Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Dec 2018
Mga buto ay nagsilbing haligi
sa binubuo niyang panaginip
marupok ito at bibigay
sa mahinang balakid
Tahimik nang naunsyami
Labing nakadikit, dila'y nakaipit

Bigkasin ang salita sa simula niyang
wika
Sa letra na  naguguluhan din
Papipiliting ibibigkas
Takot ay bumubulusok sa inaping
pangungusap

Parang ilusyon, ang paggawa ay ang
pagkaroon
ng kahit maliit na kabuuan ng loob
na hanap ay tagumpay
Pero sa paglubog ng araw
nagmistulang delusyon

Ang mga paa habang humahakbang
Panoorin hanggang sa pumanaw
sa liwanag, may anino
Tingnan ang lilim, lumalakad nang
pa-urong

Ganyan ang mundo
Ikulong na at igapos
Sa likod ng matiwasay na paggalaw
ay may lihim na naka-agapay
Ang maitim na misteryo na nakangiti

Ulap na sumasayaw, bungad at gayak
ng unang ngisi ng umaga
Isabay ang halimuyak sa monasteryo
ng prinsesang nagagalak

Ang dalangin na nagawi sa hangin
Kumpisal ng pag-ibig
Kaluluwa ng kasiyahan
ng musmusing pipit
Triste Nov 2018
Ang tula ay isang wasak na puso
At isang nababagabag na isipan
Na lumalakad sa mga bubog ng alaala
Duguang mga paa, saan ka pupunta?
Lumuluhang mga mata, ano ang iyong nakikita?
Kung ang kahapon ay nilisan na, sa pagsikat ng araw mananatili ba?
Kung ang sana ay isang mahigpit na yakap, kakapit ka ba?
Kung ang mga halik ay matamis na panaginip, gigising ka pa ba?
Kung ang kanyang mga kamay ay pangako ng isang umaga, bibitiw ka ba?
Ang tula ay mga salita ng unang pagkikita at mga yapak ng paalam na.
Elle Manabat Jan 2016
Iyak.
Iyak ng isang kobrang nakadikit sa dingding na kaya kong patahanin unti-unti sa bawat pihit.
Sa bawat patak ng luha nitong humahalik sa aking noo na dahan-dahang dumadausdos papunta sa aking mga pisngi.
Sa aking mga pisnging halos magkapasa na sa madalas **** pagpapaligo rito ng mga kurot.
Ang iyong mga kurot na siya namang nagpapahiwatig na hinding hindi ka magsasawa sa pagmumukhang ito.

Noon.
Hindi na ngayon.

Patuloy ang paggapang ng mga patak na maligamgam papunta sa aking mga labi na hindi pinalagpas ang pagkakataong ipaalala sa akin na
ang mga labi ito ay minsan nang nabigyan ng pagkakataong iwika ang kung ano mang hindi kayang maipahiwatig nang sapat ng aking mga haplos.
Ang mga labi kong minsan nang natikman ang tamis ng iyong gayuma.
Ni hindi pinatawad ang lasa ng tsisburger o ng kung ano man ang iyong kinain sa araw na iyon.

Ang mga patak na ngayo’y lumalakad na nang tahimik sa kahabaan ng aking leeg na siyang nagdurugtong ng aking ulo na kumukulong sa aking utak sa aking dibdib na naglalaman ng aking puso.
Ang puso kong bumulong nang paulit-ulit na para bang sirang plaka at nagsabing may pag-asa pa. Ang kumulit sa akin na maniwala sa tibay ng ating pagmamahalan.
Ang aking utak na nagsabing wala itong patutunguhan na tila’y totoo sapagkat ang ating mga kamay ay hindi makapagkokomunika nang mahabang panahon at may posibilidad pang hindi na muling magkatampo kahit pa ang mga ito’y kulu-kulubot na.
Ang karibal ng aking puso na aking pinakinggan.

Sayang.

Para bang ako ang paboritong manika ng kapalaran. Ang kanyang manikang paulitulit na pinaiikot sa isang tugtog na di ko kayang sabayan. Siya na tuwang-tuwa na makita akong naghihikahos sa pagbugbog ng bawat pagsubok.

