Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Dalawang taon na ang nakalipas
Ang aking unang nakitang liwanag,
Isang liwanag na ako’y nasilaw
At nahimala sa ‘king natagpuan,

Ang ilaw na ito ay mahalaga,
Mas mahalaga pa sa milyong pera,
At hindi ko ito inaakala
Na ito pala’y aking makikita,

Isang araw ako ay may tiwala,
May tiwala na magiging akin s’ya,
Itong tiwala ay isang tadhana,
Tadhanang ika’y mapapahimala,

Itong ilaw ay aking binitawan,
At pinagpalit sa ibang liwanag,
At ito ay aking napagsisihan,
At bumalik sa ‘king unang liwanag,

Nung ako ay nakabalik sa ilaw
Hindi ko ulit ito mabibitaw,
At ang aking problema ay gumaan
At hindi ko ulit ito iiwan

Ang tula na ito ay maliwanag
At di kailangan ng paliwanag,
Itong tula ay isang kwento lamang
At ito ay nagsisimula palang,

Kapag ako’y na sa gitna ng dilim
Ikaw ay nandoon para saakin,
Para ako ay kumintab sa dilim
Tuwing ang araw ay ‘sang makulimlim,

Ako’y natutuwa sa ‘yong itsura
Tuwing ikaw ay naging masaya,
Pati ako ay nagiging masaya
Ang iyong saya ay nakakahawa,

Kung ika’y nakita kong nakangiti
Ang damdamin ko ay gustong ngumiti,
At maraming taong gustong humingi
Nang iyong tuwa sa iyong pagngiti,

Dahil sa’yo, hindi ko mapigilan
Na tumingin sa iyong kagandahan,
Na hindi ko kayang makalimutan
Ang kagandahan na ‘king minamasdan,

Sa ‘yong ugali ay ‘king nagustuhan
Dahil sa iyong pagka-orihinal,
At sa ‘yong magandang kaugalian
Na di kayang magaya ng sinuman,

Ang iyong mata ay isang bituin
Dahil sila ay magandang titigin,
Na walang plano para lang tumigil
Kahit ito’y nasa gitna ng dilim,

At isang araw na nakita kita
Ikaw ay ang aking naging tadhana,
Kahit pinakaunang pagkita
Ikaw na agad ang aking nadama,

Kahit hindi pa tayo magkaibigan
tangi ‘kaw na ang aking nagustuhan,
Na walang kahirap-hirap maghanap
Sa iyong nakatagong kagandahan,

Sa ilang taon na aking pasensya
At ito ay sulit na hintayin kita,
Dahil ikaw ay walang kasing halaga
Nang kahit anong halaga ng pera,

Ikaw ay isang tunay na liwanag
Dahil ang aking buhay ay kuminang,
Na walang tigil para lang kuminang
Para Makita ang aking daanan,

Ilang taon ko na itong tinago
Para lang ikaw ay hindi lumayo,
Na sa aking pag-iisip sa iyo
Na damdaming ito ay di matuyo,

Di ko ipipilit ang ‘yong pagmahal
Na ako ang iyong karapat dapat,
Na mahalin, para sa iyong buhay
At ako’y may respeto sa ‘yong buhay,

Ang aking nakatagong pakiramdam
At ito ay para sa iyo lamang,
Ako ay swerte nawalang kaagaw
Dahil ako ay mag-iisa lamang,

At ako ay hindi titigil dito
Dahil ito ay para lang sa iyo,
At wala kang kaagaw para dito
Dahil ako ay para lang sa iyo,

Sa puso ko’y hindi kita mabibitaw
Dahil para sa ‘kin ika’y  espesyal,
At ikaw ay hindi mapapahamak
Dahil ako ay naririto lamang,

Ako ay  nakapili ng seryoso
At hindi nagkakamali sa iyo,
At ikaw ang aking sariling mundo,
At hinding-hindi ko ‘to magugulo,

Kung ikaw ay wala, ako’y madilim
Hindi magbabago ang ‘king damdamin,
Sapagkat ito ay hindi titigil
Dahil ikaw ay ang aking bituin,

Kahit malawak ang ating paligid
Tayo ay magkikita pa rin ulit,
Dahil ito ay ang aking damdamin
At ‘tong damdamin ay para sa atin,

Ikaw ang nagbigay sa ‘kin ng pag-asa,
At ito ay nagamit ko ng tama,
Hindi ako palaging umaasa
Dahil ito’y bihira lang tumama,

