Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
astrid Jun 2018
salamat,
sa pagpiling laruin ang aking mga daliri
na tila hindi alintana ang pasmang taglay
na kung lumuwag man ang kapit ko,
ay mas hihigpit ang hawak mo
kung dumulas man ang palad ko,
ay hahatakin mo ako pabalik
patungo sa piling mo
upang hindi tayo maligaw
sa ating mga sariling halik.

salamat,
dahil ilang beses kong pinasalamatan ang kalahatan
pati ang tila pagyakap ng mga unan
sa iyong bawat pagtahan
ang mga salitang kaakibat ng kalungkutan at kasiyahan
at pagmamahalan,
na kung susuriin ay pilit na lumalaban
kahit paulit-ulit kitang pinapahirapan.

salamat,
sa araw-araw **** pagbati ng "magandang umaga"
kahit ikaw ang sanhi ng pag-aalinlangan
kung tama bang magpahatak sa iyong kanlungan.
ilang beses ko bang pagdududahan
ang boses **** tila kandungan
hindi ko man hiningi
ay hinandog ng kalangitan
sa likod ng mga telepono'y nagngingitian
ngunit pipiliin kong ang akin ay hindi mo masilayan
dahil puno ito ng kalungkutan.

salamat,
sa mga pangakong matulin ang pagkakasabi
na bago pa man bigkasin
ay batid ang mariing katotohanan
na paulit-ulit lang itong maglalaro sa isipan.
kahit ilang beses kong pagbawalan ang mundo
na bitiwan mo ang kamay ko
ay nasasakal na ang mga daliri
at humihina ang aking pulso.

salamat,
dahil ang relasyong ito ay tila hindi matatakasan
ang pangungusap na nabubuo'y nagtatapos sa kuwit
at ang mga katanungan ay sinagot ng pilit.
ang bawat "mahal kita" ay naging nakaririndi
nagbabalitaktakan kung kanino ang mas dinig
pilit man lakasan ang aking tinig
ang panawagan kong umalis ay hindi mababatid.

salamat,
kahit paulit-ulit kitang pakawalan sa aking puso
ay mahigpit ang iyong kapit
na sa sobrang higpit ay tila paulit-ulit ding nagdurugo
pati ang isip kong tila gumuguho
dahil hindi ka lumalayo.
patuloy man ang aking pag-ayos
at nagtamo pa ng maraming galos;
ay patuloy din ang iyong pagsira
dahil pareho tayong lumuluha.
j.s.
Meynard Ilagan Jun 2017
Sana, bata na lang tayong lahat…

Walang alam kundi ang gumising, maglaro, tumawa, matulog at kumain
Yung tipong wala kang alam na problema kundi paano ka makakapaglaro bukas kasama ng mga matatalik **** kaibigan.  Paano ka tatakas sa nanay mo dahil gusto kang patulugin pero ang isinisigaw mo ay “maglalaro ako!!!”

Sana , bukas ay bakasyon na…

Late magigising tapos kakain lang, manonood ng paboritong palabas, liligo, gagala tapos pagkauwi ay manonood ulit mamaya ay matutulog na.  Habang nakahiga ay nagtetext sa importanteng tao sa buhay mo kaya naman ay kakwentuhan mo ang kapatid mo, magulang mo o ang  asawa mo.

Sana, pasko na lang bukas…

Lahat ‘tila ba walang problema kundi “paano ang mga inaanak ko?, paano ang mga regalo?  at sana mapasaya ko sila…”  Tiyak lahat ay Masaya dahil napakahirap magalit sa araw na ito.  Ito ang araw na napakadaming taong nagbabati o nagkakaayos mula sa pangit na nakaraan dahil sa bisa ng Pasko.

Sana bukas ay may darating kang regalo- pera man o gamit o di kaya’y isang kasiyahan …

Siguradong ngayon pa lang ay excited ka ng magbukas o tumanggap nun dahil wala namang taong di Masaya kapag nakatanggap ng regalo.  Itatago mo ito at pakakaingatan lalo na’t ang nagbigay ay napakahalagang tao sa buhay mo.

Sana ikakasal na ako bukas…

Lahat tayo ay may pangarap na magkaroon ng sariling pamilya kung hindi man lahat ay madami.  Siguradong kung naiisip mo ito, walang laman ang isip mo kundi masasayang sandali.   Kung ikaw man ay naikasal na, maaalala **** minsan ay naglakad ka papuntang altar habang inaantay ka ng mahal mo o ikaw yung naghihintay sa harap ng altar kasabay ng mga nagtatakbuhang daga sa dibdib mo.

