Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jeremiah Ramos May 2016
Meron akong labing-isang daliri
Ilang beses kong binilang noong bata pa ako,
sinigurado kung labing-isa nga ba talaga
at nagtataka,
nagtatanong kung bakit may sobra pang isa.

Meron akong labing-isang daliri
May kanya-kanya silang mga kwento.

Labing-isa,
Hindi ko alam kung biyaya ba 'to o sumpa
Hindi ko alam kung bakit ako naiiba
Hindi ko alam kung paano ko ba 'to itatago sa mga tao

Sabi nila, suwerte daw 'to, magiging mapalad daw ang buhay pag-ibig ko, yayaman daw ako.
Sabi nila, okay lang daw maging iba

Sampu,
Nakilala ko ang pagaalinlangan at inggit,
Umupo sila sa magkabilang balikat ko,
Hindi na sila umalis simula noon,
Hindi ko sila pinaalis.

Halos buong buhay ko, nanatili ako sa katahimikan,
Hindi ako magsasalita hangga't walang kakausap sa akin,
Hindi ko itataas ang kamay ko sa klase kahit alam ko ang sagot.
Maghihintay ako na tawagin ang pangalan ko,
na may pumansin sa akin,
Maghihintay na may pupuno ng katahimikan ko.

Kung sisiyasatin mo ang utak ko,
Mabibingi ka sa dami ng boses na hindi ko napalaya.
Nakakulong, sa kani-kanilang mga selda,
Kanilang susi ay nawala na,
Umaasa na sila'y mahanap at magamit para masabi ang mga dapat nasabi

Siyam,
Tsaka ko lang nalaman ang halaga ng mga salita,
Kung gaano sila katalim,
Kung gaano sila katamis,
Kung gaano sila kapait.
Kung gaano sila nakakapagpabago ng isang tao.

Walo,
Wala pa ring tumatawag ng pangalan ko.
Wala pang pumupuno ng katahimikan.

Pito,
Hindi ko na alam kung may tatawag pa ba,
Kung may makakapuno pa ba,
kung ilang salita pa ang makukulong hangga't sa buong katawan ko'y maging selda ng sigaw, pait, inggit, pagmamahal, rason, at galit.

Anim,
Sinubukan kong unang mag salita,
Magkwento tungkol sa buhay ko, sa nararamdaman ko.
Pero parang walang nakarinig.
Hindi ko alam kung mahina ba boses ko
o hindi lang nila ako napansin,
o kung pinili ba nilang hindi ako pansinin
o kaya wala lang talaga silang ****.

Simula noon, nakinig na lang ako.
Kaya ikaw, oo ikaw na may storya
Ikwento mo yung mga naaalala **** nangyari sa'yo noong bata ka pa
Yung mga bangungot mo,
yung pinakanakakahiyang, pinakamasaya at pinakamalungkot na mga sandali ng buhay mo,
yung una **** naramdaman ang kiliti sa puso mo noong naintindihan mo kung ano ang pag-ibig,
Ituring mo akong talaarawan mo,
Pakawalan mo yung mga salitang tinago mo nang nagalit ka.
Iiyak mo sa akin lahat ng luha na hindi mo nailuha nang iniwan ka.
Itatago ko 'to sa pagsara mo, at papakinggan kita muli sa pagbukas.
Papakinggan kita.
Papakinggan kita.
Sana pakinggan mo din ako

Lima,
Nananahimik at nakikinig pa din ako.

Apat,
Mananahimik na lang ako.

Tatlo,
Sa katahimikan ko,
Nakalimutan ko na kung paano magkwento,
Nakalimutan ko na kung paano umiyak

Nakalimutan ko na din yata kung paano magsalita.

Dalawa,
...

Isa,
Natuto ako sumulat ng tula,
Nakahanap ng makukwentuhan,
Naramdaman ang saya nang makatapos ng isang piyesang may parte ng mga salitang nakulong at nakalaya muli.
Nagkaroon ako ng matatakbuhan sa katahimikan.

Nagbabakasakali na maalala ko ulit kung paano umiyak,
kung paano magkwento muli, na may makikinig na sana sa akin.
Nagbabakasakaling maalala ko ulit kung paano magsalita.

