Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Pia Montalban Aug 2015
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang mga butil ng bigas
Ay mula sa mga butil ng binhi ng palay
Na bago pa man maitundos sa lupa
May paghahandang dapat na maisagawa
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang kailangang palipasin
Ilang mga araw at linggong magdamag
Bago simulan bawat umaga ng pag-aararo
Bawat umaga ng pagpapalambot sa lupa
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang pagkatapos ng pagpupunla’y
Mahabang takipsilim ng pag-aabang
At pagdidilig. Hindi lamang ng tubig,
Kundi pati pawis at dugo, higit na pag-ibig
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang may panahon ng paghahasa
Ng mga gulok, sundang at karit
May panahon ng paghahawan
May panahon ng paggapas at pag-aani
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang may aangkin ng lupang kanila
Batid nilang may panahon ng paniningil
May panahon ng pag-ani ng karapatan
May panahon ng pagkapatas
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Hindi sila nahihimbing sa kanilang paghihintay
Mababaw ang tulog, tiyak nila ang oras ng paggising
Ang oras ng pagtindig
Ang oras ng paghawak ng kanilang mga karit.
Eugene  Aug 2016
Manggagawa
Eugene Aug 2016
Sa probinsiyang kinalakihan ko,
Bata man o matanda ay nagtatrabaho.
Sa lugar kung saan marami ang tanim na tubo,
Lahat ay maagang gumigising at nagbabanat ng buto.

Sa malawak na lupain sinimulan nilang magtanim,
Mula umaga, tanghali, at hanggang pagsapit ng dilim.
Hindi inaalintana ang init, sakit, at hapdi na kinikimkim,
Maitawid lamang sa gutom ang pamilyang pinatitikim.

Kahit kapiranggot man ang kanilang kinikita,
O minsan wala talagang may madudukot sa bulsa,
Ngiti sa kanilang labi'y hindi mawala-wala,
Pagka't pamilya ay tunay na mahalaga sa kanila.

Puso ko'y nahahabag, nalulungkot, at nagsusumamo,
Sanay mapansin sila ng mga tao sa gobyerno,
Dagdagan sana nila ang kita ng mga manggagawang sinsero,
Sa pagtatrabaho nang buong puso at may totoong prinsipyo.

Magsasaka man sila, ****, haciendero, o barbero,
Pantay-pantay sana ang pagtingin natin sa mga ito.
Kung wala sila, paano ang bansa natin aasenso?
Manggagawa po sila, nilikha ng Diyos bilang tao.


Nawa'y mapakinggan bawat nilang gusto,
Itaas ang kita ng manggagawang Pilipino.
Kumilos na sana ang ating gobyerno,
Huwag nilang hayaang sila'y magpakalayo-layo.
"Ang pag-ibig, hindi parang kinalburong mangga na mukha't amoy matamis; bagkus mapagbalat-kayo't mapanlinlang pala. Pag iyong hihiwain, patikim pala'y maasim sa panlasa. Hintayin mo hanggang kusa itong mahinog, wag agarang pitasin, wag pilitin pag hindi pa panahon. Inaantala mo lang ang bunga ng totoong pag-ibig."
- *
XL
Wolff  Sep 2018
tok tok tok!
Wolff Sep 2018
Tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
"sabihin mo sa mama mo, na nagbigay ako ng ulam"
"salamat po ninang!"
"walang anuman", bago siya lumisan.

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
napakamot na lang ang naniningil ng utang
gigil na nagpaandar ng motor
sapagkat siya'y nagulangan

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
sa pagkatok, tanong ay "tao po?"
sagot ay "tao po"
biglaan ang pagka gulantang
"anak, dali! magtago ka doon sa palikuran"
alam na niya kung sino ang dumating
takot ang bumalot sa kapaligiran
namumugtong na mga mata
at nginig na mga kamay na parehas kumakaliwa
bakas ang kaba sa mukha

at tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
ang pinto'y hindi binubuksan
nabasag ang katahimikan kasabay
ng pagbagsak ng sirang pintuan
nasurpresa sa kanyang mga bisita
nangingilid na ang luha
bigay todo ang pagmamakaawa
isa dalawa tatlo, hanggang anim
anim na nakaunipormeng magsasaka
hindi palay ang itinatanim, kundi bala

kasabay ng panlalamig ng katawan
ang ingay ay nilamon bigla ng katahimikan
at kasabay ng katahimikan
ang kanyang ina
ay
binawian
ng
buhay...
© 2018 Kenneth Bituin
All Rights Reserved.
Stum Casia Aug 2015
Maganda ka pa rin.
Kahit lagas ang halos lahat ng iyong ngipin
at pilas ang maganda **** pisngi.
Maganda ka pa rin.
Kahit hirap na kitang makilala.
Kahit hindi ko na makita ang ngiting dati ay para sa akin.
Maganda ka pa rin, aking asawa.
Magandang, maganda ka pa rin sa aking paningin,
mahal kong asawa.

