Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
090316 #AlphabetsOfLove #SpokenWords

Nag-aral ako't rumolyo ang panahon
Nagbilang ng taon, nabihag ng pag-ibig Niyang pabaon.
Naghalungkat ako ng mga mumunti Niyang Katha
Sa tarangkahang puno
Ng higit pa sa dalubhasang mga Salita.
At heto --
Heto ang Bukas na Liham
Ng pag-ibig ng isang tunay na Mandirigma.
Para sa lahat ng nanghihina't nasawi ng tadhana,
Para sa lahat ng humuhugot
Sa sandamakmak na nagdidilimang mga eskima
Heto, heto nga pala ang ABAKADA ng Pag-ibig.

----

A-alalayan Kita't baka mahulog ka't masaktan pa ng iba. Baka magpasalo ka na naman sa mga bolerong nanunungkit ng pag-ibig -- silang susungkit ng mga bituin para sayo, silang haharana sayo ng kilig, silang magsasabing maghihintay sayo kahit pa sa magkabilang mundo -- silang magdudulot lamang ng matinding pait sa puso mo pag hindi ka pa handa, pag hindi ka pa nahilom at pag hindi pa panahon. Oo, silang muling gugusot ng pagkatao mo.

B-abalikan Kita, hindi dahil Ako ang nang-iwan. Pakiramdam mo kasi'y wala ka nang halaga; yung tipong iniwan ka na ng lahat sa ere't kaunti na lamang ay pabagsak ka na -- yung wala ka nang matakbuhan pa, yung paikut-ikot na lang, yung takbo ka na lang nang takbo -- hanggang sa mapagod ka na lang. Mapapagod at kusa kang hihinto -- yung bibitiw ka na, yung aayaw ka na, yung titigil ka na, yung wala ka nang pakialam. Kaya't --

K-akalingain Kita, di gaya ng pag-ibig na minsang nagpaluha sayo. Nang nasisilayan Kitang magdamagang umiiyak. At kasabay ng bawat teleseryeng pinapanood mo ay luluha ka't hahagulgol ka sa isang sulok. Paulit-ulit sa bawat alaala, parang lirikong sinasabayan mo sa bawat hugot na pasan-pasan mo. Na lahat na lang, tila ba'y konektado sa kanya. Na wala ka nang mapanghawakan pa. Iiyak ka na naman ba? Pero --

D-aramayan pa rin Kita, hindi lang sa mga pagkakataong sawi ka; pero pati sa mga oras na gusto mo siyang balikan. Doon ay papagitna Ako at pipigilin Kita. Gusto kong makita yung totoong ikaw, yung dapat sanang ikaw -- yung ikaw na kahit wala siya'y buo ka pa rin. Yung hindi mo malilimutang mahal -- mahalaga ka para sa Akin.

E-h nasasaktan ka na. Ganyan ba ang pag-ibig na gusto mo? Na siya na ang nagiging mundo mo? Na halos wala ka nang kibo sa roletang dapat sana'y para sayo? Ganyan ba, ganyan ba ang totoong nagmamahal? Na hahayaan **** malugmok ka't madungisan ang sarili ng paulit-ulit at miserable **** nakaraan? Na hindi ka na kikilos, na parang wala ka nang balak bumangon at salubungin ang araw. Na parang hahayaan mo na lamang manlamig ang kapeng itinimpla sayo ng mga higit pang nagmamahal sayo. Pero --

G-agamutin Kita. Lahat ng mga sugat at pasang idinulot sayo ng nakaraa'y pawang aalisin Ko. Ako mismo ang kukuha ng bulak at Siyang papahid at dadampi sa bawat kirot at hapding naiwan sayo ng minsang ipinaglaban mo. Ako mismo ang iihip sa bawat nangigitim at sariwang mga pantal at peklat na bumabalot at kumukubli sa dapat sanang ikaw. Handa Ako at kaya Ko -- kaya kong alisin ang lahat --

H-anggang sa makabangon kang muli't maranasan mo ang pagbabagong ganap. At mapagtanto **** hindi naman siya kawalan sa pagkatao at pagkatawag mo. Masakit man pakinggan pero oo, hindi siya ang buhay mo. Uulitin ko: hindi siya ang buhay mo. Tumingin ka sa mga mata Ko. Pagkat oo, buo ka pa rin at walang nagbago sa paningin Ko sayo.

