Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kahel Oct 2016
CPR
Nangako ako sayo na poprotektahan kita kahit anong mangyari
Nagsinungaling ako
Dahil noong araw na pinulikat ka habang nasa gitna ng dagat
Na sobrang lalim na hindi mo na makita ang ilalim
Hindi kita nasagip

Nangako ako sayo na iingatan kita ng di nagdadalawang-isip
Nagsinungaling ako
Habang naghihingalo ka at humihingi ng saklolo
Wala akong nagawa kundi tignan ang paghampas ng mga alon
Pinapamukha na bakit ba kasi hindi ako marunong lumangoy

Nangako ako sayo na hindi kita papabayaan mag-isa
Nagsinungaling ako
Hinayaan kita malunod at hatakin pababa ng iba't ibang lamang dagat
Hinayaan maubos ang hangin hanggang sa huling hininga
Pinanood lumubog ang mga matang kasing ganda ng mga perlas

Pasensya ka na at nagsinungaling ako
Dahil akala ko matatakasan ko ang sariling anino
Pasensya ka na at hindi kita nailigtas
Hinayaan ko na may ibang sumagip sayo dahil kung ako 'yon
Baka pareho lang tayong lumubog at malagay ka lalo sa panganib

Pasensya ka na at lumutang ang mga pangako
Na sabay lalanguyin ang lawak ng buhay
Sisisirin ang lalim ng ating mga pangarap
Sasalubungin ang mga problemang dadaong
Iiwasan ang mga dikya na dulot ng nakaraan

Kaya patawad dahil ngayon lang napupuno ang pagkukulang
Wag ka mag-alala,matututunan ko din tumalon ng walang alinlangan
Susubukan maabot ang dagat na tinatahak mo kahit gaano pa ito kaalat
Pero sa ngayon, pasensya muna unang nagpakilala ang takot kaysa sa lakas ng loob
Pasensya dahil tinangay tayo ng alon palayo sa isa't isa
Ken Alorro Sep 2015
Sa isang gabi, tinapos ko ang lahat
Tinapos ko ang mga luhang nanlalamig
Luhang ikaw mismo ang nagdulot
Mga luhang ni minsa'y di inakalang manggagaling
sa pagmumukhang ito

Sa isang gabi, tinapos ko ang lahat
Tinapos ko ang sakit na ikaw mismo ang nagdulot
Mahal, 'wag nang itanggi
Ikaw ang nagdulot nito.

Sa anim na bote ng alak, tinapos ko ang bawat sandaling kapiling ka
Sa mga sinehan na pinuntahan, sa mga kamang inilapag ang mga katawan, sa mga piling lugar o sa kahit saang sulok na ninais.

Sa anim na bote ng alak, tinapos kita.

Ang unang bote ng alak ay para sa iyong panlalamig
Totoo, nanlamig ka
Mas malamig pa sa boteng hawak-hawak
Sa bawat gabing kapiling ka, ang mga bisig mo lamang ang nagsisilbing unan
Oo mahal, nasa bisig mo ako, pero ang lamig na.

Ang pangalawang bote ng alak ay para sa'yong di pagpaparamdam
Nagdaan ang mga araw na nasanay akong wala ka
Nasanay akong mag isa sa bawat gabing ako'y may pangangailangan
Nasanay akong bigyan ng init ang sarili gamit ang mga kamay
Sinanay ko ang sarili
Pero higit sa lahat, sinanay mo ako

Ang pangatlong bote ng alak ay para sa iyong pagsisinungaling
Alam kong nagsinungaling ka na wala kang iba
Pag uwi mo sa akin, iba ang amoy, iba ang itsura
Kasi naman diba? Iba na ang nag-alaga
"I love you" sabi mo, pero sinungaling ka
Sinungaling

Ang pang-apat na bote ng alak ay para sa hindi mo pag-uwi sa akin
Mahal, ako ang iyong tahanan
Pero pinili mo ang lansangan

Ang pang-lima na bote ng alak ay para sa hindi mo pag alala
Pinili **** limutin ang ating mga sarili
Pinili **** maging bulag upang di ako makitang nasasaktan
Puta ka? Sana naging bulag ka na lang talaga

Ang pang-anim at panghuling bote ng alak ay para sa hindi mo pag-laban
Ipinaglaban kita
Ipinaglaban kita sa mga taong pilit tayong paghiwalayin
Ipinaglaban kita sa mga kaibigan ko
Ipinaglaban kita sa buong mundo
Pero please naman, ipaglaban mo rin ang sarili mo
Gawin mo para sa'yo


