Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
Eugene Aug 2017
"Hoy! Bata! Magpapakamatay ka ba?"

"Magpapakamatay ka nga e. Buhay nga naman o!"

"Sigurado ka na ba sa gagawin mo, bata? May maghahahanap ba sa iyo kapag nawala ka? May magluluksa ba sa bangkay mo kapag namatay ka?"

"Bata ka pa. Alam kong marami ka pang pangarap sa buhay mo. Kung may magulang ka pa at mga kapatid, sana naiisip mo rin sila. Sana mararamdaman mo rin ang mararamdaman nila kapag nalaman nilang magtatangka kang magpakamatay. Isipin mo bata."

"Kung desidido ka na at sa isip mo ay wala ng nagmamahal sa iyo, sige.. ituloy mo ang pagpapakamatay mo. Basta iyong pakatandaan na sa bawat yugto ng ating buhay, minsan lang tayo binigyan ng pagkakataong itama ang kung ano mang pagkakamaling nagawa natin. Wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Sige, bata. Mauna na ako. Advance rest in peace."

Dinig na dinig ko pa ang paghampas ng malalakas na alon sa baybayin nang mga sandaling iyon. Naalala ko pang nababasa na rin ang aking mukha sa bawat tubig-alat na dumadampi sa akin noong mga panahong tinangka kong magpakamatay.

Gusto kong wakasan ang aking buhay.
Gusto kong malunod.
Gusto kong tangayin ng mga alon ang aking katawan.
Gusto kong mapuno ng tubig-alat ang aking ilong at bunganga hanggang sa mawalan na ako ng hininga at unti-unting bumulusok pailalim sa kailaliman ng dagat.

Ngunit... ang salitang binitiwan ng isang taong iyon ang nagsilbing leksiyon sa akin na pahalagahan pa ang aking buhay at ang mga taong nagmahal sa akin.

"Kung desidido ka na at sa isip mo ay walang nagmamahal sa iyo, sige, ituloy mo ang pagpapakamatay mo. Basta iyong pakatandaan na sa bawat yugto ng ating buhay, minsan lang tayo binigyan ng pagkakataong itama ang kung ano mang pagkakamaling nagawa natin. Wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal."

Noon, akala ko ang pagpapakamatay ang solusyon upang takasan ko ang dagok sa aking buhay. Nawalan ako ng tunay na ina. Namatayan ako ng ama. Pinagmalupitan ako ng aking madrasta. Hindi ako minahal ng mga kapatid ko sa ama. Kaya naglayas ako at napadpad sa baybaying dagat at doon ay naisipan ko na lamang na magpatiwakal.

Nawalan man ako ng magulang pero alam kung may nagmamahal pa rin sa akin. Hindi ko sila kadugo pero lagi silang nariyan para palakasin ang loob ko. Sila ang mga tinatawag kong mga kaibigan.
Pagkatapos ng nangyari noong pagtatangka ko ay ipinagpatuloy ko ang aking buhay. Sa tulong ng aking mga kaibigan ay nagtagumpay akong maging masaya.

Hindi ako nag-iisa. Tinulungan din nila akong magbalik-loob sa Diyos. Ang mga nagawa nila ay isang napakalaking biyaya sa akin.

"Kung sa tingin mo ay hindi mo na kaya, magsabi ka lang. Kaming bahala sa iyo," naalala kong sabi ni Jem.

"Kaibigan mo kami. Huwag kang mahiyang magkuwento sa amin. Promise, makikinig kami," pag-aalo sa akin noon ni Jinky.

"Hindi lang ikaw ang may pinakamabigat na suliranin sa mundo, Igan. May mas mabigat pa sa pinagdaraanan mo. Tiwala lang na makakayanan mo ang lahat," kumpiyansa namang wika ni Kuya Ryan.

"Kalimutan mo ang mga bagay na nagpapadagdag lang ng kalungkutan diyan sa puso mo. Tandaan mo, ang Diyos ay laging nakaakbay sa iyo. Nandito ako. Narito kaming mga kaibigan mo. Tutulungan ka naming bumangon," nakangiting saad ni Charm.

"Huwag ka na ulit magtangkang magpakalunod sa dagat ha? Kapag ginawa mo ulit iyon, kami na ang lulunod sa iyo. Ha-ha. Biro lang. Lakasan mo ang loob mo. Hindi ka nag-iisa," ang loko-lokong wika ni Otep.

