Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JK Cabresos Sep 2016
Isusulat kita.
Sa huling araw na masilayan ko
ang tamis ng ‘yong mga ngiti
at sa mapang-akit
**** mga labi.

Isusulat kita.
Habang nakikita ko pa
ang aking sarili
sa kislap ng ‘yong mga mata,
bago ka lumisan,
dahil matagal pa
ang ‘yong pagpihit
mula sa ibang daigdig.

Isusulat kita.
Sa mga titik at letrang
namumutawi sa aking bibig,
hindi ko hahayaang
malusaw na lamang
sa pagtakbo ng oras,
mabaon sa limot,
patungo sa karimlan.

Isusulat kita.
Habang tanaw pa natin
ang mapula-pulang sunset
na kakulay ng puso nating dalawa
at kayakap kita.
Yayakapin kita.
Hanggang sa magbubukang-liwayway
ang tanaw nating takipsilim.
Yayakapin pa kita.
Sana.

Isusulat kita.
Sa kailaliman ng gabi,
sa dilim,
sa nagsisidhing damdamin,
kung saan sinag lang ng buwan
ang tanging namamasadan,
at ang kayakap ko na lang
ay ang mga basang unan.

Isusulat kita.
Kasabay ng pagpigil
sa pagpatak ng luha
habang nakikita
ang ‘yong mga hakbang
paakyat sa bus dahil uuwi ka na.
Habang ang sinasakyan
ko namang dyip
ay papalayo ng palayo sa ‘yo,
ihahataid na
kung saan ako ngayon
ay iniisip ka.

Isusulat kita.
Ikaw ang ipaloloob
nitong aking akda,
bawat berso, bawat tugma,
ikaw ang nasa isip,
ang iisipin ulit
hanggang sa tumunog bukas
ang naka-set kong alarm
at magising na lang
na nasa malayo ka na.
010717

(Para sa mga may gustong simulan at gustong tapusin. Para sa mga may kahapon at naniniwalang sisirit ang bukas. Para sa mga may pangamba pagkat pakiramdam mo'y kapos ang oras at tila ika'y may gapos ng kagabi o noong isang araw, noong isang taon. Para sayo, nang mahimbing ka sa gabing may pagsuko. Pipikit ka rin, hihimbing ka rin. Didilat ka, may bukas pa.)

Narinig na ng bawat sulok ng kuwarto mo ang mga ibinubulong Ko sa iyo tuwing natutulog ka, habang yakap-yakap Kita, at nakabaon sa dibdib Ko ang mukha **** nasa malalim na pagkakahimbing.

Narinig na ng mga unan mo ang mga Salitang binitiwan Ko noong inamin kong hinding-hindi Kita bibitiwan habang sinusuyod mo ang gabi nang mag-isa, na tila ba ito na ang huling gabing ikaw na lamang ang bida sa istorya.

Narinig nila ang mga bulong Kong narito Ako at Ako pa rin ang kilala Mo noong unang beses Akong humimlay sayong mga bisig para punasan at saluhin ang mga butil ng mala-perlas **** mga luha, kumikinang at mahalaga   pagkat tangan nito ang taimtim **** mga panalangin -- mga panalanging hindi mo binitiwan at lubos **** pinagsindi ng kandila sa bawat gabi't alay ang tinig **** balisa't uhaw sa kasagutan.

Maigting ding nagmamasid ang iyong orasan noong ipinangako Ko sayong inilaan Ko na ang bawat patak ng segundo sa pag-aalaga sa iyo, na hinding-hindi Akong magsasawang pag-ingatan ka, tumigil man sa pagpihit ang lahat ng orasan sa mundong ibabaw -- kitilin man ang bawat bateryang nagbibigay-buhay sa bawat saglit, sa bawat pintig ng oras na hindi mabilang.

Higit sa lahat, narinig Ako ng mga pader ng kuwarto mo, noong unang gabing ginawa Kong umaga para masilayan mo ang lahat, noong una Kong sinabing mahal kita at kahapon, ngayon o bukas at magpakailanman -- ang mga parehong gabing paulit-ulit Kong sasabihin sayong higit ka sa kalawakan, na hindi Ako natutulog at ikaw at ikaw ang tanging tanawing tatanawin.

