Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Kalyx Jul 2020
"Kalayaan" - Isang tula para sa kinabukasan
Lahat ng kabataan ay kayang lumaban
Sa bansa na hindi ipinaglaban
Animo'y pasista ang kanilang galawan
Hanggang sa pinatay nila nang tuluyan ang kalayaan

Inang bayan, parating na ang iyong kaarawan
Giniba ka na ng suntok ng mga kalaban
Sa iyong kaarawan, hindi ka pa rin ipinaglaban
Ngunit ang ginawa, pinaslang nila ang boses ng mga mamamayan

Sa demokrasya binagsak ang prangkisa
Na binagsak ulit ng mga pasista.
Sa likas ng tapang ng mga kayumanggi
Nandito na kami para bumawi

Ang kulay aking binabanggit,
Na akala ko noon ay pangit,
Pero taglay ito ng lakas
Para umalis ang mga nangahas

Sa ganda ng bansa natin, iisa lang naman ang kulay natin
Kaya naman nating isulong ang rebolusyon, para sa soberanya
Taglay naman natin ang sigaw ng pagkakaisa
Sapagkat, oras nang umaksyon ang masa.
#JunkTerrorBill
#ResistTyranny
#KalayaanIpaglaban
#ResistAsOne
#AtinAngKalayaan
solEmn oaSis Jan 2016
with a bit of "the significance of essence" (ang kabuluhan ng kakanyahan)

ako'y pinoy sa isip, sa puso't damdamin
at may paniwala sa sariling atin
gawaing pinoy maipagmamalaki
isigaw sa mundo at ipagsabi
na...
Dito sa Silangan ako ay isinilang
Kung saan nagmumula ang sikat ng araw
Ako ay may sariling kulay na kayumanggi
Ngunit hindi ko maipakita tunay na sarili
Kung ating hahanapin ay matatagpuan
Tayo'y may kakanyahan dapat na hangaan
Subalit nasaan ang sikat ng araw
Ba’t tayo ang humahanga doon sa Kanluran (Francis "kiko" Magalona)

(Gloc 9)
Bato bato sa langit
Ang tamaan’y wag magalit
Bawal ang nakasimangot
Baka lalo ka pumangit
Pero okay lang
Hindi naman kami mga suplado
Sumabay ka sa amin na parang naka eroplano
Sa tunog ng gitara
Kasama ng pinakamalupit na banda
Pati si "kiko"
Magaling-hindi parin kayang tapatan
Parang awit na lagi **** binabalik balikan
Stop-rewind i-play mo
Nakapakasaya na para bang birthday ko
Alam mo na siguro ang ibig kong sabihin
Hindi na kelangan pang paikutikutin
Baka lalong matagalan lang
Lumapit at makinig na para iyong maintindihan
Mga salitang sinulat na hindi ko papel
Pero pwede ilatag
Na parang banig na higaan
Kapag hinawakan ang mikropono parang nabubuwang
Eh kasi naman siguro
Ganyan lang kapag gumagawa kami ng bago
Medyo nabibilisan
Hindi mo naisip na pwedeng mangyari
Magkasamasama lahat ay kasali!

(solEmn oaSis)
minsan ko nang ipininta
aparisyon ng aking obra
doon,,, manipulasyon lamang ang kontra
pagkat ilusyon lang ang gamit kong tinta
o pareng makata
imulat ang mata
sa larawang likha ng madamdaming kataga
kung itutuon sa puso't isipan, titimo talaga
sa isang alagad ng sining
walang boses na matining
ang tulad nating mandirigma ay isinilang
upang ang kapayapaan ay isaalang-alang
bato-bato sa lawak ng langit
hinde tamaan wag magagalit
sa aking apat na sulok ng panitik
mensahe ko sa quadro ay hitik
ang lihim sa likod ng lalim
may gintong butil na di patitigil
lantaran man ang talinghaga
patagong kaway agwat ng kataga
sapagkat sa bawat pag-ani
ng parirala sa aking balarila
muli ngang sisibol itong binhi
at para sa kanya...ako ay nag-punla