Sa anim na bote ng alak
Tinapos ko ang lahat at naitanong ang sarili
Sino nga ba ang nagpapasya kung minahal kita o hindi?
Ikaw ba? Sila?
Hindi ikaw! Hindi sila! Kundi ako!
Hindi sila ang magpapasya kung inibig kitang tunay
Dahil sa huli
Ako ang nagmahal, hindi sila
Ako ang nasaktan, hindi sila

Sa anim na bote ng alak
Tatapusin na kita at patuloy pa kitang tatapusin hanggang sa hindi maghilom ang sugat sa puso na pinili **** iwaksi.
madrid Mar 2017
Hindi ko mapagkakaila na marahil ikaw na nga
Ang pinakamatamis na tulang naisulat ko
Hindi ako sigurado kung dahil sa ikaw ang unang lalaking hinalikan ko sa ilalim ng bumubuhos na ulan
O dahil binigay ko ang lahat sa laban na 'to
Mula ulo hanggang paa
Mula buhok hanggang kuko
Mula balat hanggang buto
Tagos ang mga salitang yumayakap sakin bawat gabi
Halos hindi na nga tayo matulog diba sa dinami-dami
ng kwentong ibinahagi natin sa isa't isa

Naaalala mo pa ba
Noong sinabi mo sakin ang takot mo sa dilim
At kahit hindi ako nakakatulog ng may ilaw
Hindi ko pinapatay kahit para sakin nakakasilaw
Para sayo

Naaalala mo pa ba?
Noong unang beses kong sinabi na mahal kita
At ang nakakatawa ay ayaw mo pang maniwala sa aking mga salita
Dahil matagal tagal mo rin tong hinintay
Dahil sa ating dalawa
Alam natin na ikaw ang nauna

Naaalala mo pa ba?
Ang mga pagkakataong nagtabi tayo sa kama
Pero iba
Ibang-iba yung unang beses na nagsama tayo
Matapos kong ibigay ang aking "oo"

Naaalala mo pa ba?
Ang iyong paglaro sa gitara
Habang ako'y kumakanta
At sa hinaba-haba ng gabi ay siya lang ang iyong maririnig
Ang ating musika
Na bumabalot sa buong daigdig
Na para bang wala ng ibang tao sa mundo
Kundi ikaw at ako
Tayo, ang bumuhay sa mga nota
Na para bang may sarili silang isip
Sumasayaw sabay sa pag-ihip ng hangin
Sa akin
Alam ko na sa akin ka lang
At sa'yo lang ako
Ito ang binuo nating pangako
Mapa-dilim, o umaga
Maaasahan mo na sayo lang ako
At akin ka lang

Naaalala mo pa ba?
Kung paano mo ko napangiti
Sa simpleng biro mo ay mabilisang tumutupi ang simangot ko
Na sa kahit anong sitwasyon
Gamay mo ang pagmanipula sa aking mukha
Napapatawa
Napapangiti
Nagigising
Napapatulog
Napapalaki ang mga mata sa gulat
Napapakulot ang noo sa alat ng alak
Napapahalakhak
At maski ang aking pag-iyak ay nakabisado mo na

Pero sa lahat ng naaalala ko
Hindi ko na maalala kung paano mo ko hinawakan
Kung paano mo ko sinabihan ng "walang iwanan"
Kung paano mo ko hinagkan na parang wala ng bukas
Kung paano mo ko tinitigan
At ginawang laruan
Na gagamitin pag kailangan
At isasantabi pag pinagsawaan
Na anumang oras ay pwede paring balikan

Hindi ko na maalala kung paano ka nagsinungaling
Na parang henyo sa sobrang galing
Hindi ko maalala kung paano mo ko sinabihan
Ng mga salitang,
"Binibitawan na kita."
Hindi ko maalala kung paano ko hinayaan
Na sumuko ka ng ganon ganon na lang
Hindi ko maalala kung paano mo nagawang
Sabihan ako ng "Miss na kita."
Habang hinahalikan mo siya
Hindi ko maalala.
Hindi ko na maalala.
At ayoko ng maalala.

Sa totoo lang hindi ko pinagsisisihang wala ng tayo
Pero gusto ko lang sabihin sayo na sinisi ko ang sarili ko
Sa lahat ng pagkakamali mo
Para sa mga bakit na hindi nasagot
Paea sa mga sugat na hanggang ngayon ay hindi parin nagagamot
Para sa mga tanong ng madla na pinipilit ko paring ibaon sa ilalim ng lupa at takpan ng limot

Bakit hindi mo siya kasama?
Ah kasi ayaw niya kong makita.
Bakit siya nalasing?
Ah kasi nag-away kami kanina.
Bakit siya umiiwas?
Ah kasi nagsasawa na siya.
Bakit hindi ka na niya pinupuntahan?
Baka kasi hindi ko binigay ang lahat.
Bakit hindi siya lumaban?
Baka kasi hindi ako naging sapat.

