Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Andrei Corre Aug 2017
At sa pagkagat ng dilim
Kasabay ng pamamaalam ng araw sa'tin
Mahihimlay ko sa sulok ng apat na dingding
Huhubarin ang mga ngiti, ipapahinga ang bibig at ibababa ang hinlalaki kong kanina pa nangangawit
Sa kapapaalala sa mundo na ayos lang
Na makakatagal pa ko ng kahit sampung minuto

Sampung minuto---
Ito lang ang kailangan para tuluyan nang tapusin ang sinimulang kwento natin
At sampung minuto para dapuan ka nila ng tingin at sabihin sa'king
Kailangan na kitang talikuran
Ngunit di na ko inabot ng sampung minuto pa para pakingga't tupdin sila
Dahil sampung segundo lang---
Isa, dalawa, bitaw na, bitaw
Lima, anim, ayoko pa, ayoko pero
Siyam, sampu...ay nagawa na kitang bitawan
Ang sabi kasi ni nanay ay di ka nararapat para sa'kin
Sabi ni tatay pag-aaral ko muna ang atupagin
Ang sabi nila ay dapat ko silang sundin
Ang mga bumuhay at nag-aruga sa akin ay dapat na lagi kong susundin

Huwag mo nang gawin yan, ito ang mas bigyan **** pansin
Di yan makabubuti para sa'yo, bat di mo na lang tularan ang kapatid mo
Ang lalaki dapat ay matikas
Ang tanga tanga mo, wala kang mararating diyan
Kahit sino kayang makagawa ng ganyan, magsundalo ka na lang
Dinaig ka pa ng nakababata sa'yo?
Dapat pareho kayong tinitingala ng tao

Kaya't binigo ko ang nag-iisa kong pag-ibig at sumuong sa digmaang di ko kailanmang naisip
Dahil dapat lagi pa ring susundin ang mga bumuhay at nag-aruga sa'kin, mga bumuhay at nag-aruga sa'kin dapat kong sundin, ang sa'kin ay nag-aruga't bumuhay lagi pa ring susundin
Nay, yakapin mo ko't pahupain ang hapdi
Kaya, Tay, tapikin mo ko sa balikat at sabihin **** tama ang ginawa kong pagtupad sa pangarap mo
Dahil tapos na tapos na ko
Pagod na pagod na ko
Sa panonood sa pagkislap ng mga mata ni bunso
Mga kutikutitap na di mapapasakin dahil ang mga mata ko'y namumugto
Mga matang naniningkit na katatanaw sa sarili kong mga pangarap
Dahil ng mg paa ko'y habol ang bawat dikta't kagustuhan niyo

Sawa na kong pilit pantayan si bunso
Dahil kahit anong gawin ko'y di bubukal sa'kin ang kaligayahan
Di tulad niyang may malayang kinabukasan
Ako'y may busal ang bibig, may taling mga kamay, nakakulong sa ekspektasyon ng sarili kong mga magulang

Pagod na ko, ayoko na
Ayoko nang marinig ang "Tingnan mo siya,buti pa siya, mas magaling pa siya..."
Hindi ako binigay sa inyo para ikumpara niyo sa isa niyo pang anak at sa anak ng iba na hinihiling niyong meron din kayo

Gusto ko lang naman marinig na may tinama ako kahit papano, kahit kapiranggot
Gusto kong marinig ang "Salamat" at "Mahal kita" at "Ipinagmamalaki kita" dahil tapos na tapos na ko
Pagod na pagod na kong
Habulin ang liwanag ng talang matagal nang namatay sa kalawakan
Kaya Nay, Tay
Ako po muna
Ako naman ngayon...
041716

May mga bituing nais abutin,
Nangangalay ang diwa pagkat dapat habulin.
Ganoon pala ang pagtatagisan ng mga saranggolang itim,
Sisipatin ang isa't isa't may pandilig na patikim.

Ako'y musmos sa alok nitong ginintuang pangarap,
Dilubyo'y mabagsik bagkus may matinding yakap.
At doon matatagpuan ang haplos na hinahanap,
Ako'y alipin sa sahig na Langit ang sumusulyap.

Sa paglatag ng Liwanag na may bahaghari
Waring yuyukod siyang ulap na mapagkunwari.
At kanyang saplot, ihahanay nang sandali,
Saksi maging hanging nagtataingang-kawali.

Sa pagsalin ng hiningang latak ng kahapon,
Baon pala ang sakit hanggang dapithapon.
Ipipinta ang itsura ng sarong na maputi,
Siyang pupuri sa Langit na may bahid ng kayumanggi.

Tila baryang itinapon at nagkakalansingan,
Sa papag na mistulang may sawing kasintahan.
Mga tauha'y lalaban sa kuweba ng kadiliman,
At doon ang kandila'y panandaliang tatahan.

Babahagian ng yaman ang uhaw sa kalinga,
Hahagkan silang mga busal na walang isang salita.
Hanggang sa magkandiring muli sa saliw ng musika,
Silang tangan ang pising *may kakaibang mahika.
Angela Mercado Jul 2020
Araw-araw bumabangon
sa sariling saliw;
ginigising ng gutom
na kumakahig sa bituka.
Minsa'y may buwan pa.
Minsa'y may araw na.
Palagian,
walang laman
ang platong hapag
sa sahig na simot
sa mumo.

