Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
011717

Sabi ko noon, hindi na ako magsusulat pa -- na hindi na ako mag-aalay ng tula para sayo. Na ang huling piyesa ng tula ay ipinalipas ko na rin noong isang taon, ipinatikom sa dagat na bumubura ng bawat larawang binigkis sa buhanginan -- noong isang taong napagmasdan ko ang pagbagsak ng bawat dahon ng alaalang dinumog at pinunit ng hangin.

Akala ko yun na ang huli, nang bigkasin ko sa mismong harapan mo ang bawat malayang mga tugmang naikatha buhat sa lalim ng sugat nang palihim na pag-ibig -- ngunit walang lihim na hindi nabubunyag kaya marapat na rin sigurong mailathala ang damdamin sa bawat dahong muling pausbong bagamat hindi ko pa rin alam kung aabutan ba ito ng taglagas.

Akala ko yun na ang huling pakikipagtagisan ko sa bawat salitang may mensahe ng pagbitaw. Akala ko kakayanin kong bumitaw agad, bumitaw nang kusa at tuluyan nang maihihimlay ang bawat tula sa mismong pinagtuyuan ng bawat dahong bumabagsak.

Ilang beses na kitang ipinaubaya sa Kanya pero paulit-ulit kang bumabalik -- ni hindi ko alam kung dapat bang sisihin ko ang tadhana o talagang kailangang kong tanggaping parte ito ng pagpapasakop at pagpapaayos ko sa Kanya. Paulit-ulit kitang kinatatagpo sa panaginip na halos magtaka ako kung bakit.

Napuno ng listahan ng ngalan mo ang mga petsa sa kalendaryo kung ilang beses kang naging bisita sa aking pagtulog at paghimbing. Hindi naman ako kumakatok sa aking unan at kumot para masilayan ka -- masilayan kung posible bang maharap kita at hindi na ako urong-sulong pa.

Paulit-ulit tayong ipinagtatagpo kung saan una tayong nagkita at nagbitaw ng mga pangakong uunahin natin Siya at doon din natapos ang bawat panimulang may matatamis at mabubulaklak na pagsasalarawan ng mga salitang "kung tayo'y tayo talaga." Pero paulit-ulit kitang hindi ipinagkakait sa Kanya kasi alam kong para sa Kanya ka naman at hindi ako ang makapagsasabing ang bukas ay laan para sa atin ng may iisang pintuan.

Hindi ko maaaring ilibing nang buhay ang bawat alaalang naging parte ng kung sino ako ngayon, mga nakaraang sabi nila'y dapat daw ay daanan ko lang at wag pagtambayan. At kung hihimayin ko ang bawat yugto, hindi ko alam kung kaya bang paluputan ang mga ito ng metaporang pampalasa sa bawat linya ng tula.

Hindi ko alam kung magkakasya ito sa puso **** ni minsa'y hindi mo nagawang pagbuksan. Inilatag ko na sa Kanya ang lahat kasama ang pagpapatawad ko sayo, kasama ang bawat panalangin ko para sa ikatataas Niya sa buhay mo -- mga panalanging para sa ikatatag ng pananampalataya mo, para sa ikalalalim ng relasyon at pundasyon mo sa Kanya.

At hindi, hindi ko lubos maisip na ganito ang paraan Niya para sa paghilom ko -- na mismong pinagtatagpi-tagpi niya ang bawat tauhan sa paligid ko para lang maharap kita.

Ilang beses akong umiwas na may sumbong sa kalangitan na sana nga dumating na ang panahon -- yung panahon na kaya ko na at kaya mo na rin. Nag-iwasan tayo na waring naglalaro ng Patintero at nakakapagod nga -- nakakapagod makipaglaro kasi hindi naman natin ninais na makipaghabulan sa wala na.

Pinili kong bitiwan ka pero hindi ko binitiwan ang paghihintay ko sayo -- naghihintay akong marinig lang mula sayo na ayos ka lang.

