Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
M.U
Saksi ako sa bawat tingin.
Saksi ako sa lihim na pagdapo ng paru-paro sa iyong bukirin.
Saksi ako sayo at sa kanya.
Saksi ako sa pag-aari mo sa kanya, gamit ang iyong mga mata.
Saksi ako sa lihim na pagsulyap.
Saksi ako sa labis na pagiingat.
Saksi ako sa lahat.
Pero ako, nasaksihan mo ba ako?
Napansin mo ba ang bawat tinging binabato ko sayo ?
Naaninag mo ba ang pusong dumadapo sa mga ito?
Nasaksihan mo ba?
Ang pagtago ko sa likod ng mga pahina,
Ang paghikbi ko gamit ang musika,
Ang sakit? Nasaksihan mo ba?
Na sa tuwing napapagod ka kakahabol, ganon din ako?
Na sa tuwing masaya kang tinititigan siya, ako naman, umaasang tititigan mo?
Nasaksihan mo ba?
Ang pag-asam kong sana,
Sana ako nalang siya.
Sana ako nalang...
Sana ako..
Sana...
Hanggang kailan ako kakapit sa mga natitirang sana?
Hanggang kailan ko panghahawakan ang paniniwala kong "baka"?
Ang paniniwala kong baka ikaw...
Ikaw na tama at ikaw na Mali,
Ikaw na oo at ikaw na hindi,
Ikaw na meron at ikaw na wala..
Ikaw na tanong, at ikaw na sagot. Ikaw na.
Paano ko nga ba mapapakawalan ang mga titig kong biglang nakulong sayo?
Paano ko nga ba mapipigilan ang kamay na pipigil sana sa pagtakbo mo?
Paano nga ba?
Kakayanin ko pa bang saksihan ang bawat ngiti, bawat tingin, bawat paghikbi na hiniling ko sa bituin pero sa iba dumating?
Kakayanin ko pa kaya?
Kakayanin ko pa..
Kakayanin ko..
Kakayanin..

M.U (Mag-isang Umiibig)
060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
Nagtago ang mga parilya sa kalupaan
Habang sila'y kusang nagpahimlay sa pagsisilbing lakas t tuntungan
Siguro, naisip din nilang ayos lang mapasailalim
Kung ito nama'y marangal at bubuo sa bukas at ngayon.

Habang sila'y sama-samang ipinagbibigkis
Ay mas lalo silang nakatatamo ng sugat mula sa isa't isa
Hindi nila ininda ang dumi o kahit na ang agos
Na posibleng yumurak sa kanilang mga pagkatao.

Sa aking pagtingala mula sa pagkasisid sa kalaliman ng kanilang mga adhikain
Ay nasasaksihan ko ang pag-usad ng mas matitibay pang haligi
Na dito sa ating baya'y may iilan ding tunay na tatayo
At nanaising maging tuntungan ng iba para sa higit na pagsulyap sa araw
Sila'y kapit-bisig sa pag-aalay ng dugo't pawis
Para sa ikuunlad ng kabuuan.

At unti-unting mahuhulog na tila nagkakalansingang mga barya
Ang mga may buo ang loob.
At sa pagbibilang ko ng mga araw ay walang pakundangan silang magiging isa
At malilimot na rin ng iilan na minsan, sila'y may pagkakaiba --
Na minsan, sila'y pinulot at hinugasan
At ngayon sila'y nagbago mula sa pagiging kupas na larawan.
Taltoy Jan 2018
Bakit nga ba sa lahat ng tao, ikaw?
Bakit nga ba ikaw ang nangibabaw?
Bakit ba sa bawat pagsulyap ko sayo, ako'y muntik nang matunaw?
At sa bawat pagtitig mo, nasilaw sa liwanag 'tong mga balintataw.

Boses na tila harana,
Tawang tila musika,
Buntung hiningang hele sa mga tenga,
Pagtatapat na tila bomba.

Pagpapalit-usap na tila kay kaswal,
Puno ng tawa at mga pang-aasar,
Biglang hinaluan ng istilo't mga diskarte,
Upang mapaligaya ang napupusuang babae.

