Saglit lang ang ligawang nangyari.
Wala ngang isang buwan nang puso ko ay nadali.
Magkagayunpaman, nakaramdam ako ng sigla kahit na sandali,
Pintig nitong aking puso ay hindi kailanman nagkamali.
Dama ko ang bawat silakbo at mga pighating iyong hinabi,
Nang magkuwento ka kahit pa umabot tayo ng hatinggabi.
Tuwang tuwa ako dahil tiyan ko ay napuno yata ng tutubi,
Para kang mahalimuyak na nektar na sa akin ay kumikiliti.
Pagmamahal ko sa iyo ay tumindi nang tumindi,
Para kang apoy na kapag sinindihan ay lumalaki,
Kagandahan at talino mo ay labis kong ipinagmamalaki,
Katulad mo para sa akin ay karespe-respeto, aking Binibini.
Mahigit isang taon din akong iyong napapangiti,
Pero bakit ngayon ang puso ko ay nagdadalamhati?
Wala bang saysay ang lahat ng aking mga sinabi,
Na higit kailanman ay minahal kita kahit may gatas ka pa sa labi.
Kahit labis akong nagdamdam at nasaktan ay nagagawa ko pa ring ngumiti.
Kahit hindi mo na ako pinapansin, pilit pa rin kitang iniintindi.
Kahit ang layo ng agwat natin sa isa't isa, ikaw pa rin ang aking pinili.
Kahit ramdam kong ang pagmamahal mo sa akin ay umiiksi, tiniis ko ang pighati.
Kaya, ako na ang magtatapos sa pag-ibig nating hindi na puputi.
Ibabaon ko na lamang sa limot ang lahat ng alaalang namutawi,
Kahit madurog pa ang puso at isipan ko sa kakahikbi,
Hindi na maibabalik pa ang tamis ng kahapong tayong dalawa ang humabi.