Bakit siya naghanap ng iba?
Bakit nga ba?
Bakit pinagmukha mo kong tanga?

Pero hindi tanong ang pinakamasakit sa lahat
Eto
Eto ang hindi kinaya ng puso
Na para bang ayoko ng mabuhay kahit isa pang oras,
Isa pang minuto
Isa pang segundo
Eto ang mga salitang pinamukhang talong talo na ako

"Uy, sabi niya wala na daw kayo."

Konting konti nalang
Hindi na kailangan budburan ng asukal ang kwentong ito
Dahil uulitin ko
Hindi ko mapagkakaila na marahil ikaw na nga
Ang pinakamatamis na tulang naisulat ko
Sayang lang nga
Hanggang tula nalang ito
Sana pala naging tula nalang tayo
Mahilig akong manood ng pelikula
Sisiyasatin ko ang bawat balangkas
Panonoorin mula sa simula
Papunta sa kasukdulan ng kwento
Hanggang sa katapusan ng kwento

Isa sa paborito kong kategorya nito
Ay ang pag-ibig

Napakasayang manood ng pelikulang pag-iibigan ang tema
Dahil kahit minsan ay katulad din ito ng nararanasan natin

Magsisimula sa pagpapakilala
Sa “ako nga pala si..”
“At ako naman si..”
Sabay ngiti na tila titigil ang mundo
Bibilis ang pintig ng puso
At mapupuno ang tiyan
na tila nakalunok ng sangkatutak paruparo
At nanirahan sa ilalim ng mga kalamnan mo

Napakatamis ng mga simula
Ang mga panahong ang mga mata
Ang nagsisilbing daluyan
Ng enerhiya na nagpapasabay ng tibok
ng puso niyong dalawa
Ang mga panahong ang mga kamay
Ang nagsisilbing hawakan sa pinakamalayong paglalakbay

Kikiligin ka sa simula

Magpapatuloy sa kasukdulan
Magpapatuloy
Sa “Bakit hindi mo agad sinabi?”
Sa “Bakit ka nagsinungaling saakin?”
Sa “Ano bang nagawa ko sa’yo”
Sa “Saan ba ako nagkamali?”

Matututunan mo na ang pag-ibig pala ay nagbabago
Ang dating matamis ay naging mapait
At tila isang kape na dating kumukulo sa init
Ay nanlamig bigla
Sa di inaasahang panahon

At sa katapusan ay makikita mo ang dulo
Ang pagpapaalam
Ang mga salitang “Hanggang dito na lamang tayo”
Na kahit na ipinangako niyo sa isa’t isa ang walang hanggan
Ay naabot niyo pa rin ang dulo

At kahit na masakit ay tatanggapin mo
Dahil ang katotohanan ay
Ang pag-ibig ay nagwawakas

Mahilig ako sa mga kwento
Dahil dito umiikot ang mga pelikulang sinusubaybayan ko
Ang simula, kasukdulan at pagtatapos

Ang paborito kong istorya
Ay ang pag-ibig

Pag-ibig
Na nagsimula sa pagpapakilala
Sa pagtanggap ng katotohanan
na hindi ko kakayanin mag-isa
Sa pagsambit na ikaw lamang
ang kayang magligtas
sa kaluluwa kong ligaw

Hindi man puno ng tamis
Pero puno nmn ng tunay na pagsinta
Ng totoong nagmamahal

Ang mga mata niyang magbabantay saakin
Sa tuwing ako’y nag-iisa’t nasa panganib
Mga labi, na hindi mo man nakikita ang ngiti
pero ramdam ang pagmamahal sa tamis ng salitang sinasambit
Mga kamay, na hindi nagsisilbing hawakan, pero gabay
At sa tuwing naliligaw na ako’y andyan ka pra itama ang aking landas

Pag-ibig
Na ang kasukdulan ay
Naganap sa krus
Kung saan ipinakita ang tunay na kilos ng pagmamahal;
Sakripisyo
Kahit na hindi ako nararapat sa pag-ibig mo’y
Ibinigay mo ang lahat
Para lamang maibalik ang ako, na minsan nang naglibot papalayo
Sa kasabikan na mahanap ang dulo
Kasama ang mundo
pero nagkamali ako

Ang mundo ay iiwan kang lagalak
Sa kalsada
Humahanap ng titirhan
Humihingi ng makakain
At nanlilimos ng ng salapi

Pero ikaw ang pumulot saakin
Sa pagkaalipin ko sa mapanlinlang mundo
Iniangat mo ako sa kahirapan ko
Kahit na tila kapeng nanlamig ako
Ay hindi mo isinantabi
Pinaranas mo ang tunay na pag-ibig
Na hindi kayang ibigay ng kahit sino

At tulad ng mga pelkulang paborito ko
Hilig kong sinusubaybayan ang kwento
Ang paborito kong kwento ay ang pag-iibigan nating dalawa, Panginoon.