(curse one)
bilang isang nilalang na sumumpang
mag hahatid ng mga musikang
kaylan man ay hindi maka-kalimutan
at inaalay kahit kanino man
patuloy lang susulat ng tulang
sumusugat-gumugulat ang kantang
nakaka-mulat ng mata. Anu mang
pag subok kayang kaya pag nag sama sama na
ang mga sundalo ng kalsada
“Habang iyang edukasyo’y nakaluklok sa dambana,
kabataa’y yumayabong nang mabilis at sagana,
nararating pati langit ng magiting niyang diwa;
sa siklab ng edukasyon kasamaa’y humihina,
alam niyang paamuin iyang bansang walang awa,
ang mabangis ay nagiging bayani ng kanyang lupa.” (Jose "pepe" Rizal)
Nilawis ng dilim ang mayorya ng mga ilaw sa kalangitan
Ang kapanglawan ng mga ulap na nagdaan ay nakakapangilabot
Kumikinang ang maliliit na butas sa telang itim na tumatalukbong sa himpapawid
At sa bawat minutong nagdadaan may tila bang may naglalaro sa balabal ng karimlan
Tila may kutsilyong pumupunit sa alapaap para makasilip ang liwanag
Ngunit muling isasara ang tastas na nagawa sa segundong ito'y nagsimulang bumuka

May mga bulalakaw na nagpakita.

Tayong limang nakahilata sa kamang kayumanggi na sinapinan ng damo
Agad-agad tumingala sa pag-asang tayo'y makakahiling sa mga nauupos na bato
Ang saglit na gumuhit ang bulalakaw ay nag-umapaw tayo sa tuwa
Halata ang paniniwala sa pamahiing matutupad ang pangarap kapag humiling ka
Sa isa't kalahating segundo na iyon na nagising ang ating mga diwa
Ang mga daliri ay nakaturo sa nagdaang hulagway na hindi na maibabalik

Sabay-sabay tayong pumikit.

At sa pagbukas ng mga bintana patungo sa ating mga kaluluwa
Ang isa sa atin ay nagreklamo; "Hindi ko nakita!"
At sa kanyang pagsamo sa uniberso na magbigay pa ng pagkakataong humiling
Paghalakhak at malarong panunukso ang nakuha niya mula sa atin
Habang ang mapangilabot na simoy ng hangin ay humaplos sa ating mga katawan
At ang katatawanan ay napalitan ng isang tanong walang kasiguraduhan:

"Kailan kaya ulit mangyayari 'to?"

Na tayo ay magkakasama sa isang pagkakataong
Walang inaalalang pagsalansang ng mundong hindi tayo
Na ang tanging balabal na bumabalot sa ating mga puso ay ang yakap natin sa isa't-isa
Na ang kalinawan ng ating mga isip ay nagiging malaya
Magpakita lagpas pa sa pagkislap sa gilid ng balintataw ng mata
Na kung saan, tayong matatalik na magkaibigan,

Tayo ay masaya.

Sa bawat pilit na pag-alpas natin mula sa bisig ng nakaambang
Mapanglaw na kinabukasan, tayo'y palaging magtatagpo dito
—Hindi ko sinasabing sa plazang ito kung saan ang usok ng sigarilyo ay lumulunod sa baga,
Kung saan ang mga punong nakahilera ay nakahubad at dayupay,
Kung saan lingid ang ating kagustuhan gawing tirahan ang tinalikdang plaza na ito—
Kung hindi, dito! Sa pagkakataong busilak ang tawanan at totoo ang ating pagkakaibigan

Sa huling pagkakataon tumingala tayo.

Lubusin natin ang pagkakataong kinakalmot ng mga anghel ang kalangitan
Magpakasasa tayo sa saglit na pinatotohanan natin ang pamahiin
Na kapag humiling ka sa bumabagsak na bituin ito'y magkakatotoo
Na inuulok natin ang isa't-isa ipikit ang mga mata sa bawat ilaw na gumuguhit
Sa himpapawid na madilim na mamaya ay babalik sa maulap na umaga
At sa nagbabadyang pagtatapos ng pag-ulan ng ilaw at muling pagbukas ng ating mga mata

Hanggang sa huling bulalakaw,

Kaibigan,

**humiling ka.
Read more of my works on: brixartanart.tumblr.com
070616 #12:27PM #ElNido

MAKATA ang lenggwahe ng pusong umiibig,
MAKATA ang katauhang ikinubli ang malasakit,
MAKATA ang kasarinlang may dalisay na panalangin.