At habang parating na muli ang umaga at gigising na ang lahat, ay sana manahimik ang kuwarto mo. Ngunit sa katahimikan nito'y sana'y mabuksan ang lihim ng mga narinig niyang mga sinabi Ko.

Narinig na ng bawat sulok ng kuwarto mo ang mga Salitang laan lamang sayo at sa mga gabing ito at sa susunod pa'y haharanahin Kita ng parehas na himig at susuyuin ng parehas na timpla ng pag-ibig. At hindi Ako magbabago, mahimbing ka man ngayo'y asahan **** ang bukas mo'y kasama pa rin Ako.

Matulog ka na, Anak.

#010717 #SpokenWordsNiTatay
042416

Pumipiglas sa kadena,
Nagwawalang may pagbubusina.
Walang-wala siya sa datus
Ng iskandalong panglaman-tiyan.

Kilay ay naagnas
Bunsod ng galit na mapagmataas.
Mag-iiskandalo ang ugat sa magaspang na balat,
Siyang bulkan pala ng naghihimutok na alamat.

Lambat ng kahapon, isasaboy sa dagat
Huli'y kaawa-awa sa dinamitang kagat-kagat.
Sisisid kahit di akma ang tono ng tubig,
Lulusong muli't paghihiganti'y bukambibig.

Gamit ang sinulid ng tinapyas na bungangkahoy,
Matutukso ng talim, siya nga palang abuloy.
Istoryang tigang, nginuyang may malasakit,
Paru-paro't bulaklak sa kutsilyo ang kapit.

Kalawang ang uubos sa kadena,
Sa ilang pagpihit ng litratong may ordinansa.
Patay-sindi kaya't pondido ang ilaw,
Pipihitin ang kable't ahas ang tutuklaw.

Ang trono'y walang manggas at naantala,
Pinilihan ng mga oportunistang kanya ring katiwala.
Sapilitang makikipagniig sa kaharian,
Batas ay iluluklok, pantawid sa katuwiran.

Siya'y naghihimagsik sa haliging walang sabit,
Langis ay tagas ng sikmurang kumakalabit.
Gaya ng kahapong titulado ng dilim,
Babagsik ang leong minsang karima-rimarim.
06092021

Ang damdamin ng poot at lambing
Ay mga mekanismong humahalo sa saya
Ng pusong gustong kumawala
Sa diktador na sumara ng lagusan patungo sa liwanag.

Hindi maipinta ang mga sandaling naging hayag
Sa kung papaanong paraan ba hinabi ang sarili
Sa banig ng karamdamang tumupok sa pangarap --
Sa pangarap na masilayan ang araw
At madampian ng liwanag ang buo nyang pagkatao.

Sa mga nanlilisik na matang mapanghusga,
Tila ba ang pagkutya ay naging agahan sa malamig na umaga,
At ang kapeng mainit ay binuhusan ng malamig na tubig
Sa gabing walang pasabi kung lumisan na ba ang araw
O nanatili itong nakatirik sa tanghaling tapat ngunit mapag-usig.

Ang bawat pagtulog nang patagilid
At paulit-ulit na pagbangon ay sadyang nakakasawa.
Samantalang sa kanyang pagpihit sa debateryang may impormasyon,
Ay naghalo ang sining ng iba't ibang kwentong
Sana nga'y kanyang hayag na natatamasa.

Ang mga butil buhat sa sisidlan ng kanyang liwanag
Ay tila ba wala nang lalagyan pang sasalo
Sa mga binasag na oras ng mapanghinang delubyo.
Tila ba nagbibilang na lamang sya
Ng mga yapak na walang mukha,
At mga katok na nanatiling multo sa apat na sulok ng kanyang paghinga.

Maging ang bawat larawan ay nagsilbing alaala na lamang
Na hindi na mauulit pa kung bumukas man ang liwanag
At mag-alok ito ng pagsakay
Sa hamong hindi nya na maaabutan pa.

