Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2019
Umiibig akong matapat ang puso,
sa iyo, O Sintang pithaya ng mundo.
Dilag na bulaklak sa harding masamyo,
sinuyo’t pinita ng laksang paru-paro.

Tinataglay nila’y mararangyang pakpak,
subalit ang nasa’y tanging halimuyak.
Iba sa bagwis kong luksa ang nagtatak,
sa mata ng iba’y isa lamang hamak.

Ako’y dahop-palad, niring mundo’y aba,
sa utos ng puso, ikaw’y sinasamba.
O! ang saklap naman, umagos ang luha,
pagkat lumilihis ang ating tadhana.

At niring landas ta’y lalong pinaglayo,
nang ikaw’y nabihag ng hari ng mundo.
Buong taglay niya’y di tapat na puso, 
tanging hangad lamang ang kagandahan mo.

Sinta ko ano pa ang aking magawa,
kung sa ngalan ng Diyos kayo’y tinali na?
Daloy ng tadhana’y mababago pa ba’t,
panaho’y balikang ikaw’y malaya pa?

Bihag ka na ngayong walang kalayaan, 
hawak ang mundo mo ng lilong nilalang
Wari'y isang ibong ang lipad may hanggan,
at ang yamang pakpak, dustang tinalian. 

Paano O! Sinta yaring abang buhay?
Ikaw’y tanging pintig nitong pusong malumbay.
Kung ikaw ang buhay ng buhay kong taglay,
Sa iyo mabigo’y sukat ng mamatay.

Subalit nasa kong lumawig sa mundo,
sapagkat buhay pa niring pag-ibig ko.
At ikaw O! Sintang namugad sa puso,
napanagimpan kong pinaghintay ako. 

Sa harap ng hirap na di masawata,
tanging asam ko’y lalaya ka Sinta.
At itong pagtiis ay alay ko Mutya,
mula sa puso kong nagdadaralita.

Maghihintay ako sa pagkakahugnos,
sa tanikala **** higpit na gumapos,
sa kalayaan na lubhang nabusabos,
at mariing dulot, galak na di lubos.

Ang aking paghintay akay ng pag-asa,
lawig ng pag-asa’y kambal ang pagdusa.
At ang dukhang pusong batis ng dalita,
tila pinagyakap ang pag-asa’t luha.

O! aking minahal ako’y maghihintay,
kahit walang hanggang paglubog ng araw.
Magtitiis ako sa gabing mapanglaw,
hanggang sa pagsilang ng bukang liwayway.

Yaong sinag nito’y ganap na tatapos, 
sa dilim na dulot ng dusa’t gipuspos.
Sinag na tutuyo sa luhang umagos, 
niring mga matang namumugtong lubos.

Yaong pamimitak ng mithing umaga,
araw na mabihis ng mga ligaya,
ang buhay kong abang tinigmak ng luha,
mula sa kandungan niring Gabing luksa.

Maghihintay ako sa gitna ng dusa, 
kapiling ang munting kislap ng pag-asa.
Magtitiis kahit sanlibong pagluha,
hanggang sa panahong muli kang lalaya.

Maghihintay akong di hadlang ang pagal, 
kahit ang panaho’y lalakad ng bagal.
Magtitiis ako pagkat isang tunay
itong pag-ibig kong sa puso’y bumukal.

Maghihintay kahit dulong walang hanggan,
na pagdaralita’t mga kapanglawan
Kahit di tiyak kong muling sisilang,
ang bukang liwayway na tanging inasam.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Lev Rosario Sep 2021
At kumawala ako sa panahon
Ako
Hawak ang camera
Pagkatapos kunan ng letrato
Ang pamilya
Sa lumang bahay
Na unti unting ginigiba
Nang mga elemento

Sino ba ako?
Sino itong mga kasama ko?

Nasa dulong kanan
Ang aking tinatawag na Ina
Naka puting T shirt
At itim na pantalon
Malaki Ang ngiti
Pero tila may tinatago
Sa likod ng mga mata

Nasa dulong kaliwa
Ang aking tinatawag na Tito
Bitbit ang kanyang Dachshund
Ang anak ay
Hindi imbitado sa handa
Yumaman sa pagtatrabaho
Sa Estados Unidos

Sa Gitna
Ang aking tinatawag na Lola
Hindi na ngumiti
Ubos na ang mga araw
Kung saan siya'y napapangiti
May sugat na hindi na gumagaling
Dahil sa Diabetes

Nakapaligid Ang iba
Mga pinsan, Tito at Tita
Makukulay ang suot
Maiingay at matatakaw
Bata at matanda

Lahat ng ito
Kasama ako
Nanggaling sa iisang matris
Mula bata hanggang pagtanda
Nakipagsalamuha, naglaruan, naglakihan, nagmahalan, nag awayan...
Ito kami
Ito ako

Ano ang ibig sabihin nitong lahat?

Nakatitig ako sa letrato
Habang natunaw ang madla
Maya't maya ay uuwi na
Sa kani-kanilang tahanan
Iisa ang pinanggalingan
Saan ang patutunguhan?