Awat na.

Pihit.
Ayoko nang maalala pa ang pait na ipinapaalala ng bawat patak.

Pihit pa.
Tila'y isang patak na lamang ang ibubuga. Ang bawat halik ng tubig sa baldosadong sahig na lumilikha ng malungkot na tunog na “tik… tik… tik…”

Isang pihit nalang.
Isang pihit nalang at titigil na ang tila duet na paghugulgol ng ahas na nakadikit sa dingding na baldosa rin at ng ngayon ko lang napansin na umaapaw kong mga mata na kanina pa pala sumasabay sa agos ng tubig na dumadaloy sa aking mukha.

Tama na.
Tahan na.

/e.m/
Kasabay ng aking pagpikit
Ang pagsilip ko sa panaginip sa aking isipan.
Namumukod tangi ang Iyong kagandahan
At Ikaw ang nag-iisang kumikinang sa aking paningin.

Napapasilip ako
Sa likod ng lahat ng napakagandang palamuti,
Pagkat nariyan pala ang tunay na may-akda ng lahat.
Pagkat sa kabila ng naghihiyawang palakpakan,
Sa kabila ng mga ngiting bumabandera sa aking harapan --
Ang dahilan ng aking kalakasan.

Pagdilat ko'y tila bukang-liwayway na,
Hindi kumupas ang Iyong kagandahan.
Muli kong kinapa ang aking bulsa,
At muling naghagilap ng anumang umiingay sa aking kalupi.
Dahan-dahan kong pinakiramdaman
Ang magaspang na katauhang gawa sa pilak.
At buhat sa pagkakamulat,
Ay dahan-dahan akong pumikit
Na tila ba sumasabay sa unang pagpatak ng ulan.

Nangungusap sa aking konsensya
Ang tinig **** matagal ko nang hanap-hanap.
At sa naudlot na istorya sa entablado'y
Nagpatuloy ang aking paghahanap.
Hinahanap ko kung saan nagmumula
Ang tinig **** humihele sa akin
At nagbibigay galak sa puso kong
Uhaw sa malasakit at pag-ibig na tunay.

Nasaksihan ko ang paglisan ng bawat katauhang
Kailan lamang ay nasa akin ang pagtingin,
Ngunit ang lahat pala sa kanila'y
Syang palamuti at hindi tunay na kabahagi
Ng aking istorya.

Patuloy silang nalusaw
Gaya ng krayolang nilalaro ko sa apoy
Noong ako'y paslit pa lamang.
Na ang akala kong bubuhay sa pinipinta kong larawan
Ay hindi pala sapat sa magandang imaheng
Aking nasasaklawan sa aking imahinasyon.

Kusa silang naglaho na tila ako'y tinakbuhan lamang
At marahan akong napaluhod buhat sa aking kinatatayuan.
Gusto kong magsalita, gusto kong may masambit..
Gusto ko silang pigilan sa paglisan
Pagkat hindi ko ninais na mapag-isa
At patuloy na mangulila sa pagmamahal.

Kung pwede lang na sa gitna ng katahimikang ito'y
Kaya kong marinig ang sarili kong boses.
Kung pwede lang sa gitna ng aking paghihintay at pagsusumamo'y
Wag muna silang kumilos at aking mahanap
Ang tinig na akala kong susundo sa akin
Buhat sa paglimot ko sa aking sarili..

Namukod-tangi ang boses na aking hinahanap,
Naririnig ko na ang Kanyang mga yapak
Na tila ba patungo at palapit na sa akin.
Ngunit hindi ako makagalaw buhat sa pagkakayuko.
Ni hindi ko na masilayan pa kung sino ba ang paparating.
At dahan-dahan pa rin ang pagpadyak
Ng Kanyang sandalyas patungo sa akin.

At habang Siya'y lumalakad,
Ay dahan-dahan ding nagbago ang senaryo
Na aking kinalalagyan.
Narinig ko ang napakalakas na pagpaubaya ng alon,
Ang tunog ng kampanang magaan sa aking pakiramdam,
At ang mga humiheleng tila mga anghel
Na naging mitsa ng pagtatayo ng aking balahibo.