Sa tuwing maalala ko ang mga kataga at salitang galing sa mga tunay kong kaibigan, panatag palagi ang loob ko na hindi ko na uulitin ang nangyaring iyon sa buhay ko. Papahalagahan ko ang hiram na buhay na ipinagkaloob sa akin ng Maykapal. Gagawin ko ang lahat upang maging masaya.

Narito ako ngayon sa Manila Bay at naglalakad-lakad. Gusto ko lang sariwain ang mga alaalang naging tulay noon upang pahalagahan ang buhay ko ngayon. Hindi man lamang ako nakapagpasalamat sa taong sumaway sa akin noon. Kung may pagkakataong makita ko man siya ay taos-puso akong magpapasalamat sa kaniya.

Pinagmasdan ko ang karagatan. Wala pang isang minuto akong naroon ay may nahagip ng mga mata ako ang isang babae na dumaan sa harapan ko. Patungo siya sa mabatong bahagi. Tila wala siya sa kaniyang sarili.

Nilingon ko ang paligid. Wala man lamang nakapansin sa kaniya. At wala ngang masyadong tao na naroon nang mga oras na iyon.

Mukhang magpapakamatay yata siya. Alam ko ang eksenang ito. Kung dati ako ang nasa posisyon niya, ngayon naman ay ang babaeng ito. At dahil ayokong may mangyaring masama sa kaniya, ako naman ngayon ang gagawa ng paraan para matulungan siya.

"Miss, magpapakamatay ka ba?" hindi niya ako nilingon.

"Magpapakamatay ka nga. Sigurado ka na ba sa gagawin mo?" lumingon siya sa akin at kitang-kita ko ang luhaan niyang mukha.

"Alam ba ng pamilya mo ang gagawin mo? Alam mo ba ang mararamdaman ng ina at ama mo kapag nawala ka? Sa tingin mo ba ay tama ang gagawin mo?" nakita kong napabuntong-hininga siya na tila nag-iisip sa mga ibinabatong tanong ko.

"Napagdaanan ko na rin iyan at diyan din mismo sa mga batong iyan ako dapat na magpapakamatay. Pero... hindi ko itinuloy. Alam mo ba kung bakit?" tumingin siya sa gawi ko at nagtama ang aming paningin. Parehong nangungusap.

"Ba-bakit?" nauutal niyang tanong sa akin.

"Bakit? Dahil wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Ang buhay natin ay mahalaga. Sana maisip mo iyon. Hindi pa huli ang lahat para itama ang mga bagay na sa tingin mo ay mali o nagawa mo. Hiram lamang ang buhay natin. Magtiwala ka, Miss. Mahal tayo ng Panginoon. Mahal niya ang buhay natin. At alam kong mahal mo rin ang buhay mo," iyon ang mga huling katagang binitiwan ko saka ako tumalikod sa kaniya.

Hindi pa man ako nakakahakbang ay narinig kong tinawag niya ako. At nang lumingon ako ay bigla na lamang niya akong niyakap.

**

Ang pangalan niya ay Yssa at siya lang naman ang babaeng tinulungan ko tatlong buwan na ang nakararaan. Siya lang naman ngayon ang kasintahan ko. Pareho kaming nagtangkang wakasan ang aming buhay, ngunit pareho din naming napagtantong hiram lamang ito at dapat na mahalin namin. Sinong mag-aakala na kami ang magkakatuluyan sa huli?
George Andres Mar 2018
Isang-libo, siyam na raan, siyamnapu't-siyam
Nang una nilang marinig ang pagtangis

Dalawang libo't labing-walo
Napakarami kong gustong bigkasin
Pero nauutal ako't lumalabas pagiging utak alipin
Para sa'yo sana, gusto ko pa ring sabihin,
Na, patawad Felipe, kung kay hirap **** mahalin

Wala ako nang tumangis ka kay Macoy
Huli kong nalaman ang tungkol kay Luisita
Masyado pa ba 'kong musmos upang ibigin ka?

Lubha lamang daw akong bata
Nagpupuyos ang damdamin
Walang pang kaalaman magdesisyon ng tama
Mapusok at madaling matangay
Manatili na lamang daw ako sa klase,
at kinabukasan ko'y sa mataas na marka ibase

Kaya't pinilit kong hindi pakinggan ang pagdaing mo
Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?