Kaligayahang tila walang katapusan,
Kailan ba darating ang hangganan?
Saan nga ba umabot ang mga tawanan?
Kinilig ba ang pusong nililigawan?
George Andres Jun 2017
Sa susunod kong iibigin

Hindi ko nais ng mga larawan
Nakasabit sa mundo upang maarawan
Dahil hindi ito isang bulaklak sa halamanan
Tubig ang kailangan ng mga bakawan
At ang kuwadro ng bulalakaw ay sa kalangitan

Hindi ko nais ng mga larawan
Hindi mapurol ang lente ng aking mga mata
Upang palitan ang pagsulyap ko sa'yo ng isang shot ng camera
Nais kong tingnan ang mga labi mo't makita
Ang kurba nito't pula,
Taingang nag-iinit kung bibiruin kamo kita
Sa tuwing sasabihin kong ikaw ay maganda

Hindi ko nais malaman nila
Hindi sa inaangkin kong akin ka
Dahil ikaw ay sa mga tala, kailanma'y hindi ko pag-aari ka
Hindi ko nais malaman nila
Dahil ang nasa labas ay madalas ipinapakita lamang ay maganda
At ang larawan kung minsan ay imahe ng hindi totoo
Ng saglit na pagtipa kung 'aayon ba sila dito?'

Maikling pagtatagpong hindi itinadhana
Hindi ko nais na sa loob ng kwadrong ito ka maalala
May kwento ang bawat larawan
At madalas sa mga ito ay pulos pighati lamang

Hindi ko nais na umayon sa lipunan at kung ano ang kanyang idinidikta
Hindi ko nais dumating ang araw na tatanungin kita kung totoo ka ba
Isabelle May 2016
Pag mulat ng mga mata
Mukha mo ang nakita
Sandaling nagkatitigan
Natalo, inalis aking mga mata
Samantalang ika'y patuloy sa pagsulyap
Hanggang sa nakababa kana pala ng bus
Paglingon ko'y wala kana
Lumingon sa paligid, anino mo'y di makita


Ako'y nagsisi
Sana ako'y ngumiti
Nauna ang hiya
Tuloy ika'y nawala
Hindi ko alam
Kung bakit ganoon aking pakiramdam
Ng ika'y biglang nawala
Hindi ka man lang nakilala
Ito ay para sa lalaking naka dilaw sa bus. Ng ako ay magising sa pagkakaidlip at dahil narin malapit na akong bumaba, mga mata nya ang tumambad sa akin. Assuming lang ako, pero ramdam ko may kuryente. Hahaha. Pero sa totoo lang, ang tagal nya kasi nakatingin, para bang kilala nya ako at kilala ko din sya. Since that day, bigla ko na lang syang maiiisip tapos napanaginipan ko na din sya. Sino ka nga ba??
Hanzou May 2018
Bakit? Bakit nga ba laging sa tula?

Bakit sa lahat ng pagkakataon, ito'y ginagawa?

Bakit emosyon at damdami'y,  dito napunta?

Bakit hindi maibigkas, at sayo'y maipakita?

-----------------------------------------------------­------------

Bakit sa bawat pagsulyap, sakit ang nadarama?

Bakit sa tuwing lalapitan, pagka-ilang ay nangunguna?

Bakit 'pag nakakasama, wala manlang saya?

Bakit 'pag nakakausap, may patlang na 'di mapuna?

  ------------------------------------------------------------­-----  

Bakit ganon, hindi saya ang nadarama?

Bakit ganon, walang ngiti na maipakita?

Bakit ganon, bawat kirot lumalala?

Bakit ganon, parang wala lang talaga?

  ------------------------------------------------------------­-----  

Bakit nga ba? Bakit laging ganito?

Bakit laging may hapdi, ang nararamdaman ko?

Bakit? Ako naman ay totoo?