At oo, ayokong nakawin ang mga oras at sandali na laan para sa paglago mo sa Kanya. Noon pa man, yun na rin ang tanging dasal ko sa Kanya. At kahit sa pagbitaw natin nang paulit-ulit, mas minamahal ko Siya. Oo, mas matimbang ang pag-ibig Niya para sating dalawa kaya nga't mas mainam na mag-ipon na lamang hindi ng mga pangamba, bagkus ng mga panalanging kalugud-lugod sa Kanya pagkat iisa lang ang ating Ama.

At kahit pa, kahit pa hindi ko masuri sa aking sarili kung ito na ang huling piyesa, hindi pa rin ako bibitaw sa pagsusulat. Maubusan man ng pagdanak ng tinta ng aking pluma'y patuloy akong makapagsusulat.

At hindi matatapos ang mga tula na may ganitong pangwakas. Hindi ko rin alam kung kailan ito madudugtungan at kung dapat bang ihanay ko na sa ibang istilo ang bawat katha.

Gayunpaman, ang bawat tinta ng bawat kataga'y iisa lang ang diin -- isang mensaheng hindi ko kayang sambitin, hindi kayang sambitin nang harapan kaya't katulad ni Rizal, mas nanaisin kong ganito ang maging istilo ng mapagdamdaming paghihimagsik. Isang mensaheng hindi ko kayang bigyang pamagat at mananatiling isang alamat --- alamat na hindi ko wari kung makakarating ba sayo o hindi.
Sasarhan ko na ang plumang may umaapaw na pagbulong ng lahat, pagkat ngayon: ikaw naman sana ang magsulat. Ngayon, ikaw naman sana ang magbigay ng pamagat -- isang pamagat kung may "tayo" pa nga ba sa huling mga linya o tutuldukan na lang ba natin ito at lilikha ng panibagong kabanata.
leeannejjang Jun 2015
Minahal,
Pinaasa,
Binitiwan,
Tinulak,
Bumalik,
Hinabol,
Nahulog,
Nasaktan,
Iniwan.

Mga salitang tinuro sa atin noong kabataan,
Ngayon mga salitang atin iniiwasan.
Minsan ako'y magtatanong,

Anong pagkukulang ko?
Bakit iniwan mo ako?
Saan ako nagkamali?
Paano ko maibabalik?

Hinihintay ko mula sa iyo,
Sabihin **** "Nagkamali ako",
Pero ang nakita ko'y mga luha mo,
Hinihingi ang pagpapatawad ko.

Sana hindi na lang,
Sana wala na lang,
Sana umiwas na lang,
Mga sana na hindi ko pinakinggan,
Ngayon ako'y luhaan.

Pero isang bagay ang hindi ko pinagsisihan,
Ang mga masasayang bagay na ating pinagasamahan,
Mananatili sa puso ko na parang mga litrato,
Lumain man ng panahon ay babalik balikan ko.

Pinasaya,
Pinakilig,
Pinatawa,
Pinangiti.
#love
#poems
#pagibig
#hugot
090316

Naabutan mo ba ang Chinese Garter o 10-20?
Luksong-lubid, Tagu-taguan, Piko o Patintero?
Alam mo ba yung Yes or No?

Gumuhit ka ng kahong pahaba't
Hatiin ang mga ito, marahil mahabang proseso
Mahalukay lamang ang tamang istilo.
Titingala't magtatanong, "Yes or No?"
At may magbabatuhan ng boses ng pagsilong.

Paano kaya kung ganoon kadali
Kung kaya **** magpatawad
Nang bukal sa puso't walang gitgit.
Hanggang kaya mo nang ipaubaya ang galit sa Langit,
Hanggang kaya mo nang lumaban na may sariling paninindigan.

Pagpapatawad
Sa mga nanakit sayo,
Sa mga nasaktan mo,
Maging sa sarili mo.
Kaya mo ba? Yes or No?

Bumisita ka sa Palengke,
Tiyak bistado mo ang 'yong sarili.
Hindi ba't pag mahal, humihingi ka rin ng tawad?
Pag di ba pinagbigya'y galit ang ibabayad sa Tindera?
Oo, mahal kasi; sobrang mahal
Kaya sana'y lambingin ng "oo" ang "patawad" niya.