Tuwing ako ay may nalilimutan
Ikaw agad ang aking natandaan,
Kahit ikaw ay ang aking iniwan
Ikaw ang lumabas sa ‘king isipan,

Ang tula na ito ay magwawakas
Ngunit ang damdamin ko’y walang hanggan,
Tatlong saknong nalang ang katapusan
Dahil ito ang huli kong sagutan,

Para saakin ikaw ang liwanag
Kung ika’y wala, ako’y isang bulag
Tuwing kumintab ang ‘yong kagandahan,
Ang mga bulaklak ay namulaklak,

Ilang taon ko na itong hinintay,
Para lang ang damdamin ko’y malabas,
Itong pagkakataon ang dumaan
Para malaman **** ‘king naramdaman,

Hindi ko inakala ang ‘yong ganda
Na ang ibang tao ay di makita,
Ito na ang katapusan ng tula,
At salamat sa iyong pagbabasa.
First Ever poem
ZT Jun 2015
Habang hawak-hawak mo ang kanyang kamay
            'San man kayo magpunta
Kailan ba'y naisip mo ako
            Na nalulunod sa pangungulila
                        Nang ako'y iyong binitiwan?

Habang kayakap mo siya
            Sa gabing maginaw
Kailan ba'y naisip mo ako
            Na naghihintay sa'yo
                        Mag-isa, nanlalamig
                                    At sa init ng 'yong yakap ay uhaw?

Habang hinahalikan mo
Ang kanyang mapupulang labi
Kailan ba'y naisip mo ako
            Na halos matuyo na ang labi
                        Sa kasasambit ng pangalan mo?

Habang binubulong mo sa kanya
            Kung gaano mo siya kamahal
Kailan ba'y naisip mo ako,
            Narinig mo ako?
                        Sumisigaw na "Mahal na Mahal kita!"

Habang pinagmamasdan mo
            Ang kanyang matamis na ngiti
Kailan ba'y naisip mo ako,
            Nakita mo ako, nakita mo
                        Kung gaano na karaming patak ng luha
                                    Ang naidilig ko sa lupa?

At sa kung siya ay umiiyak at iyong pinatatahan
Habang pinupunasan mo
Ang kanyang mga luha
Kailan ba'y naisip mo ako,
            Naisipan mo man lang ba?
                        Na itigil ang paulit-ulit
                                    Na pagsaksak mo sa puso kong
                                                Dumudgo sa kaiibig sayo?

Pero alam ko
Na may kasalan din ako
Kasi....

Kailan ma'y di ko naisip
Na sa higpit ng yakap ko'y nasasakal ka na pala

Kailan ma'y di ko naisip
Na kahit gaano kalawak ang bahay nati'y
            Nasisikipan parin ang iyong dibdib
                        At hindi kana nakakahinga

Kailan  ma'y di ko naisip
Na kahit napagalitan ka sa opisina, sabik ka sana sa paguwi
Pero ang dadatnan mo lang ay isang malawak na bahay
Na mayroong isang "ako" na puro dada at reklamo lang
At ang iyong naririnig mula sa aking bibig
na tila daig pa ang isang rapper
sa bilis at walang paltos na panlalait

Kailan ma'y di ko naisip
'di ko inisip ang iyong opinyon
Kasi palagi nalang ako, ako, ako
            Ako ang tama

Kailan ma'y di ko naisip
Habang ika'y umuuwing pagod
Dinuduro pa rin kita
            At ito'y tumatagos na sa puso mo
                        Hanggang sa sinabi **** tama na,
                                    Hindi mo na kaya, Ayaw mo na

At yun umalis kana, iniwan mo na ako

Pero heto ako ngayon sa harapan mo...
Nagtatanong
            Kung mahal mo pa ba ako?

At kung ang iyong sagot ay hindi na'y

Heto ako ngayon sa harapan mo...
Nagbabakasakali
            Na may pag-asa pang mahalin mo ako ulit

At kung wala na ay

Heto ako ngayon
Sa harapan mo
Lumuluhod
Nagmamakaawa
Na balikan mo ako

Balikan mo ako
Balikan mo kami

Pakiusap umuwi ka na
Sa malawak na bahay
Na bahay mo, na bahay ko

Umuwi ka na, kahit 'di para sa'kin
Kun'di para sa mga anak mo, na anak ko
Para sa pamilyang ito

Parang awa mo na
Bumalik ka na
Kasi sa malawak na bahay
Naroon ako, at ang mga anak mo
Nangungulila... at
Naghihintay
Sa pagbalik mo

x.x
Actually I am a Filipina, so at times I may also post Tagalog poems, I hope other Filipinos will like it too.. This poem is inspired by real life existing family problems of people
Katryna Mar 2018
Kung bibigyan ako ng pagkakataon,
Magsusulat akong muli.

