Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2019
Umiibig akong matapat ang puso,
sa iyo, O Sintang pithaya ng mundo.
Dilag na bulaklak sa harding masamyo,
sinuyo’t pinita ng laksang paru-paro.

Tinataglay nila’y mararangyang pakpak,
subalit ang nasa’y tanging halimuyak.
Iba sa bagwis kong luksa ang nagtatak,
sa mata ng iba’y isa lamang hamak.

Ako’y dahop-palad, niring mundo’y aba,
sa utos ng puso, ikaw’y sinasamba.
O! ang saklap naman, umagos ang luha,
pagkat lumilihis ang ating tadhana.

At niring landas ta’y lalong pinaglayo,
nang ikaw’y nabihag ng hari ng mundo.
Buong taglay niya’y di tapat na puso, 
tanging hangad lamang ang kagandahan mo.

Sinta ko ano pa ang aking magawa,
kung sa ngalan ng Diyos kayo’y tinali na?
Daloy ng tadhana’y mababago pa ba’t,
panaho’y balikang ikaw’y malaya pa?

Bihag ka na ngayong walang kalayaan, 
hawak ang mundo mo ng lilong nilalang
Wari'y isang ibong ang lipad may hanggan,
at ang yamang pakpak, dustang tinalian. 

Paano O! Sinta yaring abang buhay?
Ikaw’y tanging pintig nitong pusong malumbay.
Kung ikaw ang buhay ng buhay kong taglay,
Sa iyo mabigo’y sukat ng mamatay.

Subalit nasa kong lumawig sa mundo,
sapagkat buhay pa niring pag-ibig ko.
At ikaw O! Sintang namugad sa puso,
napanagimpan kong pinaghintay ako. 

Sa harap ng hirap na di masawata,
tanging asam ko’y lalaya ka Sinta.
At itong pagtiis ay alay ko Mutya,
mula sa puso kong nagdadaralita.

Maghihintay ako sa pagkakahugnos,
sa tanikala **** higpit na gumapos,
sa kalayaan na lubhang nabusabos,
at mariing dulot, galak na di lubos.

Ang aking paghintay akay ng pag-asa,
lawig ng pag-asa’y kambal ang pagdusa.
At ang dukhang pusong batis ng dalita,
tila pinagyakap ang pag-asa’t luha.

O! aking minahal ako’y maghihintay,
kahit walang hanggang paglubog ng araw.
Magtitiis ako sa gabing mapanglaw,
hanggang sa pagsilang ng bukang liwayway.

Yaong sinag nito’y ganap na tatapos, 
sa dilim na dulot ng dusa’t gipuspos.
Sinag na tutuyo sa luhang umagos, 
niring mga matang namumugtong lubos.

Yaong pamimitak ng mithing umaga,
araw na mabihis ng mga ligaya,
ang buhay kong abang tinigmak ng luha,
mula sa kandungan niring Gabing luksa.

Maghihintay ako sa gitna ng dusa, 
kapiling ang munting kislap ng pag-asa.
Magtitiis kahit sanlibong pagluha,
hanggang sa panahong muli kang lalaya.

Maghihintay akong di hadlang ang pagal, 
kahit ang panaho’y lalakad ng bagal.
Magtitiis ako pagkat isang tunay
itong pag-ibig kong sa puso’y bumukal.

Maghihintay kahit dulong walang hanggan,
na pagdaralita’t mga kapanglawan
Kahit di tiyak kong muling sisilang,
ang bukang liwayway na tanging inasam.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Matagal ng panahon ng iwan ka niya.
Hanggang ngayon, mahal pa din siya?
Lumisan siya bitbit ang pag-ibig mo.
Pero di patunay ang pag-ibig na naiwan sa iyo...
Oras, Araw, at maraming taon,
Inasam na maibabalik ang kahapon.
Pilit ipinaglaban ang pag-ibig na wagas
Ngunit ngayon, di maaming ito nga'y kumupas
Sa paglisan niya, hindi na muling umibig
Puso'y inilalaan sa pagdating ng iniibig
Ngunit kalungkutan ay hindi kinaya
Kaya pinilit magmahal ng iba
Ngunit hindi maipilit sa puso ang totoo
Na ang tunay na sinisinta, iba na ang mundo
Sarili mo'y ikinulong sa anino ng kahapon
Ang pag-ibig ng iba'y palaging tinatapon
Wala na siya, matagal na, malaya ka na
Wala na siya, iniwan ka, bakit pa aasa?
Kung sa simula pa lang, talo na diba?
Ngayon, heto ka at mukhang aba...
Wala na siya, matagal na, bakit ka ganyan?
Sa sakit na dulot niya, iba ang iyong sinasaktan...
Wala na siya, lumayo, tinupad ang pangarap
Hindi ka kabilang, di mo pa din tanggap?
Wala na siya, ano mang gawin, di na siya babalik...
Wala na siya, sinta, wag ng manabik
Wala na si Maria, ang Mariang mahal mo
Wala na siya, bakit hindi na lang ako? :(
Shan Coralde Dec 2015
Ako
Hindi ito isang tunay na kwento, hindi ito galing sa iba, ngunit sa akin lamang, isa itong imahinasyon na naisip ko, isang sitwasyon na inasam ko, isang mundo na magkasama tayo, ngunit kahit anong gawin ko, sa huli ay napaghiwalay tayo, wala akong maisip na pagtatapos na kung saan masaya tayong nagsasama, kung kahit ang simula nating dalawa ay hindi manlamang nag-umpisa.

