Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
CRESTINE CUERPO Aug 2017
Boom!  Pagsabog!
Na sa aking dibdib ay kumabog!
Ang isip at kaluluwa ko'y nabubulabog!
Ito nga ba'y himig ng kapayapaan o himig ng digmaan?

Isa akong musmos na batang---- naninirahan sa isang bayan,
Dito ako lumaki at nagkaroon ng pangalan,
Bayang Marawi ang lupang aking sinilangan,
Isang bayang tanyag sa kaunlaran,
Ngunit ngayo'y nagiging usap-usapan sa t.v, radyo at maging sa pahayagan.

Hindi ko malilimutan ang gabing nagdaan,
Gabi!--- ng ika-23 ng Mayo ang nagpinta sa aking pusong sugatan,
Isa ako sa mga nawalan ng magulang,
at saksi sa karahasan na walang katapusan,
Hudyat ng pagguho ng pag-asang aking pinanghahawakan.

at habang aking pinagmamasdan,
Isa-isang nabubulagta at dugu-an,
Ang aking mga kamag-anak at kaibigan,
at sila'y.....wala na----- wala ng malay at nakahandusay.

Wala akong magawa kundi ang tumakbo ng tumakbo,
kumarepas ako ng takbo.....ng isang napakabilis na takbo.... nanginginig sa takot...pagod na pagod...  humihingal....
Iyak ng iyak at nagsusumamo
at habang ako'y papalayo ng papalayo--------
Naisip ko:
      "Saan ako patutungo?"
       "Sa mga pangyayaring ito sino          
         ang namumuno?"
         Sila ba'y mga Muslim o
         Kristiyano?"
        Ngunit maging sino man sila----
        Sila'y hindi santo na may pusong
        bato,
        Dahil sila'y pumapatay ng kahit
        na sino,
        at ito'y hindi makatarungan at
        makatao.

       Ang sakit....Oo ang saklap...ang
       bayan na naghahatid ng
       kaunlaran,
       Ngayon ay nabubura at nag-iiwan
       ng isang malagim na ala-ala,
      Nagsisilbing aral sa tuwina at          
      nagpa-paalala,
      Na kinakailangan ng isang may      
      malinis na adhikain at tapat sa
       tungkulin ang namamahala.

    Ano nga ba ang hatid ng kaguluhang ito?
Kaginhawaan o Kahirapan?
Kabuhayan o Kamatayan?

Ang katotohanang ito'y--------
Isang malagim na karimlan!
Pagluha para sa aming mga kabataan,
Crestine Cuerpo
at pagmamaka-awa para sa darating naming kinabukasan,

Oo.....masakit ang mawalan,
Ngunit kailangan kong maging matapang,
Dahil ako'y isang Pilipinong handang lumaban,
Kaya't sigaw ko Pagbabago! Katarungan!

Sa mga kinauukulan:
   Nasaan? Nasaan? ang inyong pagmamalasakit sa kapwa at sa bayan?
Kung sa isip at puso niyo'y  para lamang sa pera at kapangyarihan?


Kapatid... Kapuso.... Kabarkada....  at Kapamilya.......
Gumising ka ang lahat ay may-----hangganan.
JOJO C PINCA Nov 2017
“Set wide the window. Let me drink the day.”
― Edith Wharton, Artemis to Actaeon and Other Verses

Matapang, sino ang tunay na matapang?
Yung siga ba sa kanto?
O yung pulis na marami nang na-tokhang?
Hindi kaya ang senador ng oposisyon
Na laging bumabanat sa administrasyon?
O baka naman yung mamang komentarista
Sa radyo at telebisyon?

Saludo ako sa mga sundalo’t pulis na
Nakipaglaban doon sa Marawi. Walang
Sindak ang mga bombero na sumusugod
Sa nagngangalit na dila ng apoy.
Hindi matatawaran ang kagitingin ng
Mga nagpapakasakit para sa kalayaan
At kapakanan ng inang bansa.

