Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Andrei Corre Aug 2017
At sa pagkagat ng dilim
Kasabay ng pamamaalam ng araw sa'tin
Mahihimlay ko sa sulok ng apat na dingding
Huhubarin ang mga ngiti, ipapahinga ang bibig at ibababa ang hinlalaki kong kanina pa nangangawit
Sa kapapaalala sa mundo na ayos lang
Na makakatagal pa ko ng kahit sampung minuto

Sampung minuto---
Ito lang ang kailangan para tuluyan nang tapusin ang sinimulang kwento natin
At sampung minuto para dapuan ka nila ng tingin at sabihin sa'king
Kailangan na kitang talikuran
Ngunit di na ko inabot ng sampung minuto pa para pakingga't tupdin sila
Dahil sampung segundo lang---
Isa, dalawa, bitaw na, bitaw
Lima, anim, ayoko pa, ayoko pero
Siyam, sampu...ay nagawa na kitang bitawan
Ang sabi kasi ni nanay ay di ka nararapat para sa'kin
Sabi ni tatay pag-aaral ko muna ang atupagin
Ang sabi nila ay dapat ko silang sundin
Ang mga bumuhay at nag-aruga sa akin ay dapat na lagi kong susundin

Huwag mo nang gawin yan, ito ang mas bigyan **** pansin
Di yan makabubuti para sa'yo, bat di mo na lang tularan ang kapatid mo
Ang lalaki dapat ay matikas
Ang tanga tanga mo, wala kang mararating diyan
Kahit sino kayang makagawa ng ganyan, magsundalo ka na lang
Dinaig ka pa ng nakababata sa'yo?
Dapat pareho kayong tinitingala ng tao

Kaya't binigo ko ang nag-iisa kong pag-ibig at sumuong sa digmaang di ko kailanmang naisip
Dahil dapat lagi pa ring susundin ang mga bumuhay at nag-aruga sa'kin, mga bumuhay at nag-aruga sa'kin dapat kong sundin, ang sa'kin ay nag-aruga't bumuhay lagi pa ring susundin
Nay, yakapin mo ko't pahupain ang hapdi
Kaya, Tay, tapikin mo ko sa balikat at sabihin **** tama ang ginawa kong pagtupad sa pangarap mo
Dahil tapos na tapos na ko
Pagod na pagod na ko
Sa panonood sa pagkislap ng mga mata ni bunso
Mga kutikutitap na di mapapasakin dahil ang mga mata ko'y namumugto
Mga matang naniningkit na katatanaw sa sarili kong mga pangarap
Dahil ng mg paa ko'y habol ang bawat dikta't kagustuhan niyo

Sawa na kong pilit pantayan si bunso
Dahil kahit anong gawin ko'y di bubukal sa'kin ang kaligayahan
Di tulad niyang may malayang kinabukasan
Ako'y may busal ang bibig, may taling mga kamay, nakakulong sa ekspektasyon ng sarili kong mga magulang

Pagod na ko, ayoko na
Ayoko nang marinig ang "Tingnan mo siya,buti pa siya, mas magaling pa siya..."
Hindi ako binigay sa inyo para ikumpara niyo sa isa niyo pang anak at sa anak ng iba na hinihiling niyong meron din kayo

Gusto ko lang naman marinig na may tinama ako kahit papano, kahit kapiranggot
Gusto kong marinig ang "Salamat" at "Mahal kita" at "Ipinagmamalaki kita" dahil tapos na tapos na ko
Pagod na pagod na kong
Habulin ang liwanag ng talang matagal nang namatay sa kalawakan
Kaya Nay, Tay
Ako po muna
Ako naman ngayon...
Dhaye Margaux Oct 2016
Kung ikaw ay isang senador,  ano ang hakbang mo
Paano mo aalamin para malaman ang totoo
At kung alam mo na, isisiwalat mo ba ito
Kung ang madidiin ay isang kaibigan mo

Kung ikaw ay isang mambabatas,  ano kaya ang gagawin
Kapag nalaman ang totoo,  paano ito sasabihin
Kung ang kaibigan o pamilya ang siya namang madidiin
O patutunayan **** ang batas ay nababaluktot mandin

Kung ikaw ay isang mamahayag,  paano ka magsasalita
Doon ka ba sa totoo o kung saan ka may mahihita
Lalo na kung nais mo ring sumikat sa pagbabalita
Basta ba may narinig ka'y isisiwalat mo sa madla

