Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Gustuhin ko mang makipagsapalaran
Sa mga letrang nakalutang sa himpapawid
Ay binabalot ako ng pagtatantya
Kung ito na ba ang tamang oras
Para kunin ang aking panulat
At iguhit ang silakbo ng aking damdamin.

Humihinto ang mga oras sa bawat pag-uusig
At tinitimbang ko pa rin
Ang mga barkong pumapagitna sa akin.
Nais kong kumawala at lumisan na lamang
Ngunit ang aking pagpapaalam
Ay mas magdudulot lamang ng dilim.

Gusto kong maniwala na ang solusyon
Ay sa pagitan ng mga iginuhit na linya
Ngunit ang aking puso'y nagtataglay ng apoy
Na maaaring makasunog sa mga barkong ito.

Hindi ko mapigilan ang nagniningas sa aking kaloob-looban
At ang boses na mas lalo pang lumalakas
Kasabay ng pagtambol ng aking hininga.
Gusto Nitong tupukin ang lahat
At sakupin ang bawat naglalayag
Sa kani-kanilang mga direksyon.

Pumikit ako at tumalon sa karagatan ng aking imahinasyon –
Imahinasyong masasabi kong tunay na engkwentro.
Patuloy kong nilalaban ang mga ugat sa aking mga braso
Na sa bawat pulso ng aking pagkatao'y
Pilit na kumikitil sa aking pagpapasya
Na mas sumisid pa sa mas malalim.

Napahinto ako sa aking pagpupumiglas
Pagkat narinig ko ang tinig na nagsasabing,
"Manatili ka lamang,"
At ako'y kusang sumabay sa ritmo ng Tinig na iyon
At unti-unti kong nasilayan na naglaho na
Ang mga agiw sa aking mga mata
At kusa ko nang nararamdamang
Mas kaya ko nang huminga sa mas malalim pa.

Ito ang aking hantungan,
Ito ang sinasabi kong liwanag.
Ito ang aking kapanatagan,
At sa Kanya ang aking lilim ng kaliwanagan.
Dhaye Margaux May 2014
Bakit ang umaga'y salaming nagniningning
At ang aking gabi'y sineng walang tabing?
Bakit ang magdamag ay tila araw mandin
Na kung di masilip ay tila kulang pa rin?

Sa oras na laging kita'y maalala
Balintataw manding anyo mo'y makita;
Ngiti ng puso ko'y anghel ang kapara
Dala ng pagsuyong ikaw ang may likha.

Di man naglalayag ang anyo kong lugod
Naglalakbay naman sa aking pagtulog;
Diwa at puso ko'y nawalan ng takot
Laging ako't ikaw yaong nasasangkot.

Saang mundo kayang di ka mamamasdan?
Wala nga sapagkat tanging ikaw lamang;
Takbo ng panaho'y di namamalayan
Basta't laging ikaw itong kaulayaw.

Daigdig mang ito'y tuksong kumakaway
Kung tayong dalawa'y landas na makulay;
Musika ng puso ay aalingawngaw
Mundo'y paraisong doo'y laging ikaw!


English Version:

You Will Always Be There

Oh, why each morning is like a bright looking glass
And my night's like a theater without a curtain?
Tell me why an overnight seems like a new day
That when I can't see you, life seems so uncertain?

Each moment that I cannot see you, my dearest
Even your shadow is always enough for me
My heart always smile like that of an angel's beam
Brought by this precious love only I could see.

Though I couldn't reach you with these frail arms and hands
I can still touch you, my dear, in my cherished dreams
My mind and my heart, they were strong, I'm not afraid
Only you and I, we can get through the extremes.

In what kind of world does this heart couldn't see you
If there's only one image in these eyes of mine?
Our time is running fast and yet we cannot feel
When you're here beside me, I will always be fine.

If this world of ours is a waving temptation
It would still be a bright path when we truly care
Rhythm of our hearts will echo and resonate
A place is paradise where you'll always be there!
A Filipino poem with an English version.
Nyl Nov 2016
Ako ay mag-isang naglalayag
Sa malawak na karagatan
At ika'y nasilayang
Kumakaway sa dalampasigan

Ang iyong ngiti
Ay parang sa sinag ng araw

Kaya't nang ikaw ay umalis
Maihahalintulad
Sa paglisan ng buwan
Sa madilim na gabi

At doon ko nalaman
Ang kahulugan ng
Kalungkutan
Lev Rosario Mar 2021
May trahedya na kumakapit
Sa aking katawan
Ayaw akong bitawan
Hindi ko magawang kalimutan
Kalunos lunos
Parang hayop na hindi
Makahanap ng tubig
At nakahandusay
Sa kanyang ina.