Ako ay isa sa mga bilyong bilyong binatang umiibig, naghahanap, nag aasam, at nangagarap sa isang maliit na chansang sa akin ay may magmahal. Matagal man itong darating ako'y handang maghintay, basta't sa aking pag antay ika'y darating. Ayoko umasa, ayoko masaktan, ayokong umiyak, humagulgol na parang tanga sa loob ng kwarto ko. pero susugal ako kahit gusto kong sumaya, ngumiti, tumawa, at nais kang makasama. dahil nangako ka sa akin na tayo'y magsasama, maaring hindi ito mangyari dahil hindi tayo tinadhana, pero pipiliin ko ang masaktan bukas basta makakasama kita ngayon, siguro sa mata ninyo tatanga ako, pero kahit sino mang matalino, sa oras na inalay ng pag-ibig ang kamay niya, tayo ay isang mangmang na hindi na natuto sa paulit-ulit na naranasan natin at ng iba.

Kung kaya't makikiusap ako, sa diyos na may kapal, sa mundong umaastang kupal, na sa pag alis mo ika'y huwag nang tumalikod, upang sa buhay natin ang sakit ay ating malimot, kung kaya't nakikiusap ako, sa susunod na may dumating, ako'y iyong ibigin at ika'y aking mamahalin, Huwag mo akong iwan at ika'y aking sasamahan. Kung ito ay magagawa mo pangako ko sa'yo, lahat ito ay gagawin ko.
Second tagalog poem yo
Eugene Feb 2018
Tama na! Tama na ang mga pagtangis.
Tama na ang mga pagdurusang nararamdaman ng aking puso.
Tama na ang mga pasakit na pinapasan ko sa mahabang panahon.
Tama na ang mga luhang palagi na lamang pumapatak sa tuwing naiisip kong wala akong kuwenta!

Hanggang kailan ba ako dapat na aasa sa wala kung hindi naman akong kayang mahalin ng taong mahal ko dahil ako ay iba?
Bakit ko ipagpipilitang isiksik ang sarili ko kung sa simula't sapul ay hindi nila ako maintindihan?
Dalawang beses lang ako nagkamali at sa mga pagkakamaling iyon ay humingi ako ng kapatawaran pero bakit tila hindi ako pinakinggan?
Nasaan ang kalayaan kong ako ay dapat na pakinggan sa mga isiniwalat kong pawang katotohanan lamang?

Anong pruweba ba ang dapat kong ipakita upang mapagtanto nilang karapat-dapat din akong mahalin,
at bigyan ng pagkakataong
patunayan ang sarili kong hindi ako ang taong inakala nilang katulad ng taong kinamumuhian nila ng mahabang panahon?
Pera lamang ba ang kailangang maging dahilan upang mapansin ang kahilingan kong matagal kong inasam na makamit ito?

Tao pa ba ang tingin nila sa akin o bagay na kapag nakuha na ang gusto ay itatapon nalang nang walang pasubali at hindi na kayang balikan o kamustahin?

Hindi ako nagmamalimos ng pag--ibig mula sa kanila!
Ang gusto ko lamang ay tanggapin ako sa kung sino ako at kung ano ang nakaraan ko.
Sana ay bigyan naman nila ako ng puwang sa kanilang puso pagkat ako ay sabik na sabik na sila ay mahagkan nang mahigpit.
Kung buhay pa sana ang ilaw ng aming tahanan ay hindi niya pahihintulutang magkakaganito ako.

Tama na!
Tama na ang mga baluktot na katwiran!
Tama na ang mga salitang iyong binibitawang
Hindi sumasang-ayon sa nilalaman ng iyong puso at sa sinasabi ng iyong isipan.

