Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
KRRW Aug 2018
Hindi na natapos ang bagyo
At muling bubuhos ang ulan
Hindi na natapos ang araw
Hanggang masunog ang kalangitan.


Walang patid ang hangin
Lahat ng bagay ay kayang liparin
Rumaragasa ang tubig
Ngunit walang luhang kayang pawiin.


Hinahanap pa rin ang umaga
Kahit tanghali ay lipas na
Hinahanap pa rin ang liwanag
Humupa man ang sakuna.


Gumuguho pa rin ang lupa
Tinatabunan ang nakaraan
Gumuguho pa rin ang bundok
Gumuguho rin ang kapatagan
Gumuguho ang mga burol
Gumuguho ang mapupurol
Matalim man ay guguho rin
Pasusukuin ng suliranin.


Gumuguho ang lahat
Gumuguho sa bandang huli.


Hindi na natapos ang pagkawasak
Bumabagsak ang tulay na puno ng bitak.


Hindi na natapos ang paglisan.
Basa pa ang libingan,
May ihahatid muli sa himlayan.


Hindi na natapos ang unos
Delubyo sa gitna ng buhawi
Lindol sa gitna ng tagtuyot
Hinagpis sa gitna ng pagkamuhi.


Panaghoy sa dulo ng pagkasawi.


Dito na lang ako sa lilim
Kung saan nag-aagaw ang liwanag at dilim
Magkukubli sa isang sulok
Hanggang lamunin ng alikabok.


Hindi na natapos ang gabi
At tumigil ang orasan
Hindi pa tapos ang bagyo
Ay bumubuhos muli ang ulan.
Written
12 August 2018


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Wretched Jul 2015
Madasalin akong tao.
Pagmulat pa lang ng aking mga mata
sa aking unang hinga,
sa pagbuka ng aking mga bibig,
ngalan Niya na ang unang lumalabas,
ngalan Niya na ang aking binibigkas.
Sa bawat umagang gumising ako
na wala ka sa'king tabi,
mas lumalakas ang aking mga dasal.
Umaalingawngaw sa apat na sulok
ng aking silid ang iyong mga alaala.
Yung tipong aabutin ng ilang
dekada bago aking
malimutan ang tinig ng iyong
mahihinhing mga salita.
Ako'y madasaling tao.
Sa ilang beses ko ng
Isinigaw sa langit ang iyong mga
ginawa para mapamahal ka sakin
bakit tila aking pakiramdam
hindi Niya ako naririnig?
Sa ilang beses kong hiniling
na makasama ka,
sa bawat araw na nasa isipan kita,
kulang pa ang mga senyales
na ibinibigay Niya.
Nakakatawa nga lang dahil
hindi ko naman tinanong kung
Pwede pa bang
ika'y mapa sakin
Pero bakit sumasagot
na Siya agad
Na parang hindi maaari?
Pero itinutuloy ko pa rin
ang aking pagdadasal
at baka sakaling mapag bigyan.
Hanggang sa umabot ako
sa lugar na
sa aking pakiramdam
hindi naman sapat ang
pagbulong ng dasal.
Na hindi na sapat na
iiyak ko na lang
lahat sa mga paa ng imahe Niya.
Na dapat siguro
hindi lang saming dalawa ng Diyos
ang aking mga hinihiling.
Aking gagawing dasal
Ang iyong pangalan
hanggang sa mabingi ako
sa bulong ng bawat santo.
Hanggang sa masunog ang dila ko
Sa *Amen
ng bawat pari ng simbahan.
Hanggang sa malunod ako
sa mga dugong luha
na iniyak ng birhen.
Kailangan ko lang
na iparamdaman Nila
na ako'y naririnig.
Kahit ang aking mga pinaka
tahimik na sigaw para sa pangalan Niya.
Isisigaw ko ang bawat rason
kung bakit labis na
Minahal kita.
Ngunit ako'y nagbabakasali lamang,
alam kong hindi lang ako
ang Kanyang anak
pero sana
kahit isang beses lamang
sa milyong daan kong pagsabi
ng pangalan mo sa Kanya,
kahit isa lamang sa
kung sino man ang nasa itaas;
nagbabakasakali lang akong umabot
sa langit ang aking mga dalangin.
Hanggang sa mahalin mo ako
magiging madasalin akong tao.
Peter Simon May 2015
'Wag kang mag-alala,
'Pag nilangaw na ang
     bahagharing tuyot na
     at wala nang sigla,
Lilipad ang mga paru-parong
     matagal nang nagtago
     sa aking sikmura,
Noong mga panahong
     pinaghalong saya at kaba pa
     ang nararamdaman ko
     'pag kasama kita...
'Wag kang mag-alala,
     mamahalin pa rin kita...