Napakaraming masasayang bagay ang naiisip natin ngunit di ito kadaling ibinibigay.  Dapat, paghirapan natin ito…
-meynard
071812
Kabataa’y minsan lamang kung dumalaw,
Kaligayaha’t halakhaka’y umaalingawngaw
Oras ay tumatakbo
singbilis ng tibok ng puso

Oras ang kumakain sa tanan
Pagbabago’y siyang tahanan
Paglayo’y di man dama
Agwat ay di kayang hilai’t isama

Noon at ngayong panahon
Kayo’y narito, ako’y naroon
Aking nasilaya’y di niyo maikukumpara
Sa inyong mundong bumubungad sa tuwina

Pangaral ay mano po at opo
Pagluhod sa butyl ng monggo
Pag uwi bago ang ala-sais
Mga tamis anghang na pulang dilis!

Pag-akyat ng matarik na bundok
Tuhod na kung lakas sumuntok
Kalarong di makatiis
Sa pagtakbo’y humahagibis

Langit, lupa, mahuli ang taya,
Sing saya tuwing gunita.
Paglalaro ng apir-apiran at teks,
Ice tubig, sili…. Ngeks!

Ganyan ang aming buhay noon
Nakasakay sa ulap nang mga hamon
Kayo ngayo’s nasaan,
Mga batang sa ami’y nakipaghalinhinan?


Kompyuter, telebisyon, at Nintendo Wii,
Cellphone at iPad para sa sarili
Sining ng pagtula’t musika,
Nakaliligtaan na!

Sa mga mata ng panahon,
Makikita ang salamin ng kahapon
Di man naabot ng inyong kamalayan
Sapat nang silipin ang nakaraan

Inyong panaho’y ‘wag sayangin
Darating din ang araw ng mabilis na hangin
Magdadala sa inyo sa malayong himpapawirin
At nakaraa’y inyong lubos na nanaisin.

Sng oras ay oras,
Sa kanya, tayo’y patas
Sa buhay, tayo’y maglalaro
Sa kanyang mga hintuturo.

Lahat ng nawala sa dagat ng panahon,
Kailanma’y din a ibabalik pa ng mga alon
Mga isda nga’y nagpapailalim
Kaya’t marahas na kinabukasa’y wag suungin

Magngyari’t lasapin ang halakhakan,
Takbuhan sa piling ng mga kaibigan
Wag sayangin sa pagkukulong
sa mundo ng pag-ibig, gadgets at pagsulong!
052716

Sining ang hampas, kumpas ng sandali.
Artikulo ng Langit, kristal ang pagbahagi.
Luha ni Katipan, sasayuri't iigibin.
Sisikat ang Araw,
Pagsusumamo, kanyang babawiin.

Kanyang pagbango'y
Siya ring pagkitil ng mga buhay.
Siya'y saklob ng bughaw na kumot,
Sinta'y haharanain ng paglimot.

Aakmaan ng tono ang pagtinging hindi lihim,
Maglalaro ng bangka't eroplano,
Magsasabuyan ng tubig na kumikislap,
Maghihintay bagkus hindi magtatagpo.
Papunta kami ng Snake Island kanina, napatingin ako sa dagat at na-amaze sa reflection ng langit. Sumagi sa isip ko na parang kumot ang dagat kaso lang hindi pupwedeng bumangon kasi mamamatay ang mga yamang dagat. Para silang lovers ng langit na kailanma'y di magtatagpo. Masisilayan lamang ang isa't isa pero masakit na alaala na lamang.
inggo Jan 2016
Pwede ba ako ang kumuha ng mga litrato mo?
Sa mga lugar na gustong gusto **** puntahan
Kung saan ang tanawin ay puno ng luntian
At sa mga bundok na nagtataasan
Pwede ba ako ang kumuha ng mga litrato mo?
Kapag hindi ka nakatingin
Kapag niyayakap mo ang hangin
Kapag naglalaro ka ng buhangin
Nais kong maalala mo ako
Na parte ako sa bawat pagngiti mo sa mga litrato
Sa pagpikit ng iyong mata
Sa pagdipa ng iyong kamay na para bang ika'y lumilipad na
Pwede ba ako ang kumuha ng mga litrato natin?
Maaari bang sabay natin yakapin ang hangin?
Hawak kamay sana tayong maglalaro ng buhangin
At ang mga mata mo ay sa akin na titingin
Ayoko na lamang bilangin ang mga oras
Na nasisinagan pa tayo ng araw,
Maghahabulan at magtatampisaw na parang mga basang sisiw
Sa hubad na kalsadang naunang pagalitan ng langit.