Meron akong labing-isang daliri,
Hindi ko pa rin alam kung biyaya pa rin ba 'to o sumpa.
Celaine Mar 2016
Sana kaya mo
Sana kaya **** sabihin sa kanya
Katotohanan sa iyong pagsinta
At huwag mo nang subukan pang ikubli
Huwag **** hayaan sa'yo lang manatili

Sana kaya mo
Sana kaya **** sabihin sa kanya
Dahil pagod na akong makinig sa mga kwentong
paulit-ulit mo na lamang binibigkas na
para bang sirang plaka

Sana kaya mo
Sana kaya **** sabihin sa kanya
Dahil kung sa totoo lamang
Hindi ikaw ang talagang nasasaktan
Pakiusap lang, 'wag ka nang mandamay ng iba

Sana kaya mo
Sana kayanin **** huwag magkwento sa iba
O di kaya'y sa akin pa
Dahil alam ko na alam mo na ang dapat gawin
Tapangan mo (kahit ngayon lang, pakiusap)

Sana kaya mo
Sana dumating na ang tamang panahon na 'di
ka na lamang mananahimik
At sa panahong iyon na ika'y balak na magsabi
Sa akin ay huwag ka nang babalik
Akala mo, okay lang?
AnxiousOcean Mar 2018
Ngingiti ka na naman;
Lolokohin mo na naman ang buong mundo,
Paniniwalain ang lahat ng tao,
Uutuin maging ang sarili mo--
Na ayos ka lang,
Na wala kang problema,
Na patuloy kang lumalaban
Sa buhay kung sa’n
Ang sarili ang iyong kalaban.
“Ayos lang” ang iyong sagot sa tanong na “kamusta ka?”
At ngayon ko lamang napagtanto na palabiro ka pala.
Lahat nang ‘yan, iyong itatago sa iisang ngiti.
At sa iyong pagkukubli,
Lahat ay napaniwala.

Tatawa ka na naman;
Muling ipaparinig ang iyong halakhak.
‘Yung tipong mabibingi silang lahat
At masasabing ikaw ay masaya at tapat.
Pero ang bawat ritmo ay kumpas ng kasinungalingan
Na hindi namamalayan dahil sa lakas ng tawanan.
Itutuloy ang tawa hangga’t ang kasiyahan ay maisilang.
Pambihirang panlilinlang.
Daig mo pa ang hunyango pagdating sa pagtatago.
Lahat idaraan mo sa tawa, hindi dahil masaya ka,
Kundi dahil wala kang mukhang maihaharap.
At sa iyong pagpapanggap,
Lahat ay napaniwala.

Mananahimik ka na naman;
Mambibingi gamit ang saradong bibig.
Sasampalin ang buong mundo ng kantang walang ritmo,
Walang liriko, at walang nota.
Dahil hindi tengang handang makinig ang iyong kailangan,
Kundi pangunawa at ang maintindihan.
Mahirap bang gawing salita ang iyong nadarama?
Hirap ka bang magsabi ng kahit ano sa kanila?
Kaya’t mananahimik ka na lang
At paparoon sa isang sulok.
Aawit nang pabulong,
Rinig lamang ang iyong suntok.
At sa iyong pananahimik,
Lahat ay napaniwala.

Mangangamba ka na naman;
Matutulog na lang, sasaktan pa ang sarili mo.
Titingin sa paligid at magiisip nang kung anu-ano.
Kahit ano.
Kahit masakit.
Hanggang sa maaawa ka sa kalagayan mo ngayon
At Iiyakan ang sariling takot bumangon.
Malulungkot, magagalit
At mapapatanong kung bakit.
Bakit ganito? Bakit ganyan?
Bakit ang mata mo ngayo’y luhaan?
Minsan tulog na lamang iyong hiling,
Pero pagod ka pa rin maging sa paggising.
Mangangamba at iisipin ang lahat.
Lahat sila,
Lahat ng iyong napaniwala.

Pero hindi ako.
Ibahin mo ako,
Simula’t sapul, hindi mo ‘ko maloloko.
Hindi mo ‘ko mapapaniwala, hindi mauuto,
Dahil kilala kita,
At alam ko ang pinagdaraanan mo.
Alam kong hirap ka na sa pagsubok ng buhay.
Mistulang ang bawat araw ay pare-pareho na lamang,
Walang bago, puro tabang.
Maaaring tensionado ka, dulot ng paaralan.
O ‘di kaya’y dahil diyan sa mga tinatawag **** “kaibigan.”
Pwede ring dahil sa iyong tahanan.
Dahil sa sakit na dulot ng kung ano man.

Kilala kita.
Alam ko ang nararamdaman mo.
Alam kong gusto mo nang huminto,
Gusto mo nang itigil ang laro,
Pagod ka nang bumangon,
At takot nang umahon.
Tulad ng isang dahon na kahit kalian
Ay ‘di maibabalik sa punong pinanggalingan.
At iyo na lamang inaantay ang iyong paglanta.
Sa isang lugar, inirereklamo ang tagal ng pagkawala.
Dahil ikaw ay sawang-sawa.
Paulit-ulit na lamang.
May galit, may pait pagkatapos ng hagupit.
Babangon, sasaya, at muling babalik sa sakit.
Alam kong luha ang ‘yong nais ipabatid,
At hindi ang iyong mga tawa.
Dahil dama ko ang iyong lungkot sa tuwing ika’y masaya.
Alam kong hirap ka na.
Alam ko, alam ko.