"Nasaan na nga ba ako?" Tanong ko sa aking sarili.
At muli kong narinig ang mga nagpupuring anghel
Na tila ba walang katapusan ang kanilang galak
At ako'y nadadala kung saan.

Hindi ko pa rin mabuksan ang aking mga mata
At wala akong masilayan maliban sa dilim
Na pilit kong nilalabanan at alisan.
Hinahanap ko pa rin ang tinig Nya
At nais kong tanggapin ang bawat salita mula sa Kanyang bibig.

Maya-maya pa'y narinig ko
Ang isang pamilyar na boses na tumawag sa aking, "Anak."
Habang ang aking kamay ay hawak-hawak pa rin
Ang pilak na muli ko sanang itatapon sa balon..

"Anak, halika na.. sabi ng doktor, may donor ka na raw.."
Sambit ng aking ina habang ako'y akap-akap
Sa kanyang mga maiinit na mga bisig.
Kusang tumulo ang aking mga luha
At sya nama'y humagulgol sa saya.

Walang salita ang sinambit naming dalawa,
Ngunit ang kanyang yakap ay humigpit.
At naramdaman ko ang kanyang mga luhang
Dumadampi sa aking balikat at sa aking damit.

At sa mga oras na iyo'y
Ang kanyang yakap ay higit pa sa lahat ng yakap sa mundo
Ang luha nya'y tila ba binabalot ng isang hiwagang
Nagpapakalma sa aking paghihirap.
Ang gaan ng aking pakiramdam,
Ang saya ng aking kalooban.

At doon ko natagpuan ang aking hinahanap,
At sa aking muling pagmulat
Kung saan may liwanag nang maaaninag,
Alam ko kung kanino na ako muling lalapit pa..
Alam ko, hindi ko man nasilayan ang lahat
Ngunit ang pakiramdam na iyo'y
Habambuhay kong nanaisin
At pasasalamatan.
pc Mar 2018
Kung sakaling pagbibigyan,
Ako ba'y iyong hahagkan
At hinding-hindi bibitiwan
Hanggang sa pagtila ng ulan?

Kung sakaling may pagkakataon,
Ang pag-ibig mo ba'y ipababaon
Tuwing lumalakad sa ambon
At pati narin sa habang panahon?

Kung sakaling itatadhana
Ng Makapangyarihang May-likha,
Ikaw ba'y hindi mag-aalintana
Na ako'y habangbuhay makasama?

At kung sakaling tayo'y hahadlangan,
Ako ba'y hinding-hindi mo iiwan,
Sasamahan mo ba ako sa digmaan
Upang tadhana'y ating labanan?
Ja Oct 2017
“Change is the only constant thing in this world.”
‘Yan ang sabi nila
Mula sa isang musmos na sanggol na noon ay gumapagang lamang
Ngayon ay lumalakad patungo sa landas na nais niyang puntahan
Papasok sa eskwelahan upang matuto
Tumatakbo at sumasabay sa karera ng buhay
Mga bagay na lumiliit at lumalaki
Mga gusaling nagsisitaasan
Mga paniniwalang binabago ng panahon
At mga damdamin na noo’y binubuo tayo
Ngayon nama’y nagpapaguho sa’ting mundo.
Oo, alam ko.
Alam nating lahat na walang hindi magbabago sa lugar na ‘to.
Maaring bukas ay masaya dahil andiyan siya
Andiyan sila
Makikinig siya
Makikinig sila
Ngunit sa susunod ay wala na
Mga pangakong binitawan
Nasaan na?
Napako na nga ba tulad ng iniisip at sinasabi nila?
Bukas makalawa maaring magbago ang ihip ng hangin
Hindi ko alam kung bukas ba ay ganoon pa rin
Maaring andiyan sila
Oo andiyan sila
Inuulit kong andiyan sila
Pero baka sa isang araw o isang buwan maaring sa isang taon  walang nakakaalam pagkurap ko ay maglaho na
Maglaho na parang bula
Na parang hindi sila nangakong parating makikinig
May dalawang klase ng pagbabago
Mga pagbabagong magpapatag sa’yo
Merong wawasakin ang buo **** pagkatao
Ngunit gagamutin mo ang iyong sarili
Tatayo ka gamit ang sarili **** paa
Dahil ikaw lang meron ka
Oo. Sarili mo lang ang meron ka
Kaya ikaw, oo ikaw.
Ihanda mo ang sarili mo sa pagbabago
Kagaya ko
Handa ako change
Pinaghandaan ko ‘to
Tinatanggap ko
Pero hindi ko sinabing hindi ako apektado.
Pusang Tahimik Dec 2021
Gaano kana kalakas
Sa dami ba ng mga bakas
Na iyong mga dinanas
Sa mundo na marahas