I-iyak ka paminsan pero ang lahat ay mananatiling alaala na lamang; luha mo'y sasaluhi't pupunasan Ko. Bibilangin Ko ang bawat butil na walang humpay na dumarampi at darampi pa sayong mga pisngi, higit pa sa matatamis na pangako niyang napako na rin kalaunan. Oo, napako ang lahat -- napako ang lahat sa Akin.

L-umaban Ako at patuloy Kitang ipinaglalaban. Tiniis ko ang bawat matitinik na hagupit sa mga balat Ko; maging mga pangungutya ng mundo. Para sayo -- para sayo, lahat ay ginawa Ko na; lahat ay tinapos Ko na at lahat ay iginapos Ko na. Pagkat --

M-ahal Kita at hindi Ako magsasawang patunayan yan sayo. Walang anumang bagay sa mundo na makapagtitibag at makahihigit sa pag-ibig Kong laan sayo. Mahal Kita at mas mamahalin pa -- higit sa mga araw na bilang, higit sa mga oras na ninakaw ng dilim pagka maaga ang takipsilim, higit sa kaibuturan ng dagat na wala pang nakalalangoy -- higit sa mga panahong pipiliin **** mahalin na rin Ako.

N-i hindi Kita iiwan, ni hindi pababayaan. Kaya -- wag ka sanang matakot na buksang muli ang puso mo, pagkat ni minsan -- ni minsa'y hindi Ko naisip na biguin ka. At hindi Ko naisip na paasahin ka gamit lamang ang mga salita, pagkat kalauna'y darating Ako para sunduin ka. Totoo ang bawat pangako Ko at lahat ay para sa ikabubuti mo, kaya't panghawakan mo ito -- hindi gaya ng pagsalo ng tubig gamit ang mga kamay mo. Pero hindi, hindi masasayang ang pag-ibig mo.

O-o, naiintindihan Kita, na nahihirapan kang magtiwalang muli dahil sa sobrang nasaktan ka na. Hindi Kita minamadali at hindi Ko ipipilit ang pag-ibig Ko sayo. Hahayaan Kita -- hahayaan Kita kasi gusto kong kusa ang pagtitiwala't pagmamahal mo. At --

P-apasanin Kita. Gaya ng isang Inahing naglilimlim sa kanyang mga inakay, gaya ng isang Inahing hahagis sa kanila sa himpapawid gamit ang sariling mga pakpak. At Gaya ng isang Inahing sasalo at papasan sa kanila pag nahulog silang muli -- hanggang sa makalipad sila -- hanggang sa makalipad kang muli. At buhat sa ereng pinagtambayan, buhat sa ereng pinagkatakutan mo'y, ngayo'y makakaya mo na. Kahit na sabi mo'y naputulan ka na ng pakpak; kahit pa sabi mo'y hindi ka na muling makalilipad pa. Mali, mali ang paniniwala **** yan pagkat --

R-aragasa ang pagpapala't ibubuhos Kong ganap ang Sarili Ko sayo. Ayokong iniisip **** hindi mo na kaya ang buhay; ayokong mawalan ka ng pag-asa dahil lang umasa ka sa maling tao o maling mga bagay o mga sitwasyon. Sabi mo pa nga, wala nang saysay ang buhay mo. Sabi mo nga, hindi mo na kaya. Oo --

S-asabayan Kita -- sasabayan, hindi lamang sa pag-abot ng mga pangarap mo. At sa bawat lubak na madarapa ka, tandaan **** narito Ako't aagapay sayo, kahit ilang beses ka pang matisod sa pagtalikod o pagkatalisod ay handa pa rin Akong saluhin ka -- sasaluhin at payayabungin.