Kilala kita.
Alam ko ang pagkatao mo.
Hirap ka nang kumapit, alam ko.
Dahil mahina ka,
At ‘di mo kailangang magpanggap;
Alam ko ang iyong hanap.
Ngunit nawa'y maintindihan mo,
Tanggap kitang buo at totoo.
Pwede ka nang umiyak,
Pwede mo nang bitiwan ang 'yong sandata,
Pwede mo nang ibaba ang iyong kalasag,
Pwede ka nang maging totoo.
‘Wag nang magpanggap na malakas ka,
Pwede kang maging mahina.
Pwede mo nang burahin ang iyong ngiti.
Pwede kang umiyak,
Hayaan **** dumaloy ang mga luha.
Sige, isumbong mo lahat,
Sabihin mo ang lahat sa akin,
Akala mo ba’y ‘di ko napapansin?
Sumuko man ang araw at nagdulot ng dilim,
‘Di kita susukuan at mananatiling taimtim.
Patuloy na kumakapit,
Inaantay ang 'yong paglapit.
Alam kong mapapatanong ka na naman kung bakit.
Bakit alam ko, at bakit ganito.
Pasensiya kung may pagkukulang man ako,
Ngunit hiling ko lamang na ikaw ay magkwento.
At sabay tayong ngingiti at tatawa,
Saba’y tayong iiyak sa drama.
Yayakapin kita,at patuloy na uunawain,
Dahil 'yun lang din naman ang gusto kong gawin.

Sabi ko nga sa’yo, kilalang-kilala kita.
At ‘di tulad ng iba,
Hindi mo 'ko mapapaniwala.
Dahil siyempre, ako ang 'yong ina.
Eugene Oct 2015
Ayaw kong magkwento,
sa personal na buhay ko.
Ayokong sabihin,
bawat emosyon ko sa tao.

Tao ako at hindi ano,
hindi rin hayop o anino.
Hindi bato ang puso,
may laman at dugo.

Nagagalit, umiiyak,
luha'y pumapatak.
Naninibugho, nasasaktan,
nakakaramdam, nasusugatan.

Nauuhaw, nagugutom,
natutusok ng karayom.
Sumisigaw,humihiyaw,
minsan kinakantiyaw.

Kaya...

Kung personalan ang nais niyo,
Bakit di mo tanungin sarili mo?
Gusto mo bang pakialaman ko,
Bawat hibla ng buhok mo?

Ikaw ay ako,
Ako ay ikaw.
Tao tayo,
Hindi bagay,
Hindi hayop,
May puso,
may laman at dugo.
Carl Oct 2018
Kung mayroon akong pinakaayaw na almusal
Iyon ay yung lulunukin kong katotohanan na  lilipas
ang bawat oras, papatak ang bawat segundo ng napakagulong
buhay ko na wala ka.
Sayang lang, Ang ganda kasi nung mga eksenang pinangarap ko
Na buo na ang bahay na ang palapag ay tatlo, Pagpasok mo rito,
ikaw ay nakaupo sa sala na binuo ng mga pangarap mo at oo.
Nang hihinayang ako, paglulutuan sana kita tapos gigising ka sa umaga na may mainit na kape ka nang nakatimpla.

Pero inabot na kasi tayo ng takipsilim
Nagwakas ang mga pangarap na almusal nang magsimula ka nang maglihim
Nang umalis ka na lang dahil hindi mo rin naman kayang magkwento at umamin
Noong humingi ako ng ilang segundo ng katotohanan matapos ang ilang taon kong inakalang hinding-hindi ka magiging sinungaling.

Alam ko balang araw, masaya kana sa iyong bagong kasama.
Sa mga munting eksena na nag lalaro sa isip ko, gusto ko na yung eksenang masaya ka na lang sa iba.
At balang araw hindi na tayo masusuka sa mapakla at mapait na almusal ng ating pag-ibig, salamat, totoo.

Salamat sa hindi na manguyang pag-ibig mo.
PairedCastle Sep 2016
Ako ba'y naghihintay sa wala?
Parang kay tagal mo nang nawala
Ganun rin ba ang nadarama mo para sa akin
Ako lang ba ang ganito sa atin?

Sarili ko'y pipigilan
Hindi kita hahayaang malaman ang aking saloobin
Lahat ay gagawin manatiling kaibigan mo
Gagawa ng paraan para makasama mo

Hindi ako aamin
Ayaw mo naman talaga sa akin
Huwag mag-alala, ako'y lalayo na
Pagkatapos ng Linggong ito, ika'y kakalimutan na

Damdamin ay hindi hahayaang lumago
Natatakot na hindi mo naman kayang magseryoso
Ano ang aking magagawa
Hindi naman planado ang aking pagsinta

May mga bago ka bang babaeng kinakausap?
May bago ka bang kinikilala?
May bago ba na maganda, matalino, masayang kausap at kasama?
Anong laban ko eh ayaw mo nga magkwento?
April 13, 2016
21:00

— The End —