Sino ba ako?
Sino itong mga nasa letrato?

Ako ay may ina
Ang aking ina ay may ina rin
At ang ina ay may ina rin
At ang ina ng ina ay may ina rin
At ang ina ng ina...

Katabi ng aking Tito
Ang panganay na pinsan
Muntik nang mamatay sa dengue
Noong kabataan
Naghahanap na ng trabaho
Naghahanap na rin ng girlfriend

Bawat isa ay may pangarap
May iba't ibang Diyos
May iba't ibang lengguwahe

Ako
Ang tagakuha ng letrato
Sino ba ako?
Miyembro ng isang pamilya
Estudyante, kapatid, anak, pinsan, pamangkin, kaklase, kalahi
Tagasulat ng tula na ito
Tagakuwento ng mga nakalimutan at  makakalimutan
Tagapagmahal ng mga taong pwedeng mahalin
patricia Mar 2020
Sa pagitan ng mga panahong hawak mo ang aking kamay at inialay mo ang iyong bisig upang maging tahanan ko, minahal kita.

Nang ilapat mo ang pangalan ko sa lirico ng isang awitin at ginawa itong atin, minahal kita.

Noong tinupad mo ang pangakong samahan akong panoorin ang paborito kong palabas sa sine, minahal kita.

Noong binago mo ang kulay ng pag-ibig at gawin itong bughaw, minahal kita.

Nang maging laman ako ng mga isinulat **** awitin, minahal kita.

At maging hanggang sa mga oras na tapos ka nang umibig, minahal pa rin kita.

-

Sa pagitan ng awang ng aking mga daliri, ramdam ko pa rin ang init ng kamay mo.

Tumitigil pa rin ako sa tuwing sumusulpot sa radyo ang awiting minarkahan na ng pagmamahal mo.

Nasa dulong bulsa ng pitaka ko ang tiketa ng bawat palabas na pinanood natin nang magkasama

At kahit pagkatapos ng lahat ng tula at kantang naging supling ng parehong pagmamahal at pighating dulot mo, bughaw pa rin ang kulay na idinikit ko sa pag-ibig.

Marahil hindi tagumpay ang sumalubong sa atin nang lumubog ang araw at mag-isa kong hinarap ang umaga, sapat na siguro ang mga naisulat na tula’t awitin upang maging pananda ng hindi natin pagsuko

At nais kong paniwalaan na sa pagitan ng mga linya at lirikong ito, minsang nanahan ang pag-ibig.

Buong pagkatao kong tinatanggap na ang pagmamahal ko na minsang naging rason mo ng pananatili ang mismong nagtulak sa’yong bumitaw.

Marahan mo sanang isara ang pinto sa’yong paglisan.

sa tangis at ligaya,
-P
reyftamayo Aug 2020
Pabulusok na ang ginintuang hari
sa dulong kanluran.
rumuronda na ang mga paniki,
nakadapo na ang mga ibon.
tumitili ang mga kuliglig
kasabay ng walang patid na
sagutan ng mga palaka.
ang mga butiki naman ay
humahalik na sa lupa.
malamig na hangin
ang madaramang sumisipol sa pandinig
at pumupukol ng mumunting alikabok
upang ipaalam
ang malambing nitong dampi.
maya-maya lang ay sisibol na
ang nagkikintabang kurap
ng mga mumunting kulisap
sa kalangitan
upang ito'y ilawan hanggang umaga.
Kurtlopez Feb 2023
Sa kaibuturan ng puso
Makikita ang dulo
Dulong walang hangganan
Kung saan ikaw ang laman

Naging panatag sa karimlan
Dahil ika'y andyan
Nagsimula ang umaga
Natapos sa gabing nakatawa

Aking mukha'y nakatawa
Pag ika'y laging kausap
Kaya't sana'y wag mawala
Dahil ikaw ang aking pahinga
Lovely Seravanes Oct 2019
ikaw at ako

pagsamahin mo
at ito'y makakabuo ng isang salitang tayo
oo tayo na inakala ko  hanggang dulo
pero salamat,dahil sa puno palang
Ginising mo ako sa katotohanan
na ang dulong pinangarap ko'y
mag isang lang pala ako
dahil ang isang tayo ay meron palang kayo
oo kayo at hindi na tayo
salamat nakalaya ako sa isang tayo
na kailanma'y hindi nmn pla totoo
oo hindi totoo,dahil ito'y puno ng panloloko

puno, oo aun hitik na hitik ang mga bunga
bunga na mga salitang iyong sinambit
sumanga,yumabong na sa kalaunay nalanta

oo nalanta
pero hindi ko na pinangarap na isalba pa
dahil alam kong ikaw mismo ang lumason

sa masanga at mayabong na puno ng tayo
dahil mas gusto mo palaguin ang puno na meron kau..

pero salamat
dahil ang punong nilason mo
ay binigyan aq ng binhi
oo binhi,binhi ng pag-asa
panibagong buhay
panibagong ako na walang nang tayo
na ilalaan ko, para sa isang taong
kayang payabungin
ang binhi ng pag-ibig namin hanggang dulo..

— The End —