T-atayo Ako sa harap mo at Ako ang magsisilbing harang sa bawat balang ikaw ang puntirya. Manatili ka lang -- manatili nang may buong pananampalataya at Ako -- Ako ang gagawa ng mga bagay na imposible sa paningin mo -- mga bagay na mistulang imahinasyon mo lang; mga bagay na binaon mo na sa limot pagkat huminto ka, huminto ka dahil napagod ka. Pero tapos na, tapos na ang panahon ng kapaguran. At ngayo'y --

U-nti-unti **** mararamdamang kusa na ang pagyapak mo kasama Ako. Na kaya mo na pala, na nakahawak ka na rin sa mga kamay Ko; na hindi ka na bibitaw pa. Pagkat, kailanma'y hinding-hindi Kita binitawan. Oo, hindi Kita hinila noon pagkat ayokong napipilitan ka pero matagal na -- matagal na akong nakahawak sayo; hindi mo lang napapansin o hindi mo Ako nagagawang tingnan.

W-ag kang mag-alala't alam ko ang kapasidad mo - kung kailan mo kaya at kung kailan hindi. Alam kong minsan mahina ka, pero maging mahinahon ka.

Y-ayakapin Kita, Anak; at kung iiyak kang muli, pwede bang sa mga bisig Ko na lang? Ikaw ang tanging Yaman ko't alay Ko sayo ang lahat. Mahal Kita, at ito'y walang hanggan.

---
Ngayon, magtatapos Ako
Magtatapos ako kahit na sarado pa ang puso mo
Kahit na may iba ka pang mahal sa ngayon
Kahit tila naririndi ka na sa pagkatok Ko
Kahit pa pinagsasarudahan mo Ako
Kahit pa ayaw mo pa Akong tanggapin
Kahit pa sabi mo'y hindi ka pa handa
Kahit pa sambit mo'y sa susunod na lang
O kahit pa sigaw mo'y tumigil na Ako
Pero hindi, ayokong magtapos ng ganito.
Magtatapos Ako't maghihintay sa sagot mo
At sana, sana'y dugtungan mo ang liham ng paanyaya
Dalawang letrang magkatulad lang
Dalawang letra lang ay sapat na
At ito -- ito na marahil ang pagtatapos
Na Ikaw ang Simula.
unknown  Aug 2017
SANA
unknown Aug 2017
nais kong simulan ang aking tula sa isang katanungan,
"bakit mo ako iniwan?"
dahil ba sa ugali kong hindi maintindihan?
dahil ba sa itsura kong hindi kagandahan?

bakit mo ako binitiwan?
bakit mas pinili mo ang lumisan?
bakit mga pangako mo'y iyong kinalimutan?
bakit ka lumihis ng daan?

mahal, sana'y sagutin mo't huwag kang magalit,
kung marami akong tanong sayo na bakit,
hindi ko parin kasi talaga matanggap yung sakit,
sagutin mo naman, baka sakaling tumamis ang mapait.

hindi kita matanggal sa puso't isip ko,
at dahil sa takot ko na baka maulit ang pag-alis mo,
ipinagkatiwala ko ang puso ko sa ibang tao,
kaysa ang maniwala muli sa mga salita mo.

sa bawat paggalaw ng kamay ng orasan,
sa bawat pag-ihip ng hanging amihan,
sa bawat pagsilip ni haring araw,
tila puso ko'y nanatiling naliligaw.

paulit-ulit sa aking isipan,
tama ba ang aking napagdesisyunan?
kasiyahan sa iba ay dapat bang subukan?
nagbakasali na hindi ko ito pagsisihan.

sumubok ako, nagtiwala sa mga salitang naghatid ng panandalian ligaya,
nagpadala ako sa mga pangakong "ikaw lang at wala ng iba",
pero nagkamali ako, pare-pareho lang pala kayo,
sa una lang kayo pursigido.

