Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
011717

Sabi ko noon, hindi na ako magsusulat pa -- na hindi na ako mag-aalay ng tula para sayo. Na ang huling piyesa ng tula ay ipinalipas ko na rin noong isang taon, ipinatikom sa dagat na bumubura ng bawat larawang binigkis sa buhanginan -- noong isang taong napagmasdan ko ang pagbagsak ng bawat dahon ng alaalang dinumog at pinunit ng hangin.

Akala ko yun na ang huli, nang bigkasin ko sa mismong harapan mo ang bawat malayang mga tugmang naikatha buhat sa lalim ng sugat nang palihim na pag-ibig -- ngunit walang lihim na hindi nabubunyag kaya marapat na rin sigurong mailathala ang damdamin sa bawat dahong muling pausbong bagamat hindi ko pa rin alam kung aabutan ba ito ng taglagas.

Akala ko yun na ang huling pakikipagtagisan ko sa bawat salitang may mensahe ng pagbitaw. Akala ko kakayanin kong bumitaw agad, bumitaw nang kusa at tuluyan nang maihihimlay ang bawat tula sa mismong pinagtuyuan ng bawat dahong bumabagsak.

Ilang beses na kitang ipinaubaya sa Kanya pero paulit-ulit kang bumabalik -- ni hindi ko alam kung dapat bang sisihin ko ang tadhana o talagang kailangang kong tanggaping parte ito ng pagpapasakop at pagpapaayos ko sa Kanya. Paulit-ulit kitang kinatatagpo sa panaginip na halos magtaka ako kung bakit.

Napuno ng listahan ng ngalan mo ang mga petsa sa kalendaryo kung ilang beses kang naging bisita sa aking pagtulog at paghimbing. Hindi naman ako kumakatok sa aking unan at kumot para masilayan ka -- masilayan kung posible bang maharap kita at hindi na ako urong-sulong pa.

Paulit-ulit tayong ipinagtatagpo kung saan una tayong nagkita at nagbitaw ng mga pangakong uunahin natin Siya at doon din natapos ang bawat panimulang may matatamis at mabubulaklak na pagsasalarawan ng mga salitang "kung tayo'y tayo talaga." Pero paulit-ulit kitang hindi ipinagkakait sa Kanya kasi alam kong para sa Kanya ka naman at hindi ako ang makapagsasabing ang bukas ay laan para sa atin ng may iisang pintuan.

Hindi ko maaaring ilibing nang buhay ang bawat alaalang naging parte ng kung sino ako ngayon, mga nakaraang sabi nila'y dapat daw ay daanan ko lang at wag pagtambayan. At kung hihimayin ko ang bawat yugto, hindi ko alam kung kaya bang paluputan ang mga ito ng metaporang pampalasa sa bawat linya ng tula.

Hindi ko alam kung magkakasya ito sa puso **** ni minsa'y hindi mo nagawang pagbuksan. Inilatag ko na sa Kanya ang lahat kasama ang pagpapatawad ko sayo, kasama ang bawat panalangin ko para sa ikatataas Niya sa buhay mo -- mga panalanging para sa ikatatag ng pananampalataya mo, para sa ikalalalim ng relasyon at pundasyon mo sa Kanya.

At hindi, hindi ko lubos maisip na ganito ang paraan Niya para sa paghilom ko -- na mismong pinagtatagpi-tagpi niya ang bawat tauhan sa paligid ko para lang maharap kita.

Ilang beses akong umiwas na may sumbong sa kalangitan na sana nga dumating na ang panahon -- yung panahon na kaya ko na at kaya mo na rin. Nag-iwasan tayo na waring naglalaro ng Patintero at nakakapagod nga -- nakakapagod makipaglaro kasi hindi naman natin ninais na makipaghabulan sa wala na.

Pinili kong bitiwan ka pero hindi ko binitiwan ang paghihintay ko sayo -- naghihintay akong marinig lang mula sayo na ayos ka lang.

At oo, ayokong nakawin ang mga oras at sandali na laan para sa paglago mo sa Kanya. Noon pa man, yun na rin ang tanging dasal ko sa Kanya. At kahit sa pagbitaw natin nang paulit-ulit, mas minamahal ko Siya. Oo, mas matimbang ang pag-ibig Niya para sating dalawa kaya nga't mas mainam na mag-ipon na lamang hindi ng mga pangamba, bagkus ng mga panalanging kalugud-lugod sa Kanya pagkat iisa lang ang ating Ama.

At kahit pa, kahit pa hindi ko masuri sa aking sarili kung ito na ang huling piyesa, hindi pa rin ako bibitaw sa pagsusulat. Maubusan man ng pagdanak ng tinta ng aking pluma'y patuloy akong makapagsusulat.

