Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
Miru Mcfritz Jan 2019
sa gabi ito nararamdaman ko
ang lamig kung saan ang katawan ko ay nanginginig
ang gabi na bilang lang
ang natatamaan ng liwanag
ng buwan sa daan


nag lakad ako sa dilim para
magpahangin at mag isip isip ng mga bagay na gumugulo at sumasagi sa utak ko
ito ba mga bituin tinitingala ko
ay totoo bang tinutupad
ang hiling ng mga tao?

o isa lang silang bagay na
palamuti sa itaas ng kalawakan
para maging matingkad
ang mga gabi at mag bigay ng
kislap sa itaas ng kalangitan
para matawag itong maganda

minsan naniwala ako sa kasabihan kapag nakita mo ito
sa kalangitan kung saan
ang pakiramdam mo ay hindi
mo maintindihan.
subukan mo ibulong sa bituin

at pagkatapos sabihin mo
dito ang mga gusto ****
mag bago sa sitwasyon na
naaayon sa kagustuhan mo
at ibibigay at magkakatotoo

sinubukan ko gawin ito ng
mataimtim. sinabi ko na lahat
ng aking hinanakit at sakit
ibinulong ko ito sa mga bituin
na may kasama pang luha
baka sakali sakin ay maawa

hiniling ko na sana ay bumalik ka.
yakapin ako muli at hindi kana aalis pa
hahawakan ang aking kamay
at sasabihin sakin hindi mo
kaya
hiniling ko rin na sana sabihin
**** mayroon tayo pa

ilang gabi pa ang mga dumaan
sinubukan ko mag lakad lakad
sa madilim na daan
at mag isip kung saan na ba
napunta ang mga hiniling

kung ito ba'y pagpapalain sakin
o ito ba ay mababaliwala
at mag lalaho lang din ng bula
kasama ng mga hiling ko
kung babalik ka pa ba

napag tanto ko kaya hindi
sinang ayunan ang aking
mga hiling ay parehas tayong
humiling sa bagay na
ginusto na mangyari para satin

ikaw na gusto **** bumalik sya
at mahalin ka ulit
ikaw na pinapangarap sya
ikaw na sana hindi na ulit kayo
maghihiwalay pa

at ako na umaasa babalik kapa
ako na nag hihintay at umaasa
ako na humihiling pa ng
pangalawang pagkatataon
para mahalin.
ako na sana ay piliin mo rin.

nabaliwala ang lahat ng hiniling para sa ating dalawa.
naisip ko na hindi naman
natin kailangan ang mga bituin
na to para hilingin ng mga bagay
na gusto natin

dahil tayo ang mga bituin
sumabog sa kalangitan pagkatapos ng ating mga hiling
para sa atin ay magpapasaya

tayo ang mga bituin tutupad
sa gusto natin mabago ang lahat
tayo ang mga bituin noon ay
nag ningning at nag sama
pero mali ang tinalikdang daan

tayo ang mga nawalang
bituin sa kalangitan at pinag
tagpo ng kapalaran at
pagkakataon para hilingin
sa bawat isa pero iba ang gustong makasama.

tayo ang mga bituin na yon
tayo ang mga bituin nag ningning noon
tayo yon
tayo ang bituin na yon.
Sa pagdating **** napabalita
Unang sulyap palang namangha na

Gayak na sinauna
Sa paningin mahalina
Musikang kaytanda na
Sa pandinig mahiwaga

Mahalaga ang gabi
Simula ng pagsaksi
Kwento kong inabangan
Hatid niyang kasaysayan

Sa aking talambuhay
Gabing iyon may saysay
Nasa pagtitipon
Mga kaklase noon

Kapitbahay inuman
Masaya ang kwentuhan
Subalit ako’y saglit
Umuwi sa malapit

Iyon ay dahil batid ko
Simula na ng kwento
Ng kanyang unang yugto
Gabing Trenta ng Mayo

Mula nang araw na ‘yon
Pagsubaybay tradisyon
Naging makabuluhan
Likhang pampanitikan

Subalit ‘di naglaon
Nawalan telebisyon
‘Di hadlang gayunpaman
Sa radyo’y pinakinggan