May oras para sa lahat;
Maging sa paghilom ng Bayan,
Sa pagdidildil ng Asin sa sanlibutan,
Na Siya ring naghasik
Ng mga butong nagkalaman sa Lipunan.

Bahagi ka ng Tulang ito, isang tulang pasalaysay -
Payak at walang bahid na pagkukunwari.
Ibabalot ko ang tanong na "Yes or No?"
Batang 90's, iba na nga pala ang timpla't
Magkakaubusan na naman ng mga letra't himig.

Sige, magtatapos ako Sayo,
Pagkat Ikaw naman ang taya sa buhay Mo.
At ito na marahil ang Pagtatapos
Na Ikaw rin ang Panimula.

(P.S. Tapusin Mo, sa muli nating pagkikita)
Bianca Tanig Mar 2017
Tigil na tayo, mahal.

Ramdam kong natabunan ng isang pagkakamali ko ang lahat ng mga alaalang nabuo natin.

Na kahit ilang beses man tayong bumalik sa isa't isa, patuloy kapa ring magdududa at patuloy **** babalikan yung araw na bigla akong nawala.

Paulit ulit mo pa ring ipapamukha sa akin kung paano ako biglang naglaho nung mga panahong ikaw ay nagbabago para sa akin.

Habang ako, ni minsan hindi ko sinubukang isumbat sa'yo ang biglaan **** paglisan nung mga panahong ikaw ang naging lakas ko.

Nang minsang nagkamali ka at nilamon ka ng tukso, hiniling ko pa din ang pananatili mo at nagpatawad ako.

Oo, pinatawad kita. Pero minsan, hindi padin pala sapat ang pagpapatawad.

Ang sabi mo ay nilalamon ka ng iyong konsenya, kaya pinili mo pa ding lumisan. Pinigilan kita, pinili mo pa din akong bitawan.

Tama na, mahal. Tama na 'to. Tigil na tayo.

Habang mayroon pang natitirang magagandang alaala na binuo nating dalawa. Habang may babalik tanawin pa akong mga ngiti, kilig at tuwa sa bawat sandali na tayo'y magkasama. Bago pa mapalitan ng mga luha at hinagpis ang mga alaalang ayokong mabura, tigil na tayo, mahal.

Ayoko nang ipilit pa. Ayoko nang manatili sa isang bagay na sinusubukan kong ipaglaban ngunit pilit **** pinagdududahan. Higit sa lahat, ayokong kalimutan kung paano kita minahal at kung paano mo ipinaramdam sa akin na karapat-dapat akong piliin kahit sa sandaling panahon na iginugol mo sa akin.

Tigil na tayo, mahal. Baka talagang hanggang dito nalang. Sapat na ang munting sandali na naging masaya ka at ako. At sa ganong paraan ko gustong maalala ang "tayo".

Salamat mahal, hanggang dito nalang tayo.
JK Cabresos Sep 2016
Milyun-milyong mga blankong mukha,
pipintahan,  
papahiran ng pintora
ang iba’t ibang kastilyo ng pangarap.

Subalit sa paglipas ng panahon
ang mga kastilyong ito’y rurupok,
at sa isang ihip ng hangin  
ay pwede ‘tong gibain.  

Masasanay kang matalo,
para sa atin ‘tong mundo.
Para sa atin,
hindi para sa kanila,
kailanman hindi ‘to masasakop
ng mga mapapait na luha.  

Nasanay ka na sa panonood
ng mga teleserye o pelikulang
kung ano ang theme song
ay ‘yon din ang pamagat.  

Nasanay ka nang mag-abang
sa paiba-ibang kulay na buhok
ni Vice Ganda, o ni Yeng Constantino,
ang umasa rin sa paiba-ibang desisyon
ng mga tao sa paligid mo.

Nasanay ka nang magmahal ang gasolina,
at iba pang mga bilihin  
ngunit hindi ang magmahal ng totoo,  
dahil takot kang masaktan ulit,
ang iwanan, o umasa ulit,
sa isang relasyong pang-post lang
sa FB, IG o Twitter,
‘yong pang-“#relationshipgoals” lang,
nasanay ka na pero takot ka pa rin.  