Tila ba nahuli na ang pintig ng bawat kalabit sa kanyang damdamin,
Tila ba ang nakikinig ay nawalan na rin ng boses sa paligid.
At ang kahon na kanyang tirahan
Ay pansamantalang naging palamuting
Binudburan ng mga nagsasayawang bulaklak
At naglalagasang mga dahong walang nagwawalis.
032316 #TagkawayanBeachToPPC #HawlingDay

Madaya ang dagat na tumatabi,
Umiiwas sa lalim na walang lebel.
Kung susukatin ang dipa ng pising ibinigkis,
Milya ang distansya ng berde't kayumanggi.

Pahiwatig ng hampas ng mga dahon,
Kanila ang lupang may paghuhumaling sa nayon.
Gayundin pala ang kurot
Ng latigong pakpak ang armas.

Hininga ay buhay
Sa baku-bakong daang
Nagmimintis sa tahanan.
Ilang gulong na kaya ang nagpatalyer?
At nausugan ng ilan pang mga panlupang sasakyan.

Napapagod ang likido ng Langit
Na siyang minsang lampas-lupang nagpakumbaba.
Napapagod ang Ilaw
Sa pagsirit ng kandilang hindi nauupos.
O ang mga ibong pumapagaspas
Sa ereng walang tiyak kung saan papadyak.

May mga kasuotang gula-gulanit,
Sila'y may mantsya't may kalakip na basbas.
Hindi maititikom ang pagsampal ng paa,
Mga paang piniling lumaya
Kahit tadtad sila ng kalyo.

Ganoon pala ang pagpihit ng duyang sandali lamang,
Ihihile ka nang saglit,
Sabay makikibaka sa panahong gusto niya.

Simple ang buhay,
Namamahinga't umiiling kadalasan.
Ni ayaw ang gintong luha,
Kalasag pala ng kanyang pagkatanda.
Rey Tidalgo Jul 2016
Hindi ko mapigil / aywan ko kung bakit
Na bumaling sa’yo / nang paulit-ulit
Ilang beses ko mang / ipikit nang pilit
Didilat ang mata’t / magkukusang-titig
Sa bawat pagtitig / ay nanahimik
Ang lihim ng isang / sumaging pag-ibig
Sa bawat pagbaling / ay may pagnanais
Na masilid ikaw / sa diwa ko’t isip
Sa libong pagbaling / at libong pagpihit
Ang katumbas nito’y / pagsintang malinis
Nang dahil sa iyong / gandang nilalangit
Ang pihikang puso’y / nahaling nang labis
At ang larawan **** / sa aki’y umakit
Namugad sa puso’t / naging panaginip
Dahilan sa isang / ninakaw na titig
Mga puso nati’y / dagling napaibig
Franz Jan 2017
‘Para **’.
‘Yan ang sambit ng mga pasahero
sa t’wing sila’y magpapaalam.

Magpapaalam sa tapat na tsuper,
na sila’y nalalapit nang magpaalam.

Ngunit sa kaso ko, ipapaalam ko sa’yo,
Na ako’y magpapaalam na.

Sa tinagal ng aking pagsabit sa dunggot nitong hawakan,
Sa likod nitong pampasaherong dyip na sa kasagutan mo’y
pupunta,

Mas pipiliin kong bumitaw na lamang at masugatan.
Kaysa patuloy na mangawit sa dulo ng dyip na iyong minamaneho,

Tangay ang daan-daang mangingibig.
Bawat isa, sabik sa patutunguhang destinasyon mo.

Walang kaalam-alam na isa lamang ang maaring
parangalan,
Ng banayad at matamis **** ‘Oo.’

Ngunit sa bawat pagtapak sa silinyador ng jeep,
Sa bawat pagpihit ng kambyo,

Ang aking kamay, katawan, binti, at kaluluwa,
ay unti-unting nawawalan ng sigla,

Hanggang sa mabatid ng aking makitid na pag-unawa,
Na ito na ang hangganan, at wala na akong kawala.

Kaya bago ako bumitaw sa aking kinakapitang pulungan,
Nais kong ipa-alam, na ako’y magpapaalam.

Ibinuka ko ang aking nag-aatubiling bibig,
at ang mga salitang nakulong sa aking lalamunan,
tumakas at nagpaalam.


"Para, para sa inyo…
Ay hindi. Para sa’yo."

— The End —