'Wag kang mag-alala,
'Pag napagod na ang
     dagat sa pag-alon
     at pagsayaw ng mahinahon,
Patutulugin siya pansamantala
     ng mga minahal at
     pinagkatagu-tago kong mga ibon
Na nagkubli sa tinig mo
     habang inakala kong
     hindi lilipasin ng panahon...
'Wag kang mag-alala,
     mamahalin pa rin kita...

'Wag kang mag-alala,
'Pag tinamad nang umawit
     ang hangin para sa
     iningatang puso,
Bababa ang mga tala
     na inipon nang
     matagal at itinago,
Upang alisin ang lamig ng gabi
     na noo'y nasa mga bisig mo
     at inakalang 'di magbabago...
'Wag kang mag-alala,
    mamahalin pa rin kita...

'Wag kang mag-alala,
'Pag nakalimutan nang
     ngumiti ng araw
     dahil sa inis,
Yayakapin siya ng buwan
     kahit pa ang kapalit
     ay masunog siya nang labis,
Pipigain ang huling patak
     na luha mula sa mga matang
     tinirahan na ng hinagpis...

'Wag kang mag-alala,
     mamahalin pa rin kita
     kahit sa huling dugong
     dadaloy sa ugat ng puso
     kong sirang-sirang na...

'Wag kang mag-alala,
     mamahalin pa rin kita
     kahit sa huling hanging
     aagpas sa aking bibig
     na pagod nang sumigaw...

'Wag kang mag-alala,
mamahalin pa rin kita, Mahal...
Eugene Jan 2016
Mayroon akong kwento,
Sana ay mabasa ninyo.
Tungkol sa isang bobo,
Na minahal ang matalino.


Makurba ang katawan ni Matalino.
Mapungay naman ang mata ni Bobo.
Kabaitan ang ipinapakita ni Bobo.
Kamalditahan naman ang kay Matalino.

Isang araw sa may parke, nagkita ang dalawa.
Bumili ng minatamis si Bobo at ibinigay kay Matalino.
Pero hindi ito tinanggap dahil si Bobo ay hindi tao.
Sa halip na mainis, si Bobo ay ngumiti sa kanya.


Iniiwasan siya ni Matalino pero ayaw ni Bobo.
Mistulang kabute ito't lulubog-lilitaw.
Gusto niyang mahalin siya ni Matalino.
Kahit masunog pa ang balat ni Haring Araw.


Lumipas pa ang ilang linggo, buwan at taon,
Sumuko na si Matalino kay Bobong makulit.
Binigyan ng pag-asa ang pagsisikap niya hanggang ngayon,
Dahil alam niyang wala itong hihilinging anumang kapalit.



Hindi naglaon at sila'y naging kasintahan.
Ipinagmalaki si Matalino, siya'y kinaiinggitan.
Abot na niya ang langit sa kanyang harapan,
Pagka't napasagot niya ang Diyosa ng Kagandahan.
Clara Mar 2022
Simula sa araw na ito,
Hindi na kayo pwedeng tumawa, magalit at malungkot,
Hindi na kayo pwedeng makadama ng kahit ano mang emosyon,
Emosyong nagpapakita ng kahirapan, kahinaan, pagkatanda at pagkapagod,
Huwag kang magsasayang ng hininga sa mga letrang alam **** wala namang makakarinig,

At kapag nilabag mo ang isa sa aking mga utos,
Tumayo ka sa sulok,
Ipikit mo ang iyong mga mata,
At harapin mo ang dilim na sa iyo’y lumalamon,
Patungo sa apoy ng impyerno,

At kapag naramdaman mo ang init ng apoy na sayo’y sumusunog,
Pinapayagan na kitang sumigaw,
Sumigaw sa taas ng iyong mga baga,
Palabas ng apoy na nagbabaga,
Patungo sa mga tenga ng mga taong sabi mo’y iyong mga kaibigan at kakilala,