Kung ikaw ay isang pari o kaya'y pastor ng simbahan
Ang puso mo ba ay malapit sa taong naghandog sa 'yong kawan
Utang na loob mo ba ang iyong isasaalang-alang
Dahil ang kawan na hawak mo ay kaniyang natulungan

Paano mo ihahayag kung ikaw ay isang ****
Sa mga kabataang sa harap mo'y nakaupo
Naghihintay ng liwanag,  ng dunong na isusubo
Kung ano ba ang nais mo sa kanila'y ituturo

Kung ikaw ang presidente,  makakaya mo bang lahat
Ang sugpuin ang problemang sa nuno pa natin nag-ugat
Ibababa mo na lang ba ang ngalan ng Pilipinas
Upang laging mayrong tulong sa ibang bansang ngayo'y sikat

Kung ikaw na karaniwang mamamayan na tulad ko
Nag-iisip,  nangangarap ng mabuti sa bayan mo
Ang makita sa 'sang sulyap, paniniwalaan ba ito
O pag-aaralang mabuti kung totoo ang narinig mo

Tayong lahat ay malaya,  malaya kang magpahayag
Malaya kang maniwala kung kanino ka mahahabag
Kung kanino magagalit, kung sino ang nililiyag
Ngunit isipin mo sana ang bukas ng ating mga anak.
Paano nga kaya?
Ang sarap sa labas ayaw mo bang magpahangin?
Sa tabi ng ilog may malaking puno, higa tayo sa lilim.
Magtatagpo, tatakbo, magtatago.
Hangga't umabot sa kwentong kala mo walang dulo.

Bakit ayaw mo yatang lumabas?
Kasama mo ako ika'y ililigtas.
Di kita masisisi kung ang tingin mo sa mundo,
Ay puro kasinungalingan, kala mo'y impyerno.

Payag naman akong dito na lang maghabulan,
Sa apat na sulok ng kwarto tayo'y magtaguan.
Ibababa ko ang kurtina, ikaw ang taya.
Sa apat na sulok ng kwartong 'to, tayo'y malaya.

Bigla akong nagising, wala ng katabi.
Narinig kong katok pala ay guni-guni.
Biglang tumunog aking telepono.
'Nasa pinto ako' sabi ng boses mo.

Payag naman akong dito na lang maghabulan,
Sa apat na sulok ng kwarto tayo'y magtaguan.
Ibababa ko ang kurtina, ikaw ang taya.
Sa apat na sulok ng kwartong 'to, tayo'y malaya.
073115

Ang pagpara'y naging daan
Hindi alintana ang trapik
Kumukutitap ang asul
Patungong berde ng panimula.

Di naglao'y nagbadya ang motorsiklong itim
Medyo napasilip, kahit saglit
Biglang nautal ang pag-iisip
Baka sakaling ikaw ang kumakarera nito.

Pinagmamasdan ko ang mga kamay ko
Baka ang bukas ay maging ngayon,
Yan ang isip ko.

Panandalian akong napatingin
Medyo kumakapit sa bakal,
Ibababa ko ang mga kamay
Sabay paulit-ulit lang,
Pagkat nakakangalay.

Kaya pala ang bagal nang takbo mo
Lumagpas ka nang diretso pati ang paningin
Hindi ka man lang lumingon
Hindi ka man lang napatingin
Kahit distansya nati'y
Segundo lang ang milya
Ganoon tumibok ang oras.

Napapikit ako
Nagulat pagkat tama ang akala
Hindi nais na ganoon ang pagkikita
Akala ko kasi'y lumisan ka na
Akala ko kasi'y sa susunod pa ang balik
Pero haharurot sa kalsada,
Naghahari-harian sa eksena.

Hindi ako galit sa tadhana
Na naglalapit sa atin sa isa't isa
Hindi ko na nga hinihiling na ikaw na
Iniwan ko na ang alinlangan sa kalsada.

Napakapit ako sa bilis ng takbo
Ang pusong walang tibok,
Walang mintis kung sinusubok
Nangangalay ang pagtitiis
Ang hirap pala ng posisyon ko,
Tinatalikuran, dinaraanan lang
Nilalagpasan lang,
Nauusukan, nasasaktan
Ayoko na lang sa backride.

"Para na, Kuya."

— The End —