Mula pagkabinukot
Hanggang aliping tulot
Babaylang naging ****
Mandirigmang pinuno

Nilupig at nanlupig
Inusig at nang-usig
Natulig at nanulig
Inibig at umibig

Nagtago at naglakbay
Namatay at nabuhay
Tinanggap at nagpanggap
Naghirap at nilingap

Sakay ng karakoa
Tinungo ibang banwa
Naghanda sa pagbalik
Upang ganti’y ihalik

Sa mabagsik na raha
Na pumatay sa ama
Sa pinunong baluktot
At sa harang nanalot

Mangubat at Angaway
Mga rahang kaaway
Lamitan na ninanay
Nais siyang maging bangkay

Sa kahuli-hulihan
Lahat sila’y talunan
Sa babae ng tagna
Walang iba – Amaya

Salamat, umalagad
Maging hanggang sa sulad
Salamat, kapanalig
Laban sa manlulupig

Salamat, Uray Hilway
Mga tinuran gabay
Salamat kay Bagani
Pag-ibig nanatili

Salamat sa Banal na Laon
Diyos ng mga ninuno noon
Kina Amaya’y panginoon
Tagapagpala ng kanilang nayon

Ang dulo ng epikong kapapanaw
Akala’y ‘di na matatanaw
Salamat sa unang Christmas bonus
May TV na bago taon ay matapos

Mahalaga rin ang gabi
Katapusan ng pagsaksi
Huling yugtong tinunghayan
Ang kamatayan ni Lamitan

Sa aking talambuhay
Gabing iyon rin ay may saysay
Nasa huling burol at lamayan
Bago at matapos subaybayan

Iyon ay kakaibang alaala ko
Sa katapusan ng kwento
Ng kanyang huling yugto
Biyernes – Trese ng Enero

Nagbrown-out pa nga
Habang oras ng balita
Buti nalang at umilaw
Sa tuwa ako’y napahiyaw

Sa pagtunog ng huling musika
At paggalaw ng katapusang eksena
Bukas TV at radyo
Sa makasaysayang mga tagpo

Ngayong gabi ng paglikha
Ng tulang handog sa programa
Unang gabing kapani-panibago
Dahil wala na sa ere ang paborito ko

Subalit ang Alaala ni Amaya
Mga gayak, musika, tauhan at kultura
Mga aral, tinuran, inspirasyon at ideya
Mananatiling buhay sa aking diwa!

-01/16-17/2012
(Dumarao)
*missing my favorite program
My Poem No. 93
Mga ala-alang iginuhit
ng nakaraan,
mga bagay na nabura
ngunit bakas ang marka.

Mga oras na lumipas
na katulad ng bula,
usok at ulap
- agad pinapawi ng
matulin na sandali.

Sa maraming
minsan na nag-daan,
sa maraming tagpo
- kuwento ng mga kahapon,
minsan lamang dumating ang
pag-kakataon.

At kung ang hiling
ay inabot na sa piling,
huwag ng palampasin,
Pagkat minsan - mabait,
madamot o matampuhin
ang tadhana.

Alalahanin na kailan
ma'y di maaaring
mapaki-usapan ang panahon
na ulitin o madalaw
ang lumipas na kahapon.
I. Katunggali

Pauulanan ko ng tingga at pagkayari ay
magbubungkal ng lupa sa kaloob-looban
    ng katawan – iyong libingang yungib

at doon ay hahayaan kang mabulok

kaya ingatan mo ako at huwag
hayaang biglaang pumutok

II. Tanawin

dahan-dahan kong aalisin ang sumasaplot
na lamig ngayong Hunyo

sa iyong katawan at pupunuin
ka ng alaala ng Abril

itong pagmamalupit bilang talababa
matapos tuldukan ang nagdaang panahon

kaya ingatan mo ako at huwag
hayaang bumigwas sa kung anong
grabidad ang pumipigil sa iyong pagkawasak

III. Rosaryo

sa sukal ng dilim bago magpasalamat
at magbigay-pugay sa diyos-diyosan,

maingat kong kakapain ang kuwintas
ng iyong

    mga kamay. Dadagundong sa iyong paglapit
ang hungkag **** katawan

    paluluhurin ka sa altar ng pagtangis
at sabay lulunurin ka sa kasalanan

kaya ingatan mo hindi ako, kundi ang iyong sarili
at humingi ka ng paumanhin pagkatapos. Hindi na bago sakin
ang misteryo ng iyong katawang ibinubulong sa pigurang kahoy:

mahuhulog ka sa aking bibig bilang
    alinsunurang awit.