Gaano kana katatag
Hindi na ba binabagabag
Pader ba'y di na matibag
Mahusay na mapagpanggap

Lakas na saan kinukuha
Limot maging pagluha
Sa sakit o kirot natutuwa
At di na namamangha

Sa napaka tagal na mag-isa
Di na kailangan ng iba
Umaasa sa iba
O inaasahan ng iba?

Ang mamon ay bato na
Ito'y matagal na
Lumalakad mag isa
Nang walang pangamba!

Walang mapapala
Kahit ipilit ang salita
Ang lahat waring abala
Sa taong nasanay mag-isa

-JGA
Pusang Tahimik Jan 2022
Hangal na humahagilap ng salapi at material
Hangal na ipinagkakait sa kanya ang pagmamahal
Hangal na di lumalakad sa kanyang ipinangaral
Hangal na di makita ang halaga ng kanyang pagpapagal

Lubusang lumayo sa inaasahang pangako
Nagpalakad-lakad sa mapanganib na dako
Nagpaikot-ikot sa isip na liko-liko
Mga sumpa ba'y tuluyang mapapako?

Hangal na sumasabay saan man ang agos ng ilog
Gising nga ngunit patuloy na natutulog
Madadaya ang lahat ngunit sarili'y di mabibilog
Hahayaan na nga lang ba sa dilim ka mahuhulog?

Dakila nga sa lahat ng mga hangal
Bukas ang isip ngunit walang pagmamahal
Ano ba ang nais **** parangal
Ang buhay na Dakila o kamatayan ng Hangal

-JGA
pauline Jul 2019
Simula pa lang alam kong ako ay talo
Tumuloy pa din dahil sa tigas ng ulo
Sinunod ang puso at nagpadala sa agos
Hinayaang  malunod sa tamis ng sandali

Isang araw nagising ako sa aking mga luha
Naalalang kahapon pala natapos ang lahat
Mga paa natin ay humakbang sa magka-ibang direksyon
Lumingon at tinanaw ang anino **** lumalakad palayo

Ang dulo ng iyong daan ay sa kanya patungo
Sa simula pa lang ay sya na ang iyong dulo
Ang tayo ay sandaling hintuan lamang
Kung saan nagpalitan ng masasayang tawanan

Ang katotohanang hindi natin tinakasan,
Walang dapat palayain dahil kahit kailan hindi ka naging akin
At ngayon ito na ang ating realidad
Hanggang dito na lang at hindi na pwedeng dugtungan.
josh de guzman Oct 2019
Sa dinami daming posibleng dahilan
kung bakit kelangan nyong mag iwanan,
pagmamahal sa isat isa ang nagtulak
sa inyo sa kawalan

iniwan kita dahil mahal kita
iniwan mo ako dahil mahal mo ako

malabo mang isipin
na ang pusong di nagpapapigil magmahal
ang dahilan kung bakit naging malinaw ang lahat

anong tama sa maling nagawa?
anong mali sa tamang nagawa?

tumalikod, lumakad, tumigil,
lumingon, tumingin at hindi napigil.

lumapit, yumakap ng mahigpit,
bumitaw, lumayo sa isat isa
nagpupunas ng luha habang lumalakad
palapit sa kawalan
palayo sa pinakamamahal

— The End —