Batid ko man ang kasaysayan mo sa mga prayle, kano't hapon, labis ko pa ngang inidolo si Luna't Bonifacio noon

Hindi ba't namatay rin sila sa kasibulan nang dahil sa'yo?
Natatakot ako, na balang araw iyon rin ang sapitin ko sa piling mo
Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Hindi ka pa pwedeng umiyak
Hangga't hindi pa tapos ang lahat
Ano bang alam mo upang magalit, maghimagsik?

Ngunit hindi ko kayang lumingon pabalik
Hindi ko kayang matulog muli nang wala ang 'yong halik
Hindi ko kayang mahimbing nang wala ang mga gunita

Dekada Sitenta.
Bungkos ng namumuong nana
Nilalapnos ng kumukulong tubig
Dumaranak ang dugo sa sarili **** balat
Tumatalilis at tinatanggalan ng bayag

Paiikutin ang roleta't ipuputok sa sintido
Ihihiga ang katawan sa bloke ng yelo
Papasuin ng upos ng sigarilyo
Ibabalanse ang katawan hangga't may lakas pa ang kabayo
Hindi ito mga metaporang naririnig ko lang sa mga kwento

Hindi na ako magtataka kung may diyos pa ba
A kung kahit isang beses nilingon ka man lang niya



Kung ang nakikita ng mata ay dumudurog ng puso
At ang mga salita ay pumapainlalang

Silang 'di nakaririnig ay dapat kalampagin
Hampasin ang higanteng pintuan at sipain
Ang pader na marmol na walang bintana
Galit na sumusunog ng patay na tala
Hindi kumakalma, pilit nagbabaga, nagtatangka

Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?
Maaari ko bang palitan ng paglilingkod ang iyong biyaya?
Mas madali naman siguro magsalita
Kung 'di mo batid ang paghangos ng maralita


Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Nang masulyapan ka nang unang mabuksan ang aking paningin
Gusto ka lang naman palaging kita ng mata
Wala pa man natatakot na akong makitang umiiyak ka
Mas mapalad ba ang mga bulag o tulad kong piring ang mata?
Hinayaan mo akong maging alipin
Itinatatwa ko ang araw na namulat ako
Ang hirap naman kasing maka-usad mula sa'yo
Matapos mabura ang mga kasinungalingang sa'yo'y ibinabato
Kumbaga, ikaw 'yung maraming sakit na pinagdaanan, dadagdag pa ba 'ko?
Patawad
Oh, Felipe, kay hirap **** mahalin

Habang binabasa ko ang kasaysayan ****
Nagaganap pa rin hangang sa ngayon
Parang itinutulak ang aking sikmura
At ang balat ko'y nagsisiklabo
Hindi tumitigil ang mga luha

Ilang taon matapos maghalal ng bagong pangulo
Pinaulanan ng bala ang mga humihingi ng reporma


Dalawang-libo't apat
Matapos ang tatlong dekada
Mga batas na pabor lang sa mayama't may kaya

Gusto lang naman namin mabuhay
Nang hindi inaagaw ang aming kabuhayan
Nagtatanim ng bala't hindi binhi
Umaani ng bangkay hindi punla

Lupa mo'y hinulma ng dugo
Parang imbes na pataba ay pulbura ang inaabono
Para bang ang buhay ko sa'yo'y Walang katapusang pakikibaka
Para bang ang inaani ko'y dusa sa Buong buhay na pagsasaka


Dalawanlibo't-siyam
Matapos ang apat na taon

Kinikitil nila isa-isa ang mamamahayag
Nilibing ng traktora't patong-patong ang buto't balat
Pinagkanulo mo at hayagang pumayag
Mga berdugong hinayaan mo lang lumayag

Dalawang libo't labing-lima
Nangingisay sa walang habas na pangraratrat
Hanggang huling hininga'y maubos, mawala sa ulirat
Apatnapu't-apat **** mandirigma
Lumusong sa mapanganib na kagubatan na walang dalang sandata o pananggalang man lang
Malupit ka, hanggang saan ipagtatanggol ang laya mo?
Hindi pa ba sapat ang lahat ng luha?
Nagsasakripisyo para sa hindi siguradong pagkakakilanlan bilang Pilipino


Ikalawang Milenya.
Ngayon naririnig ko na ang pagpapatahimik laban sa karapatan **** magpahayag
Nagsasakripisyo ng dugo ng mga tupa
Para sa huwad na pag-unlad
Pinapatay ng bala ang uhay
Habang matapos tapakan ang upos ng sigarilyo,
Pagtatalunan ang dilaw at pula
Kung sino ba ang mas dakila
Aastang **** na tagapagligtas
Na siyang hawak ang lahat ng lunas
Napakarami nang diyos sa kasaysayan
Pawang dinikta, ibinigkis ang kalayaan