Pero may ibang anyo ang katapangan
Na mas malalim at kahanga-hanga.
Ang katatagan ng puso at isipan sa gitna
Ng dusa at malagim na paghihirap.
Ang hindi pagsuko ng kaluluwang hindi
Kayang ibilanggo ng takot at banta ng paghihirap.

Si William Ernest Henley ang bayani ng
Katapangan na tinutukoy ko s’ya ay di nalupig
Kailanman. Hindi s’ya sumuko sa siphayo ng kapalaran
Hanggang sa huling sandali.

Pagnilayan natin ang kanyang Invictus:

“Mula sa gabing bumabalot sa akin,”

May mga kawawang nilalang na walang umaga
Ang kanilang buhay puro gabing madilim
ang laging umiiral. Walang liwanag, walang bukang-liwayway.
Mula pagkabata hanggang pagtanda puro hinagpis at pait
Ang kanilang laging sinasapit.

“Kasingdilim ng hukay na malalim,”

Maraming bangin sa buhay ng mga kapos palad
Na nakabaon sa dusa at hilahil. Hindi nila ito ginusto
Hindi kailanman pinangarap kaya’t hindi nila ito
Kailanman matatanggap.

“Sa mga diyos, ako’y nagpapasalamat”

Ang mga kawawang mahihirap at mga mangmang
Sa kaalaman na laging salat sa mabuting paliwanag
Ay laging nagpapasalamat sa diyos. Salamat sa diyos……
Hahaha….. walang diyos mga hangal. Kung may diyos
Wala sanang kahirapan at kaapihan na umiiral.

“Sa kaluluwa kong hindi natitinag.”

Katawang lupa lang ang sumusuko
Ang kaluluwa at pusong matatag
Kailanman ay hindi ito magagapi.

“Nahuli man ng pangil ng kapalaran,”

Ang pangil ng malupit na kapalaran
Ay laging nakabaon sa leeg ng mga hampas-lupa
At mga walang makain sa araw-araw.
Pero hindi nito kayang sakmalin ang mayayaman at
Ang mga burgis. Bahag ang kanyang buntot
Sa harap ng mga panginoon.

“Kailanma’y di nangiwi o sumigaw.”

Kahit sumigaw ka at ngumawa nang husto
Walang tutulong sa’yo, walang makikinig
Dahil bingi ang mundo at bulag ang mata
Ng panginoong mapagpala.

“Sa mga pagkakataong ako’y binugbog,”

Paos ang tinig ng mga inang mapapait kung humikbi
Mga pinanawan ng pag-asa at ulirat dahil sa pag-iyak
Walang saysay ang sumigaw – nakaka-uhaw ang
Pag-iyak magmumukha ka lang uwak.

“Ulo ko’y duguan, ngunit ‘di yumukod.”

Bakit ka naman yuyukod sa putang-inang kapalaran
Na walang alam gawin kundi ang mang-dusta at mang-api.
‘Wag mo’ng sambahin ang isang bathalang walang-silbi,
Lumaban ka at ‘hwag magpadaig.

“Sa gitna ng poot at hinagpis”

Galit at lungkot ito ang kapiling lagi
Ng mga sawimpalad. Malayo sa masarap
Na kalagayan ng mga pinagpalang sagana
Sa karangyaan at kapangyarihan.

“At sa nangingilabot na lagim,”

Nagmistulang horror house ang buhay ng marami
Walang araw na hindi sakbibi ng lagim, walang oras
Na hindi gumagapang ang takot. Takot sa gutom, sakit,
At pagdarahop.

“Mga banta ng panahong darating,”

Bakit ang mga walang pera ang paboritong
Dalawin ng katakot-takot na kamalasan sa buhay?
Ganyan ba ang itinadhana ng diyos na mapagmahal
At maunawain? Nakakatawa diba?
Pero ito ang katotohanan ng buhay.

“Walang takot ang makikita sa ‘kin.”