Patungo sa may lalang na may misteryong grasya,
Kanyang isasakatuparan ang mistulang imposibleng eskima --
MAKA-DIYOS ang MAKATA.

Para sa pahalang na pakikitungo
Sa madlang baluti'y maskarang may bahid na kayumanggi --
MAKATAO, siyang daing ng MAKATA.

Sa Perlas ng Silanganang winawagayway ang bandila,
At sa udyok ng romantikong lupaing sinilangan --
MAKABAYAN ang pagpili ng MAKATA.

Heto ako't kumakatok sayong pintuang walang susi,
Pagkat kandado mo'y makasarili sa'king galak na pagbati.
Ikaw ang simbolo ng kabuuan ng pag-ibig na hinaharana,
Habang ako ang pariwarang napuno ng "baka sakali," o Sinta --
MAKA-TAYO ang MAKATAng may puso.
George Andres Aug 2016
Isang babae ang sumakay sa V. Mapa
Maikli ang buhok at kayumanggi
Nakapulang T-shirt at maikling shorts
Tsinelas na plastic ay may takong

Ang jeep ay mahaba, bago at maingay
Balahaw nito ang malakas na tugtugin
Ang barker ay mala trenta maging ang driver
Kung umasta ay tinedyer

Ang musika ay hindi musika
'Pagkat hindi lahat ng sinulat ay babasahin
Ni musika ang lahat ng tugtugin
Hindi musika kundi basura

Ang babae ay sumabay sa saliw ng tugtog
Kumanta nang may emosyon
Walang hiyang ikinampay ang kamay
At winasiwas ang yapos na sako

Hindi pa siya nagbabayad
Malamang wala siyang pera
Hindi siguro iyon ang dahilan ng tawanan
Sa kanya'y marahil may kakulangan

Nawala ang nagwawalang kanta
At nanahimik rin ang aba
Tulala sa kawalan habang may minamantra
Bakit kaya kabisado niya ang kanta?

Kung mayroon mang makapagsasabi
Ano ang nasa isipan ng isang tao
Na hindi rin masasabi kung ano
Paanong ang pag-unawa'y matatamo?

Sila ba talaga ang wala sa katinuan?
Kung sila ang ating pinagtatawanan
Kung mga mata nila'y walang bahid
Pahid ng alinlangan at pagdududa

Naririnig din ba niya
Sigaw ng barker sa kalsada?
Nararamdaman din ba niya
Dampi ng tubig ulan

Naiisip niya kaya
Kung ano ang kinabukasan?
Nagmamadali rin ba siyang makauwi
Dahil may exam kinabukasan?

Bumaba siya sa harap ng arko
Tumalon at masayang nagsayaw sa gitna
Tinunton ang daan sa Teresa
Di namalayang nariyan na siya
Sa patutunguhan niya
8416
041716

May mga bituing nais abutin,
Nangangalay ang diwa pagkat dapat habulin.
Ganoon pala ang pagtatagisan ng mga saranggolang itim,
Sisipatin ang isa't isa't may pandilig na patikim.

Ako'y musmos sa alok nitong ginintuang pangarap,
Dilubyo'y mabagsik bagkus may matinding yakap.
At doon matatagpuan ang haplos na hinahanap,
Ako'y alipin sa sahig na Langit ang sumusulyap.

Sa paglatag ng Liwanag na may bahaghari
Waring yuyukod siyang ulap na mapagkunwari.
At kanyang saplot, ihahanay nang sandali,
Saksi maging hanging nagtataingang-kawali.

Sa pagsalin ng hiningang latak ng kahapon,
Baon pala ang sakit hanggang dapithapon.
Ipipinta ang itsura ng sarong na maputi,
Siyang pupuri sa Langit na may bahid ng kayumanggi.

Tila baryang itinapon at nagkakalansingan,
Sa papag na mistulang may sawing kasintahan.
Mga tauha'y lalaban sa kuweba ng kadiliman,
At doon ang kandila'y panandaliang tatahan.