Ninais kong mahiga na lamang at hintayin ang bukang liwayway
Na pinangarap din noon ng mga ilustrado't rebolusyunaryong mararangal
Wala nang lunas ang sumpa ng edukasyon
Magpalaya ng isipang noo'y nakakahon

Wala sa akin noon ang lakas ng bagyo
Hanggang sa nabatid kong malulunod na rin ako
Wala akong nagawa kundi tumangis

Felipe, lumuluha ka rin ba? nasasaktan ka pa ba o manhid ka na?

Gayunpaman, tahan na, Felipe, tahan na.
112718

PoemsForE
Nagkalat-kalat na mga lupain
Tayo sa kanya’y mga panauhin
Nangag mula sa isang lipi
Ganda niya’y sa puso namutawi

Oo nga’t siya’y marikit
Mga biyaya sa kanya’y di pinagkait
Minsa’y tinaguriang perlas ng silangan
Nakilala bilang ating Inang bayan

Lupain nang mga datu’t mandirigma
Ng prinsesa’t mandirigmang si Urduja
Mababanaag sa kanyang mukha
Katapatan, respeto’t mga paniniwala

Iningatan ng mga mapagbiling ninuno
minahal at niyakap nang taos sa puso
itong lupang ating pinananahanan
ating pinangalagaang lubusan




Minalas nga’t nilingon ng mga dayuhan
Lupang itinago ng mga karagatan,
Dala daw nila’y kaligtasan at kapayapaan,
Yun pala’y hangad nila ating bundok na yaman

Españang eskultor nang kapalaluhan
Tagapagdala ng mga salot ng kinabukasan
Baboy na mga putting inutil
Mga lapastangang mga kanluranin!




Tinuran nilang Indio’t mangmang
Dinuraan at sa putik ay pinagapang
Pinayuko’t pinaluhod  sa Niñong santo
Santong pinambulagan ng mapaglilong demonyo!

Alipin nila kung pandilatan,
Mga uto utong pinagkikindatan
Likas na mga katutubong maamo
Tiningala silang kaibigang totoo

Nakaambang mga tigre’y inamo’t pinatulog
Pinaamo nang mabagsik na mga kulog
Sa bagsik ng pluma’t itak
Napukaw mga mandirigmang hinamak


Gitlang mga hilaw na labanos
Nagsipag kuha ng mga pistola’t español na naghihikahos
Di inakalang mga Indio’y matututong lumaban
Gumising para sa kapakanan niya’t kalayaan

Estrelya ng pag-asa’y kanilang nasilayan
Sinambot ang kamalayan at kanlurang katuruan
Sa mga ganid na Kastila’y inihain
Balaraw ng karunungang matalim

Ritaso ng nakaraan, ngayon at kinabukasan
Piagtagpi tagpi, tinahi’t tinapalan
Mga pulo’y pinaglapit
Mga puso’t hanari’y naging isa kahit saglit

Epiko ng ating pinagmula’y muling nabuo
Ating lahi’y tumayo’t hinarap ang mundo
Laking galak na lamang natin sa pluma ni gat Jose Rizal
Sa kanyang dunong na nagmula sa Maykapal.
dalampasigan08 Jun 2015
Ikalawang Kurap

Tinatahak ko ng marahan ang isang makinang na landas sa gitna ng mga taong alam kong nananalig din.
Hinihila ko ng pilit ang dalawang talampakang hindi dumarampi sa sahig na katulad ko’y nakatingala din sa langit.
Ang aking mga palad ay magkaniig at ang mga daliri’y kayakap ang isa’t isa.
Naiibsan ang sakit ng aking mga sugat ng nalalanghap kong halimuyak mula sa mga puting bulaklak sa paligid.
Tila piraso ng langit ang dambanang ito na kung saan sinasabing tutuparin ang lahat ng mga kahilingan mo
at papawiin ang lahat ng sakit at paghihirap na dinaranas ng kahit na sino.
Sa lugar na ito nakalilimutan ko ang lahat ng hapdi at pagod na nararanasan ko araw-araw
para bang unti-unti niyang hinuhugasan ang buo kong katawan
at binibigyan ako ng bagong lakas at pag-asang harapin ang isang bagong bukang liwayway.
Habang nananalangin ay napansin ko ang mga matang natuon sa’kin
nagmamasid - tila kunot noong nagtatanong kung bakit ang basahang tulad ko na tinalikuran ng lipunan at inaring kanlungan ang lansangan ay naririto’t naninikluhod sa harap ng dalanginan.
Alam kong ako’y kanilang napupuna ngunit sila’y bulag.
Niyayanig ng aking mga dasal ang buong simbahan ngunit sila’y bingi.

