Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
astrid Feb 2019
6th of december, 2018.

“Pinagtagpo ngunit hindi itinadhana.” Madalas kong naririnig ‘yan, palagay ko’y ikaw rin. Pero kung iisipin, napakarami nating mga taong natatagpuan na nakatakda ring umalis. Ang ilan ay babalik, ang ilan ay maglalaho na lang. Hindi ko alam kung saan ka riyan nabibilang. Walang pakiramdaman, walang pakialamanan, walang pakundangang naghahanap ng mga bagay para pilit kang makalimutan. Gigising ako nang nakangiti, masaya, at ang nasa isip ay
“kakalimutan na kita,” ngunit kahit kailan ay hindi ‘yan nagkatotoo. Ang pag-asang makaahon sa ‘yo ay palabo nang palabo. Sa bawat gabing nagdaan, napapatanong ako kung saan na naman ako nagkamali. Saan na naman ako nagkulang? Saan na naman ako kinapos? O baka naman sumobra? Paikot-ikot ang mga mata sa lugar kung saan tayo huling nagkita. Saan mo ako iniwan? Pareho tayo ng pinupuntahan, pero hindi ko na alam kung paano pa babalik. Hindi kita mahagilap; ang tanging palatandaan ko para makabalik ay hindi ko na mahagilap. Dahil naglaho ka sa isang iglap. Hindi ko na alam kung paano pa babalik. Dahil hindi pa kita nakikita.

Ilang eskinita lang naman ang pagitan nating dalawa. Nariyan ang mga tricycle para mahatid akong muli sa bahay ko. Nariyan ang mga dyip na pupwede kong masakyan para lang mapalayo sa ‘yo. Tayo’y palaging nasa ilalim ng parehong langit, aalis at uuwi sa iisang lugar ngunit hindi man lang kita makamit. Pareho ng sinasakyan, pareho ng mga dinadaanan. Iisa lang naman ang mga pinupuntahan natin, ngunit ang araw-araw kong biyahe ay naging ikaw na ang destinasyon. Nagbabakasakali lang naman akong baka matupad mo ang aking imahinasyong hindi ko na batid pa ang limitasyon. Sa bawat pag-alis ko ay nananalanging magkita tayo sa lalong madaling panahon.

Ngunit hindi ko pa rin alam kung paano babalik. Alam ko ang ruta, alam ko ang sasakyan. Ngunit ako mismo ang nagpupumigil. Dahil hindi mo ako tinutulak palayo. Hindi pa man tayo nagkikita, mas gugustuhin ko nang hilain mo ako paalis sa kung saan mo ako iniwan. O baka ang presensya mo lang ang hiling kong masilayan, para tuluyan na akong makalakad paalis sa piling mo. Hindi ko naman mapapantayan ang babaeng nagdala sa ‘yo sa tahanan mo— ni hindi ko nga alam kung paano umuwi sa dapat kong uwian. At sa bawat biyaheng sinusulong ko, hindi ko man lang naisip na baka mali ang daan na tinatahak ko. Iba pala ang langit na pinagmamasdan mo sa umaga, kahit ang mga bituing nais **** titigan sa gabi. Iba pala ang sinasakyan **** dyip sa bawat pag-uwi. Iba pala ang eskinitang napapadparan mo. Iba pala ang langit na sinisigawan mo ng pangalan niyang kaakibat na ng apilyedo mo. Iba pala ang inuuwian mo.

Pasensya na, tanga ang kasama mo. Mali, hindi mo pala ako “kasama” dahil kahit kailan ay hindi ka naman sumama. Hinayaan ko ang sariling maligaw sa mga mata mo. Hinayaan kong mawala ang isip sa mga salita **** nadadala ako sa ibang dimensyon ng mundo. Hinayaan kong magwala ang pusong binuhay mo— na bibitawan mo lang din pala, dahil masyado itong magulo. Ngayon lang ako nakalabas at hindi na muli pang magtatago, ngunit niligaw mo ako. Pasensya na, gagapangin ko pa ang sarili ko palayo sa ‘yo.

Hindi ko maintindihan kung paanong ako’y napadpad sa ‘yo kung hindi ko pa nasisilayan ang mga mata **** mapanlinlang, na kung saan ay nagpahatak pa rin ako— delikado, at muntik pa akong mabaldado. Huwag na sanang pahintulutan ng mundo na pagtagpuin pa tayo, dahil kung sakali ay baka hindi na ako umalis. At baka samahan pa kita kahit saan ka man papunta, kahit sa piling niya pa. At lalong hindi tayo isang halimbawa ng “Pinagtagpo ngunit hindi itinadhana”. Inaantay ko pa lang ang matagpuan kita, upang makaalis na ako.
m.r.
Chi Oct 2017
Mahal,

Naalala mo pa ba yung mga panahon na puro ngiti at saya?