Bigla ko tuloy naaalala,
noong hindi pa tayo magkakilala.
Palagi kita tinitignan. Mula sa malayo.
Sa likod ng mga streamer. Sa likod ng mga banner.
Parang stalker. Tinitignan kita.

Kaya naman parang umaakyat sa hagdanan ang aking kaligayahan
nang ikaw ay magpasyang mag-fulltime.
Nang tanggapin mo ang aking laking-bukid na pag-ibig,
At mas lalo, siyempre nang ikasal tayo sa opisina ng KOMPRA.

Pero, mahal na kasama, ngayong gabi,
ibig sana kitang sarilinin.
Tayo lang sana ng mga anak natin.
Pwede bang kahit ngayong gabi ay maipagdamot ka namin?
Pwede bang dito ka muna sa amin?

Oo, alam ko,
di mo iyon nanaisin. Sasabihin mo pihado, sigurado.
Pamilya mo rin sila- manggagawa, magsasaka, mga kasama.

Kaya't kasama nila,
bubuhayin ko ang iyong alaala.
Bubuhayin namin ang iyong mga alaala.

Ang huling araw na ikaw ay nakasama.
Ang huling text message na iyong pinadala.

Ang iyong mga aral at mga hamon.
At batid naming lahat saan ka man naroroon.
Tiyak namin san ka man naroroon.

Tumatawa ka nang malakas,
tinatawanan mo ang mga ungas.
Mga ungas sila. Bigo sila. Epic fail sila.
Nabigo silang ika'y patahimikin.
Nabigo silang pag-aaklas natin ay pahupain.
Akala nila nagwakas,
Pero tumutupok pa rin ang sinindihan **** ningas.
At sa muling pagbalikwas ng malayang bukas.
I-aabot natin sa tarangkahan ng kanilang mga kaluluwa ang wakas.
Mula sa higanteng alpombrang balot
Bumuhos ang walong henerasyon halos
Ng karit, palay, tagtuyot, unos
Martilyo, pako, pagpapakaputa sa utos!
Aba, hindi pangako ng sistema ang presensya ni Hesus!

Sa madilim na purgatoryo ng impiyerno at kalangitan,
Sa mahiwagang pagitan ng lunsuran at lansangan
Nagka-prusisyon ang dibinong Toledong bayan
‘Pagkat naipasalangit na
Ang Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka/
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo/
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata
Na sumiil sa banal na pook ng Toledo.

Pitu-pituhan ang naging palitan
Sa pagbuhat sa bangkay ni Rodiano Abduhan.
“Dito ako sa ulo.” “Pasmado ka ba? Larga na!”
Padulas-dulas ang kapit, sumisilip na ang paa
At sa bawat yapak, bumuhos ang patak
Ng dugong pesante sa sagradong Toledong lupa.

Rodiano Abduhan, mas kilala bilang Tatay Godong
Manggagamot, tagalunas ng salot, kampon ng Diyos,
Ika ng iilang nagpatingin sa mahiwagang tatang,
Pero manyak, magnanakaw, aswang, mangkukulam
Kamo ng nagmula sa abang Toledong bayan.
‘Pagkat ang pugad niya’y sa kanayunan, sa kalaliman, sa kaibuturan,
Ng mailap na lansangang ng Diyos tinalikuran.

Kaya nang ang taumbaya’y nakabatid
Na lumubha ang sakit ng pamangking si Adring,
At na natagpuang bukbukin ang bangkay ni Celine,
Kaniya-kaniyang satsat, sitsit, at hirit
Ang kumapal sa amihan ng Toledong hangin.

“Mangkukulam! Heto yung bumati sa Adring kong pamangkin!”
Kaya ng taumbaya’y binatikos at siniraan sa lihim
Sa walwal o gimik, pagkalaklak ng gin.