IV. Iyong katawan*

Hindi ipaaari sa sinuman.
Huwag **** idiin sa akin ang karumihan ng mundo.

walang ipalalasap kundi isang ordinaryong karanasan
lamang – malayo ito sa inaasahang tagpo

kundi pagnanais.

           Higit pa sa ingay ay ang salaulang katahimikan
  ng dalawang katawan na pumipiglas at nais lumaya

sa balintataw ng isa’t isa bilang piitan.

Kaya ingatan mo akong mabuti
at bigyan ng panuto kung paano ka hahagkan upang hindi
     mabasag kung malaglag man sa isang mataas na lugar

dahil   mayroon   pa tayong   bukas  na ilalaan para  sa pantasya.
****.
elea  Feb 2016
Elementarya
elea Feb 2016
Babalik ako sa kung saan tayo ay mga bata pa
Nag lalaro, tumatakbo, tumatawa
Walang iniisip na problema
At may mga ngiting walang katumbas
Na nakikita sating mukha.

Isang umaga ang hindi ko nalimutan
Yung araw na nalaman ko na ikaw ay may pag tingin pala,
Tumingin ako sayo
Napatingin sa mga ngiti mo
Na parang nakuha ang inaasam asam niyang regalo sa pasko
Habang ika'y ay bahagyang yumuko at umiiwas na makita ko
Mga mata natin ay nag tagpo
Diko alam aking sasabihin
Gusto ko itanong sayo kung bakit ako,
Ngunit walang salita ang lumalabas sa mga labi ko.

Ilang umaga ang nagdaan na palaging tumitingin sa langit at ngumingiti sa araw
Pumipikit at dinadama ito na parang na sisilaw sa angkin nitong ningning
Iniisip kung ikaw ay makikita.
Kaya't dali daling papasok sa eskwela
Tingin doon, tingin dito
"Nasan ka ba" ang tatlong salita na laging sinasambit tuwing hinahanap ka.

Tuwing tayo ay nag kakasalubong
Parang may kuryente na sa katawan ko'y tumatakbo.
Ngingiti tayo sa isa't isa
Na parang mga batang binigyan ng sorbetes
At natuwa sa kung gaano ito katamis.

Tatapusin ko na itong tula na aking ginawa
Ito nga pala ang isa sa magagandang bagay na nangyari saking pag kabata.
Limang taon na ang nakalipas .
May mga tao talaga sating pag kabata na minsan tayong pinasaya.
"Crush" isang salita pero mapapangiti ka ng abot tenga.
-pbwf-
Jun Lit Oct 2017
Tumatalbog-talbog
sa sahig ng aking mga ala-ala
ang bola ng jackstone ng até
at sipang tingga ng kuya

paroo’t parito
ang mga trumpo’t yoyo
sa mga tumpok
ng inipong alabok
ng kabataan kong
inihian ng kahapon
upang maging kalamay
at putu-putuhan
- na waring napanis na
sa paminggalan ng kompyuter
at tuluyang ibinaon
sa puntod ng mga cellphone.

Sa kamposanto ng mga ala-ala
nagmumulto pa rin ang kahirapan
di na kailanman matatakasan

sa bawat lagok,
mainit na humahagod
sa lalamunan ang mga tagpo
sa mga dula’t pelikula
sa pinagpugarang bahay
na ngayo’y nagiba na:
          pagkatapos ng maghapon:
          itutulak mo ang kaning mahalimuyak
          - isinaing ng Inay ang kinandang-laon
          inutang pa sa taga-Quezon
          wala kahit kapirasong tuyong maisabay
          walang iba, tanging ikaw,
          masarap nang sawsawan at sabaw.
Translated as Brewed Coffee III
J De Belen Mar 2021
Pa-Yakap naman  kahit isang saglit lang
Kahit 'di ma-higpit
Kahit 'di kasing init ng aking bisig
Yakap na alam kong sapilitan lang
Yakap na kahit kunwari lang naman
At yakap na kahit na-pipilitan ka lang naman
Yakap na tanging sangkap sa damdamin kong hirap
Yakap na sa piling mo ako'y magiging sapat.