At hindi matatapos ang mga tula na may ganitong pangwakas. Hindi ko rin alam kung kailan ito madudugtungan at kung dapat bang ihanay ko na sa ibang istilo ang bawat katha.

Gayunpaman, ang bawat tinta ng bawat kataga'y iisa lang ang diin -- isang mensaheng hindi ko kayang sambitin, hindi kayang sambitin nang harapan kaya't katulad ni Rizal, mas nanaisin kong ganito ang maging istilo ng mapagdamdaming paghihimagsik. Isang mensaheng hindi ko kayang bigyang pamagat at mananatiling isang alamat --- alamat na hindi ko wari kung makakarating ba sayo o hindi.
Sasarhan ko na ang plumang may umaapaw na pagbulong ng lahat, pagkat ngayon: ikaw naman sana ang magsulat. Ngayon, ikaw naman sana ang magbigay ng pamagat -- isang pamagat kung may "tayo" pa nga ba sa huling mga linya o tutuldukan na lang ba natin ito at lilikha ng panibagong kabanata.
kingjay Dec 2018
Mga buto ay nagsilbing haligi
sa binubuo niyang panaginip
marupok ito at bibigay
sa mahinang balakid
Tahimik nang naunsyami
Labing nakadikit, dila'y nakaipit

Bigkasin ang salita sa simula niyang
wika
Sa letra na  naguguluhan din
Papipiliting ibibigkas
Takot ay bumubulusok sa inaping
pangungusap

Parang ilusyon, ang paggawa ay ang
pagkaroon
ng kahit maliit na kabuuan ng loob
na hanap ay tagumpay
Pero sa paglubog ng araw
nagmistulang delusyon

Ang mga paa habang humahakbang
Panoorin hanggang sa pumanaw
sa liwanag, may anino
Tingnan ang lilim, lumalakad nang
pa-urong

Ganyan ang mundo
Ikulong na at igapos
Sa likod ng matiwasay na paggalaw
ay may lihim na naka-agapay
Ang maitim na misteryo na nakangiti

Ulap na sumasayaw, bungad at gayak
ng unang ngisi ng umaga
Isabay ang halimuyak sa monasteryo
ng prinsesang nagagalak

Ang dalangin na nagawi sa hangin
Kumpisal ng pag-ibig
Kaluluwa ng kasiyahan
ng musmusing pipit
Pabalik balik
Urong sulong
Tila hindi umuubra ang usal at salita
Kapag nag isip ay lalo lang nagiging kawawa
Nakakabalisa ang kawalan ng gawa
Dahil sa takot ay nagpapakumbaba
Kumbaga ang tamis at tawa ay isinugal at isinawalang bahala
Sapagkat ang hindi pagharap sa takot ay masama

Pinilit kong humakbang palapit
Sinabayan ko ng dasal
Ngunit minsan mas mabilis ang paghakbang palayo o pagtakbo kaysa patungo sa tarantang nararamdaman ko
Sila nga ba ay mga pader na dapat kong banggain o sila ba'y mga haligi na nagtatanggol sa akin?
Gusto ko silang paslangin kahit na parang bahagi rin sa akin na mamamatay rin
Katakot takot ang pagkakatulad netong aking damdamin sa hindi pagiging malaya, sa pagiging mahaba lamang ng tanikala

Kinakain na ko ng aking isip at katawan,
Kahit na tiyan ko'y walang laman kundi kape at init ng laman,
Paano nga ba magsisimula?
Unti untiin o isang biglaang awitin, pag aklas sa panginginig,
Pagtuklap sa mga matang gising na nagkukunwaring sa pagtulog ay mahimbing,
Dahil totoo ang panganib kaya't natatakot ka sa maaaring mangyayari o sa hindi mo ginawa,
Ngunit sa pagitan ng sarili mo at takot na naninirahan sa iyong isip sino nga ba ang mas totoo at mas mahalaga,
Ang daga sa iyong dibdib o ang kaluluwa **** maga?
Wag isaalang alang ang bait sa ating mga sarili dahil ang hindi paggalaw kahit na ang diwa mo'y pagal ay pagtaya sa isang maling sugal.
Marge Redelicia Jun 2014
May bagong emosyon na sumisibol,
May bagong sakuna na nagsisimula.
Kailangan itong mapigilan ng aking Isipan
Bago pa 'to maunahan ng aking Puso
Na tumitibok, tumitibok,
Tumatakbo!
Pabilis ng pabilis
Tuwing naaalala ko ang
Himig ng kanyang tawa
at hugis ng kanyang ngiti.

Ay!
Kailangan nitong mahinto
Ngayon din.


