Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jose Remillan Sep 2013
Hayun ang duyan ng paulit-ulit na ikot ng mga salot
Pumapaimbulog sa tatsulok na moog;
Hinubog ng gilingang kasaysayan
Bayan ng kabalintunaan.

Matagal nang yumao ang ating mga anak
Nariyan parin ang mga tabak at alingawngaw ng Balintawak;
Kanlungan ng mga supremong baguntao
Sumisigaw ng pagbabago habang iwinawasiwas
Ang watawat ng mga ismo —komunismo, sosyalismo
Sa rebolusyon ng mga sikmura at makina.

Hayun ang duyan ng nagpapatuloy na kasaysayan
Patuloy na kumakanlong sa nakaraan;
Sa mga dayuhang minsang yumurak at nagwasak
Sa kultura at kakayahan.

Kalimutan natin ang pangakong paraiso
Ang tinatangkilik ng bawat tao,
Ang kasakiman ng lumang simoy
Halika, umahon tayo sa kumunoy

Mga minamahal ito ang kapiraso kong entablado:
Walang ibang daan kundi tayo
This poem was first published in the literary folio of the University of Makati, the BAHANDI, 2005
kingjay Jul 2019
Ang hele sa duyan
Awit ng magulang
na nakapagpagaan sa hangin
sa tuwing nauulinigan

Ang mga punongkahoy doon sa palayan
Na nagwawagayway sa mga dumadaan
May matimyas na kuwento
noong sila pa'y mga munting halaman

Paru paro  na sa hardin
na dumadapo sa bulaklak
sila rin ay may pinagmulan
-galing sa alamat

Ang magandang tanawin
Baryo pa dati kung pangalanan
Magandang buhay ang binabati
Ng damo't kawayan

Ang paggising ng araw
mula sa Silangan
Nagbibigay pag-asa
ang matingkad niyang liwanag

At noong dati
Nang minsa'y nagmahal
mahiyain sa kaibigan
ayaw sabihin sa kaklase

Hanggang ngayon
bibig ay parang itinahi
Bakit nahalina sa pag-ibig
Kung malaya lang ang umibig
Di na sana pinili
L S O May 2015
Leron, leron sinta
Kay tagal kong hinanap
Sa lahat ng sulok, sa lahat ng kanto.
Bawat bulong, bawat banggit
Baka sakaling maituro sa akin
Ang pangalan mo.

Buko ng papaya
Natatangi sa 'king paningin
Ikaw ang dahilan
Kung bakit may kaba sa dibdib
May tamis ang ngiti
May kislap ang mga mata.

Dala-dala'y buslo
Nilalaman nito'y puso
Pusong minsan nang nabigo
Ngunit pinatibok **** muli
Tangan ng aking mga kamay
Nanganganib na ibigay
Sa 'yo.

Sisidlan ng bunga
Duyan ng mga pangarap
Mga alaalang ipipinta pa lamang
Sa hinaharap na sana'y
Sasalubungin ko
Na kasama ka.

Pagdating sa dulo
Matapos ang lahat ng dasal
Pananalangin sa Maykapal
Nakabitin sa gilid ng bangin
Handa nang mahulog
O matagal nang nahulog?

Nabali ang sanga
Pumutok ang bula
Natunaw ang tuwa
Nabasag ang pag-asang
Pinanghawakan
At iningat-ingatan.

Kapos kapalaran
Minalas lang ba
O sadyang malas na talaga?
Malupit ang tadhana.
Sa gulong ng palad
Parang laging nasa ibaba.

Humanap ng iba*
Hindi ngayon, hindi bukas
O kahit sa susunod na linggo
Pero balang araw
Magtatapos din
Sa masayang wakas.
El Dec 2017
Hindi ako mahal.
Hindi ako ang mahal.

Isang salita lang ang dumagdag ngunit parang isang katutak na patalim ang pinukol sa aking puso
Pigang-piga sa paulit-ulit na pananaksak, pagsasawalang bahala
Hanggang sa maging abo nalang ang dating apoy na nagbabaga
at ang mga dating "Tama na," "Ilan pa ba," ay nagiging "Sino ba siya?"