May kung sinong hindi ko naaninag ang umakay sa’kin patungo’t papalapit sa dambanang ginigiliw.
sa bawat hakbang ay bigla kong naalala ang lahat ng pagdurusa
at nasambit ang "salamat sa lahat ng pag-asa."
Nilingon ko ang larawan ng madlang dukha’t kaawa
ngumiti at binitiwan ang aking huling hininga.
Karl Gerald Saul Aug 2011
Kaibigan,



Naalala mo pa ba ang masasaya nating kwentuhan?

May konting joke lang iyo mo na agad tatawanan,

Sumasabay pa ang mga laway **** nagtatalsikan,

Na nagkalat sa mukha kong iyo mo pa ngang pinupunasan.



Sa kanto,



Naalala mo pa ba ang ating istambayan?

Nagpapasama ka sa’kin matanaw mo lang ang crush **** dadaan,

Ngunit dedma ka, hindi ka nilingon kahit sinigaw mo na ang pangalan,

Kaya minsan umuuwi tayong ikay bigo at kung minsan ay luhaan.



Sa tabing ilog,



Iyo mo rin bang naaalala’t natatandaan?

Sa puno ng mangga doon tayo nagtayo ng bahay-bahayan,

Dun tayo nagdadala ng pagkain para sabay tayong mananghalian,

At dun ko na saksihan ang iyong kakaibang katakawan.



Pagkatapos ng bakasyon,



sabay tayong pumapasok sa eskwelahan,

Kapag break time magkasamang nakikisalo sa mga kaklase, nakikipagburautan,

Sa takdang aralin sabay tayong gumagawa at nakikipagkopyahan,

At sa pag-uwi sabay din tayong dumidiretso sa komputeran at bilyaran.



At nung nagsembreak,



Asan ka na nga ba aking kaibigan?

Hindi na kita nakita’t matagpuan sa kung saan,

Lumingon na ako sa likod, kaliwa at sa kanan,

Ngunit ang anino mo hindi ko na matagpuan.
Naglalakad ng palayo ng kita'y nilingon
Nais kang hilahin mula sa kahapon
Sinabi sa sarili, tama na at tigilan na
Ngunit paanong gagawin, mahal pa kita?

Anong gayuma ba ang ibinigay sa akin?
Sa pagpikit man o paggising, ikaw ang nais mahalin.
Bakit mo ako hinila at niyakap?
Kung sa huli, ikaw mismo ang iilap?

Sa tuwing lalayo, tatakas, iiwas
Nandiyan ka, pati ang pag-ibig kong awas-awas
Gusto ko ng limutin at tapusin nalang lahat
Ngunit ang nais matapos ay ang tangi kong hangad

Paano ko ba sasabihing paalam na?
At sa aking paglayo. wag na akong tawagin pa...
Hayaan mo na akong umusad, mag-isa
At huwag **** iparamdam na ako'y mahal pa...

Ayoko na, tama na. Sobra na ang sakit
Sa tuwing nakikita ka, puso ko'y hinihigit
Oo, nangingiti, natutuwa, sumasaya
Dahil ang totoo, mahal pa rin kita
Eugene Oct 2018
Abalang-abala ka sa pakikipag-usap sa iyong kustomer at hindi mo na namalayang tumatakbo ang oras. Ang nasa isip mo lamang nang mga oras na iyon ay matapos mo ang iyong trabaho nang walang palya at walang ano mang iisipin pa. Nang iyong tanggalin ang headset ay doon mo lamang napansing ikaw na lamang pala ang nag-iisang ahente sa ikatlong palapag ng opisinang iyong pinapasukan sa isang call center.

Tanging ang liwanag na lamang sa iyong station ang tanglaw nang mga oras na iyon. Kaya naman ay sinipat mo ang orasan sa iyong wrist watch at napagtantong isang oras na lamang at sarado na rin ang buong building at kailangan mo ng umuwi.