Babahagian ng yaman ang uhaw sa kalinga,
Hahagkan silang mga busal na walang isang salita.
Hanggang sa magkandiring muli sa saliw ng musika,
Silang tangan ang pising *may kakaibang mahika.
JOJO C PINCA Nov 2017
Paalam bayan kong sinilangan,
sintang katagalugan, lupain na sinakop
ng mga puting dayuhan; inalipin at binusabos
ng higit sa tatlong-daan na taon.

Kung hindi sana ako nakagapos
ay nasa larangan ako ngayon,
nakikipaglaban para sa iyong kalayaan;
subalit ako ay binihag ng mga taksil na kalahi,
kayumanggi ang kulay ng kanilang balat
subalit ugaling Kastila sila.

Alam ko na ito na ang aking wakas
dadalhin nila ako at si Procopio sa dako na di namin alam;
tanging diyos lang ang nakababatid sa aming sasapitin.
Sa punglo kaya o sa talim ng tabak kaming magkapatid ay masasawi?

Nalulumbay ako hindi dahil sa ako'y mauutas
kundi sa pag-aakala na masasawi ako sa kamay ng aking kalahi.
Kung dayuhan man lang sana ang sa akin ay papaslang mas matatanggap ko ito nang maluwag sa dibdib.

Paalam mahal kong Oryang,
Lakambini ng Katipunan,
ina ng aking anak at kabiyak ng aking dibdib.
Naiiyak ako sapagkat malungkot ang naging wakas ng ating pagsinta.

Kung magtagumpay ang himagsikan
at makamtan na ang layang inaasam
wag sana makalimutan ang mga nabuwal sa parang ng digma.

Kainin nawa ng lupa ang mga taksil sa bayan,
lunurin ng baha ang mga nakipagtulungan sa kaaway,
tamaan ng kidlat ang mga tampalasan na umibig sa dayuhan na mapang-alipin. Sumpain sila ng langit.

Nakapiring ang aking mga mata subalit nararamdaman ko na malapit na kami sa dako kong saan babasahin sa amin ni Komandante Lazaro Makapagal ang hatol ng konseho ng digma.

Payapa ang aking kalooban, walang pangamba.
Alam ko na ginawa ko ang nararapat, kailanman hindi ako nagtaksil gaya ng kanilang ipinaparatang.
Mabuhay ang Pilipinas, Mabuhay ang Rebolusyon.
Ilang buwan na ang lumipas
Nang gisingin ako ng agos  ng tubig sa dalampasigan
Puti ang buhangin
At kumakapit sa kayumanggi kong mga balat
Ang halik ng Haring Araw.

Laking-gulat ng lahat nang anurin ako
Ng napakalakas na hangin patungo sa Isla
At doon bumungad sa akin ang Pitong Karagatang
Mitsa ng aking pagbangon sa kasalukuyan.

Naghilamos ako sa maalat na tubig
At doo’y naging kakulay ko ang kanilang lahi
At inangkin nila ako
Gaya ng isang parte ng isang pamilya.

Bumukod ako sa pag-aakalang iba ako at iba sila
Hanggang sa ang ako ay para sa kanila pala
Nagbunga ang pagbuhos ng Langit ng kanyang kasiguraduhan
At doon ako'y hindi na isang dayuhan
At alipin ninuman.

Kinuha ko ang kurtina sa aking bintana
At tinapon ko sa aking likuran
Kasabay ng paniniwala kong babalik ang Araw
At ako'y muling aagusin ng napakalakas na alon kagaya noon
At sana --
Sana nga makabalik na ako
Sa aming tahana'y
Babalik na ako.
AUGUST Nov 2018
gamit ang panulat kong lapis
ang kwaderno ko'y untiunting numinipis
ang kalyo sa kamay ay aking tiniis
para lang maiparating itong ninanais

ang alay kong tula ay di matatapos
hanggat ang boses koy di magmaos
sayo ibibigkas at iaalay ng lubos
nang puso kong nahulog at sayo dumaosdos

alam kong di pa kita lubusang kilala
ang bagay na yun ay di na mahalaga
nabulag agad sa nakakasilaw **** ganda
Engkantada, ang kataohang di ko na pinuna

bakit nga ba? bigla akong nanghusga
minsan lang mapatinag sa kayumanggi **** mga mata
napasailalim sa hiwaga ng 'yong salamangka
wala ngang duda, Engkantada, balot ka ng mahika