mahal, nais kong alalahanin mo,
lingid sa kaalaman mo na makakalimutin ako,
pero inaamin ko, ni minsan hindi ka nawala sa isip ko,
oo mali 'to, pero masisisi mo ba ako?

bakit ramdam ko parin ang sakit ng iyong paglisan?
bakit hindi kita kayang bitiwan?
bakit sa bawat oras ng aking kalungkutan,
ikaw, ikaw ang nagsisilbing dahilan ng aking kasiyahan?

ang unan ko'y basang basa na ng luha,
mata ko'y tuluyan ng namaga,
alam ko na wala na akong dapat kapitan,
kung kaya't sanay matutunan ko ng ika'y bitiwan.

mahal, wala akong karapatan para sabihin na ako'y iyong balikan,
dahil minsan na kitang pinagtabuyan,
kaya hinihiling ko na sana sa iyong muling paglisan,
kasabay nun ay ang unti unti kong pagtahan.

patawad sapagkat hindi na tama ang aking nadarama,
patawad sapagkat alam kong tayo'y tapos na,
patawad sa mga salitang hindi na maibabalik pa,
patawad, patawad sa pagpili ko noon na lisanin ka at wag ng lumingon pa.

labis ang naramdaman kong lungkot,
labis din ang poot dahil hindi kita malimot-limot,
subalit sa mga panahong naghihilom na ang kirot,
saka ka naman muling susulpot.

lubos akong nagalak,
puso ko'y nabusog sa iyong salitang mabubulaklak,
nawala ang patalim sa puso ko na nakasaksak,
nang ikaw sakin ay kumambak.

subalit hanggang kailan kaya mayroong "tayo"?
hindi ko maalis ang takot sa puso at isip ko,
hindi ko maalis ang nadarama kong silakbo,
na ang dapat na "tayo" ay mapalitan muli ng isang "kayo"

hanggang kailan mo ako muling mamahalin?
hanggang kailan mo ako muling yayakapin?
hanggang kailan mo muling ipaparamdam ang apoy ng pag-ibig?
o papatayin na lamang ito muli ng malamig na tubig?

natatakot ako sa mga bagay na hindi inaasahan,
na baka magbago ang iyong isipan,
natatakot ako sa mga pwedeng maging dahilan,
dahilan ng iyong posibleng paglisan.

kasi minsan mo na akong isinantabi,
minsan mo na kong trinato na parang walang silbi,
minsan mo ng binasa ng luha ang aking pisngi,
at minsan mo na rin pinunit ang puso ko sa iyong mga sinabi.

natatakot ako mahal ko,
nais kong magtiwala muli sa mga salita mo,
paumanhin, subalit natatakot ako,
natatakot akong iwan mo ulit ako.

sana'y sa ating karanasan sa nakaraan,
manatili ka sa aking tabi at huwag lumisan,
sapagkat ikaw ang aking kalakasan,
subalit ikaw rin ang aking kahinaan.

ikaw, ang pumapawi sa aking uhaw,
ikaw, ang nagbigay direksyon sa puso kong ligaw,
ikaw, ang dahilan kung bakit ang puso mula sa bintana ng kaluluwa'y dumungaw,
ikaw, ang nagbibigay sigla sa akin araw-araw.

hinihiling ko na sana sa oras na magbago ang ihip ng panahon,
magbago ang direksyon ng mga alon,
tumaliwas ang lahat ng bagay sa dapat nilang posisyon at direksyon,
mag-iba man ang huni ng mga ibon,

sa oras na ikaw ay aking muling tanungin,
isa laman ang isasagot mo sa akin,
"huwag kang matakot at mangamba,
mahal na mahal kita"
ig: seluriing
twt: seluring
fb: seluring
follow meeeeee!
astrid Feb 2019
6th of december, 2018.