Inayos mo na ang iyong mga gamit at siniguradong na-i-document mo nang maayos ang mga calls recordings mo. Nag-inat-inat ka pa muna bago mo pinatay ang monitor at CPU ng iyong kompyuter. Hinintay mo munang naka-shut down na ito bago ka tumayo. Nang tuluyan na nga itong namatay ay agad **** binitbit ang iyong back pack. Nang tatalikod ka na ay isang malamig na simoy ng hangin ang nanuot sa iyong balat.

Sa iyong pagkakaalam ay sarado naman ang mga bintana sa opisinang iyon at sigurado kang pinapatay na rin ang aircon kapag isang tao o walang tao nang naiiwan roon. Ngunit, kakaibang lamig ang iyong naramdaman. Hindi lang iyon dahil isa, dalawa, at talong beses kang nakarinig na may nagtitipa sa keyboard.

Halos lumabas na ang iyong mata sa takot pero nanatili ka pa ring matapang. Huminga ka muna nang malalim at agad nilingon ang kanina pang nagtitipang bagay sa iyong likuran. At doon ay lalo kang nanginig nang makita ng iyong dalawang mata ang biglang pagliwanag ng monitor at sunod-sunod na pagtitipa ng wala namang kamay na mga letra sa keyboard.

Nang mag-flash sa screen ang mga letra ay doon ka na nagtatakbo palabas dahil nakasulat doon ang mga katagang TYPING KEYBOARD  na may kasamang pigura ng duguang bungo.
Kanan, kaliwa, taas, baba
Kahit saang anggulo mo tingnan
Hindi ako magiging sya kailanman
Gaano man kalayo ang inyong pagitan
Siya pa rin ang iyong inaabangan
Kanan, kaliwa, taas, baba
Kanan
Nilingon mo sa kanan ang kanyang mga ngiti
Balot ng iyong paningin ang kanyang mapupulang pisngi
Kabisado mo na ang galaw ng kanyang labi
Habang umaasang ako nalang ang iyong minimithi
Kaliwa
Hawak ng iyong mga kamay
Ang kanyang balikat na lagi **** akbay
Di mapigilang ngiti ang sa sistema mo’y nananalaytay
Habang ako’y nakatanaw sa mga tawa **** walang humpay
Taas
Tumingala sa taas ang iyong noo
Pinapanalangan na sana’y maging kayo
Hinihingi sa Panginoon na sya’y maging sa’yo
Habang ako’y nakatingin sa aking mundo
Baba
Yumuko ang iyong mukha
At tumulo ang mga luha
Sa harap ng Panginoon, hiningi mo sya
Habang ako’y nananalangin na ako nalang sana
Ang mga salitang alay ko sa’yo
Ay sya ring mga salitang sa kanya’y sinabi mo
Ang mga tingin mo sa kanya
Ay kagaya ng mga tingin ko sa’yo
Ang kurba ng iyong labi
Ang pagpula ng iyong pisngi
Ang tingkad ng iyong ngiti
Nakikita ko ang sarili ko sayo
Sa kung paano mo tinitingnan ang babaeng
hindi kailanman magiging ako
Kahit hingin ko pa siguro sa mga tala
Kahit kay kupido pa ipa-pana
Hindi pa rin tayo tugma
Ang pagtitig mo sa kanya
Ay isang paalala na 'wag na akong umasa

Sana kaya kong takpan ang iyong mga alaala
Ibaon sa limot at tuluyan nang mawala
Sana kaya kong buksan
Ang puso kong ikaw lang ang laman
At tuluyan ka nang palayain
Kahit di ka naging akin
Pero kahit anong gawin
Ikaw pa rin ang sinisigaw ng damdamin
Ilang beses ka mang limutin
Araw araw ka pa ring alalahanin
Kahit masakit, pipiliting maging masaya
Kahit hindi ako
Pipilitin kong maging buo
Para sa'yo
At sa taong mahal mo
Kaya bahala na
Mahal pa rin kita
Kahit sya lang ang nakikita ng iyong mga mata
kim Dec 2020
sa huling buwan ng taon,
nilingon kita, kahit wala ka
sa lugar ng ating tagpuan
sinilip ko ang natitirang emosyon
at pinalaya ito,
kasama ang mga alaala mo.
tapos na ang ating kabanata, marahil nga isa ka lang sakanila. Mga taong dumadaan para may matutunan.

— The End —