May trahedya na kumakapit
Sa aking katawan
Pinagtatawanan ang aking
Pagsusumikap.
Iniinsulto ang aking ngiti
Nagdudulot ng tagtuyot
Sa sanlibutan ng aking
Kaluluwa

May trahedya na kumakapit
Sa aking katawan
Nagtatago sa aking kuwarto
At lumalabas sa sarili niyang oras
May sariling bibliya na naglalaman
Ng kasinungalingan at kahayupan

May trahedya na kumakapit
Sa aking katawan
Unti-unti akong pinapalitan
Inoorasan, hinuhusgahan
Sinisiklaban ang aking
Mga panaginip

May trahedya na kumakapit
Sa aking katawan
Naglalayag sa dagat ng itim na araw
Pinipilipit ang aking mga laman loob
At pumpatay ng mga inosente

May trahedya na kumakapit
Say aking katawan
Pinipilit kong pakainin
Patahimikin, pagurin
Ngunit hindi magawang
Kaibiganin
Triste May 2019
Sumikat ang araw sa puso ko
Tinangay ang mga ulap sa isipan
Sa wakas may ngiti na sa mga labi ng umaga
At ang gabi ay tumahan sa lilim ng iyong mga mata
Ang kinang ng mga tala ay lumulutang sa ibabaw ng karagatan
Habang ang oras ay naglalayag sa asul na kalawakan
Mga salita kong binulong sa hangin
Naging paru-paro sa iyong mga kamay
Mga paa kong ligaw ay nakatagpo ng hiwaga sa mga yapak mo
At sa himig ng mga iiwanang bakas ay mananatili tayo.
Clara Mar 2022
Hayan nanaman sila,
Naglalayag muli ang mga mamamahayag,
Lagalag nanaman ang bandera ng pula, berde't asul
Sa gitna ng karagatan ng mga nauupos na katotohanan,
Ang hangin ng pagbabago ay muli nanamang umiihip,
Tulak-tulak ang bangkang ginawa mula sa diyaryo't mga pangarap,

At doon,
Sa islang pinanggalingan ng mga mamamahayag,
Kung saan ang mga tao'y kasali sa isang paligsahan ng mga bangkay,
Nakatayo sa sentro ang isang pulang bahay na nagmamatyag,
Sa kanyang pader nakaukit ang mga alituntunin ng larong maingay,

Mangyari lang daw na patayin ang nagsasayawang mga apoy na nagbibigay ilaw sa pagbabago,
Mangyari lang daw na patigilin ang pagkembot ng mga bewang sa kumpas ng isang ipinagbabawal na musika,
Mangyari lang daw na mangarap ngunit tumingala sa usok ng kanyang establisiyemento,
Mangyari lang daw na maglabas ng buntong hininga ngunit huwag sanang pagkamalang pamumulitika,

Sa nayong malapit sa dalampasigan ng isla,
Kung saan ang buhangin ay nananatili pang morena't hindi pula,
Matatanaw ang isang maliit na eskenita,
Kung saan naglalakad ang mga pudpod na paang naghahanap ng pag-asa,
Ang daang malubak ngunit binuo ng pinagtagpi-tagping mga proweba,
Ay mag tuturo sa daungan ng bangka ng mga sinabing peryodista,

Ngunit pagdating sa nasabing tagong lugar,
May mahabang pilang nag-aantay sa naturang bangka,
Wari'y lahat ng talampakan ng mga tao'y dumudugo ngunit hindi namumula,
Lahat ay may dalang maleta ngunit hindi naglalayas o nawawala,

Sila'y nakapila upang antayin ang bangka,
Hindi para sumama,
Kundi para maging kalasag ng isang malayang pagpapahayag,
Para maging tagapagtanggol ng isang katotohanang nararapat makita ng lahat ng mga nabigador,
Para mapatahimik, hindi lang ang lagim ng laro,
Kundi lahat ng mga bangkay na naiwan niyang nag iingay
The poem was written as an org entry during the ABS CBN shutdown in 2020.

— The End —