Nasanay ka na sa mga surprise quiz.
Sa exams. Sa reporting. Sa thesis.
Sa Singko, INC, Withdraw o Drop.
Sa pag-jaywalking,
dahil late na naman sa 7:30 AM class.  
Sa paulit-ulit na sorry.  
Sa paulit-ulit ding pagpapatawad.
Sa paghahanap ng ka-red string.
Sa paghahanap ng ka-forever.
Sa mabagal na internet.
Sa job interview. Sa gobyerno.    

Masasanay ka ring matalo
dahil ganito ang konsepto ng mundo.
Patitikman ka muna ng pagkabigo,
bago ka ulit maging buo.      

Baka rin bukas-makalawa
maiisipan mo nang mag-aral ng mabuti  
at iwasang ang usapang mabote,
ang bumangon ng maaga
at hindi papatayin ang naka-set na alarm,
ang maging totoo
sa taong nagmamahal sa ‘yo,
o kaya subukang ipa-Photoshop
ang 2x2 picture mo sa resume
para sa paparating na job interview.  

Masasanay ka ring matalo,
masasanay ka rin sa mga peklat mo sa puso.
Dahil hindi ito matatapalan
ng pulga-pulgadang concealer ng Maybelline,
o kahit ubusin mo pa
ang stock sa AVON, sa Watson, sa HBC, o sa Lazada.  

Kaya tanggapin mo na lang  
na ang buhay ay puno ng pagkatalo,
dahil sa huli para sa atin din naman ang mundo,
kaya wala kang dahilan para sumuko,
dahil ang sumusuko lang ang natatalo,
at ang hindi takot sumubok ulit
ang tunay na panalo.
Isabelle Apr 2017
pagod na ako
kakalakad palayo sa iyo
kakatakbo pabalik sa iyo
pagod na ako
maghintay ng kahit ano
maghintay ng anino mo
pagod na ako
sa mga paghingi mo ng tawad
at sa aking pagpapatawad
pagod na ako
pagod na ako sa iyo
pagod na ako sa sarili ko
Hindi ko alam kung bakit ang lungkot ko ngayon :(
Nakakapagod na kasi.
Daniel Abiad Dec 2014
Pisnging mapula
mapungay na mata

ako’y masaya sa tuwing ika’y nakikita
sabihin na nating ang ilong ko’y kawangis ng bawang
ang amoy ko pang tikbalang
at malaki ang aking baywang
ang pagmamahal mo parin ay kahit kaila’y ‘di nagkulang

Salamat sa pagtanggap sa’kin
Kahit minsa’y medyo mahangin
Kahit ngayo’y lagi nang nakasalamin
Pinagtitiisan mo pa rin

Sa kabila ng lahat ng kasalanan
Ang pagpapatawad mo’y tila walang hanggan


Kaya ngayong araw ng mga puso
Sana’y iyong magustuhan
Munting handog
ng matabang batang matagal ka nang hinahangaan

Nais ko sana’y ‘wag tayong mag away
Para naman ang araw na ito’y maging matiwasay
Mahal mo ata ako, at alam **** mahal rin kita
Kaya hayaan **** ang tulang ito’y ika’y mapasaya
Kamay

Heto, kung mararapatin lamang.
Ipagkakatiwala ang sandali
tungo sa laman ng salita.
Heto, kung ipagdaramot lamang,
at ipagsasawalang bahala ang dambana
ng iyong katawan.

2. Kurba

Kung abot-kamay lamang din naman
ang buwan ay ipagdaramot na lamang
ang natitirang liwanag.
Sa palad ko nakahimlay
ang talim ng iyong buto.
Hindi na mangingiming pang ibalik pa
sa tahimik na daluyong ng oras
ang mga kamay na ito na walang pagpapatawad.

