Itaas na ang bandera at iwagayway
Iharap pababa sa mga naglulupasay
Dito magsisimula
Ang pagkuha ng retrato
Dito magsisimula
Ang pagkuha ng “selfie”
Sa pagtunog ng isang “click”
Ay makukuha ang atensyon mo,
Maaaliw ka,
Mabibighani’t mapapatingin
At tila pag kumukuha ka ng retrato
Ay ikaw ang pinakamaganda
Sa naglalakihang lente na nasa screen
Sa pagtunog ng isang “click”
Ay mapapangiti ka
Photogenic daw, ika nga
At sa pagkatapos lagi ng mga ito
Ay mawawala nalang bigla
Na tila nagsusuot ka ng antipas
Tuwing nakangiti nagpapakuha ng retrato
Sa pagtunog ng isang “click”
Ay mag aayos ka
Magpapagwapo’t magpapaganda
At tila isa itong contest
At kailangan ikaw ang pinakamaganda
At sa pagkatapos nito
Ay titignan mo kung nadaig mo ba sila
Ngunit bakit ikaw na hindi naman kumukuha ng retrato
Ay tila nagiging isang kodak o kamera
Na sa tuwing tumitingin ako sayo ay tila makukuhanan ako ng retrato
Na tuwing nakikita kita, wala mang click, ay titingin ako sa mga mata mo na tila lente ng kamera
Sa paglapit mo saakin
Ay makukuha mo ang atensyon ko,
Maaaliw ako, mabibighani’t mapapatingin
At tila pag kasama kita
Ay wala akong mahiling
Kundi ang patigilin ang oras
Para manatili sa piling mo
Ngunit bakit kapag nasa iyo ang atensyon ko
Ikaw ay nakatingin naman sa iba
Hindi ang pagiging nandito ko ang tumatakbo
Sa munting isip mo, kundi siya
Sa paglapit mo saakin
Ay mag aayos akong bigla
Magpapagwapo o magpapaganda
At tila isa itong contest
Na kailangan madaig ko siya
Pero parang hindi ko kaya
Dahil kahit kailan hindi ko madadaig siya
At kahit na gaano mo pa ako lapitan
Siya parin ang magiging malapit dahil sa kariktan
At ako ay maiiwan sa alon ng pag-iisa
Sa paglapit mo saakin
Ay mapapangiti ako
Lalabas ang mga ngipin
Na tila nasa isang patalastas ako ng colgate
Ngingiti
At ngingiti lang
Ngunit sa likod ng mga ngiting ito
Ang tinatago ko ay luha
Mga luha na hindi ko ninanais na makita mo
Sanhi ng simula mo ‘kong paasahin
Mga luha na pinili kong itago mula sa’yo
Dahil alam ko rin naman na hindi mo ito papansinin
Hindi ka naman kodak na itinataas ko
Ngunit bakit pakiramdam ko ay nakatingin ka saakin pababa
Habang ako’y nasasaktan at nagluluksa
At sa pagtapos ko ng piyesang ito
Ang tanging hiling ko lamang ay
Mga retrato na maaaring itabi
Dahil nag uumapaw na ang mga mata kong gusto nang matuyo
Itaas na ang bandera at iwagayway
Iharap pababa sa mga naglulupasay
Dito magtatapos
Ang pagkuha ng retrato
Dito magtatapos
Ang pagkuha ng “selfie”
This poem is meant to be spoken