Lunes nanaman at ramdam
ng lahat ang bigat
ng parating na mga araw.
George Andres Jul 2016
Madilim na sulok kung san nagdurugo ang mga palad
Na alala ko pa no'y si Inang ingat na ingat
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Na di ko na maalala itsura kung anong ipis

Ngunit sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong

Taga UP ako, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Taas ng pinag-aralan ko, kung sa ibang bansa, sahod lang ng bayaran?
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
7816
inggo Sep 2015
Kapag masasalubong kita
Pinagmamasdan ko ang iyong kurba
     Ng labi...
Na nakakapawi ng pagod
Daig pa ang pakiramdam ng bagong sahod

Ang iyong mga matang mataray
Nakadagdag sa kagandahan **** taglay
At kung ikaw ay magalit sakin wag ka na kumuha ng bato
Kasi matagal na akong tinamaan dahil sa sangkaterbang tagahanga mo
JOJO C PINCA Nov 2017
putang ina ka wala bang hiya ha hayup ka? hindi kaba nahihiya sa amin ha? kami  ang dahilan kaya yumaman kang animal ka. wala kang mansion, kotse, limpak limpak  na salapi kundi dahil sa dugo't pawis namin. tapos kung tratuhin mo kami ngayon e para kaming basura hayup  ka.

kailanman hindi naging sapat ang pasuweldo mo sa amin. lagi kang nakaangil pag dagdag na sahod na ang pinaguusapan. marami kang satsat marami kang dahilan kesyo nalulugi ang kumpanya at hindi kumikita. kaya pala panay ang expand ng business operation.

mahilig ka pang manakot na magkakabawasan ng tao sa kumpanya kapag lumaki ang gastos dahil sa dagdag sweldo na aming hinihingi.

madalas mainit pa ang ulo mo sa amin e samantalang dahil sa amin kaya ka kumikita. kung aso ang tingin mo sa amin e ano ang tawag mo sa sarili mo? edi unggoy masyado ka kasing tuso.

lahat ng bagay ay nagwawakas kaya wag ka masyadong mapagmataas dahil sa oras na bumagsak ka hindi kita tutulungan sa halip tatawanan pa kita.
Para sa lahat ng ganid na kapitalista
Jun Lit Aug 2018
Paalam na muna, sinisintang toyò
Childhood sweetheart kita, karibal ng tuyô
Pero wala sa usapang mayro’ng dugo
ng obrerong sa alat mo’y ihahalo.

Di ko maatim na sa kanin kong puti
Iwiwisik kita, habang may lugami
sa mababang sahod, sa dusa’t pighati
Kapalit ng yaman ng sa ‘yo’y may-ari.

“Bukas na lang kita muling mamahalin”
Kung sakaling katarungan ay dumating
Kontraktwalisasyo’y tila almuranin
Kamandag sa buhay nitong bayan natin.

Translation:

We’re on a cool-off, Soy Sauce

Well, it’s goodbye for now, dear soy sauce brand, unspilled
You’re a childhood sweetheart, rival of dried fish grilled
But unjustly having lowly workers’ blood spilled
It’s not part of the deal, your salty taste concealed

It really is just hard to bear to sprinkle you
on my white rice, while those who toiled to see you through
suffer deeply in wages low, mis’ries undue
amidst the wealth, so huge, of those few who own you

Love you again, oh tomorrow, maybe, I will,
if fortune brings that sweet justice to hands that mill.
Contractualization’s a serpent waiting still
To our dear people’s life, a venom meant to ****.
This poem was inspired by the current campaign in the Philippines to boycott certain brands of condiments, whose owner-company has for many years unjustly treated workers, on a seemingly endless contractualization scheme, with low wages and no security and benefits. Their demands have been met with violence, with the support of armed men purportedly connected with local police.

— The End —