Sa paulit-ulit na pagwasak sa puso kong dati nang durog,
at sa ating mga pagsasama kung saan ang kanyang pangalan ang tanging tunog
Walang tigil ang hangin sa pag-duyan ng isang paumanhin
sa pag-ihip papunta sa puso kong kapos ng iyong pag-tingin —

Mahal, huwag kang humingi ng tawad
dahil hindi lang ikaw ang nagwasak sa akin
Huwag na huwag kang humingi ng tawad
dahil lang siya ang iyong iniibig
Huwag ka nang humingi ng tawad
dahil lang hindi mo ako kayang mahalin.
Originally written last November 27, 2017 for a visual poem.
Jun Lit Jan 2018
Nag-aanyaya
ang kinagisnang duyan,
sa puso'y kumakatok:
halika, kita'y ipagsasalok
kapeng barako, ika'y lumag’ok
kung kulang ang 'sang tasa'y
mayroon namang mangkok -
Sa Lumang Lipa, ang pakilasa’y
pakiramdam at hindi tam’is
kagaya ng pagsasamahan
o pait na dulot ng kasawian.

Inaapuhap sa aparador na pinagtaguan
ang malukong na tagayan
ng nagkaribok na kabataan;
mula sa sulok ng balintataw,
nilililok, aking natatanaw
ang mga imahen, hindi mga anghel,
nagbabalibol ang kaibigan
kong tagapagtanggol,
habang sa kabilang koponan
nanlilibak ang kalaban -
ako ang bolang pinagpasa-pasahan
binugbog ng mga kahon ng lipunan
kahit alin doon, walang pinagkasyahan

mga kahong nagtatakda ng katangian:
     ang tao ay dapat ganito,
     ang kilos ay dapat ganoon
     ang suot ay dapat ganyan
          ang maganda ay ganito ang kulay
          ang makisig ay ganoon ang taglay
          ang tindig ay hindi malambot na gulay:
“kahon, kahon, kahon,
magkasya sa kahon
kapag nagkataon
lagot ka sa ****”

wari’y multong takot lumingon
ang nagtulug-tulugang kahapon
sa ngayo’y gising na kampon -
pinalaya ng kupas na maong

Sisinsay na laang ako doon
at sa huntahan ay tutugon
kung saan nahapon
ang labuyong
hindi kailanman inilaban sa sabong

panalo ka pa rin at karamay,
kapeng gawa sa gal’pong
     barako sa isip
     matam’is sa puso
     at sa lalamunan ko
     ikaw ang kasuyo.
To be translated as "Brewed Coffee V (My Memories of Dear Old Lipa)"
Uanne Mar 2019
madilim ang kapaligiran
dama ang katahimikan
napatingin sa kalangitan
abot tanaw ang kalawakan

kay gandang pagmasdan
mga tala at buwan
tila nakahiga sa duyan
hinehele ng marahan

mata'y napapikit
diwa'y kumalma ng saglit
nanumbalik mga alaalang di mawaglit
ninanamnam bawat kapit

biglang napagtanto
marami nang nagbago
maraming dinanas na pagkabigo
kaya bang buksan muli ang puso?

mumulat at muling sisilay
sa mga bituing nakalaylay
Hihiling na sana'y pawiin ang lumbay
at mundo'y muling bigyan ng kulay.

sana'y hindi magsasawa
sa paghiling at pagtingala
hanggang sa dumating ang himala
at matanggap ang pagpapala.
solEmn oaSis Jan 2022
tangan ng sinapupunan
pinuhunanan larangan.
matapos ang walong buwan
simula ng kabuwanan.
palaisipan sa duyan
ugoy ng katiwasayan
gabay ay katahimikan
tungo sa kapaligiran

bago pa man ang inunan
hiwatig ng panubigan
matibay pa sa sandigan
na mas meron sa kawalan
kakatwang halatang dala
ay may biyayang sagana
tila panday umapula
pusod ay pinagdugtong pa

nasan ang sagot sa bakit?
di problema kung paano?
ang tanong ay kung kailan?
kung hindi ako ay sino?
pagmumuni ng paluwal !
pataba na nang pataba !
lupa niyang tinubuan...
oras na ng pag-aani.