“Pinagtagpo ngunit hindi itinadhana.” Madalas kong naririnig ‘yan, palagay ko’y ikaw rin. Pero kung iisipin, napakarami nating mga taong natatagpuan na nakatakda ring umalis. Ang ilan ay babalik, ang ilan ay maglalaho na lang. Hindi ko alam kung saan ka riyan nabibilang. Walang pakiramdaman, walang pakialamanan, walang pakundangang naghahanap ng mga bagay para pilit kang makalimutan. Gigising ako nang nakangiti, masaya, at ang nasa isip ay
“kakalimutan na kita,” ngunit kahit kailan ay hindi ‘yan nagkatotoo. Ang pag-asang makaahon sa ‘yo ay palabo nang palabo. Sa bawat gabing nagdaan, napapatanong ako kung saan na naman ako nagkamali. Saan na naman ako nagkulang? Saan na naman ako kinapos? O baka naman sumobra? Paikot-ikot ang mga mata sa lugar kung saan tayo huling nagkita. Saan mo ako iniwan? Pareho tayo ng pinupuntahan, pero hindi ko na alam kung paano pa babalik. Hindi kita mahagilap; ang tanging palatandaan ko para makabalik ay hindi ko na mahagilap. Dahil naglaho ka sa isang iglap. Hindi ko na alam kung paano pa babalik. Dahil hindi pa kita nakikita.

Ilang eskinita lang naman ang pagitan nating dalawa. Nariyan ang mga tricycle para mahatid akong muli sa bahay ko. Nariyan ang mga dyip na pupwede kong masakyan para lang mapalayo sa ‘yo. Tayo’y palaging nasa ilalim ng parehong langit, aalis at uuwi sa iisang lugar ngunit hindi man lang kita makamit. Pareho ng sinasakyan, pareho ng mga dinadaanan. Iisa lang naman ang mga pinupuntahan natin, ngunit ang araw-araw kong biyahe ay naging ikaw na ang destinasyon. Nagbabakasakali lang naman akong baka matupad mo ang aking imahinasyong hindi ko na batid pa ang limitasyon. Sa bawat pag-alis ko ay nananalanging magkita tayo sa lalong madaling panahon.

Ngunit hindi ko pa rin alam kung paano babalik. Alam ko ang ruta, alam ko ang sasakyan. Ngunit ako mismo ang nagpupumigil. Dahil hindi mo ako tinutulak palayo. Hindi pa man tayo nagkikita, mas gugustuhin ko nang hilain mo ako paalis sa kung saan mo ako iniwan. O baka ang presensya mo lang ang hiling kong masilayan, para tuluyan na akong makalakad paalis sa piling mo. Hindi ko naman mapapantayan ang babaeng nagdala sa ‘yo sa tahanan mo— ni hindi ko nga alam kung paano umuwi sa dapat kong uwian. At sa bawat biyaheng sinusulong ko, hindi ko man lang naisip na baka mali ang daan na tinatahak ko. Iba pala ang langit na pinagmamasdan mo sa umaga, kahit ang mga bituing nais **** titigan sa gabi. Iba pala ang sinasakyan **** dyip sa bawat pag-uwi. Iba pala ang eskinitang napapadparan mo. Iba pala ang langit na sinisigawan mo ng pangalan niyang kaakibat na ng apilyedo mo. Iba pala ang inuuwian mo.

Pasensya na, tanga ang kasama mo. Mali, hindi mo pala ako “kasama” dahil kahit kailan ay hindi ka naman sumama. Hinayaan ko ang sariling maligaw sa mga mata mo. Hinayaan kong mawala ang isip sa mga salita **** nadadala ako sa ibang dimensyon ng mundo. Hinayaan kong magwala ang pusong binuhay mo— na bibitawan mo lang din pala, dahil masyado itong magulo. Ngayon lang ako nakalabas at hindi na muli pang magtatago, ngunit niligaw mo ako. Pasensya na, gagapangin ko pa ang sarili ko palayo sa ‘yo.