O Puso, sulong!
Lumaki at lumago.
Hanggang ngayon isa ka pa ring musmos na bata:
Mapaglaro at mapagbiro.
Walang nalalamang masamang hangarin ngunit
Wala ring sinusundan na mabuting tuntunin.

O Puso, urong...
Kapag may naghahamon sa iyo.
Dahil nga isang bata ka pa rin,
Matulog ka lang ng mahimbing.
Huwag kang lumaban,
Sumabay lang sa agos ng tadhana.
Maawa ka naman sa sarili mo
Huwag ngayon,
Huwag muna.
Once again this is just an exaggeration because everything sounds so deep and serious in Filipino waaaaah
Rhon Epino Apr 2018
Pag ibig
Kanya-kanyang depinisyon
Kanya-kanyang eksplinasyon
Isang uri ng salamangka
Na makakapagpapabago ng lahat
Makapagbibigay ng dapat at sapat
Pero hindi lahat ng dapat ay kailangang maging sapat
Dahil kailanman ay hindi naging sapat ang lahat
Maghahangad ng iba
Maghahanap ng ibang kasama
Pero gayunpaman ay wag kalilimutan
Na ang pag ibig ay pag ibig parin
Kahit ito pa ay paiba-ibahin
O kaya nama’y balibaliktarin
Bawasan mo man o buuin
Pag ibig parin

Pag ibig
Ito ang tuwa sa isang libo **** luha
Isang porsyento sa ilang daang libo
Ito ang kahulugan sa bawat salita ng diksyonaryo
Ito ang nagbibigay pag-asa sa bawat gising mo
Ito ang magtuturo sayo
Na ang sakit at pait ay hindi bagay na dapat **** katakutan
Hindi bagay na dapat **** sukuan
O kaya nama’y dapat **** kalimutan
Dahil ang pag ibig ay ang lakas sa bawat paghina
Ang kagustuhang tumayo sa bawat pagsuko
Ang pagsulong sa bawat pag urong
Ang simula sa bawat katapusan
At ang katapusan sa bawat simula
Dahil ang katapusan ay hindi masama
Ito ang simbolo ng tagumpay
Ang simula ng simula

Pag ibig
Ang magbibigay ng sagot sa bawat tanong
Sa ano, bakit at paano
Ang pupuno sa bawat kakulangan mo
Pupunan ang pangangailangan mo
Ito ang tulay sa bawat pagitan
Malakas, matibay, mapagkakatiwalaan
Sapagkat ang pusong puno ng pag ibig
Ay malakas, matibay at mapagkakatiwalaan
Ito ang magkumukunikta sa dalawang magkaibang mundo
Kahit na sino at kahit na ano
Kahit na ano pa ang kasarian mo
O kahit na ano pang kinabibilangan mo
Sasagipin ka nito sa pagkalunod
Sa pag iisa
Sa mga panahong akala mo’y wala ka nang kasama
O kaya nama’y kinalimutan ka na
Yayakapin ka
At nang hindi manlamig at mamanhid ang iyong kaluluwa

Pag ibig
Di ka nito huhusgahan
Tatanggapin ka kahit ano ka man
Dahil kailanman ay wala itong batayan
Kahit ano pa man ang iyong pinaniniwalaan
Dahil pag ibig lang ang may konsepto ng pagtanggap
Pag unawa at walang halong pagpapanggap
Ito ay puro at dalisay
Hindi pinapahina ng panahon
At sa halip ay lalo pang pinapatibay
Ito ay mas malakas pa sa bawat pagsubok
Mas mataas pa sa pinakamatarik na bundok

Pag ibig
Ito ang produkto ng konseptong positibo
ng pluma at panulat
Ng tuno at liriko
Ng imahinasyon
Ng respeto at pagpapahalaga
Umibig at ibigin
Sabihin kung ano ang laman ng damdamin

Sayo, ano ang pag ibig?
1017

Gusto kong bihisan ang bawat tugmang binibitiwan mo
Na para bang ayokong manatili ang mga ito
bilang mga sugnay na makapag-iisa
At magiging isang abstrak sa pagitan ng Ikaw at Ako.

Kung isusuma ko ang bawat pangambang parehas nating tinalo'y
Baka nga matagpuan ko ang katuturan sa sinasabi nilang Tayo
Pero sa aking paghihimay
Para bang ang Tayo ay isang katapusan na lamang
Na hindi na kailangang bigyan pa ng kahulugan
At tuklasin ang panibagong simula.

Sa aking paghahabi ng bawat salaysay
Na mismong binitiwan natin nang magkahiwalay,
Natuto na rin akong iahon ang sarili
At hindi na muling magpakamatay --
Magpakamatay ng mga pangarap na isinantabi
Sa sabi mo noong
Ika'y tunay na makapaghihintay.