Katamaran!

Katamaran
ang limang-minutong
pahinga
mula sa pag-araro ng lupang
'di pag-aari.
Katamaran
ang pag-inom
ng tubig
sa gitna ng pagkayod
sa araw na tirik.

Batugan kung tawagan -

palamunin

- mga litid na sakal,

makabagong alipin.

Mga matang idinilat
ng karahasan,
mga iyak na busal ng
kasadong bala -

Ngayon,
gigising.

Gigisingin hindi ng kalam sa tiyan.
Binalda ng pang-uumit -
bubulabugin
ng kapagalan
mula sa impyernong tahi
ng bukirin.

Gigising sa sariling saliw;
hindi sa gutom
na gumuguhit
sa bituka.

Gigising

Gigisingin

ng pakikibaka.
#JUNKTERRORBILL #BIGASHINDIBALA
Nahimbing na ang lamparang iyong tangan-tangan
“Di patas ang laban,” yan ang wika mo
Bagkus ba’t ang gaas, di man lamang nasalinan?
Tinalikuran mo sya’t agad nang pinagkaitan.

Kasikatan ang nais ng nag-aalab **** puso
Mali man ang direksyon, sabay hithit at nakikiuso
Ba’t ba ang nais mo’y iwan ang liwanag?
Ba’t nais na ikahon ang sarili?
At sa dilim, saka susubo ng kutsara.

Narating man ang apat na sulok ng kwadra
Hugis bilog ang naging buhay
At panay indayog mo
Parang sirang plaka.

Pagal at walang kamalay-malay
Pagkat mga letra’y inabot ng kamalasan
Nilatigo sila’t naging busal pansamantala
Bilanggong may gitgit sa maling pagkalinga.

Bumuhos ang gaas, nasayang bigla
Ang apoy ay tubig na umusbong nang sagana
Bagkus hinagpis at pait sa sikmura
Abot sa langit na syang nagpapala.

(5/25/14 @xirlleelang)
Angela Mercado Apr 2017
Isa, dalawa, tatlo
Pagbilang kong sampu, nakatago na kayo
Apat, lima, anim,
Magmadali, papatak na ang dilim
Pito, walo,
sa rimarim na ito sa’yo’y walang sasambot
siyam, sampu
pipindot na sila sa gatilyo

Naaalala ko pa noong matiwasay pa ang lahat
tahimik bukod sa sipol ng hangin na rinig na rinig
walang ingay sa paligid
puti ang sahig – linis hanggang gilid

Naalala ko pa noon,
walang pangambang tahi
sa bawat isa sa t’wing pumapatak ang gabi
Madilim ang lansangan,
ngunit may liwanag ang daan
Di mag-aalalang umuwi,
‘di magugulumihanan

Naaalala ko pa
nung una silang pumindot sa gatilyo
Nayanig ang paligid,
nagulo ang tahimik
Tintado na ang sahig na dating puti
ng dugo mula sa bago nilang kitil.

Naalala ko pa noong nagpasabog sila ng bomba
Nabingi ang lahat sa ingay na likha,
mga tarantang mukha,
mga takbong halos ikadapa
mga matang labong labo na
ng mga luha

Naalala ko pa noong kinuha nila si itay
lupa raw namin ay ayaw niyang ibigay
pinuno ng latay,
inuwing akay-akay -
muntik na siyang mamatay

- walang kamalay-malay
na kami’y unti-unting pinapatay

ni walang panahong
makinig saming salaysay

May dugo

ang bigas
na iginagatong ninyo

May bakas ng dahas
ang pagkaing hapag sa kainan ninyo

Mga sigaw
na busal ng kasadong gatilyo

May namamatay na dito
makinig naman kayo!

Isa, dalawa, tatlo
Pagbilang kong sampu, nakatago na kayo
Apat, lima, anim,
Magmadali, papatak na ang dilim
Pito, walo,
pipindot na sila sa gatilyo
Siyam, sampu
112715 #3:15PM

Tila swelduhan na ng tulisan
Pagkat may hithitan na naman
Para sa kaban ng Bayan.

May oposisyong yama'y satsat
Pribadong sektor ba'y gayundin
At may lamat?

Tila bala ng hasaan
Raketa ng ila'y pudpod na
Sa platapormang hilaw.

Sino nga ba ang kakaatigan?
Sa pula, sa puti nga ba ang asahan?
Nakaririndi ang melodiya ng pulitika
Bagamat may leksyong ipanauubaya
Sino ang patas na Tagapaghusga?
Siya sanang mag-arok sa puso ng kokorona.

Magsusulputan ba ang paninda ni Juan?
Dawit ang aprub at tiwalang busal.
Marahil may iilang kaniig sa sambit,
At ang batas ay sisirit na may pagtitilamsik
Sa huli'y magdududa't iinam na ang pag-iisip.

Panaghoy nila'y saradong pang-uuyam,
Harap-harapang banggaan at mala-pilahaan.
Animo't bihasa na nga ang madla
Pagkat *tinatalunton ang ikot ng roleta.
Sama-sama tayong panindigan ang boto natin. Bagamat ang Diyos ang magtatalaga ng huling boto, ipagdasal nating mga kamay Niya ang mismong magmaniubra ng Election 2016! God bless, Pilipinas! Para sa bayan!

— The End —