Tama si Henley bakit mo kakatakutan ang lagim
Na hindi mo naman matatakasan? Mas mabuti
Kung harapin mo ito ng buong tapang at kalma.

“Kipot ng buhay, hindi na mahalaga,”

Para sa isang lugmok sa pagdurusa wala nang halaga
Ang anomang pag-uusig at kahatulan na nag-aantay.
Impeyerno? Putang ina sino’ng tinakot n’yo mga ulol.

“O ang dami ng naitalang parusa.”

Parusa, ang buong buhay ko ay isang parusa.
Ano pa ang aking kakatakutan na parusa?
Hindi naging maligaya ang buhay ko ano pa
Ang mas malalang parusa na gusto mo’ng ibigay?

“Panginoon ako ng aking tadhana,”

Oo ako lang ang diyos na gaganap sa aking
Malungkot na buhay. Walang bathala akong
Tatawagin at kikilalanin ‘pagkat wala silang pakialam sa’kin.

“Ang kapitan ng aking kaluluwa.”

Walang iba na magpapasya sa aking tadhana
Ako lang hanggang sa wakas ng aking hininga
Ang dapat na umiral.

Si Henley ang tunay na matapang dahil kahit
Pinutol na ang kanyang mga paa, sa gitna ng sakit
At matinding dusa hindi s’ya sumuko. Ang kanyang
Kaluluwa ay nanatiling nakatayo.
Pusang Tahimik Feb 2019
Nagising mula sa maingay na telepono
Tinig na bumabati ng isang maginoo
Maligayang kaarawan saad ni Piccolo
Bumangon ka na riyan at pumarito

Katawan ay nakapako pa sa higaan
O, bakit ba kay lambot nitong aking unan?
Ang bumangon ay tila palaisipan
At ang panaginip ay nais pang balikan

Ngunit tatayo na upang mundo ay harapin
Sa labas ng pinto katotohana'y malagim
Sa likod nito ay papanhik pa rin
Sapagkat ang tumanggap ay natutunan ko na rin

Sa lugar kung saan ang lahat ay gaganapin
Lahat ng handog at pagbati ay tatanggpin
Ngunit tila nasa gubat at nag-iingat pa rin
Sapagkat maging sa mga banal ay may ahas pa rin

Sa wakas ang araw ay natapos na rin
Bulong sa sarili na tila ba aantukin
Ang araw na ito'y tiyak na lilimutin
Nang taong sa tiwala'y may suliranin
JGA
John AD Nov 2017
Malagim ang karanasan ng batang musmos na iniwan ng pagmamahal ng kanyang mga magulang,

Mga Magulang na inisip ang sariling kapakanan,Nagmahalan,nagkasakitan humanap ng iba iniwan ang bunga na sanhi ng pagkasira ng buhay ng kabataan,

Kelan ba matututong magmahal ng isa ang isang nilalang?
Habang buhay bang may masisirang pamilya na nagdudulot ng kalungkutan sa ating pamayanan ,

Pilit parin bang hahanap ng kaligayan na sisira sa kasiyahan ng sarili **** anak ,

" Ipinagpalit mo lang ang inaalagaan kong tiwala sa isang nilalang na kung tawagin ay hampaslupa ".
SaveYourFamily
Tanggalin ang - sa Pamilya upang mabuo muli ito.
John AD Nov 2017
Gaano ba kadaling ipagwalang-bahala ang isang bagay?
Iniisip mo parin ba ang kasiyahan,
O hindi mo na namamalayan , ang iyong kapalaran?

Marahil ngayo'y hindi mo pa naiisip ,na
Kinabukasan ngingiti ka parin ba o,
Palihim ka nalang sisilip.

Tignan mo ang kapwa mo kayod-kalabaw buong buhay
Habang ikaw nakaupo ka lang nakaharap sa modernong teknolohiya,
Sinusubuan ng pera at habang buhay ka na yatang magiging buhay maharlika, Ano?