Hindi ko maintindihan kung paanong ako’y napadpad sa ‘yo kung hindi ko pa nasisilayan ang mga mata **** mapanlinlang, na kung saan ay nagpahatak pa rin ako— delikado, at muntik pa akong mabaldado. Huwag na sanang pahintulutan ng mundo na pagtagpuin pa tayo, dahil kung sakali ay baka hindi na ako umalis. At baka samahan pa kita kahit saan ka man papunta, kahit sa piling niya pa. At lalong hindi tayo isang halimbawa ng “Pinagtagpo ngunit hindi itinadhana”. Inaantay ko pa lang ang matagpuan kita, upang makaalis na ako.
m.r.
Wretched Aug 2015
Ito ako,
Duwag akong tao.
Madali akong matakot sa mga bagay na hindi nakikita pero nararamdaman mo
Tulad ng mga multo.
Mga kaluluwa ng mga sumakabilang buhay
Na nagpapagala gala sa aking isipan.
O kahit ang biglaang pagpatay ng mga ilaw.
Pakiramdam ko ang mundo ay hindi ko na kontrolado.
Na sa onting patikim lang ng dilim,
Katinuan ko ay guguho.
Tapos ayun na.
Dahan dahan ng bubuhos ang iyak galing saking mga mata.
Aaminin kong para akong tanga,
Kasi nga naman,
Simpleng mga bagay pero grabe kung gaano ko kayang aksayahin ang mga luha ko sa kanila.
Parang bata. Duwag. Mahina.
Marami pa akong mga kinakatakutan
Pero lahat ay napawi ng sa buhay ko'y dumating ka.
Binuhay mo ko, oo ikaw.
Ikaw ang nagsilbing unang hinga sa pag ahon ko sa malalim na dagat.
Ikaw ang matagal ko ng hinihiling sa bawat bituin
Ang panalanging ngayon ay akin ng katapat
Na akala **** ating pagtatagpo, tadhana ang nagsulat
Nagliwanag ang gabi nang makilala kita.
Ikaw ang naging rason ng aking pag-gising sa umaga.
Nagmistulan kang isang sundalo.
Nakabantay sa aking mahimbing na pagtulog.
Ipinagtatanggol ako sa mundong puno ng kamalasan at disgrasya.
Ang tapang **** tao.
Ikaw, hindi ako.
Kinayang **** harapin ang mga bagay na kinaduduwagan ko.
Natakot akong magmahal muli pero isipan koy iyong nabago.
Kaso sa sobrang kasiyahan na idinulot ng pagdating mo,
Bumalik ang mga takot ko.
Naduwag ako.
Marami akong mga kinakatakutan
At ika'y napasama na dito.
Natakot ako na baka pag gising mo isang araw
Magbago ang isip mo at
Malimutan **** mahal mo ko.
Kayanin **** talikuran ako.
Dumating ang isang masalimuot na gabi
Bangungot ang kinlabasan ng buong pangayayari
Nagdilim ang aking paligid.
Umalis ka na lang ng walang pasabi
At tumalikod ka nga.
Ikaw ang unang bumitaw.
Ikaw, hindi ako.
Ni walang pagpapaalam na nangyari
Ni hindi mo na ko sinubukang sulyapin muli.
Sabi na nga ba. Ang tanga ko talaga.
Natagpuan ko na naman ang aking sariling Nagaaksaya
Ng balde baldeng luha.
Parang bata. Takot duwag mahina.
Inakala mo siguro lagi na lang akong magiging
Isang prinsesa na kinakailangan lagi ng iyong pagsasagip
Pero mahal, Kailangan **** maintindihan.
Ngayon ko lang aaminin sa sarili ko na
unang beses kong naging matapang
Ng  aking Isinugal sayo itong marupok na puso.
Gumuho ang aking mundo.
Pinatay mo ko.
Ilang araw kong pinaglamayan ang ang aking sarili
Umaasang babalik ka at muli akong lulunurin sa init ng iyong mga bisig
Pinatay mo ko pero sa utak ko bakit parang napatay din kita?
Nagsitaasan ang aking mga balahibo
Kasi nga natatakot ako sa bagay na hindi ko nakikita pero nararamdaman mo.
At nararamdaman pa rin kita.