binhi nya na ipinunla
sumibol ng pagkasigla
katulad ng parirala
may aral sa balarila
kapwa merong pakinabang
hindi pa man humahakbang
ang hiwaga na may yabong
abot-kamay na ang Labong
Ang telon kung iisipin ay bagay na siyang nakapagitan sa espasyo ng magkabilang mundo
Jasmin May 2020
Ano bang nais **** mabasa
Ano bang nais kong maitala
Marahil ito’y tungkol sa mga bulaklak
Mahalimuyak, wari pa’y simbolo ng galak
Maaari ring tungkol sa mga ulap
Tinitingala at hangad ay mayakap
O kaya naman ay sa mga paruparo
Susundan ng tingin saan man dumapo
Ilan lang ‘yan sa mga tuwinang paksa
Mga usaping purong halaga ang tinatamasa
Kumusta kaya ang mga pangkaraniwan
Ang mga patay na dahon sa putikan
Bisikleta ng ordinaryong mamamayan
Lapis na panulat ng pangalan ng napupusuan
Iyong madaling nabubura, hindi nahahalata
Kabilang sa mga madalang bigyan ng pansin
Mga bagay na sapat na ang isang tingin

Kumusta kayo?

Kumusta tayo?

Siguro’y nangingiti lulan ng duyan
Kalmado, mahinahon, malaya
Tago sa ingay ng karangyaan
Simple, payak... nawa.
Jun Lit Aug 2019
bukal na buhay, dalisay, malamig
agos ng pag-ibig
ni Mariang Makiling
mula sa kanyang dibdib

duyan ni Rana
nagpapatulog kay Troides
ipinaghehele si Buot
sa harana nina Balikasyaw at Tariktik
pook-sayawan ng mga bayawak
tuwing konsiyerto ng mga paagang
at mga kuliglig

ninuno ng Lawa
ina ng kapa-kapa
ama ni Strongylodon
kapatid ng tibig at lipa
among tunay ng kawayang-tinik
uway, gugo, saging na pula
Aristolochia

Kagalang-galang kay El Niño
kinakanti-kanti ni La Niña
paliguan ng mamang hubo
labahan ng aling maganda

naglalaro
ang batang takot sa engkanto –
bingwit, tampisaw, lukso
sa mga bato

subalit
ang polusyon –
tahimik na namamaybay
isang almuranin –
mabalasik
ang kamandag
nakalalason, nakamamatay
sapagkat
mga tao’y nagbubulag-bulagan,
bulag.
English Translation:
Molawin

a living spring, pure, cool,
flow of love
from the *****
of Maria of Makiling

cradle of the frog Rana
puts the birdwing butterfly Troides to sleep
sings lullabies to Buot, the cloud rat
accompanied by serenades from the passerine Balikasyaw
and the hornbill Tariktik.
dance floor of the monitor lizards
every time the cicadas and the crickets
have their concerts

ancestor of the Lake
mother of the magnificent Medinilla
father of the Jade vine Strongylodon
sibling of the riverine fig and the nettle tree
the true lord of the spiny bamboo,
among tunay ng kawayang-tinik
rattan, shampoo liana, red banana
the vine Aristolochia

Respected by El Niño
Tickled by La Niña
bathing place of the naked man
washing area of the pretty woman

there they play
children weary of the forest fairies –
line fishing, treading, hopping
among the boulders

but
pollution –
silently swims with the flows
like the cobra, that there also grows –
potent,
its venom
poisons, kills
because
humans feign blindness,
are blind.

Additional Notes:
Rana, Troides, Strongylodon, Medinilla and Aristolochia are scientific (genus) names of a frog, birdwing butterfly, the Jade vine, a magnificent-flowered shrub at a vine that serves as a butterfly larval host plant, respectively, all found along the areas of Molawin Creek; their use in this poem is an attempt to illustrate the important role of biology in understanding the intricacies, not only of Molawin Creek, but also of the entire Mount Makiling, a forest reserve in the southern part of Luzon Island, The Philippines..

— The End —