Kung saan hindi ko pa ramdam ang sakit,
Kung saan hindi ko pa ramdam ang pait,
Kung saan masaya ang umpisa at masarap pa ang huli.

Kung saan buo pa ang sarili at wala pang pilas ang pagkatao
Kung saan ang lahat ay umiikot pa sa ating dalawa.

Isusulat kita,
Paulit ulit kong isusulat ang ilang berso ng ating kwento
Dalhin man ako sa malayong pinagmulan nito,
O dalhin man ako sa masakit na katotohanan nito.

Isusulat ko pa rin ng paulit ulit ang mga kwento natin,
At patuloy kong babaguhin hanggang ang lahat ay maging tama.

Sa paraang gusto ko,
Sa paraang maisasalba ko ang salitang "tayo".

Kahit parusahan man ako ng mundo,
Ikaw at ikaw pa rin ang mamahalin ko.

Hindi man alam ng mga tao,
Hindi man ako pagbigyan ng puso nyang mahalin ka.

Ilayo ka man nya,
Lumayo man kayo,

Uulitin ko ang mga kwento ko,
Hanggang mag tama muli ang mundo mo at mundo ko.

Mamahalin kita ng paulit ulit.
Hanggang ang salitang pagod na ako ay maging hindi na totoo
Hanggang ang luha ko ay matuyo at di na muling tumulo.

Mamahalin kita ng paulit ulit,
Hanggang huling hininga ko, uulitin ko ang pagkakataong ito.
Isang libong tansan dating takip sa bote ng alak
Isang drum ng luhang walang galak
Maubos man ito't tuloyang matuyo
Ikaw rin naman ay nasa malayo

Tama na 'to, tama na po
Tanginang pag-ibig kelan ba susuko?
Tama na 'to, tama na po
Paalam na, mahal ko'ng sumuko

Kape sa umaga, iyak sa gabi
Ako ba ito? Hindi ko mawari
Sa kama ko'ng dati kitang katabi
Tutupiin ko na, at itatabi

Tama na 'to, tama na po
Tanginang pag-ibig kelan ba susuko?
Tama na 'to, tama na po
Paalam na, mahal ko'ng sumuko

Wala na akong maidudugtong,
"Paalam Shin Hye" sinigaw ko'ng pabulong
Jasmin Sep 2015
'Wag **** sabihing mahal mo ako
Kung noong mga panahong hinahanap ko ang yakap mo
Ako'y tinalikuran mo't iniwang nakalutang
Sa pag-asang ako'y iyong babalikan.

'Wag **** sabihing mahal mo ako
Kung ang pagsuyo mo ay mas malamig pa sa yelo,
Ang ulan ma'y bumubuhos
Ang damdamin ko'y nauubos.

Tama na ang paikot-ikot na laro
Wakasan na ang ugnayan na dati'y kay lago
Hiling ko lamang, nawa'y ang ating luha ay matuyo
Sa lakas ng hangin dala ng ating pagtayo.
Christien Ramos Jul 2020
Sinabi ko noon sa sarili ko na
kapag dumating ang gabing itutulak táyo ng hangin upang pagtagpuin --
kapag dumating ang araw na pagbanggaing muli ang ating mga damdamin,
silàng may kanya-kanyang hinanaing,

Huwag mo akong yayakapin.

Huwag mo akong hahalikan.
Huwag **** hahaplusin ang mga nanlalamig kong braso.
Huwag mo akong iiyakan.

Ayokong maalala ang kinabisa kong init mo.