Isipin mo nalang na yakap mo ito sa isang kaibigan
Isang pag-kakaibigan na ma-uuwi lang pala sa pag-papaalam
Pag-kakaibigan na nauwi sa pag-iibigan
Ngunit ito ay bawal
Dahil madaming hadlang
Madaming may ayaw
Kaya tanging hiling ko nalang
Ay pa-yakap naman
Kahit saglit lang.

Pa-yakap bago ka  lumisan
Pa-yakap  bago mo ako iwan ng tuluyan.
At pipilitin kong tanggapin ito ng sapilitan.
At su-subukan kong 'di ma-padpad sa kawalan
Dahil malugod ko itong tatanggapin  hanggang ang aking katawan ay kumalma sa iyong pag-kawala.
Na batid kong aabutin pa ito ng buwan at taon
'O baka abutin pa ng mahaba-habang panahon.
'Di ko alam kung kailan.
'Di ko alam kung magkikita pa ba tayo muli mahal?

At kung dumating man yung araw na puwede na,
Na puwede ka na?
Na puwede na tayong dalawa
Ay sumang-ayon na ang mundo
Sa pag-iibigan natin na minsan ay naging laman ng salitang "wag muna"
At kung dumating man yung panahong 'di natin inaasahan.

Sana ay puwede pa
Sana ay kaya ko pa
Sana ay kaya ko pang maghintay ng matagal
Sana ay kaya ko pang mag-abang sa lugar kung saan tayo unang nag-kakilanlan.
Sa lugar kung saan tayo unang sumaya
Kahit puno na tayo ng problema
At sa lugar kung saan dati
Sa atin ay may na-mamagitan pa.

Pero ito'y magiging ala-ala nalang
Dahil ako na ay iyong iiwan
At sana lang,
At tanging hiling ko lang
Sana
Kaya ko pa na ika'y ipaglaban
Kung sakali man na ikaw at ako ay mag-tagpo sa iisang mundo.
patrick  Feb 2018
Classmate
patrick Feb 2018
nung una kitang makita ako ay natulala
bawat minutong lumilipas  pinapanalangin ko na sanay hindi ka mawala
mala anghel ang iyong kagandahan
ang iyong labi ay mala kulay rosas
ang iyong ngiti ay walang katumbas

bawat sa pag tulog ko ika'y laging naiisip
bawat minuto pangalan mo'y aking nasasambit
napaibig ako sayo nung una palang
minahal kita ng hindi mo nalalaman

Langit ka at lupa man ako
pinag tagpo pero hindi tinadhana
Iniirog mo'y iba sana maging kayo na nga
handa akong masaktan basta sumaya kalang sa feeling niya .
Zen billena Aug 2020
siyam na letra ang "mahal kita"
dalawang salita na di ko makakaila.
hindi man ako bihasa, sa mga matalinhagang salita.
nais ko lamang ipadama dito sa maiksing tula.

gusto ko ilahad ang hindi mapaliwanag
nais nang matapos ang paghihirap.
magiipon ng lakas, kahit pwede ito ang maging wakas.
pipiliin sumugal at ang puso'y itaya.
hindi mo man maibalik ang mga salita.

oras at sandali ay akin pang naalala
nung buong loob sinambit na "mahal kita"
balintataw saking mata agad nadama.
nung sinabi mo saaking "pasensya kana".

para akong pinilas na pahina
sa libro na ikaw ang may akda
mga mata'y di na nag tagpo
ngiti mo saakin biglang nag laho.

masakit pala.. kahit pa handa ka
pero ang sabi nga ng iba
kung  mahal mo sabihin mo
panalo ka man o talo.
Randell Quitain  Sep 2017
pagsamo
Randell Quitain Sep 2017
isang tagpo na tila sinulat,
daluyong ang ginawang panulat,
tula sa bawat galaw ay lihim,
pag-irog ng buwan sa bituin.

— The End —