Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
astrid Feb 2018
ang huling pagkikita ay hindi mo man lang napansin.
minsan kang nasilayan sa ilalim ng mga bituin.
ilang buwan naghangad na ika'y makapiling;
kailan ka kaya mapapasaakin?

ang nais ko lang naman ay magkakilanlan -
magkita, magka-usap, maging magkaibigan.
limutin mo na ang iyong nakaraan,
gawing ako ang iyong kanlungan.

sa bawat gabi na ika'y pinapakinggan,
pagsidhi ng damdamin ay 'di maungusan;
sakit at pagod ay maiibsan
kung hanggang sa pagtulog ay ikaw ang pinagmamasdan.

pagmamasdan ang mga matang hapo,
ang mga gitarang sira ang capo,
ang amoy ng kape mula sa hininga mo,
pati ang paghilik **** nasa tono.

ang iyong damit na babad sa pawis,
at ang iyong sapatos na kumikinang sa kinis;
kung sa umaga'y bubungad ang ngiti **** kay tamis
ay hindi ko kailanman gugustuhing umalis.

at sa lahat-lahat ng kaya kong ilista,
habang ang lapis sa papel ay nabubura na;
sisimulan ko sa pangalan **** may pitong letra
hanggang sa kung paano ka tumatawa.

isusunod ko ang mga singsing sa iyong daliri,
habang ang buhok mo'y hindi na mahawi.
sa bawat galaw **** aking tinatangi,
at ang ala-ala mo'y patuloy na mananatili

pagkarupok ng puso ay lalong sumisidhi.
kapag ika'y nakikita, kulang nalang ay tumili,
maraming nagtataka kung bakit ikaw ang napili,
ngunit mahal, alam kong hindi ako nagkamali.

ang pagmamahal kong lubus-lubusan,
tila apoy na sinilaban;
sa'yo inialay ang bawat laban,
ngunit umuuwi akong laging luhaan.

kung gaano ko man gawing mahaba ang tulang ito,
mayroong ibang nagsusulat para sa'yo.
kahit ipilit ko pang gandahan ito -
hindi ko matutumbasan ang gawa ng nanalo.

at kahit magbilang pa ako ng bawat patak ng ulan,
na maaari namang bilangin nalang kung ilang beses akong luhaan;
dahil sa katotohanang hindi ako ang lulan
ng puso **** kay sarap sanang gawing tahanan.

oo, alam ko. hindi ako nagkamali.
dahil patuloy akong magmamahal kahit sa iba pa ako maitali;
patuloy kitang sisintahin sa bawat gabi
na ika'y natatanaw mula sa aking mga hikbi.

aking sinta, ikaw ang aking mundo,
mabura man ng hangin itong monologo,
mabaliktad man ito ay hindi magbabago,
at kung mangyari'y sana'y ako na ang iyo.
cherry blossom Feb 2018
ano ang pinakamaling ipilit sa kalawakan?
ang naisin ang paglaho
ang pagkasabik sa destinasyon
ang madaling paglisan
mga maling kamay na kanlungan
ilang beses na tayo nagbabakasakali
sa 'di mabilang na pagpapasubali
sa mga bahay na akala natin ay tahanan
sa mga taong ilang beses napaghandaan
sa mga baka sakaling hindi tayo iiwan
o ang tiwalang hindi tayo lilisan
mga ilang beses pa dapat umulit ang palabas?

may magbibigay ba ng kasiguraduhan?

dahil isa lang ang sigurado ngayon
ang walang pag-aalinglangang pagod
ang pagsuko
ang sunod-sunod na pagkalunod
ang ilang beses na pag-iyak sa walang katuturan
mga walang katuturan, dapat

pinilit nating manatili
bigyang sagot ang mga tanong sa nasirang haligi
tignan mo ang mga bituin
isa tayo sa kanila
o ang mga bulalakaw,
mga bato na pinagliyab ng damdamin
tignan natin ang ganda
mamaya na natin alamin ang kasinungalingan nila
mamaya na natin pag-isipan
na ang mga liwanag na ito'y nakaraan na
pagmasdan natin ang ganda
mamaya na natin pag-usapan
ang pagkawala matapos ang pagbagsak
'wag na nating itatak
sa mga munting isipan
ang nagbabadyang katapusan
dahil alam na natin ang kahihinatnan
sa maling paglusob sa gyera ng kalawakan
at ang pagsalungat sa mga propesiya na minarkahan

hintayin na lang natin ang katapusan.
ibato na lang natin sa kalawakan ang hinaing sa mundo
02/20/18
Walong letrang nagsisimula
Sa isang pahina ng libro
Kung saan lahat ng nagawa ay nakasulat