Magmamasid ka nalang ba sa nangyayari?
O iisipin mo nalang ang ginawa mo nung nakaraan,
Malagim na nakaraan na dinadala mo sa kasalukuyan

Hindi puro kasiyahan ang takbo ng buhay ng tao
Kailangan din ng kahirapan,kalungkutan para makamit ang inaasam-asam,
Huwag kang tumunganga kumilos ka , Ano?

Hahanap ka ba ng paraan o ngingitian mo na lamang?
O iaasa mo nalang sa ibang tao , o sa pagod **** mga magulang,
Na nakaupo ka nalang hindi kumikilos naghihintay ng pera ni Juan?
JOJO C PINCA Nov 2017
Paunawa sa babasa:

Hiniling ng isa kong kaibigan na relihiyoso na gawan ko daw s'ya ng tula tungkol sa ikalimang wika ni Kristo noong nagdaang Mahal na Araw kaya kahit Atheist ako ay ginawa ko ang Free Verse (Malayang Taludturan) na ito.



“Nauuhaw ako”

Malalim ang baon ng mga pako sa kanyang mga kamay at paa. Mahigpit din ang pagkakatali ng lubid sa kanyang mga braso. Napapalibutan siya ng mga kaaway, nagsusugal at nag-iinuman ang mga sundalong Romano habang nililibak siya ng mga Pariseo. Tiyak na wala s’yang kawala. Naghahalo ang dugo at pawis magkasabay itong umaagos palabas mula sa kanyang katawan; hindi na rin n’ya maalala kung ilan ng sampal, suntok, sipa at palo ang kanyang natanggap. Sa gitna ng kanyang paghihirap binigkas ni Hesus ang kanyang ikalimang wika:

“Nauuhaw ako”

Kagabi lang bago s’ya dakpin ng mga tampalasan ay nagmakaawa s’ya sa hardin ng Getsemane at taimtim na hiniling sa kanyang Ama na kung maaari sana ay huwag na n’yang danasin ang paghihirap na ito. Subalit hindi s’ya dininig nito.

“Nauuhaw ako”

Siya ba ang kailangan na magdusa, obligado ba s’ya na bayaran ang kasalanan ng iba? Bakit s’ya ang inutusan ng kanyang Ama para akuin ang sala ng sangkatauhan? Masyadong mabigat ang pasanin na ito para sa isang hamak na karpintero na gaya n’ya.

“Nauuhaw ako”

Ito ba ang kapalit ng pagiging masunurin at mabuting anak ang masadlak sa laksang dusa at malagim na paghihirap? Nasasabik na s’yang umupo sa tabi ng kanyang ama; hinahanaphanap n’ya na ang papuring awit ng mga Anghel sa langit.

“Nauuhaw ako”

Nilikha ba ang sanlibutan at ang mga tao upang sa bandang huli ay maging mapaghimagsik sila at walang galang sa kanilang lumalang? Bakit punong-puno ng kalupitan at karahasan ang mundo?

“Nauuhaw ako”

Hindi sapat ang tubig o ano mang inumin para mawala ang kanyang uhaw na nagmumula sa puso; ang pag-ibig ng sangkatauhan ang kanyang inaasam.
0617

Nanlilisik ang Iyong mga mata
Sa poot buhat sa paglisan ko sa Iyong tirahan
Na noo'y inangkin ko sa pagkupkop Mo sa akin.

Binihasan Mo ako ng demokrasya at kasarinlan
Bagkus ako'y natupok ng malagim na nakaraan.
Talamak ang pananakit, panghuhusga at pagkamkam
At doo'y tila binawi Mo rin ang minsang mga pamana.

Naging mapusok ang aking pagkatao
Na sa halip na bumalik Sayo'y
Patuloy na nagpakain sa maling istilo.
Nagkunwari ako bagkus ako'y natalo
Ito ang pagpataw ng madilim na peligro.

Nagniningas ang Iyong mga mata
Na tila hubad sa init na pantunaw sa mga nakikita
Napapikit ako buhat sa pangamba
Hindi na ininda ang taas ng mga nakuha.