Naniniwala ako na sapat na ang mga titig,
ang mga nangungusap na mata.
sapat na ang distansya,
ang espasyo sa pagitan nating dalawa.
sapat na ang iniyak natin noon.
sapat nang hindi táyo katukin ng mga ala-ala búkas.
sapat nang natuto táyo sa kahapon.
sapat nang kilala na natin ang lunas.
sapat nang napatawad kita't napatawad mo ako
at kung paanong napatawad natin ang ating mga sarili.
sapat nang káya mo nang matulog sa gabi
dahil sapat na ring káya ko nang gumising sa umaga.
sapat na ang mga naisulat na liham,
ang mga talatang humihingi ng kapatawaran.
sapat na ang mga musikang sabay nating inawit,
ang mga tonong hindi nagkakapanagpo.
sapat nang mga panyo na lámang ang nakasaksi ng mga hikbi ko sa gabi,
ng mga luhang nahihirapang matuyo,
ng mga pusong magkahiwalay na nagdurugo.
sapat na ang mga alak na nagmistulang kaibigan,
ang mga unan na yumuyupyop sa aking balat.
sapat na ang aking silid na itinuring kong simbahan
dahil sapat na ring paulit-ulit kong ipinagdarasal na maghilom na ang mga sugat.
sapat na ang magagandang gunita,
mga ala-alang ating ginawa.
sapat nang nagagawa mo na muling ngumiti
dahil sapat na ring nagagawa ko nang tumawa.
sapat nang naiintindihan ko na
at sapat nang hindi ka na magmakaawa.
sapat na ang mga regalong aking nagustuhan
dahil sapat na rin ang pagbitiw na hindi ko inayawan.
sapat na ang lakas ng loob na inipon ko dati
dahil sapat na rin ang tákot na naramdaman ko noong iyong sinabing,

"Hindi ka pa pala sapat."
Salamat.

Hindi mo ako masisisi kung minsan na akong naniwalang hindi ako ang nagkulang.

Pero ngayon.
Kapag dumating ang pagkakataon
na muling mag-krus ang ating mga nangungulilang landas,

Hahayaan kitang yakapin ako;
halikan ako;
Hahayaan kong haplusin mo ang nanlalamig kong mga braso at kahit sa huling pagkakataon,
Hahayaan din kitang umiyak

dahil ito na rin ang huling beses na kikilalanin ko ang init mo; at pagkatapos

kalilimutan ko na.

---
Itaas na ang bandera at iwagayway
Iharap pababa sa mga naglulupasay

Dito magsisimula
Ang pagkuha ng retrato
Dito magsisimula
Ang pagkuha ng “selfie”

Sa pagtunog ng isang “click”
Ay makukuha ang atensyon mo,
Maaaliw ka,
Mabibighani’t mapapatingin
At tila pag kumukuha ka ng retrato
Ay ikaw ang pinakamaganda
Sa naglalakihang lente na nasa screen

Sa pagtunog ng isang “click”
Ay mapapangiti ka
Photogenic daw, ika nga
At sa pagkatapos lagi ng mga ito
Ay mawawala nalang bigla
Na tila nagsusuot ka ng antipas
Tuwing nakangiti nagpapakuha ng retrato

Sa pagtunog ng isang “click”
Ay mag aayos ka
Magpapagwapo’t magpapaganda
At tila isa itong contest
At kailangan ikaw ang pinakamaganda
At sa pagkatapos nito
Ay titignan mo kung nadaig mo ba sila

Ngunit bakit ikaw na hindi naman kumukuha ng retrato
Ay tila nagiging isang kodak o kamera

Na sa tuwing tumitingin ako sayo ay tila makukuhanan ako ng retrato
Na tuwing nakikita kita, wala mang click, ay titingin ako sa mga mata mo na tila lente ng kamera

Sa paglapit mo saakin
Ay makukuha mo ang atensyon ko,
Maaaliw ako, mabibighani’t mapapatingin
At tila pag kasama kita
Ay wala akong mahiling
Kundi ang patigilin ang oras
Para manatili sa piling mo

Ngunit bakit kapag nasa iyo ang atensyon ko
Ikaw ay nakatingin naman sa iba
Hindi ang pagiging nandito ko ang tumatakbo
Sa munting isip mo, kundi siya

Sa paglapit mo saakin
Ay mag aayos akong bigla
Magpapagwapo o magpapaganda
At tila isa itong contest  
Na kailangan madaig ko siya
Pero parang hindi ko kaya

Dahil kahit kailan hindi ko madadaig siya
At kahit na gaano mo pa ako lapitan
Siya parin ang magiging malapit dahil sa kariktan
At ako ay maiiwan sa alon ng pag-iisa

Sa paglapit mo saakin
Ay mapapangiti ako
Lalabas ang mga ngipin
Na tila nasa isang patalastas ako ng colgate
Ngingiti
At ngingiti lang