Mga araw na puno ng kwentuhan, asaran at tawanan

Na hindi ko malaman

Kung saan nanggaling ang mga iyan

Naalala mo pa ba kung paano ko lagyan ng ngiti ang iyong mga labi

At tila nilagyan ng bituin ang iyong mga mata?

Naalala mo pa ba kung paano mo sinabi sa akin na gusto mo ako?

Tila hindi ka pa nga sigurado sa nadarama mo

Naalala mo pa ba nung tinanong mo ako kung pwede bang manligaw?

Tila nanlumo ka pa nga sa sagot ko.

At hindi nagtagal, ay unti unti mo din binitawan ang salitang “Mahal kita. Mahal na mahal kita”

Dahil ako? Naalala ko pa


Naalala ko pa kung paano tayo nagkakilala

Kung paano sinabi sa akin ng kaibigan mo, na gusto mo ako

Kung paano mismo nanggaling sa bibig mo, na gusto mo nga ako

Kung paano ko binigkas ang salitang “Mahal din kita”

Kung paano mo unti unting binabawi ang salitang “Mahal kita”

Dahil sabi mo,

Sabi mo pagod ka na, ayaw mo na, sawa ka na

Kung paano ako nagpakatanga, habang tinutulak ka sa babaeng gusto mo

Habang sinasabing “Kung saan ka masaya, duon ako

Kahit masakit, kakayanin ko”

At naalala ko pa, kung paano mo sinabing “Patawad, mahal pa din kita.”

Tinanggap kita.

Tinanggap ko lahat ng eksplenasyon at rason mo.

Lahat lahat, kahit ilang beses kong narinig na ang tanga ko

Dahil tinanggap kita, pero masisisi ba nila ako?

Masisisi ba nila ako kung mahal pa din kita?

Masisisi ba nila ako kung patuloy pa din akong umaasa na babalik yung tayo?

Hindi naman diba?

Kasi unang una sa lahat, hindi sila yung nagmahal

Hindi sila yung sinaktan at iniwan


Ilang gabi akong umiyak

Ilang gabi kong iniyakan ang paulit ulit na dahilan

Ilang beses akong nagpakatanga sa paulit ulit na rason

Ilang beses akong tinanong kung kaya ko pa ba?

Kung masaya pa ba ako?

Kung pagod na ba ako?

Hanggang saan yung kaya ko?

At duon ko natagpuan

Duon ko natagpuan ang sarili ko

Namamahinga sa pagitan ng “Mahal kita” at “Pagod na ako”


Pero mahal, masisisi mo ba ako kapag sinabi kong pagod na ako?

Masisisi mo ba ako kung sinabi ko sayong gusto kong magpahinga habang minamahal mo?

Kung ang gusto ko lang ay ipadama mo ulit sa akin ang nadarama mo?

Kung ang gusto ko lang kalimutan ang sakit na dinulot mo?

Kung pagod na ako kakaisip sa salitang “kayo”?

Kung pagod na ako kakaiyak dahil parang siya pa din ang gusto mo?

Kung lagi kong naiisip na baka kaya mo ako binalikan, dahil hindi ka niya gusto?

Mahal, wag **** iisipin na ayoko na sayo

Wag **** iisipin na kaya ko gustong magpahinga dahil pagod na ako

Dahil tulad ng sabi mo, kung pagod na ako, magpahinga ako

Kasi mahal, gusto kong magpahinga

Para muling madama ang init ng pagibig

Na tila ba sa akin ay iyong ipinagkait Muling masulyapan ang mga matang

Tila ba hinahanap ako sa libo libong tao


Mahal, patawad.

Mahal kita, pero pagod na ako

Pero hindi ibigsabihin nito ay palayain mo ako

Ibig kong sabihin, ipaglaban mo naman ako.

Ipaglaban mo naman ako, dahil pagod na ako.
Ace Jhan de Vera Apr 2016
Andiyan ka na sa malayo,
Sa pagtalikod ko nakikita kitang kumakaway,
Ni hindi ko maisip kung paalam na,
O panibagong simula para sa ating dalawa.

Napakasimpleng bagay ng isang pagkaway,
Na bumabagabag sa isip ko kung ano nga ba ang totoo,
Magkikita bang muli kung saan tayo noon nagtagpo,
O ibabaon na sa limot at ibubulong sa unan ang lahat habang nakayapos sa kumot.