kung ilalarawan ay wala kang katulad
aaminin kong isa ka sa aking hinahangad
wag ka sanang mabagabag ni umilag
kung sabay tayong malalaglag, di na ko papalag

saan pa ba ang dapat kong pagmasdan
kung may hihigit pa sa iyong larawan
maganda na ang aking tinititigan
basta ikaw lang ang nakaharang
Kalyx Jul 2020
Lahat ng kabataan ay kayang lumaban
Sa bansa na hindi ipinaglaban
Ang sakim ng imperyalistang kano ng kalawakan
Na Pinatay nila nang tuluyan ang kalayaan

O Inang bayan, sinaktan ka nang tuluyan
Sa ginawa ni kahel na agawin ang iyong yaman  
Sa ganda mo ginawang kang alipin ,ngunit hindi ka pa rin ipinaglaban
Sapagkat ang ginawa, pinaslang nila ang boses ng mga mamamayan.

O inang bayan, narinig ko ang sigaw ng proletaryo
Humahanay sa rebolusyon tungo sa sosyalismo
Sa likas ng tapang ng mga kayumanggi
Nandito na kami para bumawi

Ang kulay aking binabanggit,
Na sa mata ng mga puti ay pangit,
Pero taglay ito ng lakas
Para umalis ang mga nangahas

Sa ganda ng bansa natin, iisa lang naman ang kulay natin
Kaya naman nating pabagsakin ang imperealismo, para sa soberanya
Taglay naman natin ang sigaw ng pagkakaisa
Sapagkat, oras nang umaksyon ang masa.

#JunkTerrorBill
#ResistTyranny
#KalayaanIpaglaban
#ResistA­sOne
#AtinAngKalayaan
032316 #TagkawayanBeachToPPC #HawlingDay

Madaya ang dagat na tumatabi,
Umiiwas sa lalim na walang lebel.
Kung susukatin ang dipa ng pising ibinigkis,
Milya ang distansya ng berde't kayumanggi.

Pahiwatig ng hampas ng mga dahon,
Kanila ang lupang may paghuhumaling sa nayon.
Gayundin pala ang kurot
Ng latigong pakpak ang armas.

Hininga ay buhay
Sa baku-bakong daang
Nagmimintis sa tahanan.
Ilang gulong na kaya ang nagpatalyer?
At nausugan ng ilan pang mga panlupang sasakyan.

Napapagod ang likido ng Langit
Na siyang minsang lampas-lupang nagpakumbaba.
Napapagod ang Ilaw
Sa pagsirit ng kandilang hindi nauupos.
O ang mga ibong pumapagaspas
Sa ereng walang tiyak kung saan papadyak.

May mga kasuotang gula-gulanit,
Sila'y may mantsya't may kalakip na basbas.
Hindi maititikom ang pagsampal ng paa,
Mga paang piniling lumaya
Kahit tadtad sila ng kalyo.

Ganoon pala ang pagpihit ng duyang sandali lamang,
Ihihile ka nang saglit,
Sabay makikibaka sa panahong gusto niya.

Simple ang buhay,
Namamahinga't umiiling kadalasan.
Ni ayaw ang gintong luha,
Kalasag pala ng kanyang pagkatanda.
112622

Balikan natin ang mga pahina ng kasaysayan
Bagamat may iilang tekstong isinawalang-bahala na.
Mga pahinang hindi na nagawaran
Ng konkretong kalinawagan
Bunsod sa kusang pagpapasakop natin
Sa mga banyagang hayagang dumidikta
Sa ating kultura maging adhikain.

Hindi man natin nalimot
Na tayo’y minsang nakipisan sa mga bahay kubo,
Tayo pa rin ay tumawid sa lubid ng kamangmangan —
Ilang ulit na‘t tila ba hindi na tayo natuto sa mga kamalian ng nakaraan
Hindi lang tayo basta nabitag,
Bagkus rehas ay atin pang ipinagtibay.

Oo, tayo lang naman ang bumihag sa ating mga sarili
Kusang sumiping at nagpatali
Hanggang huli na nang mamalayang
Hirap na pala tayong kumawala
Sa mga buhol na tayo mismo ang may sulsi.