“Berbalang! ‘Di ka umawat hanggang naubos ang dugo!”
Kaya’t nang-imprinta ang madla ng mga galos abot sa buto
Tatak Cebu! Tatak lungsod ng Toledo!

“Aswang! Luwal ng putang nakunan!”
Kung kaya’t naisama rin ang anak ni Abduhan
Sa kawawang listahan ng mapapaslang.

Biro mo! Ang manggagawa ng himala
Natamaan ng sumbi ng masaklap na realidad!
Ay, hindi makaliligtas ang dukha
Sa kamandag ng pader ng matayog na siyudad!

Pero nang maabot ang mapanglaw na kremahan,
Ang mailap na lubid ng buhay at kamatayan
Ni Rodiano Abduhan, aswang at mangkukulam,
Ng dugong maliliwat ay tuluyan siyang naubusan.
Maputla niyang balat, sa abong langit ay umagpang.
Inaakit ng lagay na hamak na sa wakas ay tumahan.
Pero nang maunawaan niya na sa kaniyang kamatayan
Mapupuksa ang kasarinlan at kalayaan,
‘Pagkat siya ang sisidlan ng dugong maglilinang,
Kampeon ng kanayunan, hari ng himagsikan,

Nasapian ni Lazaro.
Nabuhay.
Natauhan.

Magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya.
Artista, mayora, tindera, tsismosa.
Karpintero, ****, kutsero, kaminero.
Abugado, inhinyero, piloto, maestro.
Ninais ng lungsod ang pagsapit ng mundo
Sa mahinhing mundo ng mga diwata’t engkanto.
Oo lang nang oo, bawal mangontrabida,
Kaya kung gusto nila ng Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka
Ano pang magagawa kundi patabain ang mataba?

So natunaw ang pintura
Ng nagbabalat na ngang dingding
Nabawian ng Sol at Luna
Ang kalangitang sadya nang makulimlim
Ang basang semento ay nauhaw
At naging nagbabantang lamig.

Mula sa naagnas na kabaong sa hukay lumaya
Ang mga magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya
Ang mga Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.
Mula sa abo sa loob ng saro nagka-anyo
Ang mga karpintero, ****, kutsero, kaminero
Ang mga Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo.

Tsaka humayo’t bumulong kay Abduhan
Nang siya’y mailatag sa loob ng makinarya.
Tsaka niya nagunita ang anak at asawa
Nombrado na atang manananggal at tiyanak.
At ang bawat katiting na patak ng dugo
Na hinayaan niyang umagos, bumuhos, tumulo
Sa lupang Toledo, lupa ng berdugo’t demonyo.
Doon niya nabatid kung saan totoong nagmula
Ang mga Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka,
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo,
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.

At doon nabuhay ang Santelmo ng Toledo;
Nang umalpas mula sa crematorium si Rodiano Abduhan,
‘Di na mas hahaba ang buhok, at nakatatak ang pangalan
Sa kaniyang mga galos at sugat, habang
Noo’y banig ang balot, ngayo’y apoy na bagong silang.
At nang nadaanan niya ang mga balintataw
Ng mayayamang poong siya mismo ang nakapukaw,
Nabatid niya kung bakit kailangan ng Toledo ng isang halimaw.
ive never written in such an aboveboard style aint proud of this **** lol
theblndskr Apr 2016
Minsan sa mundo,
akala mo ikaw lang ang malas,
lahat hinahanapan mo ng butas.
Pero ang totoo,
Gusto mo lang tumakas. . .
'Yan! 'Yan ang labing may gatas!

Kinukutya mo ang gobyerno,
dahil di sila patas,
eh, sino nga b'ang nag-atas?
Paano tayo kakalas,
Kung wala naman tayong lakas?

Nagdedesisyon ka nga
ng di alam ang konstitusyon,
paano mo nalaman ang tamang solusyon?
Nilagay natin sila sa posisyon,
dahil nagbigay sila ng maraming kondisyon,
na lahat naman, ilusyon!

Eh, sino nga ba ang iboboto?
Kung halos lahat sila,
ang hanap, deboto!
Ano sila santo?
Oh, tingnan mo ko,
kung makapagsalita,
akala mo kung sino. . .
Sorry sa mga kritisismo . . .
Pero sa totoo lang yung gobyerno,
pinapadami lang yung mapupunta
sa impyerno.

Di ko nilalahat,
pero pano nga ba tumukoy?

