Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
070716 #9:58PM #FarmElNido

Nagmamasid siya't dinudungaw ang Gabi
Kung may pahiwatig ba't titikom na ang bibig
Ang Mambubuwal ng matabang na tubig.

Nakakasilaw at nakakagulat
Ang sining ng di kontroladong pagkuha ng larawan,
Ang paglilok sa palapag ng nagtatalsikang bato,
Tangay pati ang ayaw magpapitas na mga bulaklak.

Tanging siya na lamang ang may kislap
Pagkat kalahi niya'y kumupas nang sila'y mang-iwan.
At sa pagpagaspas ng pakpak na may lihim,
Tangan nya ang sariling may liwanag sa dilim.
Matutulog na sana ako nang makakita ako ng nag-iisang alitaptap, sumisilong siya sa kubo habang malakas pa ang ulan. At sa aking pamamahinga, siya'y mawawalan na rin ng hininga.
070816 #8:19AM #Farm

I can feel the warmth of your embrace
As you touch me.

I was full  before you came,
Then you emptied me with a simple kiss.
070616 #12:27PM #ElNido

MAKATA ang lenggwahe ng pusong umiibig,
MAKATA ang katauhang ikinubli ang malasakit,
MAKATA ang kasarinlang may dalisay na panalangin.

Patungo sa may lalang na may misteryong grasya,
Kanyang isasakatuparan ang mistulang imposibleng eskima --
MAKA-DIYOS ang MAKATA.

Para sa pahalang na pakikitungo
Sa madlang baluti'y maskarang may bahid na kayumanggi --
MAKATAO, siyang daing ng MAKATA.

Sa Perlas ng Silanganang winawagayway ang bandila,
At sa udyok ng romantikong lupaing sinilangan --
MAKABAYAN ang pagpili ng MAKATA.

Heto ako't kumakatok sayong pintuang walang susi,
Pagkat kandado mo'y makasarili sa'king galak na pagbati.
Ikaw ang simbolo ng kabuuan ng pag-ibig na hinaharana,
Habang ako ang pariwarang napuno ng "baka sakali," o Sinta --
MAKA-TAYO ang MAKATAng may puso.
070716 #SirFrancisHouse #ElNido

Mapalad ang nauuhaw,
Mapalad ang nagugutom,
Ngunit iba ang guhit sa'king palad.

Inalok Mo sa'kin ang luha't delubyo
Hindi Ka humihinto sa pagtapon ng dalamhati.
Mistulang kupas ang kaibigang Bahaghari
Pati sa pag-asa ba'y kami ri'y may kahati?

Sumisipol ang Hangin, umiindayog
Kaya't nagtatagisan ang mga Puno't Halaman.
Matira matibay sa ganitong labanan,
May ibang yayakap sa angkan,
Ang iba'y nagsisimatay na lamang.

Gaya ng pangarap, gumuguho ang akalang matitikas.
Pag binagyo Mo'y magdudumi sa kalye't
Tangay ang tubig na tsokolate.
Walang nauuhaw kaya't walang nagwawalis,
Tila ang lahat, sumusuklob sa yerong palamuti.

Alam kong iba Ka sa kanila,
Kaya't hindi Mo na kailangang patunayan pa.
Kung ganyan Ka lumaban, buhay ng iila'y may pangwakas na.
Sapat nang nandyan Ka, kaya't lumisan Ka na.
Napakalakas ng ulan at hindi namin magawang tumungo sa site. Kahapon lang, kakaiba rin ang ihip ng hangin, siyang tila may pasabog sa lupain. Wag naman sana.
070616 #ElNido #BHouse #JGH

May gusot sa kalendaryo ng puso,
Kaya't muli kong binalikan ang eksaktong petsa.
May punit ang pahina,
Kaya't kumuha ako ng pandikit
Para sa may lamat na larawan.

Taong dalawang libo't labing-apat,
Nalalabi ang oras sa libingan.
Hinukay ko sa'king memorya,
Baka sakaling ang ugat ay may nutrisyon na.

Dinampian ko ang sarili ng panyong maputi,
Sigurado akong hindi na mamantsyahan pa.
Pero pagsilip ko'y may misteryong bumalandra,
Ngalan mo'y nakaukit pa rin pala sa tadhana.
"Kailanma'y hindi ako sumuko sayo, bagkus ako'y sumukob sa mistulang hindi payak na istilo ng pag-ibig --- ang paghihintay."
070216 #ElNidoToPPC #SeeingLowtide

Ramdam ko ang pagkauhaw mo
Ngunit sa aking pagdating,
Huli na pala ang lahat
Wala man lamang paalala
Na bilang na rin ang araw.

Ako'y lutang sa pagtangay mo ng lahat,
Sayang ang panahon,
Sayang ang paghahanda ng sarili.
Hindi ka nagsabi, **huli na pala talaga.
Minsan, sinasadya nating magbagong-bihis, bagkus ibabalik rin ang lumang istilo. Minsan, nasasayang ang panahon pagkat hindi natin batid ang tamang pagkakataon.
Tumambad sa akin ang rehas
Na may tuklap-tuklap na nakaraan,
Minsa’y puti, ngayo’y sinag na ng araw.
May mga banderitas ding panlayag
Siyang simbolo ng mainit na pagbati.

Nakaririnig din ako ng padyak ng mga paa
Sabik sa halik ng lupaing hindi naman pag-aari.
Ang pagtatampisaw sa putikang
May sirit ng pagmamadali.
Ang pagkalampag ng pintuang walang tirahan
At ako’y maiiwan, nakatali sa silyang lupain.

Sampung minuto raw
Sampung minuto ring tumatagas ang mga alaala
Sampung minutong pagiging saksi ng ebolusyon
Ng waring walang himpil na pagtatantya ng pagkakataon.

Nilalatag ko nang paulit-ulit
Ang mga kwento ng bawat katauhang kasapi sa kwento
Sa kwento nilang paulit-ulit na binabasa
Buhat sa matatapang na mga matang
Hindi ko man lamang masuyo.

Nililingon ko sila sa aking paghihintay
Ako’y hindi kilala, bagkus binabalikan.
Malaya ko silang pagbubuksan,
Yayapusin ng buo kong pagkatao.

Hindi ako mapapagod sa pagkukutya sakin ng kalsada
Sa’king mga pagal na mga paang rumorolyo.
Patuloy kong iindahin ang bawat misteryo ng lubak at patag,
Maihatid lamang sila, sa panibagong kwento ng paglisan.
Next page