Walong letrang sumisimbolo
Sa masasakit at masasayang alaalang
Iyong ibinigay,
Binitawan na parang isang kinusot na papel
Sa malawak na dagat na itim

Pilit na sumusuko
Pilit na umiiwas
Ngunit wala nang nagawa
Kundi hayaan na lang

Pasensya?
Pang-ilang beses na bang nabanggit
Pang-ilang beses na bang sinambit
Katagang ayaw marinig
Ng dalawang pandinig,
Na pilit inaalala, ang mga katagang
Nalalayo sa salitang pasensya

Hindi ka ba nagsasawa?
Ilang beses na bang kailangang marinig
Pasensyang hindi totoo
Pasensyang hindi galing sa puso
Pasensyang pinilit lang

Pwede bang ako naman?
Pwede bang ako naman ang hindi makinig?
Pwede bang ako naman ang humingi ng pasensya
At hingiin na sana'y tapusin na
Madaming daan
Hindi alam kung saan magsisimula
Madaming pagpipilian
Hindi alam kung bakit nag-aalangan
Sa kung anong dapat puntahan

Kaliwa?
Kanan?
Diretso?
Atras?

May mga pagpipilian pero hindi malaman
Tutuloy ba?
Titigil ba?
Susundin ba ang puso?
O ang nararapat?
Sisimulan ko ito
Sa kung paano ko tinapos ang lahat
Sisimulan ko ito
Sa kung paano nawasak
Ang isang inakala kong buo, ngunit basag
Simulan nating magbilang
Simula isa hanggang walo

Simulan nating bilangin ang bawat patak ng ulan
Kung saan tayo masayang nagtatawanan
At hindi pa nababahiran ng kahit anong
Sakit at pagdududa

Simulan nating bilangin ang mga bituin sa itaas
Kumikinang, nagbibigay liwanag
Sa mga mata **** nanlalabo na
At alam nang hindi na kayang ituloy pa

Simulan nating bilangin ang bawat pahina
Ng isang kwadernong punong puno
Ng masasayang alaala,
Ngunit isa na lang masakit na nakaraan

Simulan nating bilangin kung ilang beses tayong
Naging tayo, simula nang magtapat kang
Ako'y iyong gusto

Simulan nating... kailangan pa ba nating simulan?
Masisimulan ba ang mga bagay na alam ****, magtatapos naman?
Masisimulan ba ang mga bagay, kahit hindi ka sigurado,
Ay alam **** hindi naman tatagal?

Simulan nating itanong,
Bakit ako?
Bakit hindi na lang iba ang sinaktan mo?
Bakit hindi na lang yung isang babaeng umiinom ng kape sa gilid
O kaya'y nagbabasa ng libro sa kabila.
Bakit ako?

"Mahal kita."
Hindi naman talaga sa pagbibilang nagsimula ang lahat
Hindi naman sa numero, o sa ulan, o sa bituin

Dalawang salita...
Dalawang salita lang at nagsimula na ang lahat
Dalawang salita kung saan ang ako at ikaw ay naging tayo
Dalawang salita kung saan natapos din ang lahat

Simulan ulit natin,

Simulan natin, sa kung ilang kataga ang sinabi mo
Nang ika'y umalis
Simulan natin sa dalawang salitang sinabi mo sa kanya
Habang ako'y hindi nagbibigay ng atensyon
Simulan natin, sa kung paano natapos
Ang nabuong ikaw at ako.

Simulan natin, hanggang dito na lang.
Rotate the number eight, 90 degrees. What would you see?
hindi ikaw ang dahilan kung bakit siya nakangiti
hindi ikaw ang unang una niyang maiisip
sa unang pagbukas ng kanyang mga matang nakapikit;
hindi ikaw ang kanyang unang kakausapin
sa tuwing siya'y masaya,
malungkot, nagdudusa, at nasasaktan
hindi rin ikaw ang unang taong kailangan niya
tuwing siya'y nakakaramdam ng pagiging mag-isa

hindi talaga 'ikaw.'