Iniibig natin ang Pilipinas gamit ang ating bibig
Ngunit ang bandilang ating iwinawagayway
Ay hindi na pala ang sariling atin.
Hindi masamang makisabay sa uso
Ngunit wag nating kaligtaan na tayo’y mga Anak ng Bayan.

Hindi rin mainam na tayo’y magpasakop
Sa samu’t saring ideolohiyang inihahain sa atin.
Pagkat hindi porket nasa hapag na’y
Ito’y para sa ating upang nanamnamin.
Wag kang hangal, Inang Bayan!

Isinisiwalat natin na tayo’y tunay na mga kayumanggi
Gamit ang mga sandatang hiram
Ngunit sa ating pakikibaka’y
Hindi ba sapat ang ating armas
At kailangan pang umasa sa kanilang lunas?

Pluma ang naging sandata noon
Ngunit maging ang ating Bayani’y
Hinayaan na nating maging pipi.
Mga lata’y maiingay
Sa araw-araw nating pakikipagkalakal.

Kahit saan tayo sumipat,
Tayo’y natutukso pa rin —
Bumibigay at bumibitaw, nalilimot maging tapat.
Aahon nang nakapikit,
Maging lenggwahe’y pahiram na rin.

At kung tayo ang huhusga
Sa ating walang modong mga nagawa’y
Linisin natin ang sarili nating mga dumi’t
Wag nang hayaang maging pabigat sa iba.

At Bandilang ginula-gulanit
Ay sama-sama nating susulsihing muli
Nang ang mga galos ng nakaraa’y
Maging umaapaw na pabaon sa ating mga iiwan.

Sa pamamagitan ng ating pagbubuklod,
Tayo’y magiging isang buong Pamilya.
At magbabalik ang sigla
Na minsan nating hinayaang kainin ng mga bukbok
At anay ng ating pagkawatak-watak.
kingjay Jun 2020
Sa iyong mukha ako'y natutulala
Ganda mo ay nagniningning na tala
Namumulang labi' t  manipis na  pisngi
Mala - porselanang balat kayumanggi

Mata ay malalim, puno ng hinala
Sa 'kin, bakit ramdam ang pang uusisa
Namumugto minsan sa yaong sandali
Iniwanan nang walang pag-atubili

Ng sinta mo na inakalang simula
Ng iyong pag-iibigan nang makalaya
Sa baryo natin, tigib ng bisyo' t tili
Ng mga tao na di magkamayaw lagi

Mga kapitbahay natin ay nagmumura
Mga tungayaw lagi ang sinasambitla
Ngunit ikaw ay palihim nagsisisi
Sa  luha **** malinaw na nagkamali

Sinisimsim ang habag na dinadala
ng hangin sa iyong maamong itsura
Dilag ka na pinupuri ng marami
Bakit mapusyaw ang ngalirang mga labi

At ang una mo na pagkakakilala
Sa akin ay hindi ganoong kasama
Ngunit matampuhin ka at naninisi
Sa aking maliit na pagkakamali

Kaibigan ang turing  sa isa't isa
Bakit nagagalit pag kausap iba
Sa di pagkakaunwaa' y titili
Ganun ba talaga pag minsan nasawi?
kingjay Dec 2018
Sa kubo na giba-giba ay nagbuntong-hininga
Nakatigil ang tanaw sa museo ng damdamin
Sinasaliwan ang kaganapan
Umuugnay ang mga pangyayari

Mabini dumaan sa bangkete
Dali-dali na binigyan ng upuan
Lahing kayumanggi ay di-palatandaan
Tanyag sa bansag na "Pamilya ng Perlas ng Silangan"

Isalin ang buhay sa ibang anyo ngunit di ang nararamdaman
Diyosa ng kagandahan ang kahawig ng minamahal
Maigsi ang oras ng pag-ibig
Natutuliro nang walang hanggan

Nang una malapitan, pisngi ay naging krimson
Naasiwa tumingin sa mga mata
Kailan nagsimula ang pag-ibig?
Nais sana ito'y sambitlain

Gaya ng mayuming baro't saya,
Ang alindog ay mahirap iwasan
Hinibo ang isip pati kaluluwa
Nang wala na sasagip sa pagkaalipin ng kanyang kamunduhan

— The End —