Pinipilit kitang buhayin
Ikaw na bangkay na sa akin.
Pinipilit kong abangan ang pagmulat ng iyong mga mata.
Ako'y patuloy na naghihintay.
Na malay mo sa araw na ito.
Sa iyong pag-gising, maisipan **** mahalin muli ako.
Mga alaala mo'y nagpapagala-gala sa aking kwarto na
Pumalit sa mga multong inaabangan ang pagtulog ko.
Pinatay mo ko pero
bumangon at babangon ako.
Naisip ko,
Ikaw ang naging duwag sa ating dalawa.
Ikaw, hindi ako.
Umalis ka dahil yun na lamang ang naisip **** solusyon.
Dahil iyon ang pinakamadaling paraan
Para problema mo'y iyong matakasan.
Ikaw ang natakot.
Ikaw ang mahina.
Ikaw,Hindi ako.
Dahil hindi mo kinayang magtagal sa ating laban.
hindi ako prinsesang laging kailangan ng pagsagip.
Mahal, Ako ang giyerang iyong tinalikuran.
At Kung nais **** bumalik
Ipangako **** ako'y hindi mo na muling lilisanin.
Bumalik ka ng walang bakas ng kaduwagan,
na ika'y sasabak muli sa ating digmaan.
Kahit ba iyong buhay ang nakasalalay.
Bumalik kang walang takot.
Hali ka, aking sundalo.
Bumalik ka kung kaya mo ng suungin ang giyerang nagngangalang ako.
This was the piece that I performed for Paint Your Poetry Slam at Satinka Naturals.
Eternal Envy Nov 2015
Siguro kahit minsan naranasan mo nang masaktan,maiwanan, at masugatan. Mag iisip ka ng posibleng dahilan o paraan para malimutan ang nakaraan. Ginawa kitang inspirasyon. Pag gising ko sa umaga ikaw agad ang naaalala, magmamadaling pumasok sa eskwela para makita ka. Oo, inspirasyon kita, iniisip kita sa buong magdamag, para akong tanga na umaasang magiging akin ka. Oo, inspirasyon kita, at alam kong hanggang dun lang ako. Alam kong may mahal kang iba. Gusto ko aminin na mahal kita pero ayokong sabihin. Paano ko sasabihin kung takot akong umamin. Gusto ko buksan ang isip at puso mo. Pero hindi ako handa makita ang totoo. Yung totoong mahal mo, yung iniisip mo, yung inspirasyon mo. Siguro dapat na akong tumigil kakaisip sayo o baka kailangan ko nang humanap ng bagong inspirasyon. Gusto ko nang itigil ang nararamdaman ko para sayo. Pero pano ko gagawin 'to kung pakiramdam ko nakatali na ako at hindi na makawala sa alindog na dala mo. Pakiramdam ko kailangan ko nang lumayo. Pero pano ko gagawin 'to kung ikaw ang inspirasyon ko. Gusto ko nang tumigil sa tulang ito, pero pano ko ititigil kung sa tuwing naiisip kita may bagong letra at salitang lumabas sa isip ko. Mahal kita at ayokong sumuko, insipirasyon kita at hindi yun magbabago. Sana maintindihan mo ako kahit na magulo itong ginagawa at sinasabi ko. Natutuwa ako pag kinukulit at hinahawakan ko ang buhok mo. Sa tuwing nahahawakan ko ang kamay mo na malambot, na masarap hawakan at ayoko nang bitawan. Sana parehas tayo nang nararamdaman at kung hindi man tayo pareho, umaasa akong pag inamin ko ang nararamdaman, sana hindi ka lumayo. Sana hindi ka lumayo sa piling ko. Ayokong mawala ka sa buhay ko. Sana ako nalang ang mahal mo. Umaasa akong magiging ako rin ang nilalaman ng puso mo. Tapos na ako. Salamat sa inspirasyon na binigay mo sa akin para masabi ko ang nararamdaman ko tungkol sa'yo sa pamamagitan ng tulang ito. Mahal kita at hindi iyo magbabago
Hi Veanca! Sana mapansin mo ako hahaha :)

— The End —