Ngunit sa likod ng mga ngiting ito
Ang tinatago ko ay luha

Mga luha na hindi ko ninanais na makita mo
Sanhi ng simula mo ‘kong paasahin

Mga luha na pinili kong itago mula sa’yo
Dahil alam ko rin naman na hindi mo ito papansinin

Hindi ka naman kodak na itinataas ko
Ngunit bakit pakiramdam ko ay nakatingin ka saakin pababa
Habang ako’y nasasaktan at nagluluksa

At sa pagtapos ko ng piyesang ito
Ang tanging hiling ko lamang ay
Mga retrato na maaaring itabi
Dahil nag uumapaw na ang mga mata kong gusto nang matuyo

Itaas na ang bandera at iwagayway
Iharap pababa sa mga naglulupasay

Dito magtatapos
Ang pagkuha ng retrato
Dito magtatapos
Ang pagkuha ng “selfie”
This  poem is meant to be spoken
Agatha Prideaux Mar 2020
Pwede ba, na sa bawat pag-gising
At bawat pagtibok ng puso habang pumapasok
Ang sinag ng araw sa aking bintana
Ay makakalimutan ka na?

Dala na ang kamao **** tila nakabalot
Sa aking pinunong dibdib
Na niyurakan at kumikirot dahil sa iyong
Mahigpit na hawak sa akin, pwede ba?

Sana nama'y makaligtaan na ang tono, huni, at nilalahad
Ng mga kantang noo'y sinasabayan pa ng ating
Mga tawa, padyak, hiyaw, galaw
Balang araw, sana nga.

Maaari bang itapon na ang papel na naglalaman
Ng mga nais ko sanang ipahayag sayo noon
Kasabay na ang mga kasinungalingang binulyaw mo sa akin gamit ang mga letrang padala mo
Ako'y pagod na.

Pagod nang magparamdam, makiramdam
Makaramdam ng purong pagdamdam
Na alam kong kailan ma'y hindi mo na mararamdaman
Tama na.

Kung maaaring mawalay na
Sa pagkapit sa mga matatamis na salitang
Ibinulong mo sa akin habang inaambunan tayo
Ng sinag ng buwan sa gabing kay liwanag.

Sana'y matuyo na ang mga nasayang na luha
Noong sinabi ko sayo na ika'y aking minamahal
Na kung saan binalik mo sa akin nang mas malutong, mas mabulaklak
Pero putangina, puro lang pala dada at walang kahulugan!

At noong dinagdagan mo pa ng mga pangakong
Pagmamahalan at pagsusuyuan sa ating unang pagkikita
Ay halos sumalangit ako sa tuwa at galak
Pero sa init at pait ng impyerno mo pala ako binagsak.

Gusto sana kitang tanungin
Kung naaalala mo pa ba lahat ng ating mga talumpati
Kung papaano natin nahanap ang ginhawa at katiwasayan
Sa mata ng isa't isa, oh aking minimithi.

Sinubukan kong uminom ng kung anu-anong likor
Na sa sobrang dami ay halos napuntahan ko na siguro
Lahat ng barikan na aking nalalaman
Para lang maialis ka sa isipang ikaw lang ang nilalaman.

Subalit, imbes na ika'y maglaho sa kuro
Ay mas naalala ka sa mga malulungkot na gabing
Nangangamoy alak at naglalasang halik mo
Tulad noong unang gabing hinagkan mo ang nag-iinit kong noo.

Ngayon, ika'y masaya na at kuntento
Sa piling ng taong sinabi mo sa akin na huwag alalahanin
Hindi mo lang alam kung paano ko pinilit ang aking sarili
Na tanggapin lahat ng iyong isinaksak at binaril sa puso kong siil

Tila tintang nakamansta sa puting palamuti
Na di maalis-alis kahit gaano ko man kuskusin
Ang memoryang nakalaan para sayo sa aking isipan at damdamin
Kay hirap nang hubarin at tanggalin

Siguro ako'y itinuring lamang na isang kagamitang
Pwedeng itapon matapos pagdiskitahan ng mapaglarong tadhana
Na noo'y pinaniwalaan at naging pamanhik ko
Sa sandaling itinahi na ang pangalan mo sa nagdurugo kong puso

Pero, sa huli, kinailangang limutin
At iparaya ang damdaming nakakulong parin
Hanggang ngayon sa yakap ng iyong bisig
At himbing ng mga talang tila patalim sa gitna ng dilim

Sana'y natuto na ang sariling pag-iisip
Na hinding-hindi magpalinlang sa mga matatamis na awit
Na pinuputak ng bibig na ang may ari ay
Walang espasyo sa kanyang isip at puso para sa akin.

