032217
Ang bilis namang kumupas ng lahat
Yung akala kong aabutin pa ng kinabukasa'y
Kinain na ng alikabok,
Hindi ko na mabasa ang naka-imprinta
Na dati lang, araw-araw kong pinagmamasdan
Na dati lang, parang sabik ka pang maging parte ng araw ko
Na dati lang, sinasabi **** ako ang kumukumpleto nito.
Ang bilis namang maglaho ng lahat
Pumikit lang ako, naiglip lang ako
Parang nagbago na rin ang mundo mo
Iba na ang istilo, iba na ang galaw
Iba na ang sambit, iba na --
Hindi ko na mabasa pa
Hindi ko na nga alam kung nasaan na ba ang "tayo."
Ang bilis namang huminto't sumuko
Na sabi mo'y hindi ka magsasawa
Pero parang kapeng katitimpla lang,
Nanlamig at hindi ko alam kung paanong nawalan ng lasa
Iba na ang nagtimpla,
Ayoko na sana.
Ang bilis naman ng lahat,
Sabi ko pa naman,
"Higitan natin ang tatlong araw"
Oo, sinubukan natin
Nahigitan nga natin at naging "tatlong buwan."
Pasensya, hindi ko kasi matanggap
Na ganito ang bunga nang minsang pinagtayaan ko
Siguro nga ganoon talaga,
Sa huli't huli'y susuko rin ang isa
Bibitaw din at maglalaho ang "tayo."
Pasensya talaga,
Ang hirap tanggapin
Kasi ikaw ang unang sumuko sa ating dal'wa
Ayoko na ring manguna pa
Ayoko na ring ayusin pa
Ayoko na ring bigyang kahulugan pa.
Hindi ko alam kung paano ako uuwi
Kung sasalubungin pa ba ako ng yakap mo
O mag-isa ako uuwi't maghihintay na lang muli
Maghihintay at papara ng iba.
Hindi ko alam kung paano na
Paano na yung mga plano natin
Mga planong napako kahit maaga pa lang
Hindi man lamang umabot sa ninais natin.
Sapat na sigurong itigil ang kahibangang ito
Na minsan, nangarap ako
At ikaw pa ang pinangarap ko.
Nandyan ka man, ang layo mo pa rin.
Kaya siguro, siguro itigil n natin
At siguro nga, hihinto na rin ako sa pagsusulat sayo
Kalilimutan ko na lang ang lahat kahit masakit
Tama na siguro, ayoko na magsulat
Tama na, sumusuko na ako sayo.