Ang pag-urong ko sa laba'y hindi literal na pagsuko
Hindi ako sumuko sa laban
Na para bang tumatakbo nang nakapiring
At walang kamalay-malay sa kung saanman ang direksyon.

Umurong ako bilang distansya sa ating dalawa
At piniling sumuong sa umagang mag-isa --
Mag-isa at wala ka na
Wala ka na,
Naglaho ka na ngang talaga.
Para sayo pala
Baka sakali,
Baka sakaling marinig mo.
cj Jul 2019
pula.
kulay ng galit.
kulay rin ng determinasyon.
kulay ng mga gigil sa hinanakit
ng kataasan-taasan
kulay ng mga may pasyon
sa pagbabago sa lupang tinubuan
kulay ng galit sa opresyon
sa mga mala-pasistang maylupa
kulay ng tunay na lumalaban
para sa bayan

ngunit isang hipokrasiya
para sa bansang ayaw sa pula
ay tintado ng pula
ang mga tigang na lupa at kalsada
tintado ng pula
ang dalawang watawat na sinasamba
tintado ng pula
ang ibinotong buwaya sa kongreo
tintado ng pula
ang pag-urong natin sa progreso
Janey Parcs Apr 2018
Atras. Abante.
Mga paang hindi makampante.


Atras.
Natakot, nahiya.
Nangangapa mula sa paglaya.
Iniipon ang lahat ng lakas
para tuluyang iwan ang bakas
ng nakaraang namaalam na
sa lungkot, pait at sakit
na dulot ng patuloy na pagkapit.

Abante.
Uusad, lalayo.
Uunahan ang damdamin sa pagbugso.
Isang libo’t isang daang duda.
Animnapu’t isang segundo ng pag-asa.
Imumulat ang mga mata
Nangagapa ma'y unti-unting hahakbang
Patungo sa ‘di alam kung saan.

Urong. Sulong.
Palalayain ang damdaming nakakulong.


Urong.
Nag-iisip, nagmumuni.
Tinatantyang muli ang sarili
kung ilalatag na ang lahat ng sandata
at ibubunyag ang mga stratehiya
sa laban ng buhay.
Handa ka na nga ba?
Natuto?
Hanggang saan ka dadalhin ng takot mo?


Sulong.
Lalaban, susugod.
Hindi alintana kung mapagod,
manalo o matalo.
Alinma’y hindi susuko.
Hindi maliligaw ipikit man ang mga mata
sapagka't alam na kung saan pupunta.
Bawat hakbang ay kabisado
Patungo sa kinaroroonan mo.


At ako’y mananatili na...
sa’yo.
Jun Lit Nov 2019
Noong musmos pa’y sabaw
sa isang malukong na pinggan
puno ng kaning may kaunting tutong
pagkaliban ko ng bakod, ika’y nakasalubong
kalooban ko’y kimi, dila ko noo’y urong

wala sa aking hinuhà,
walang sinangguning manghuhulà
sino ba’ng mag-aakalà
marmol **** bantayog
gatô palang kahoy ang loob
nang katotohana’y nabantog
sa kaunting yanig, gumuho ang moog

huwag daw sasamba sa mga d’yos-d’yosan
ngunit tila larawan ka ng may-kabanalan
haliging inasam na masasandalan
sa ilaw ko pala’y naging tampalasan

imaheng nadurog ay dagok sa aking likod,
at tila balisong na sa puso’y kumadyot
kulang ba ang hikbi ng pusang malambot?
labis bang nagmahal ang asong malikot?

Mahabang panahon ginugol, dumaan
Ang kapeng mainit lumamig,
Napanis na’t nakalimutan

Sa paglalakad, dinampot, hinimay
ang duming iniwan ng mga alamid
matiyagang pinagyaman
Isinangag ng paulit-ulit sa nagmumuning isipan
Giniling sa puso tumanaw sa pinagmulan
Tinimplahan ng matam-is na kapatawaran
Paglagok ng mainit, aking naramdaman
Tiwasay ang dibdib, may kapayapaan.
My ninth in my Brewed Coffee Poems series - poems much influenced by my memories of my old home and childhood in Lipa, Batangas.
K Jun 23
Hawak ay madilim na kinabukasan
Nagmula sa hagkan **** nakaraan
Hindi pa rin mabitawan
Ang ilang beses na sinubukan
Urong sulong,
Lagi ka pa rin nasa bawat sulok
Nitong galit at pait

Ang tadhana ay pilit ipilit
Itong walang katapusang pagitan
Ay habang buhay nating dadalhin
Hanggang tayo ay nabubuhay
Ikaw at ako
At ang ating nakakamatay na katahimika'y mananatiling magkakabit

— The End —