Sa pagmulat ko na parang pagbukas ng mga bintana
Namungad na pala ang Iyong pagpapala
At ang kislap ng Iyong pagtingi'y
Syang kalangitan at katuturan para sakin.

Ikaw ang misteryo sa aking kalbaryo
Ang tagapaghusgang walang ibang hangad
Kundi para sa aking benepisyo.
Maghari Ka, Ikaw ang Bituin.
lovestargirl May 2015
TAGUAN:
Sa ilalim ng nakakapasong init ng araw,
Tumatakbo tayong magkahawak ang kamay,
Nagbibilang hanggang isang daan,
papalayo sa tayang kalaro.

Sabi niya’y tagu-taguan,
at tayo nama’y nagbilang.
Ng isa, ng dalawa, hanggang tatlo.
At hangggang doo’y nanatili sa likod ng puno.

Ngumiti ka, at ako din. Tumawa ka, at ako din.
Saka napuno ng tawanan ang buong mundo ko.
Napuno ng ikaw at ako ang buong maghapon.
Hanggang sa bumaba na ang araw.

Rinig ko na ang tawag ni inay,
At naramdaman ang pagbitaw sa kapit ko.
Hindi mo man pansin ito,
pero para itong isang malagim na pagtatagpo.

Ngayo’y paalam muna,
Hanggang sa muling pagtatago, at pagtatagpo
Ng ating sabik na mga puso sa larong tayo’y tinago.
Sa mundong ating binuo, na tayong bumubuo.
111422

Namumuo ang pawis sa kanyang kamao
Tila ba sapat na ang mga galos na kanyang natamo.
At dali-dali nyang sinarhan ang silid
Na walang ni isang palamuti ng kapaskuhan,
“Nandito — nandito na ako sa ikatlong palapag,”
Aniya sa kabilang linya.

Kinuha niya ang lapis
Buhat sa luma nyang aparador —
Puno ng alikabok
Na kahit ilang pagpag na’y
Hindi naririndi sa pagbuga
Ng umaalingasaw nitong karumihan.

Naupo sya’t napapikit na lamang
Inaalala ang bawat detalye
Ang bawat katagang kanyang narinig
Ang bawat imaheng nais nyang takasan.

Nanginginig pa rin ang kanyang mga tuhod,
At nangangalay ang kanyang mga kamay.
Habang tumatagas ang pawis nyang
Kulay itim sa malagim na gabi.

Naghihintay ng sagot
Sa mga katanungang saksakan ng ingay
Sabayan pa ng sunod-sunod na putok
Ng mga sumasalubong ng Bagong Taon.

At sa kanyang di sinasadyang pagdungaw
Sa bintanang walang kurtina’y
Nabaling ang kanyang tingin
Sa buwang napakaliwanag
Tila ba may taglay itong kung anong elemento —
“Mahiwaga,” wika nya.

Ang mga larawan sa kanyang balintataw
Ay unti-unting gumuho
At napalitan ng imahe ng buwan .
Akala nya’y makakatakas na siya sa liwanag nito,
Akala nya’y ito na ang huling kathang
Kanyang maililimbag sa kanyang kwento.

Maya-maya pa’y sa dulo ng kanyang dila’y
Hindi nya maipaliwanag
Ang kung anong himig na kanyang sinasalaysay
Na tila ba may boses na nag-uutos sa kanyang
Bigkasin ang mga pangungusap
Na hindi nya ninais na sambitin.

Mahigpit ang pag-akap ng kanyang kamay
Sa lapis na guguhit at tutuldok sana
Sa kanyang masalimuot na nakaraan.
At muli nyang pinagmasdan ang kalangitan
Hindi na buhat sa sarili nyang bintana
Pagkat hayag sa kanya maging ang mga bituin.

Dahan-dahan nyang itinuro ang buwan
Gamit ang lapis nyang hindi man lang natasaan —
“Sayang, ngayon lang Kita nasilayan…
Sayang, pagkat hanggang dito na lamang.”

— The End —