Ngunit huwag kang aasa na ika’y aming sasagipin,
Hindi ka naming aangatin,
At mas lalong hindi ka naming ililibing,
Sa mga lupaing,
Pati ang mga damo ay ayaw kang tanggapin,

At kung ayaw **** maging tulad ng taong iyan,
Bumuo ka ng bahay,
Gamit ang mga bagay na iyong natutunan,
Bumuo ng bahay,
Gamit ang mga bagay na naiwan ng mga mananampalataya,

Ang mga mananampalataya na nagpasabog ng mga bomba,
Upang ingud-ngod sa aming mga mukha,
Na kami’y mga anak ng mga makasalanan,
Pinanood naming maging abo ang aming mga ari- arian,
Sa isang pitik ng kasinungalingan,

Pinanood naming ang mga pinto, mga libro, mga litrato na masunog at madurog,
Nadurog sa sunog ang lahat ng aking minamahal, pinapangarap at hinahanap,
Inalis nila sa aming mga mukha ang kasiyahang panandalian lamang nadama,
Tinanggal nila sa aking katawan ang pangalang minsan na sa akin ay kumilala,

"Ako ay taong makasalanan,
sige,
eto na lang,
totoo naman,
kaya sapat na,"

At kung ayaw **** maging tulad ng taong iyan,
Magtrabaho ka ng mabuti,
At kapag naramdaman mo ang dugo na tumutulo mula sa iyong ulo hanggang paa,
Ipunin mo ito sa isang timba,
At ibuhos mo doon sa nayong nagbabaga

At kapag wala ka nang malanghap kundi ang usok at ang masangsang na amoy,
Hanapin mo ito sapagkat ito raw ang amoy ng mga patay na pangarap at sigaw ng mga bata,
Na sabi nila, ikaw raw ang may sala,

Ikaw ang may sala,
taong makasalanan,

Taong makasalanan,

“Mahal Kita,
Tutulungan Kita,
Pangako,
Patawad,

Paalam,”

Dagdag na utos sa paaralan:

Huwag kang maniniwala sa mga salitang inuulit- ulit pa,
Sa mga salita ng sumasamba sa kasinungalingan,
Dahil sa oras na mabuhay ang mga patay,
Hindi ikaw ang una nilang papapasukin sa pinto...


Ang pagpapalit ng administrasyon ng paaralan:

Iguhit ninyo ang inyong palad ang inyong mga hangad at pangarap,
Gamitin ang dugo na lalabas sa tenga at mga mata,
Gamiting pang pinta ang kada hibla ng iyong patay na buhok,
At kapag ubos na ang likido mo sa iyong buong katawan,

Ngumiti,
Tumingala,
Buksan ang pinto,
Kasabay ang pag sabi ng mga katagang:
“Ang makabagong paaralan ng mga nawawala’t hinahanap”
The poem was written when I was in ninth grade as a school requirement. I used to study in a Catholic School and I didn't like the way we were censored and choked to perfection. The head of the school got replaced as I was writing the poem. They packaged every change as remodeling for the better.. it wasn't.
Wynter Sep 2018
Noong nakita ka nung Agosto ako'y nahumaling
Sana pala ay hindi nalang ako nagising
Manatili nalang sana akong lasing
O ikulong ang sarili sa gitna ng apat na dinding

Ang puso ko ay nadudurog
Habang ang buong mundo ay natutulog
Sa gabing ito ay gusto kong masunog
Bakit ba pagmamahal ko sayo'y hindi maalog

Kaya kong maghintay ngunit huli na pala
Ikaw lang ang nasa isip ko ng isang dekada
Nalilito, nababaliw, nilalabas lahat sa tula
Hindi na ba titigil itong mga luha

Ikaw mula noon, ikaw hanggang ngayon
Marahil ako ay napag-iwanan ng panahon
Kung magiging akin ka ako'y higit pa sa kampeon
Ngayon lahat ng damdamin ko'y ikakahon

Ano pa ba ang magagawa ko at masyado na'kong huli
Imposible naman ako'y iyong mapili
Mahal parin kita hanggang sa huli
Hanggang sa magkita tayong muli

Noong nakita ka nung Agosto ako'y nahumaling
Sana pala ay hindi nalang ako nagising
Manatili nalang sana akong lasing
O ikulong ang sarili sa gitna ng apat na dinding
Tula para sa babaeng mahal ko ngunit wala ng pag-asang muling maging akin.

— The End —