ang ikaw na palaging siya ang iniisip
unang pagmulat pa lang ng mata sa umaga
ang ikaw na bukambibig ang pangalan niya
kahit ang iba'y rinding rindi na
ang ikaw na palaging nag-aabang sa pinto
nagbabakasaling babalik siya
at ang ikaw na naghihintay
kahit nakakagago na

hindi rin ikaw, at hinding hindi magiging ikaw
ang 'siya' na gusto niya
ang siya na importante sa buhay niya
na kahit ano mang pagsubok, ay siya at siya pa rin
ang siya na palagi niyang binabati ng magandang umaga
ang siya na ang mundo niya
at ang siya na kahit kailan
ay hindi magiging ikaw

hindi ikaw,

hindi talaga ikaw ang huli niyang maiisip
bago niya ipikit muli ang kanyang mga mata
hindi ikaw ang masayang kaganapan na maaalala niya tuwing siya'y nalulungkot
at hindi ikaw ang isang pulang rosas na kanyang pinili sa hardin ng iba't ibang bulaklak

kahit kailan naman ay hindi naging ikaw
hindi naging ikaw ang "siya" at "tayo" na iniisip niya
hindi naging ikaw ang pinaplano niyang masayang panimula pagkatapos ng masakit na katapusan
hindi naging ikaw, at hindi magiging ikaw

dahil iba ang "ikaw" at "siya"
ang siya na pilit niyang kinukuha ang atensyon
at ikaw na pilit namang kinukuha ang atensyon na hindi para sayo.
Unti-unti nang pinapalitan ng kadiliman ang langit na kanina'y kay liwa-liwanag pa.

Nakaupo ka sa aking tabi, tumitingala sa langit habang ang puso ko'y bumibilis ang pagtibok habang lumilipas ang mga sekundo. Kasabay ng pagpintig sa kalalim-laliman ng aking sarili, ay ang pagbaba ng mainit na araw na sumisikat sa atin at ginagawang mala-ginto ang iyong kutis; kapalit nito ang maluwalhati na buwan na kasing hugis ng iyong nakakaginhawa na mga mata kapag ika'y tumatawa. Ang sansinukob ay napakalaki at maraming mailalaman; at hindi ko papalapgpasin ang pagkakataon, kahit kailan, na ipaghambing ka roon. Maaaring napakaliit ng iyong katawan, ngunit ang puso **** pagkalaki-laki ay punong puno ng pagmamahal.

Ikaw. Ikaw ang aking sansinukob at ang pagmamahal ko ay para sa iyo lamang.

Kinuha mo ang aking kamay at hinalikan, ako'y iyong tinanong kung ano nga ba ang nasa isip ko; kaunti nalang ay hindi ko na mapipigilan ang sarili ko at isisigaw ko ang iyong pangalan ng paulit-ulit upang sagutin ng diretso.

Ang aking pagkahaling sayo'y katulad ng kalangitan; maaari mang magkaroon ng kadiliman ay babalik parin sa dating anyo na kay ningning. Ikaw ang nagsasabit ng buwan sa langit bawat gabi at ako naman ang tagawilig ng kumikinang na mga bituin sa iyo. Hindi tayo makukumpleto kung wala ang isa't isa, kaya ako'y humihiling bawat gabi na tayo'y hindi magwawalay sa isa't isa.

Ninanais ko na ang iyong puso ay habang-buhay na titibok para sa akin, dahil alam ko na ang akin ay titibok para lamang din sa iyo.
something i've kept in my notes for months already, written for somebody that i used to love. salamat sa lahat.
hindi naman talaga ako marunong magsulat
pero nang dahil sa'yo
nasimulan ko

hindi ko din alam kung paano ito tatapusin
pero nang dahil sa'yo
nagawa ko

paano nga ba magsulat?
unang letra, pangalawa, pangatlo
hindi ko namalayan na sa unang pagtingin ko
sa unang paglapat ko ng papel sa lamesa
sa unang paggalaw ng panulat ko

...dumaloy na ang mga salitang
hindi ko akalaing manggagaling
sa mismong mga kamay ko

"isang araw..."
diyan din naman tayo nagsimula
diyan tayo unang nagkita, nagkausap at nagkatinginan
lahat naman nagsisimula sa isang araw hindi ba?

at magtatapos din sa "wakas"
ang wakas kung saan magiging masaya na ang lahat
ang wakas na hindi na pwedeng madugtungan pa
ng kahit anong problemang magbibigay kalungkutan

pero bakit?

kahit alam kong wakas na
kahit alam kong tapos na, tigil na, hinto na
bakit hindi ko pa din mapigilan
ang paggalaw ng kamay ko sa itaas ng papel?
ang pagagos ng mga letra sa utak ko
na para bang ako'y lalamunin na?