Binigyan ng kapangyarihan,
para manindigan,
manilbihan sa bayan,
pero anong ginawa?
Pinabayaan.

Kaya yan,
dahil sa kahirapan,
lahat sabik sa pangako. . .
Kalaunan. . .pag pinaglaban mo,
ikaw pa ang matatakot!
Magsasaka nga, sariling ani,
iba ang humahakot. .

Ibang nagmatapang,
sila pang dinambangan!

Kaya ako, di nalang boboto. .
Di basta basta makiki-uso.
Dahil ang totoo,
wala akong makitang seryoso.
Puro sila, sariling negosyo.
Gawa ng gawa ng imperyo!

Makita mo ang gobyerno,
andaming benepisyo.
Kadalasan, si chief puro pa reklamo!
Eh, milyon naman ang komisyon
Sa sariling institusyon!
Kulang pa daw!
Wow, napaka-halimaw!

Pero ang tingin nila sa kalsada
yung mga bata, perwisyo?!
Kaya ba nila tinago, sa malayo
nang dumating ang mga dayo?!
Oh, di mo alam no?
Kasi nga tinago!

Sana yung susunod na uupo,
yung taong, totoo.
Yung kahit malaya,
di mandadaya.  .  .

Gawing tama ang pagboto. .
Di ka na si toto,
Di ka si nene,
Wag madala sa mga ugong ng hele!

Meron at meron yan!
Di lang natin makita,
kaya ang payo ko:

WAG KANG MANGHULA. .
Mahaba pa sana,
kaya lang aking ikasasama.
Di dapat ako manghusga,
pero di ko maiwasang magtaka.
Paano ako boboto,
kung ang mga batas pinapasa lang
kung kelangan nila magpalakas.
Bakit di pa dati ginawa,
gayong nasa pwesto naman?
Di ba pwedeng magtulungan nalang? Kailangan pa talaga nilang magsiraan, magkampihan pag korupsyon ang usapan?.
John AD  Apr 2018
Tilaok
John AD Apr 2018
Gera nang karahasan,Pagyao ng iilan
Kasamaan na meron sila,inosente ang pinupuntirya
Marami na ring nabubulag sa salapi,masyado ng sakim sa kapangyarihan
Kaya pati mga mamamayan,ginagawan ng paraan para kumita sila ng barya

Sakim sa kapangyarihan,umiiyak ang iilan
Wala na ngang laban,Sinasabi nyo paring nanlaban

Tahimik lang akong naglalakad,bukid ang kapaligiran
Ang dami kasing magsasaka,kung magtanim droga ang nilalagay sa tagiliran
Kaya kailangang mag-ingat,magmasid dahil
Hindi lahat ng tagapangahalaga sa bayan ay dapat pagkatiwalaan

Narinig mo na ba yung putok ng baril sa kanluran
Nangangahulugan na nawalan nanaman tayo ng isang pag-asa ng bayan

Inabuso na kasi ang katungkulan,Sulit tuloy ang nakamit na kalayaan
Ang tagal nga imulat ng mga mamamayan ang kanilang isip at matang nagbubulag-bulagan
Ginigising ko na kayo,Tulog pa yata,Lasing sa tinomang alak ng kalokohan,
Tanghali na!Tulog na ang mga manok na naunang nagising kanina habang tayo'y nagbibingi-bingihan.
Gising!
RL Canoy  May 2019
Gintong Kamay
RL Canoy May 2019
Sa bawat paghakbang ng paang maputik,
anaki'y malugmok ang katawang impis.
Hindi iniinda ang ngawit ng bisig,
sa bawat paghampas ng pulpol na karit.

Mata'y pumapait sa agos ng pawis,
di ramdam ang init sa katawang manhid.
Sa bawat pagbuhos ng mumunting bagsik,
tila sumasaliw sa pintig ng dibdib.

Tinig ng sikmura'y parang humihibik,
lalong gumagatong sa hapo at sakit.
Pilit pinapawi sa tuwing iihip,
ang simoy ng hanging tila umaawit.

Sa gitna ng hirap na pinagdaanan,
ang tanging hiling sa Poong Maykapal.
Nawa'y didiligan ang sangkalupaan,
at binhi'y tutubo't ang punla'y mabuhay.

Sapagkat sa munting pawis-magsasaka,
sanlibong sikmura ang pinapasaya.
Ang tinik sa paang nakapanghihina,
Sanlibong katawan ang pinasisigla.