3. Mata*

May tupok na anghel na bagong hirang
sa loob ng malaking puwang.
Walang paglalagyan ng ligalig,
marahang pagiingat lamang,
kung tatanaw sa kabilang kuwarto ng halinghingan
na para bang nagtatalik ang nais
sa hindi maangkin

nangungusap nang walang karampatang pagmamalabis.
022924

Minsan ka nang lumuha’t
Nagtiis sa mga salıtang binato ng mundo.
Minsan ka na ring napatid at nalunod
Ngunit bumangon at sumikap pa rin.

Sinisinta kita
Sa kabila ng iyong mga pagkukulang.
Pagpapatawad at pag-ibig
Umaapaw buhat sa aking kaibuturan.

Batuhin ka man ng lahat
Ay hindi kita iiwan.
Hindi ito isang pangako,
Bagkus ito ang aking puso.

Patuloy kitang ipananalangin,
Hangga’t sa kaya ko pa.
Hindi kita susukuan
Ako’y yuyukod sa Maykapal.
Parecious816 Jan 2019
Bagong taon nanaman
Bagong taon, Bagong buhay
Bagong pag asa, at higit sa lahat bagong pagkakataon para sa pagmamahal, pagpapatawad at pagbabago

Isang pagkakataon ang ibinigay
Sasayangin pa ba ito?
Maraming tao ang bibihirang mabigyan ng pagkakataon
Sabi nga nila 'grab the opportunity'
pero pano mo matatanggap ang isang pagkakataon kung ang resulta'y maraming magbabago
pagbabago na  pweding magdudulot ng saya o galak
Handa ka ba rito?

Aba'y dapat lang
Sa bawat pagkakataon
Maging matapang
Sa bawat pagbabagoy
Maging handa

Buksan ang isipan
Punan ang puso ng pag asa at sayay dahil habang may buhay may pag asa
Dahil habang buhay
May bagong pagkakataong dala
110221

Bakit nga ba pilit nating sinusugatan ang ating mga kamay?
At hinahayaan nating ang ating dugo'y masayang
Sa pagluha nito, hanggang sa maubusan na rin tayo ng hininga.

Ikinukubli pa rin nating ang ating mga sarili
Sa garapon ng ating pagkataong
Kailanma'y walang ibang magbubukas ng sagradong pintuan
Kundi tayo't tayo pa rin naman.

At paulit-ulit tayong humihinga sa ilalim ng makakapal na ulap
At sabay na lalanghap ng umuusok na pangambang
Ibinalot sa apoy na lagim ang tanging ipinupunla
Sa ating mga pusong wala pa noong kamalay-malay.

Tinutukso tayo ng mga sitwasyon upang tayo'y magpaubaya
At magpa-anod na lamang sa mga kumunoy na hihila sa atin pababa.
Ang ating mga halakhakan noong kabataan
Ay mga pangarap na sabay na iginuhit sa buhanginan
Ay tuluyan nang binura ng dagat na tila walang pakiramdam.

Gustuhin man nating umahon nang sabay
Ay kailangan may isa sa ating unang bumitaw at unang umahon.
Hindi na nga natin kayang sumabay sa isa't isa
Ngunit sana'y ang nasa unahan,
Siya rin ang unang mag-abot ng kanyang kamay
Para sa isang nalulunod pa.

Napapagod ako ngunit matapang kong hinaharap
Ang mga pagkakataon bagamat wala akong kasiguraduhan.
At sana sa panahong panatag na ang mga pusong
Naligaw sa sariling mga pasya't pangarap
Ay masilayan nating muli ang pagtahan ng mga matang
Buong buhay na lumuluha't nanlilimos ng pagpapatawad.
Yhinyhin Tan Jul 2022
Patawarin mo ako kung mas pinili kong mahalin ang sarili ko kaysa sa'yo.

Patawad kung mas natakot akong lumaban  dahil alam ko na rin naman kung  ano ang ating patutunguhan.

Patatawarin ko rin ang sarili ko dahil alam kong hindi rin naman ako naging kontento.

Kaya patawarin mo rin ang sarili mo sa mga pangakong hindi mo na nagawang matupad.

Hanggang ang pagpapatawad natin ay mauwi sa paghilom, at ang paghilom ay mauwi na rin sa wakas sa pag-usad at sa paglimot.

-Ate Yhin , April 9, 2022

— The End —