"nasasaktan ka na"
bulong ng utak ko sa puso ko
"kaya ko pa"
sagot naman ng puso ko pabalik
"di ka pa ba pagod?"

mga huling salita na nagsasabi sa'king tumigil na
mga salitang matagal ko ng hinihintay
mga salitang dapat matagal ko nang napagtanto
at hudyat na dapat itigil ko na

akala ko ba, nang dahil sa'yo, magiging madali na lang?
akala ko ba, nang dahil sa'yo, mahihinto ko agad?
bakit parang bumaliktad?
bakit parang, nang dahil sa'yo mas humirap

nang dahil sa'yo
humirap magsimulang muli
humirap maghanap ng panibagong papel
na pagsusulatan ko ng bagong kabanata
humirap ihinto ang mga pangungusap
na aking nasusulat nang ako'y nagsimula

kailan ba 'ko hihinto?
pati ba naman itong tula ay hindi ko matapos
dahil hanggang dito, ikaw pa din ang dahilan
ikaw ang dahilan kung bakit ko ito sinimulan sinulat, dinama, pinagisipan

alam ko...

alam ko darating ang araw na mararating ko din ang wakas
ang wakas kung saan wala ng "dahil sa'yo"
ang dulo kung saan mahihinto ko na ang pagsusulat ng kabanatang ito
ang kabanatang nagbigay sa akin ng ligaya, ngunit masakit na karanasan
ang kabanatang hanggang nakaraan na lang

at pag dumating ang araw na iyon
muli ko nang mararamdaman ang saya sa pagkuha ng bagong papel
ang saya sa paglinis ng aking panulat
at…
ang saya kung saan mababanggit ko na ang katagang, "sawakas"

masasabi ko na din ang pasasalamat ko sa iyo,
na nagbigay sa akin ng papel at
matitingnan ko na din ng maayos
ang panulat na ikaw mismo ang nagbigay.
Daniel Dec 2017
Gusto ko ng panibagong balat.
Iyong maputi at makinis.
Mala porselana,
Na halos kuminang tuwing masisinagan ng araw.
Kabisado ko ang bilang ng araw,
Na ginugugol sa ilalim ng araw kakabanat.

Ngunit,
Ang panibagong balat,
Hindi nito ako kayang protektahan, alam ko.
Lilimitahan lamang nito ang mga nalalaman ko.
Ngunit,
Sa panibagong balat, nais ko magsimula.
Kilalanin at kalimutan ng halos magkasabay,
Ang imahe ng nakakadiri kong balat.

Bilang ang peklat.
Sukat ko kung gaano kalalim ito,
Noong sugat pa lamang.
Kaya ko gusto ng bagong balat para pagtakpan ito.
Baka sakaling iwasto ng bago kong balat,
Ang mga naimali ko.

Makikilala kaya ako ng ibang tao,
Sa bagong balat na suot ko?

Marahil hindi,
sana hindi,
panigurado hindi.

Nais kong magtago,
Sa paraan kung paano ako lulutang ng hubo't hubad.
Nang hindi ko na itatakip,
Ang aking palad sa aking dibdib,
Dahon sa ibaba ng puson.

Isisigaw ko ang salitang "PUTA!" ng napakalakas,
Halos magsisilabas
Ang mga putang mismong makakarinig,
At yayakapin ko sila.

Dahil bago ang balat ko, ito'y mainit.
Kumpara sa nahamugan kong balat kagabi.
Malinis,
Kumpara sa balat kong may dampi ng mabahong laway.
Mabango,
Kumpara sa mumurahing aficionado na nahaluan
Ng pawis ni Ricardo kagabi.

Bagong balat.
Ibebenta ko ang luma kong balat,
Sa gabing ito.
Bilhin mo ang aking balat.

May panibago bukas,
Pag-asa, hamon,
Mantikilya sa loob ng pandesal.

Gamit ang luma kong balat,
Makakabili pa ba ako ng bago?

Magkaiba ang bagong uri sa bagong palit.
Ang balat ko, nalaspag na.
Tulad ng puti kong damit,
Hindi na ito puti.

Marumi ang titig ko.
Marumihin ang aking naisuot.
Ang balat ko ay puno ng mantsa,
Ngunit bago ang aking suot ngayon, bagamat,
Iisa parin ng uri.

Balat na nakalaan para ulitin ang pagrumi at
Yurak sa puti kong suot.
Bagong balat, kulay puti.
Wala na akong maisuot.

Hubad na ang aking puri.
Hindi ko masuot ang salapi.
Magkano pera mo? Tara?
Nais mo bang makita ang aking balat?
Itong tulang ito ay patungkol sa prostitusyon. / This poem tackles prostitution.
Next page