Andiyan ka na sa malayo,
Sa pagtalikod ko nakikita kitang kumakaway,
Ni hindi ko maisip kung paalam na,
O panibagong simula para sa ating dalawa.
Napakasimpleng bagay ng isang pagkaway,
Na bumabagabag sa isip ko kung ano nga ba ang totoo,
Magkikita bang muli kung saan tayo noon nagtagpo,
O ibabaon na sa limot at ibubulong sa unan ang lahat habang nakayapos sa kumot.
Dagliang sasagi sa aking isipan,
Ang mga matatamis na salita na binibulong sa aking tenga,
Yung sa pag tulog ko ikkwento mo sa akin kung gaano mo ko kamahal,
O di kaya uulit ulitin mo kung gaano ka nagpapasalamat na ako'y iyong nakilala,
Dahil binago ko ang takbo ng buhay mo,
Dahil pinatunayan kong may tao pang kagaya ko,
Na totoo,
Na may puso,
Na may pagnanasa para sa isip mo ngunit hindi sa katawan mo.
Biglang magdidilim ang lahat at makikita ko ang iyong mukha,
Namumula,
Nanggagalaiti,
Halos pumutok ang ugat sa kakasambit,
Ng mga salitang napakasakit,
Pero muling kakabigin ng mga bisig,
Na nakasanayan ko nang sa aki'y kumikikig.
Nagmimistulang saranggola,
Na sa ere'y inihitya,
At unti unti tinutulak palayo,
At tinatangay ng hangin,
Papalapit sa mga ulap at malapit ng maabot ang langit,
Biglang hahatakin pabalik gamit ang lubid na nakapalupot sa aking katawan,
Para saan?
Para ulitin kung ano ang nakasanayan.
Kaya para saan ba talaga ang iyong pagkaway?
Mamaalam ka na sana,
Dahil parang araw na sumisilaw sa aking mga mata.
Ang sakit tingnan,
Pero alam kong ikaw ang magbibigay ng init sa nanlalamig ko ng mga laman.
Pero kailangan ko na sigurong kalimutan,
at muling mabuhay sa mundong,
Para lang sa akin,
At hayaan kang maglayag,
Sa karagatang ninanais mo.