Sutla ang iyong kutis,
Ilang inches na heels
iPad ang hawak
Ayan pa’t naka-Rayban
Kahit taglamig –
Ganyan dito sa abroad
Pasyal dito
pasyal doon
Higit sa lahat
Hindi barya ang sahod.
Padala sa Pinas,
Lahat ay winaldas
Dami pang pasakalye
Datong din pala
Palaman ng inyong mensahe.
Aba’t bida pala si bunso
Sa tropa’t sa eskwela
Hindi ba’t astig?
Pang-party nila’y
Siya ang laging taya!
Ang binata ko’y
Malaki na talaga
Kapapanganak lang daw
Ng bespren nya
Anak, tanong lang
ba’t sa handa nila’y
Ikaw ang itinoka?
Ang ilaw ng tahanan
Na siyang aking iniirog
Sabay sa uso
Nakasisilaw ang alahas
Inubos ata ang bawat perlas
Buti’t nakaahon pa’t
Ayan, kay kumpare pa
Siya’y nakakapit!
At ang nararapat
Na panglamang-tiyan
Kulang pa pala
Kanyang sinapupunan
May bagong buhay
Mahal, saan siya nanggaling?
Puso ko’y nalurak
Ako’y inahas na
Pinagsamantalahan pa
Akala nila’y ok lang
Akala ko’y may babalikan pa
Yung totoo,
Lata’y hiyang-hiya na
Humihikbi ito
Makatikim lamang ng barya
Wala na ang sahod,
Awitin ko’y “Palimos.”
(12/2/13 @xirlleelang)