Dagliang sasagi sa aking isipan,
Ang mga matatamis na salita na binibulong sa aking tenga,
Yung sa pag tulog ko ikkwento mo sa akin kung gaano mo ko kamahal,
O di kaya uulit ulitin mo kung gaano ka nagpapasalamat na ako'y iyong nakilala,
Dahil binago ko ang takbo ng buhay mo,
Dahil pinatunayan kong may tao pang kagaya ko,
Na totoo,
Na may puso,
Na may pagnanasa para sa isip mo ngunit hindi sa katawan mo.

Biglang magdidilim ang lahat at makikita ko ang iyong mukha,
Namumula,
Nanggagalaiti,
Halos pumutok ang ugat sa kakasambit,
Ng mga salitang napakasakit,
Pero muling kakabigin ng mga bisig,
Na nakasanayan ko nang sa aki'y kumikikig.

Nagmimistulang saranggola,
Na sa ere'y inihitya,
At unti unti tinutulak palayo,
At tinatangay ng hangin,
Papalapit sa mga ulap at malapit ng maabot ang langit,
Biglang hahatakin pabalik gamit ang lubid na nakapalupot sa aking katawan,
Para saan?
Para ulitin kung ano ang nakasanayan.

Kaya para saan ba talaga ang iyong pagkaway?
Mamaalam ka na sana,
Dahil parang araw na sumisilaw sa aking mga mata.
Ang sakit tingnan,
Pero alam kong ikaw ang magbibigay ng init sa nanlalamig ko ng mga laman.
Pero kailangan ko na sigurong kalimutan,
at muling mabuhay sa mundong,
Para lang sa akin,
At hayaan kang maglayag,
Sa karagatang ninanais mo.
Agust D Jan 2022
sa pangatlong araw ng pagsikat,
sa isang lamesang puno ng kalat
dumating na'ng isang hudyat
sa isang makathang pagsusulat

kasabay ng pagdaan ng panahon
ang pag-alala sa maling nagawa ng kahapon
sa aking paglisan, tumahak ng ibang direksyon
batas ng tadhana, tayo ay hinamon

waring nabighani sa kaniyang aparisyon
sa kaniya'y sumama, pinakinggan ang tugon
ngunit lingid sa aking pag-iisip, siya'y hamak na ilusyon
ako'y niligaw, tinangay ang aking aguhon

sa panahong ako'y naliligaw
sa desisyong tinahak, isang mapurol at maginaw
bakas sa aking munting balintataw
ang hangaring gustong bumitaw

ngunit dumating ang aking kinatatakutan
ako'y naligaw, sa isang mapurol na bilangguan
ang aparisyong pinaglalaruan ang aking isipan
pilit na tinutulak sa aking magiging hantungan

hindi ko ninais na ika'y iwanan
nais kong ilahad ang aking pinagdaanan
ngunit hindi ito sapat sa nagawang kasalanan
lipos ang pagsisisi, na ika'y binitawan

hahamakin ang lahat, ako'y uuwi sa ating tagpuan
walang nang aparisyong hahatol sa ating pagmamahalan
ngunit nariyan ka pa ba? o ako'y tuluyan nang kinalimutan?
gayunpaman, ako'y naririto, naghihintay, na muli kang mahahagkan
Tatlong Daan at Animnapu't Limang Tula para kay Mayari: Ikatlong Pahina
070221

Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran
Ay gayundin nya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.

Para sa mga taong akala nilang mag isa silang lumalaban
Sa mga taong tumatakbo’t napapatid ng kadiliman
Sa mga taong naghahagilap ng katotohan.

Sino nga ang ba ang tunay na saksi ng ating mga kamalian?
Tayo ba’y tinutulak ng mundo papalayo sa liwanag?
O tayo yung nananatiling tapat sa kabila ng mga kaguluhan?

Marahan ang pag ihip ng hangin kung saan tayo’y patungo sa mga bituin
Ngunit ang araw ay sasapit na ang Liwanag ay bubulag
Sa harapan at walang pasabi na Sya ay darating.

At kahit pa anong gawin natin sa mundong patikim lamang,
Sana alam natin kung saan nga ba tayo nakatingin
Pagkat tumatakbo tayo papalayo, naghihilaan pababa at pataas.

Kailan ba tayo mananahimik at kusang magpaubaya ng lakas?
Nang ang lahat ng ating alinlangan, sana’y makaya nating mawaksian
Pagkat sa nalalabing mga oras, tayo ri’y mahuhusgahan.

— The End —