At magtatapos ito sa…
Mali.
Hindi pa rito nagtatapos ang kwento
Estranghero ang bawat numero
Arok kong ikaw iyon
Ang boses **** tila nasobrahan sa kape
Parang may giyera lang sa himpapawid.

"Yung katext mo kanina," yan ang sagot mo
Akala mo siguro wala akong ideya
Sa pagkatao mo.

Naisip ko rin yun
Na tawagan ka mula sa hiram na numero
Nang masanay ang pandinig
Sa boses **** walang kalambing-lambing.

Wala naman tayong listahan
"Long time, no communication," pa ang sambit mo
Bakit ba at tila ako'y miss mo na?
Wala naman akong masasabi sa kabilang linya.

Nagsinungaling ako
Nang sabihin ko ang porsyento ng baterya
Hindi sa ayaw kitang kausapin
Bagkus, wala akong maisip na tamang salita
Hindi ako makapag-isip ng tama
Sana ang diwa ko'y kasama mo na lang.

Yung pangako mo'y biglang napako
Akala ko nga malapit na
At tila binibilang ko ang nasa kalendaryo
Ako'y bigong muli.

Tatlong taong lumipas
Pero walang kupas ang kahapon
Sigurado akong tanda mo pa ang lahat
Na ang kahapon nati'y
Kailanma'y hindi pa tinutuldukan.

Kung ang pahinang ito'y mali sa katotohanan
Isa lang ang panalangin ko sa kanya
Na itong damdaming mahimlay na lamang
Pagkat ang lugar nito ngayo'y
Nasa tamang kondisyon pa naman.

Ramdam ko ang paghanga mo
Hindi ako manhid na minsang inisip mo
Hindi mo naman sinubukan noon,
Ba't ba pilit **** nililimot na mayroon pang ngayon?

At kung ang bukas ay wala nang araw
Sana'y ang pag-ibig ay sinimulan na noon pa man
Hindi pa man ramdam ang tunay
Bagkus sana ngayo'y kontinwasyon na lamang.

Wag nating takbuhin ang lakbaying ito
Hayaang ang layag ay dalhin ng hangin
Nang hindi makontra ang tamang ihip nito
At sa bagyong paparating
Ay maging handa na tayo.

Kung papalarin na tayo'y maparoon
Sa dakong Norte kung saan ang tama'y nakatrono
Hayaan nating ang oras ang maging saksi
Hindi ang magka-ibayong lupa ang tumuon.

(6/3/2014 @xirlleelang)
inggo Jul 2015
Sabi mo ako ay iyong mahal
Pero nagsinungaling ka ng sobrang tagal
Nagmukhang tanga at walang kamalay malay
Ang mga mata mo sa iba na pala sumusubaybay

Sabi mo ay ako lang at wala ng iba
Tuwang tuwang ako at sobrang saya
Wala palang katotohanan ang lahat
Isa lang ang ating puso, hindi ba yun sapat?

Sabi ko ay kaya kang patawarin
Ang nagawa mo ay hindi na iisipin
Ngunit ayaw **** tanggapin at pilit pinagtabuyan
Dahil ba ang puso mo sakanya na nakalaan?

Sabi ko ay kakayanin ang lahat ng sakit
Titigil na at hindi na ipipilit
Kahit ang dugong dumadaloy na ay alak
Tuloy ang buhay at luha'y hindi na papatak
John AD Feb 2018
Napakadaya nang buhay,Kanya-kanyang palusot para tumakas at maglakbay
Nagsinungaling ang tadhana ganun nga ba ang dahilan kung bakit sarado ang bintana
Tunog lang ang iyong naririnig , dahil hindi mo pedeng husgaan ang nasa loob ng kanyang bibig
Nagtataka ka dahil wala kang ebidensya sa mga narinig , Subalit umaatake padin ang mga daga sa dibdib
Nanginginig , dahil di ka sigurado sa tono , tama nga siguro ang hinala ko

Nakakalungkot lang isipin sarili nating kaibigan,kamag-anak,kapatid
Ay nagsisinungaling upang makamit ang kasiyahang dapat talagang ilihim
Ang daya naman dito , gusto ko nalang tumakas dito at ipunas ang mga luha ko
na hindi mo makikita dahil nakatago sa dilim

Balang araw dudungaw nalang ako sa isang butas na gawa sa abaka,
At tatakasan ang ilusyong mundo at maglakbay sa reyalidad

— The End —