Aking nawalay na sinta
Maaari bang ika'y pakawalan na?
Para sa atin—o baka sa aking kalayaan at kasiyahan nalang
Pwede ba, kakalimutan na kita?
Day 1 of #NaPoWriMo2020. As of now, I'm not yet following the prompts. But here's an entry nonetheless.
Jasmin May 2020
Sa maliit na awang na mayroon ang bintana
Tila ba naging labada ang puting kurtina
Kanina’y hinahangin pa ito nang bahagya
Ngunit nang dahil sa ulan, bahagi ng tela’y nabasa

Ampiyas lang naman kung tutuusin
Madaling matuyo, isampay lang sa mahabang salamin
Pagkatapos pagpagan maisasabit din
Balik pangharang sa malamig na hangin

Malapit na rin pala ang paglubog ng araw
Kanina lamang ang langit ay kulay bughaw
Repleksyon sa munting bintana’y nakasisilaw
Mayumi sa paningin, kay gandang matanaw

Kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang paglalim ng gabi
Gayunpama’y nanatili ang awang ng bintanang katabi
Tubig ulan sa dalawang kamay ay dumadampi
Marahang sinasalo ng ilang sandali

Lumipas ang oras at ang ulan ay tumila na
Ganoon din ang pag-asang matunghayan ka
Aking bituin, nagkamali ako ng hiniling—
Hanggang sa huli, ampiyas lang ang sa’kin.
Joseph Floreta Jul 2022
Hindi ko alam kung saan magsisimula,
Humahanap pa ako ng mga salita,
Dahil kung papano tayo nagsimula,
Hindi ko narin tanda,
Sadyang parang napaka bilis ng mga pangyayari,
Di ko alam kung papano ito nangyari,
Ngunit ganun pa man hayaan **** alayan kita,
Ng isang tula kung papano kita talaga unang nakita,
Kung papano kita unang pinagmasdan,
Kung papano kita unang nahawakan,
Hindi, hindi sa pisikal na kaanyuan,
Kundi sa napulot kong larawan **** may pangalan,
Larawan **** bumalot sa aking isip,
At sa puso kong binago ng ihip,
Ihip ng nakaraang pagibig,
Kasabay ng pagpulot ko sa iyong larawan,
Ay pagpulot ko narin sa puso kong nagkapira-piraso sa nakaraan,
Ngunit di ko naman inaasahang ikaw pala,
Ikaw pala ang magtatagpi tagpi nito.
Alam kong napakahirap dahil bawat piraso ay parang mga bubog,
Bawat piraso ay nakakasugat,
Ngunit mas pinili **** buohin ito,
Mas pinili **** buohin ito sa kabila ng panganib,
Ngunit binubuo mo ito na may pag iingat.
At sa bawat araw na hinahabi mo ang bawat pirasong ito,
Hayaan **** alalayan kita,
Aalalayan kita bagkus alam kong hindi madali ang ginagawa mo.
Alam kong nasa proseso ka palang ng iyong obra,
Ngunit ganun pa man ay ramdam kong buo na ako,
Nabuo mo na ang puso ko,
Pero kagaya ng isang pagpipinta,
Kahit tapos na ang obra maestra,
Hahayaan mo muna itong matuyo,
Ganun rin naman sa duguang puso,
Hahayaan mo muna itong mag hilom,
At kapag ito'y tuyo na , saka mo ito i spray-han ng acrylic,
Ilalagay sa kuwadro upang mai display sa pader ang sining ng iyong pagibig.

Hindi pa dito nag tatapos ang tula,
Ngunit alas tres na ng umaga,
Antok ay nag aanyaya na sa kama,
Hayaan **** sulatan pa kita sa mga susunod na araw,
Hanggang dito nalang muna aking sinta,
Para sa babaeng nililigawan ko ngayon, Mariss Rio, Salamat dahil nag take risk kang pagbuksan ako ng pinto, Kahit alam **** baka mahihirapan ka lang, baka masugatan at masaktan ka lang buhat sa nakaraan ko, tinanggap mo parin ako. Salamat... Wala na ako ibang mahihiling pa simula nang dumating ka sa buhay ko <3

— The End —