Ginaw ng tag-ulan at init ng sikat,
hindi iniinda kahit naghihirap.
Para may mahain sa mumunting hapag,
at pagsasaluhan na mayroong galak.

Ang iba'y inisip kung anong lutuin,
ngunit sa kanila'y mayr'on bang mahain.
Ito ba ang buhay, Diyos na mahabagin,
ang mga nagtanim salat sa makain?

Ganito ang buhay ng may gintong kamay,
na puno ng lipak, marumi't magaspang.
Subalit malinis ang pusong tinaglay,
bisig ng daigdig, sa pagod nabuhay.

Sila ang bayaning dapat na purihin,
sandata'y palakol, tumana'y suungin.
Sa bawat pagpatak ng pawis sa tanim,
katumbas ang bungang gumigintong butil.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Ang tulang pastoral na ito ay sumasalamin sa mga pinagdaanan ko noon sa kinalakhang bukirin.
Random Guy  Oct 2019
Sana
Random Guy Oct 2019
Sana sa pangalawang buhay natin ay magtagpo ulit ang ating mga landas. Hindi man tanda ang istorya ng nakaraang buhay, mas nakasisigurado naman ako na may ngiti sa labi ko kung saan man ako mapunta (for sure yan impyerno).

Sana isa akong sundalo, at isa kang nurse sa gyera. Nang sa ganon, ay kahit ano pang galos o tama ay sa'yo pa rin ako magtatapos. Upang gumaling, upang maghilom ang mga sugat. At kung sakali, ako ma'y mamatay muli, alam **** ang litrato mo'y nasa aking dibdib.

O sana, isa akong direktor, at isa kang manunulat. Ikukwento ang iba't ibang istorya ng pag ibig at hindi mamamalayang istorya na pala 'yon ng mga nakaraang bersyon ng ating mga buhay.

O pwede rin namang sana, simple lang ang lahat. Ako'y isang magsasaka at isa kang mangingisda. Payapa ang buhay at walang balakid, di kagaya ng una nating pag-ibig.

At kung ganito man ang mangyari sa mga susunod, alam **** ngingiti ako sa impyerno bago apir-an si Satanas at sabihing... nagkita kami ulit.
1 Siboloria – ang lupaing ito ay ipinangalan
Sa dalawang magkasintahan

2 Si Sibo ay lalaking makisig
Si Loria ang babaeng iniibig

3 Si Sibo ay anak ng hari’t reyna
Si Loria ay supling ng aliping dukha

4 Una silang nagkakilala
Habang prinsipe’y nagmamasid sa mga magsasaka

5 Natapilok ang binata
Sa bandang pwesto ng dalaga

6 Pumaibabaw ang lalaki
Sa natumbahang binibini

7 Parehong napahiya’t namula
Nang mapatitig sa isa’t isa.

-06/15/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 127
Madelle Calayag Jan 2020
Maaga kong nilisan
ang lupang sakahan
Tinahak ang lugar
na maingay at magara,
ito pala ang Maynila.

‘di napigilan ng tirik na araw
ang aming pagkukumpulan.

Nagkamayan
kaming magkakabrad,
Simula na ng himagsikan.

Sariwa pa sa alala
kung pa’no
kami inagrabyado.
Itinulak.
Binugbog.
Tinakot.
Ginamitan ng dahas.

Sa plano ng gobyerno
kami pa rin pala ang talo.

Paano pa kami mabubuhay
kung wala ng lupang mapagtatamnan?

Akala ko sa bundok
o gubat lang may ahas
-yun ay sa akala ko lang pala.

Sa’ming magsasaka’y
Kumukulapot ang putik
Ngunit
sa inyong mga nakabarong,
animoy
walang duming nakabahid.

Sa inakala kong
tubig lang ang maaaring
idilig,
Dugo
pala nami’y pwede ring
pumatik.
Tila ba ang gobyerno’y namamanhid.

Nasaan na
ang pinangako nyong
libreng abono?

Ginawa nyo na bang pataba
sa mga bulsa nyo!?

Sa pagpunta
ng mga imperyalistang bansa,
Matutulugan
pa ba kaming mga dukha?
Makatatayo ako
sa aking pagkakadapa
Ngunit
ang bayan
kong nakalugmok ,
makakaahon pa kaya?
I wrote this four years ago for the Filipino farmers

— The End —