Kaya pala, ako nga pala ay minsan ng naloko, at nabigo.
Taltoy Sep 2017
O kay rami ng mga bilang,
O kay rami ding kabilang,
Sa kumpol ng mga braha,
Isasalaysay ang aking storya.
Sampu, sampung taon siguro ang hihintayin ko bago ka maligawan,
Siyam, ika'y naumpisahang magustuhan habang nasa ika syam na baitang,
Walo, palitan mo lang ang letrang o ng a, yan ang pag-asa ko,
Pito, dahil nung ika pitong baitang, di agad nakilala,
Anim, at sana sa anim na taon sa aking sekondarya ang bawat araw ay mahalaga,
Lima, at sana sa ikalimang taon, ikay mas makilala pa,
Apat,  apat na araw nalang ang natitira sa linggong ito,
Tatlo, at mahigit pa sa tatlong oras ang naigugugol ko sa pagsulyap minsan sa iyo,
Dalawa, dalawang taon nalang ang natitira na ikay makakasama,
Kahit di man ako ang iyong hari, ituturing naman kitang reyna, sabihing ako'y tuso man, o yung madalas na nagpapatawa,
Ang hiling ko'y maging alas mo aking sinta.
Weird and random
Pluma Feb 2018
Pumarito sa aking tabi kung saan ang mga salita ay hindi laging kakailanganin,
Batid ang 'yong mga hinaing at hinagpis ngunit hindi na kailangang sabihin.

Dito na lang kung saan sasapat ang pagdausdos ng ating mga palad, higit na ang pagsulyap sa mga mata **** iba ang tinatangan,
Dito kung saan hindi kailangang magpaliwanag -- kahit hindi naiintindihan ay mamahalin ka sa paraang nararapat bagama't lingid sa'yo.

Pumarito na lamang kung saan ang bawat paghinga'y tulang ikinukubli ang hapdi, kirot, at sakit,
Mga agam-agam at handusay ng lumbay.

Sino nagsabing hindi ka maaaring ibigin mula sa kalayuan? Kalokohan.

At kung sa wakas ay matunton mo ang daan patungo rito,
Sana'y manatili ka.

Manatili tulad ng pananatili ko sa walang kasiguraduhan,
Manatili na parang aking mga mata sa tuwing nakatitig sa'yo na tulala sa kawalan, sa kanya,
Manatili ka sana,
Manatili kahit panandalian.

Kung sasapit ang unos at nanaisin **** lumisan, ang dagliang pagbitiw ay hindi maipapangako ngunit hindi kita pipigilan,
Sapat sa akin ang pinagtagpi-tagping kapos at maikling panahon, ang mga nakaw na sandali ng kahapon, ang pakikipaglaro sa tadhana na kunwari, ikaw na talaga.

Sapat sa akin ang pumarito,
Sa pagdausdos ng mga palad mo sa mga palad ko,
Kung saan ang mga salita ay hindi na kakailanganin,
Dito sa walang akin.
Raine Quirino Feb 2024
Minsan, parang ang haba ng araw kapag inaantay mo itong lumipas nang wala ng kirot. Isang linggong haba.

Nakakapagod pala talaga. Nakakapagod mag-umpisa. 'Yung hahakbang ka nalang paharap, ang tinig, yapos, at bawat pagsulyap pa rin ang makapagpapahakbang sa'yo pabalik.

Kahit wala na.

Tapos susubok na humakbang muli. Paharap. Kahit bawat yapak, pumapatak ang luha sa paanan **** pagód na't namimitig. Babalik. At masusugatan nang minsan pa.

Bitaw ka na. Ibigay mo sa Kanya.

Ang mga bubog sa pagód **** puso na sumusugat sa bawat pagyapak ay dadamputin Niya nang walang pag-a-alinlangan, dahil una na Siyang nasugatan.

Bitaw ka na. May paghilom sa paglaya. At sa paglaya ka papayapa.

Tahan na. Lalaya ka. Lalaya ka dahil pinalaya ka na.

Isang hakbang pa ulit. Sa Kanya lang ang tingin.

Hindi ka pa man lumalapit, handa na Siyang yumakap.

Takbo ka papalapit. Hayaan **** buuin ka Niyang muli.
.

Ika-lima ng Enero, Taóng Dalawang Libo't Dalawampu't Apat

— The End —