Ikaw na nagmamahal pa, magmamahal pa ba,
Kung kaliwa't kanan ng ipinaparamdam sa iyo na hindi ka nararapat maging bahagi ng mga puso nila?
Ikaw na nagmamahal pa, magpapatuloy ka pa rin ba
kung tahasan ka nang itinataboy sa pintuan ng kani-kanilang damdamin at isipan?

Saan ka nga ba nagkamali?
Ang mahalin sila nang buong puso, tapat, at totoo?
O ang umasa ka sa mga mabulaklakin nilang mga salita
Na kasinungalingan lang pala ang lahat at hindi ikaw ang nais nilang makasama?
Euphrosyne Feb 2020
Sa isang istorya
Na nagpapatunay na
Mahal Kita
Kwentong tayo ang lumikha ,
Ikaw at Ako ang nakakaunawa ,
Oh kay sarap ding'gin
Kapag sayo nang gagaling
Ngunit sa panaginip lang aasamin

Tinadhana kaya ng maykapal
O sagot sa aking mga dasal ,
Pinagtagpo bakit tila napakalayo
Nagkasama bakit tila napakalabo
Pagmamahal na iyong ipinaranas
Lalasapin bawat oras

Ikaw , Oo Ikaw
Ikaw na minahal ko ,
Ikaw na inasam ko ,
ikaw na pinalangin ko ,
na sana'y din'gin mo
Kahit na wala ako .

Sadyang nakaka baliw ang mundo ,
Minsan nakakainsulto ,
Kung kailan mo natagpuan doon nasayang ,
Kung saan naging masaya doon biglang natapos ,
Kung kailan mo naramdaman ang buhay doon ka
unti unting pinapatay

Bakit ? Bakit ?
Bakit may katapusan?
Naging masaya pero bakit sandali ?
Bakit kung kelan ako nakabuo ng kwento'ng tayo ang bida saka ka nawala aking istorya

Iaasa pa ba sa panahon ?
Isisigaw hanggang tumahan
O Ipapaagos nalamang sa mga alon
Hihintayin pa ba ang pagbabalik ng dati ?
Noong Mahal mo ako at mahal kita ,
Noong sabay sa pagtawang walang humpay
Mga ngiti **** pamatay
Mga mata **** walang humpay na nakakapukaw ng atensyon
Dating ako, ikaw, ang diyos at ang tayo

Hanggang dito na lang ba ?
Hanggang sa ala-ala nalang magiging masaya ?
Hanggang dito nalang ba ang istorya ?
Sa isang imahinasyon'g Ikaw na walang ako
At tayong walang tayo?
Ito'y isang istoryang hindi ko malilimutan na ikaw at ako ang nilalaman.
8 Nang gabi ding iyon
Sila’y napuno ng imahinasyon

9 Pawang tuliro’t nahirapan
Sa pagtulog ang mga naturan

10 Ang prinsipe’y sobrang namangha
Sa ganda’t alindog ng dalaga

11 Ang dalaga’y puspos kilig
Sa prinsipeng kumabig

12 Animo’y lumulutang sa mga tala
Ang pakiramdam ng binata’t dalaga

13 Ninais-nais ng prinsipe
Na muling makita ang babae

14 Inasam-asam ng dalaga
Na makatagpo muli ang binata.

-06/15/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 128
Jun Lit Nov 2019
Noong musmos pa’y sabaw
sa isang malukong na pinggan
puno ng kaning may kaunting tutong
pagkaliban ko ng bakod, ika’y nakasalubong
kalooban ko’y kimi, dila ko noo’y urong

wala sa aking hinuhà,
walang sinangguning manghuhulà
sino ba’ng mag-aakalà
marmol **** bantayog
gatô palang kahoy ang loob
nang katotohana’y nabantog
sa kaunting yanig, gumuho ang moog

huwag daw sasamba sa mga d’yos-d’yosan
ngunit tila larawan ka ng may-kabanalan
haliging inasam na masasandalan
sa ilaw ko pala’y naging tampalasan

imaheng nadurog ay dagok sa aking likod,
at tila balisong na sa puso’y kumadyot
kulang ba ang hikbi ng pusang malambot?
labis bang nagmahal ang asong malikot?

Mahabang panahon ginugol, dumaan
Ang kapeng mainit lumamig,
Napanis na’t nakalimutan

Sa paglalakad, dinampot, hinimay
ang duming iniwan ng mga alamid
matiyagang pinagyaman
Isinangag ng paulit-ulit sa nagmumuning isipan
Giniling sa puso tumanaw sa pinagmulan
Tinimplahan ng matam-is na kapatawaran
Paglagok ng mainit, aking naramdaman
Tiwasay ang dibdib, may kapayapaan.
My ninth in my Brewed Coffee Poems series - poems much influenced by my memories of my old home and childhood in Lipa, Batangas.

— The End —