Naaalala ko pa noong elementarya'y
Sabay tayong papasok sa eskwela
Matapos humigop ng mainit na sopas ni Nanay.
At minsan nga'y nakalilimutan nyang hanguin ito nang maaga
Kaya matapos nating kumain ay sabay rin tayong magtatawanan
At maglalaro ng "tag-tagan" patungo sa kanto sa sakayan.

Hindi ba't pumupunta pa nga tayo sa may bandang iskwater,
Makapaglaro lang ng pitsaw sa dati nating mga kaklase?
Nagagalit kasi si Nanay kapag sa bahay natin sila niyayaya
At magkakalat ang putik sa ating sahig
Kasi pati si Bantay ay nakisali sa paghuhukay.

Ilang beses din tayong naligo sa dagat
Kahit na ang sabi ni Tatay ay manginas muna tayo
Habang siya ay nasa laot pa.
Pero uuwi tayong mga basa at walang pang-ulam na pasalubong
Kaya muli tayong mapagagalitan
Kasi ang titigas daw ng mga ulo natin.

Hindi ba nahuli ako sa eskwela noon na nangongopya sa'yo?
Tapos sinabi mo sa titser na ikaw ang nangongopya at 'di ako?
Hindi ko kasi makalimutan yun
Kasi pag-uwi natin sa bahay, ako pa yung nagtampo sayo
Nung ikaw yung unang pumili sa doughnut na dala ni Tatay.

At nung gabing iyon, hindi ako tumabi sa'yong matulog
Ang sabi ko pa ay ayaw na kitang makita muli
Kasi naghalo-halo na yung nasa utak ko.
Pero alam mo ba, na sa mga oras na yun
Hindi ko talaga inaasahang seseryosohin mo yun.

Kaya noong maggising na lamang ako'y
Nagulat akong wala sila Nanay at Tatay
At si Aling Rosing pa ang nagsabi sa'kin
Kung ano ang mga nangyari
At kung saan ako pupunta.

Sinabi ko na ngang ayoko na magbilang ng mga oras,
Pero heto pa rin ako...
At taon-taon akong nangungulila at nagsisisi.

Siguro nga kung hindi ako natulog agad
Ay baka may naggawa pa ako.
Siguro nga kung hindi ko sinabi ang mga iyon,
Ay hindi mo ring magagawang umalis.

At siguro nga kung hindi ako nagtampo'y
Wala naman talaga tayong pag-aawayan.
Hindi ka rin hahanapin nila Nanay sa gitna ng gabi
At hindi sila masasagasaan ng tren para iligtas ka lang.

Siguro nga, pero huli na ang lahat eh
Wala na kayong lahat at iniwan n'yo na 'kong mag-isa.
Sana sa huli kong pagbisita'y mawala na rin ang lahat ng bigat,
Mawala na ang pagkamuhi ko sa sarili ko,
Kasi pagod na ako...
Pagod na pagod na ako.
Mel-VS-the-World Aug 2021
Kulang ka sa tulog,
Kaya 'di ka nananaginip,
Mulat ang mga mata,
Ngunit sarado ang isip,
Lumilipad sa kalawakan,
Habang humihigop ng hangin,
Mayrong puting usok,
Pumapalibot sa paligid,
May batong gumugulong,
Pinapaikot yung plastik,
tik,
tik,
tik,
Dinig mo ang pag-ikot ng kamay ng orasan,
Para bang may nagbabantay,
Andun sa dilim,
Pati yung nakaraan,
Dinadalaw ang buhay,
Takot ang sumisilip,
Ayaw kang lubayan,
Pag huminto ka saglit,
Mauubusan ka ng laman,
Gusto mo ay palaban,
Maglalaro ka ng apoy,
Kahit magka-sunugan,
Dahil matindi ang pangangailangan,
Yung tawag ng laman,
Pag nariyan sa harapan,
Hindi mo na matanggihan

— The End —